< Isaias 63 >
1 Sino ito na nanggagaling sa Edom, na may mga kasuutang tinina mula sa Bosra? itong maluwalhati sa kaniyang suot, na lumalakad sa di kawasang lakas? Ako na nagsasalita ng katuwiran, makapangyarihang magligtas.
Sino itong dumarating mula sa Bozra, nasa Edom, na nakadamit na pula? Sino siyang naka maharlikang kasuotan, nagmamartsa nang may katiyakan dahil sa kanyang dakilang kalakasan? Ako ito na nagsasalita ng katuwiran at may makapangyarihang kakayanan magligtas.
2 Bakit ka mapula sa iyong kasuutan, at ang iyong damit ay gaya niyaong yumayapak sa alilisan ng alak?
Bakit pula ang suot mo na mukhang nagpipisa ka ng mga ubas sa pigaan nito?
3 Aking niyapakang magisa ang alilisan ng alak; at sa mga bayan ay walang isang sumasa akin: oo, aking niyapakan siya sa aking galit, at aking niyurakan sila sa aking kapusukan; at ang kanilang dugong buhay ay pumilansik sa aking mga suot, at natigmak ang buong suot ko.
Mag-isa kong tinapakan ang mga ubas sa pigaan, at walang sinuman mula sa mga bansa ang sumama sa akin. Tinapakan ko sila sa aking poot at dinurog ko sila sa aking matinding galit. Tumilamsik ang kanilang dugo at minantsahan ang lahat ng aking kasuotan.
4 Sapagka't ang kaarawan ng panghihiganti ay nasa aking puso, at ang taon ng aking mga tinubos ay dumating.
Dahil inaasam-asam ko ang araw ng paghihiganti, at dumating na ang taon para sa aking pagtubos.
5 At ako'y lumingap, at walang tumulong; at ako'y namangha na walang umalalay: kaya't iniligtas ako ng aking sariling kamay; at ang aking kapusukan, ay umalalay sa akin.
Naghanap ako pero walang sinuman ang makakatulong. Nagtaka ako na walang makakatulong, pero ang aking sariling bisig ang nagdala sa akin sa katagumpayan at pinalakas ako ng aking matinding galit.
6 At aking niyapakan ang mga bayan sa aking galit, at nilango ko sila sa aking kapusukan, at ibinubo sa lupa ang kanilang dugong buhay.
Sa aking galit dinurog ko ang mga mamamayan at sa aking poot nilasing ko sila, at isinaboy ko ang kanilang dugo sa lupa.
7 Aking babanggitin ang mga kagandahang-loob ng Panginoon, at ang mga kapurihan ng Panginoon, ayon sa lahat na ipinagkaloob ng Panginoon sa amin, at ang malaking kabutihan na kaniyang ginawa sa sangbahayan ni Israel na kaniyang ginawa sa kanila ayon sa kaniyang mga kaawaan, at ayon sa karamihan ng kaniyang mga kagandahang-loob.
Sasabihin ko ang mga gawa ng katapatan sa tipan ni Yahweh, ang mga kapuri-puring mga ginawa niya para sa atin at ang kanyang dakilang kabutihan sa bayan ng Israel. Ang kahabagang ito ay naipakita niya sa atin dahil sa kanyang awa at sa maraming mga gawa ng katapatan sa tipan.
8 Sapagka't kaniyang sinabi, Tunay, sila'y aking bayan, mga anak na hindi magsisigawang may kasinungalingan: sa gayo'y siya'y naging Tagapagligtas sa kanila.
Dahil sinabi niya, “Tiyak na sila ang aking bayan, mga anak na hindi taksil.” Siya ay kanilang naging Tagapagligtas.
9 Sa lahat nilang kadalamhatian ay nagdadalamhati siya, at iniligtas sila ng anghel na nasa kaniyang harapan: sa kaniyang pagibig at sa kaniyang pagkaawa ay tinubos niya sila; at kaniyang kinilik sila at kinalong silang lahat noong araw.
Nagdusa rin siya sa lahat ng kanilang pagdurusa at ang anghel mula sa kanyang presensya ang nagligtas sa kanila. Sa kanyang pag-ibig at habag sila ay kanyang iniligtas, sila ay kanyang itinaas at iningatan sa buong sinaunang panahon.
10 Nguni't sila'y nanganghimagsik, at namanglaw ang kaniyang banal na Espiritu: kaya't siya'y naging kaaway nila, at siya rin ang nakipaglaban sa kanila.
