< 2 Mga Hari 5 >
1 Si Naaman nga, na punong kawal ng hukbo ng hari sa Siria, ay dakilang lalake sa kaniyang panginoon, at marangal, sapagka't sa pamamagitan niya'y nagbigay ang Panginoon ng pagtatagumpay sa Siria: siya rin nama'y malakas na lalake na may tapang, nguni't may ketong.
Ngayon si Naaman, pinuno ng hukbo ng hari ng Aram, ay magiting at marangal sa paningin ng kaniyang panginoon, dahil sa pamamagitan niya, binigyan ng tagumpay ni Yahweh ang Aram. Malakas din siya at matapang pero isa siyang ketongin.
2 At ang mga taga Siria ay nagsilabas na mga pulupulutong, at nagdala ng bihag na mula sa lupain ng Israel na isang dalagita; at siya'y naglingkod sa asawa ni Naaman.
Lumusob ang mga Aramean nang grupo grupo at dinakip ang isang batang babae mula sa lupain ng Israel. Pinaglingkuran niya ang asawa ni Naaman.
3 At sinabi niya sa kaniyang babaing panginoon. Mano nawa ang aking panginoon ay humarap sa propeta na nasa Samaria! kung magkagayo'y pagagalingin niya siya sa kaniyang ketong.
Sinabi ng dalaga sa kaniyang madrasta, “Sana kasama ng amo ko ang propeta na nasa Samaria! Tiyak pagagalingin niya ang ketong ng panginoon ko.”
4 At pumasok ang isa, at isinaysay sa kaniyang panginoon, na sinasabi, Ganito't ganito ang sabi ng dalagita na nagmula sa lupain ng Israel.
Kaya sinabi ni Naaman sa hari ang sinabi ng dalaga mula sa lupain ng Israel.
5 At sinabi ng hari sa Siria, Yumaon ka, yumaon ka, at ako'y magpapadala ng sulat sa hari sa Israel. At siya'y yumaon, at nagdala siya ng sangpung talentong pilak, at anim na libong putol na ginto, at sangpung pangpalit na bihisan.
Kaya sinabi ng hari ng Aram, “Lumakad ka, at magpapadala ako ng liham sa hari ng Israel.” Umalis si Naaman na may baong sampung talentong pilak, anim na libong piraso ng ginto, at sampung pamalit na damit.
6 At kaniyang dinala ang sulat sa hari sa Israel, na sinasabi, At pagka nga dumating sa iyo ang sulat na ito, ay talastasin mo na aking sinugo si Naaman na aking lingkod sa iyo, upang iyong pagalingin siya sa kaniyang ketong.
Dinala rin niya ang liham sa hari ng Israel na nagsasabing, “Kapag dumating ang sulat na ito sa iyo, makikita mong pinadala ko si Naaman na aking lingkod sa iyo para pagalingin mo siya sa kaniyang ketong.”
7 At nangyari, nang mabasa ng hari sa Israel ang sulat, na kaniyang hinapak ang kaniyang suot at nagsabi, Ako ba'y Dios upang pumatay at bumuhay, na ang lalaking ito ay nagsugo sa akin upang pagalingin ito sa kaniyang ketong? nguni't talastasin mo, isinasamo ko sa iyo, at tingnan mo kung paanong siya'y humahanap ng dahilan laban sa akin.
Nang mabasa ng hari ng Israel ang liham, pinunit niya ang damit niya at sinabing, “Diyos ba ako, para pumatay at magbigay ng buhay kaya nais ng lalaking ito na pagalingin ko ang isang tao sa kaniyang ketong? Mukhang naghahamon siya ng away.”
8 At nagkagayon, nang mabalitaan ni Eliseo na lalake ng Dios na hinapak ng hari sa Israel ang kaniyang suot, na siya'y nagsugo sa hari, na nagsabi: Bakit mo hinapak ang iyong mga kasuutan? paparituhin mo siya sa akin, at kaniyang malalaman na may isang propeta sa Israel.
Kaya nang marinig ni Eliseo, ang lingkod ng Diyos, na pinunit ng hari ng Israel ang kaniyang damit, nagpadala siya ng mensahe sa hari nagsasabing, “Bakit mo pinunit ang iyong mga damit? Papuntahin mo siya sa akin at malalaman niyang may propeta sa Israel.”
9 Sa gayo'y naparoon si Naaman na dala ang kaniyang mga kabayo at ang kaniyang mga karo, at tumayo sa pintuan ng bahay ni Eliseo.
Kaya dumating si Naaman kasama ng kaniyang mga kabayo at karwahe at tumayo sa pinto ng bahay ni Eliseo.
10 At si Eliseo ay nagsugo ng sugo sa kaniya, na nagsasabi, ikaw ay yumaon, at maligo sa Jordan na makapito, at ang iyong laman ay sasauli sa iyo, at ikaw ay magiging malinis.
Nagpadala si Eliseo ng mensahero sa kaniya, sinasabing, “Lumublob ka sa Jordan ng pitong beses, at maibabalik ang kutis mo; ikaw ay magiging malinis.”
