< Isaias 59 >

1 Narito, ang kamay ng Panginoon ay hindi umiksi, na di makapagligtas; ni hindi man mahina ang kaniyang pakinig, na di makarinig.
Pagmasdan ninyo, Ang kamay ni Yahweh ay hindi napakaigsi para hindi ito makapagligtas; ni ang kaniyang pandinig ay napakahina, para hindi ito makarinig.
2 Kundi pinapaghiwalay ng inyong mga kasamaan kayo at ang inyong Dios, at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagpakubli ng kaniyang mukha sa inyo, upang siya'y huwag makinig.
Ang inyong makasalanang mga kilos, gayunman, ay naghiwalay sa inyo mula sa inyong Diyos, at dahil sa inyong mga kasalanan ay nagawa niyang maitago ang kaniyang mukha mula sa inyo at mula sa pakikinig sa inyo.
3 Sapagka't ang inyong mga kamay ay nadumhan ng dugo, at ang inyong mga daliri ng kasamaan; ang inyong mga labi ay nangagsalita ng mga kasinungalingan, ang inyong dila ay nagsasalita ng kasamaan.
Dahil ang inyong mga kamay ay narumihan ng dugo at ang inyong mga daliri ng kasalanan. Ang inyong mga labi ay nagsasalita ng mga kasinungalingan at ang inyong dila ay nagsasalita ng may malisya.
4 Walang dumadaing ng katuwiran at walang nanananggalang ng katotohanan: sila'y nagsisitiwala sa walang kabuluhan, at nangagsasalita ng mga kasinungalingan; sila'y nangaglilihi ng kalikuan, at nanganganak ng kasamaan.
Walang isa man ang tumatawag sa katuwiran, at walang nagsusumamo ng kaniyang kalagayan nang totoo. Sila ay nagtitiwala sa walang kabuluhang mga salita, at nagsasabi ng mga kasinungalingan; sila ay nagbabalak ng kaguluhan at nagbubunga ng kasalan.
5 Sila'y pumipisa ng mga itlog ng ahas, at gumagawa ng bahay gagamba: ang kumakain ng kanilang itlog ay namamatay; at ang napipisa ay nilalabasan ng ulupong.
Sila ay nagpipisa ng mga itlog ng isang makamandag na ahas at naghahabi ng sapot ng gagamba. Sinuman ang kumakain ng kanilang mga itlog ay namamatay, at kung ang isang itlog ay mapisa, ito ay napipisa para maging isang makamandag na ahas.
6 Ang kanilang mga bahay gagamba ay hindi magiging mga kasuutan, o magsusuot man sila ng kanilang mga gawa: ang kanilang mga gawa ay mga gawa ng kasamaan, at ang kilos ng karahasan ay nasa kanilang mga kamay.
Ang kanilang mga sapot ay hindi maaaring magamit para sa mga kasuotan, ni maaaring takpan nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng kanilang mga gawain. Ang kanilang mga gawa ay mga gawa ng kasalanan, at ang mga gawain ng karahasan ay nasa kanilang mga kamay.
7 Tinatakbo ng kanilang mga paa ang kasamaan, at sila'y nangagmamadaling magbubo ng walang salang dugo: ang kanilang mga pagiisip ay mga pagiisip ng kasamaan; kawasakan at kagibaan ay nasa kanilang mga landas.
Ang kanilang mga paa ay tumatakbo sa kasamaan, at sila ay tumatakbo para magbuhos ng dugo ng walang kasalanan. Ang kanilang mga kaisipan ay mga kaisipan ng kasalanan; karahasan at kasiraan ay kanilang mga daan.
8 Ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nalalaman: at walang kahatulan sa kanilang mga lakad: sila'y nagsigawa para sa kanila ng mga likong landas; sinomang lumalakad doon ay hindi nakakaalam ng kapayapaan.
Ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nalalaman, at walang katarungan sa kanilang mga landas. Sila ay gumawa ng mga likong mga landas; ang sinumang naglalakbay sa mga landas na ito ay hindi nalalaman ang kapayapaan.
9 Kaya't ang kahatulan ay malayo sa amin, o umaabot man sa amin ang katuwiran: kami'y nagsisihanap ng liwanag, nguni't narito, kadiliman; ng kaliwanagan, nguni't nagsisilakad kami sa kadiliman.
Kaya ang katarungan ay malayo mula sa amin, ni ang katuwiran ay nakararating sa amin. Kami ay naghihintay sa liwanag, pero kadiliman ang nakikita, naghahanap kami ng kaningningan, pero naglalakad kami sa kadiliman.
10 Kami'y nagsisikapa sa bakod na parang bulag, oo, kami'y nagsisikapa na gaya nila na walang mga mata: kami'y nangatitisod sa katanghaliang tapat na gaya sa gabi; sa gitna ng mga malakas, kami'y parang mga patay.
Kinakapa namin ang pader katulad ng bulag, katulad ng mga hindi nakakikita. Kami ay natitisod sa katanghalian na parang sa takip-silim; sa kalagitnaan ng malakas kami ay katulad ng mga patay.
11 Kaming lahat ay nagsisiungol na parang mga oso, at lubhang dumadaing na parang mga kalapati: kami'y nagsisihanap ng kahatulan, nguni't wala; ng kaligtasan, nguni't malayo sa amin.