Pero sila ay nagrebelde at pinighati ang kanyang Banal na Espiritu. Kaya siya ay naging kaaway nila at nakipaglaban sa kanila.
11 Nang magkagayo'y inalaala niya ang mga araw nang una, si Moises at ang kaniyang bayan, na sinasabi, Saan nandoon siya na nagahon sa kanila mula sa dagat, na kasama ng mga pastor ng kaniyang kawan? saan nandoon siya na kumakasi ng kaniyang banal na Espiritu sa kanila?
Naalala ng kanyang bayan ang tungkol sa sinaunang panahon ni Moises. Sinabi nila, “Nasaan ang Diyos, na naglabas sa kanila sa dagat kasama ang mga pastol ng kanyang kawan? Nasaan ang Diyos na naglagay sa kanila ng kanyang Banal na Espiritu?
12 Na inaakbayan ng kaniyang maluwalhating bisig ang kanang kamay ni Moises? na humawi ng tubig sa harap nila, upang gawan ang kaniyang sarili ng walang hanggang pangalan?
Nasaan ang Diyos, na naglagay ng kanyang dakilang kapangyarihan sa kanang kamay ni Moises, at hinawi ang tubig ng dagat sa kanilang harapan para gumawa ng walang hanggang pangalan para sa kanyang sarili?
13 Na pumatnubay sa kanila sa mga kalaliman, na parang isang kabayo sa ilang, upang sila'y huwag mangatisod?
Nasaan ang Diyos na pinangunahan sila sa pagtawid sa malalim na dagat? Tulad ng isang kabayo na tumatakbo sa patag na lupa, sila ay hindi nadapa.
14 Kung paanong ang kawan na bumababa sa libis, ay pinapagpapahinga ng Espiritu ng Panginoon: gayon mo pinatnubayan ang iyong bayan, upang gawan mo ang iyong sarili ng maluwalhating pangalan.
Gaya ng baka na bumababa papunta sa lambak, ganun din sila binigyan ng kapahingahan ng Espiritu ni Yahweh. Kaya ginabayan mo ang iyong bayan para sa kapurihan ng iyong sariling pangalan.
15 Tumungo ka mula sa langit, at tumingin ka, mula sa tahanan ng iyong kabanalan at ng iyong kaluwalhatian: saan nandoon ang iyong sikap at ang iyong mga makapangyarihang gawa? ang iyong pagmamagandang-loob at ang iyong mga habag ay iniurong mo sa akin.
Tumingin ka mula sa langit at magbigay pansin mula sa iyong banal at maluwalhating tahanan. Nasaan ang iyong kasigasigan at makapangyarihang mga gawa? Ipinagkait sa amin ang iyong awa at habag.
16 Sapagka't ikaw ay aming Ama, bagaman hindi kami kinilala ni Abraham, at hindi kami kilala ng Israel: ikaw, Oh Panginoon, ay aming Ama, aming Manunubos na mula sa walang pasimula ay siya mong pangalan.
Dahil ikaw ay aming ama, kahit hindi kami kilala ni Abraham at hindi kinikilala ng Israel, ikaw, Yahweh, ang aming ama. 'Aming Manunubos' ang naging pangalan mo mula pa noong sinaunang panahon.
17 Oh Panginoon; bakit mo kami iniligaw na inihiwalay sa iyong mga daan, at pinapagmatigas mo ang aming puso na inihiwalay sa takot sa iyo? Ikaw ay magbalik dahil sa iyong mga lingkod, na mga lipi ng iyong mana.
Yahweh, bakit mo kami hinayaang maligaw mula sa iyong mga landas at tumigas ang aming mga puso kaya hindi ka na namin sinusunod? Bumalik ka para sa kapakanan ng iyong mga lingkod, ang mga lipi ng iyong pamana.
18 Inaring sangdali lamang ng iyong banal na bayan: niyapakan ng aming mga kaaway ang iyong santuario.
Ang bayan mo ang nagmay-ari ng iyong banal na lugar sa maiksing panahon, pero pagkatapos niyurakan ito ng aming mga kaaway.
19 Kami ay naging gaya ng hindi mga pinagpunuan kailan man, gaya ng hindi nangatawag sa iyong pangalan.
Kami ay naging tulad ng mga hindi mo kailanman pinamahalaan at tinawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.”