11 Nguni't si Naaman ay naginit, at umalis, at nagsabi, Narito, aking inakalang, walang pagsalang lalabasin niya ako, at tatayo, at tatawag sa pangalan ng Panginoon niyang Dios, at pagagalawgalawin ang kaniyang kamay sa kinaroroonan, at mapapawi ang ketong.
Pero nagalit si Naaman at umalis, sinasabing, “Tingnan mo, akala ko siguradong lalabas siya para sa akin at tatayo at tatawag sa pangalan ni Yahweh na kaniyang Diyos, at ikukumpas ang kamay niya sa buong katawan ko para pagalingin ako sa aking ketong.
12 Hindi ba ang Abana at ang Pharphar, na mga ilog ng Damasco, ay mainam kay sa lahat ng tubig sa Israel? hindi ba ako makapaliligo sa mga yaon, at maging malinis? Sa gayo'y pumihit siya at umalis sa paginit.
Hindi ba't ang Abana at Farfar, mga ilog ng Damasco, ay mas malinis kaysa lahat ng tubig sa Israel? Hindi ba pwedeng doon ako maligo para maging malinis?” Kaya tumalikod siya at umalis nang galit na galit.
13 At ang kaniyang mga lingkod ay nagsilapit, at nagsipagsalita sa kaniya, at nagsabi, Ama ko, kung ipinagawa sa iyo ng propeta ang anomang mahirap na bagay, hindi mo ba gagawin? gaano nga kung sabihin niya sa iyo, Ikaw ay maligo, at maging malinis?
Pagkatapos lumapit ang mga lingkod ni Naaman at kinausap siya, “Ama, kung inutusan ka ng propeta ng isang mahirap na bagay, hindi mo ba gagawin ito? Paano pa kaya kung magsabi siya sa iyo ng isang simpleng bagay gaya ng, 'Lumublob ka para maging malinis ka?'”
14 Nang magkagayo'y lumusong siya at sumugbong makapito sa Jordan, ayon sa sabi ng lalake ng Dios: at ang kaniyang laman ay nagsauling gaya ng laman ng isang munting bata, at siya'y naging malinis.
Kaya nagpunta siya at lumublob ng pitong beses sa Jordan bilang pagsunod sa mga tagubilin ng lingkod ng Diyos. Bumalik ang kaniyang kutis, tulad ng kutis ng isang maliit na bata, at siya ay gumaling.
15 At siya'y bumalik sa lalake ng Dios, siya at ang buong pulutong niya, at naparoon, at tumayo sa harap niya: at siya'y nagsabi, Narito ngayon, aking talastas na walang Dios sa buong lupa, kundi sa Israel: isinasamo ko ngayon sa iyo na tanggapin mo ang kaloob ng iyong lingkod.
Bumalik si Naaman sa lingkod ng Diyos, siya at ang lahat ng kaniyang kasama, at lumapit sila sa harap niya. Sinabi niya, “Alam kong wala nang ibang diyos sa buong mundo maliban sa Israel. Kaya pakiusap, tanggapin mo ang regalong ito mula sa iyong lingkod.”
16 Nguni't kaniyang sinabi, Buhay ang Panginoon, na nakatayo ako sa harap niya, wala akong tatanggapin. At ipinilit niya sa kaniyang kunin; nguni't siya'y tumanggi.
Pero tumugon si Eliseo, “Hangga't nabubuhay si Yahweh na aking pinaglilingkuran, hindi ako tatanggap ng anumang bagay.” Pinilit ni Naaman si Eliseo na tanggapin ang regalo pero tumanggi ito.
17 At sinabi ni Naaman, Kung hindi, isinasamo ko pa sa iyo, na bigyan ko ang iyong lingkod ng lupang mapapasan ng dalawang mula; sapagka't ang iyong lingkod buhat ngayon ay hindi maghahandog ng handog na susunugin o hain man sa ibang mga dios, kundi sa Panginoon.
Kaya sinabi ni Naaman, “Kung hindi, maaari mo ba akong bigyan ng lupa na kayang dalhin ng dalawang mola, dahil simula ngayon, ang iyong lingkod ay hindi na maghahandog, ni mag-aalay sa sinumang diyos maliban kay Yahweh.
18 Sa bagay na ito'y patawarin nawa ng Panginoon ang iyong lingkod, pagka ang aking panginoon ay pumasok sa bahay ni Rimmon upang sumamba roon, at siya'y umagapay sa aking kamay, at ako'y yumukod sa bahay ni Rimmon, pagyukod ko sa bahay ni Rimmon, na patawarin nawa ng Panginoon ang iyong lingkod sa bagay na ito.
Pero patawarin sana ni Yahweh ang iyong lingkod sa isang bagay na ito, iyon ay, kapag pumunta ang hari sa tahanan ni Rimmon para sumamba roon, at kumapit siya sa kamay ko, at yumuko ako sa tahanan ni Rimmon. Patawarin nawa ni Yahweh ang iyong lingkod sa bagay na ito.”