Kami ay umuungal katulad ng mga oso at dumadaing katulad ng mga kalapati; kami ay naghihintay ng katarungan, pero wala; para masagip, pero ito ay malayo mula sa amin.
12 Sapagka't ang aming mga pagsalangsang ay dumami sa harap mo, at ang aming mga kasalanan ay nagpapatotoo laban sa amin; sapagka't ang aming mga pagsalangsang ay sumasaamin, at tungkol sa aming mga kasamaan ay nababatid namin.
Dahil ang aming maraming paglabag sa iyong kautusan ay nasa harapan mo, at ang aming mga kasalanan ay magpapatotoo laban sa amin; dahil ang aming mga pagkakasala ay nasa amin, at nalalaman namin ang aming mga kasalanan.
13 Pagsalangsang at pagsisinungaling sa Panginoon at sa pagtigil ng pagsunod sa aming Dios, sa pagsasalita ng pagpighati at panghihimagsik, sa pagaakala at paghango sa puso ng mga salitang kasinungalingan.
Kami ay nagrebelde, itinatanggi si Yahweh at tumatalikod mula sa pagsunod sa aming Diyos. Kami ay nagsalita ng paniniil at sa paglihis, nag-isip ng reklamo mula sa puso at mga salita ng kasinungalingan.
14 At ang kahatulan ay tumatalikod, at ang katuwiran ay tumatayo sa malayo; sapagka't ang katotohanan ay nahulog sa lansangan, at ang karampatan ay hindi makapasok.
Ang katarungan ay ipinagkait, at ang katuwiran ay nananatiling malayo; dahil ang katotohanan ay nakatitisod sa liwasang-bayan, at ang matuwid ay hindi makararating.
15 Oo, ang katotohanan ay nagkukulang, at siyang humihiwalay sa kasamaan ay nagiging sa kaniyang sarili na huli. At nakita ng Panginoon, at isinama ng kaniyang loob na walang kahatulan.
Ang mapagkakatiwalaan ay naglaho ng tuluyan, at siya na tumalikod mula sa kasamaan ay ginagawang biktima ang kaniyang sarili. Nakita ito ni Yahweh at nagalit siya na wala ng katarungan.
16 At kaniyang nakita na walang tao, at namangha na walang tagapamagitan: kaya't ang kaniyang sariling bisig ay nagdala ng kaligtasan sa kaniya; at ang kaniyang katuwiran ay umalalay sa kaniya.
Nakita niya na wala ng tao, at nagtaka na walang isa man para mamagitan. Kaya ang kaniyang sariling bisig ang nagdala ng kaligtasan para sa kaniya, at ang kaniyang katuwiran ay pinalakas siya.
17 At siya'y nagsuot ng katuwiran na wari sapyaw, at ng turbante ng kaligtasan sa kaniyang ulo at siya'y nagsuot ng mga bihisan ng panghihiganti na pinakadamit, at nagbihis ng sikap na wari balabal.
Isinuot niya ang katuwiran bilang isang baluti sa dibdib at isang helmet ng kaligtasan sa kaniyang ulo. Dinamitan niya ang kaniyang sarili ng mga kasuotan ng paghihiganti at nagsuot ng kasigasigan bilang isang balabal.
18 Ayon sa kanilang mga gawa, ay gayon niya gagantihin, pusok ng loob sa kaniyang mga kaaway, kagantihan sa kaniyang mga kaalit; sa mga pulo ay gaganti siya ng kagantihan.
Sila ay kaniyang pinagbayad sa kanilang ginawa, galit na paghatol sa kaniyang mga kaaway, paghihiganti para sa kaniyang mga kalaban, sa mga isla ng kaparusahan bilang gantimpala nila.
19 Sa gayo'y katatakutan nila ang pangalan ng Panginoon mula sa kalunuran, at ang kaniyang kaluwalhatian ay mula sa sikatan ng araw sapagka't siya'y darating na parang bugso ng tubig na pinayaon ng hinga ng Panginoon.
Kaya sila ay matatakot sa pangalan ni Yahweh mula sa kanluran, at ang kaniyang kaluwalhatian mula sa pagsikat ng araw; dahil siya ay darating tulad ng isang batis na mabilis na umaagos, pinadadaloy sa pamamagitan ng paghinga ni Yahweh.
20 At isang Manunubos ay paroroon sa Sion, at sa kanila, na nangaghihiwalay sa Jacob ng pagsalangsang, sabi ng Panginoon.
Isang manunubos ay darating sa Sion at sa mga tumalikod mula sa kanilang pagrerebeldeng mga gawain kay Jacob—Ito ang kapahayagan ni Yahweh.
21 At tungkol sa akin, ito ang aking tipan sa kanila, sabi ng Panginoon: ang aking Espiritu na nasa iyo, at ang aking mga salita na inilagay ko sa iyong bibig, hindi hihiwalay sa iyong bibig, o sa bibig man ng iyong lahi, o sa bibig man ng angkan ng iyong lahi, sabi ng Panginoon, mula ngayon at magpakailan pa man.
At para sa akin, ito ang aking tipan sa kanila—sinasabi ni Yahweh—ang aking espiritu na nasa inyo, at ang aking mga salita na inilagay ko sa inyong bibig, ay hindi mawawala sa inyong bibig, o mawawala sa bibig ng inyong mga anak, o mawawala sa bibig ng mga anak ng inyong mga anak—sinabi ni Yahweh—mula sa panahon na ito at magpakailanman.”

< Isaias 59 >