19 At sinabi niya sa kaniya, Ikaw ay yumaong payapa. Sa gayo'y nilisan niya siya ng may aguwat na kaunti.
Sinabi ni Eliseo sa kaniya, “Humayo ka nang mapayapa.” Kaya umalis si Naaman.
20 Nguni't si Giezi, na lingkod ni Eliseo na lalake ng Dios, ay nagsabi, Narito, pinalagpas ng aking panginoon ang Naamang ito na taga Siria, sa di pagtanggap sa kaniyang mga kamay ng kaniyang dala; buhay ang Panginoon, tatakbuhin ko siya, at kukuha ako ng anoman sa kaniya.
Hindi pa siya nakakalayo sa kaniyang paglalakbay nang si Gehazi lingkod ni Eliseo na lingkod ng Diyos ay sinabi sa kaniyang sarili, “Kinaawaan ng panginoon ko si Naaman na Aramean sa pamamagitan ng hindi pagtanggap ng mga regalo mula sa kamay niya na kaniyang dinala. Hangga't nabubuhay si Yahweh, hahabulin ko siya at tatanggap ako ng anumang bagay mula sa kaniya.”
21 Sa gayo'y sinundan ni Giezi si Naaman, at nang makita ni Naaman na isa'y humahabol sa kaniya, siya'y bumaba sa karo na sinalubong niya, at sinabi, Lahat ba'y mabuti?
Kaya sumunod si Gehazi kay Naaman. Nang nakita ni Naaman na may taong sumusunod sa kaniya, bumaba siya mula sa kaniyang karwahe para salubungin siya at sinabing, “Maayos lang ba ang lahat?”
22 At kaniyang sinabi, Lahat ay mabuti. Sinugo ako ng aking panginoon, na sinabi, Narito, dumating sa akin ngayon mula sa lupaing maburol ng Ephraim ang dalawang binata sa mga anak ng mga propeta: isinasamo ko sa iyo na bigyan mo sila ng isang talentong pilak, at dalawang pangpalit na bihisan.
Sinabi ni Gehazi, “Maayos naman ang lahat. Pinadala ako ng aking panginoon, sinasabing, 'May lumapit sa akin mula sa bansa sa burol ng Efraim, dalawang lalaki na anak ng mga propeta. Pakiusap bigyan mo sila ng isang talentong pilak at dalawang pamalit na damit.”
23 At sinabi ni Naaman, Matuwa ka, kunin mo ang dalawang talento. At ipinilit niya sa kaniya, at ibinalot ang dalawang talentong pilak sa dalawang supot, sangpu ng dalawang pangpalit na bihisan, at mga ipinasan sa dalawa sa kaniyang mga bataan; at dinala nila sa unahan niya.
Tumugon si Naaman, “Masaya akong bigyan ka ng dalawang talento.” Hinimok ni Naaman si Gehazi at nagtali ng dalawang talentong pilak sa dalawang sisidlan, na may dalawang pamalit na damit, at ipinapasan ito sa kaniyang dalawang lingkod na nagdala ng mga sisidlan ng pilak para kay Gehazi.
24 At nang siya'y dumating sa burol, kinuha niya sa kanilang kamay, at itinago niya sa bahay: at pinayaon niya ang mga lalake, at sila'y nagsiyaon.
Nang dumating si Gehazi sa burol, kinuha niya ang sisidlan ng pilak mula sa mga kamay nila at tinago ang mga ito sa bahay; pinaalis niya ang mga lingkod at umalis sila.
25 Nguni't siya'y pumasok at tumayo sa harap ng kaniyang panginoon. At sinabi ni Eliseo sa kaniya, Saan ka nanggaling Giezi? At kaniyang sinabi, Ang iyong lingkod ay walang pinaroonan.
Nang pumasok si Gehazi at humarap sa kaniyang amo, sinabi ni Eliseo, “Saan ka nanggaling, Gehazi?” Tumugon siya, “Diyan-diyan lang nagpunta ang iyong lingkod.”
26 At kaniyang sinabi, Hindi ba sumasa iyo ang aking puso nang ang lalake ay bumalik mula sa kaniyang karo na sinasalubong ka? panahon ba ng pagtanggap ng salapi, at pagtanggap ng bihisan, at ng mga olibohan, at ng mga ubasan, at ng mga tupa, at ng mga baka, at ng mga aliping lalake at babae?
Sinabi ni Eliseo kay Gehazi, “Hindi ba kasama mo ang espiritu ko nang huminto ang karwahe ng lalaking iyon para salubungin ka? Ito ba ang oras para tumanggap ng pera, damit, mga olibong halamanan at mga ubasan, mga tupa, mga baka, at mga lingkod na lalaki at babae?
27 Ang ketong nga ni Naaman ay kakapit sa iyo, at sa iyong binhi magpakailan man. At siya'y umalis sa kaniyang harapan na may ketong na kasingputi ng niebe.
Kaya ang ketong ni Naaman ay papasa-iyo at iyong mga kaapu-apuhan magpakailanaman.” Kaya umalis si Gehazi sa kaniyang harapan, isang ketongin na kasing puti ng bulak.