< Awit ng mga Awit 5 >
1 Dumating ako sa aking hardin, aking kapatid na babae, babaeng aking pakakasalan; Tinipon ko ang aking mira na may sangkap ng aking pabango. kinain ko ang aking pulot-pukyutan kasama ng aking pulot; Ininom ko ang aking alak kasama ang aking gatas. Kumain, ka kaibigan. kumain, kaibigan; uminom ka nang malaya, aking mahal. Kinakausap ng dalaga ang kaniyang sarili
Ako'y dumating sa aking halamanan, kapatid ko, kasintahan ko: aking dinampot ang aking mira pati ang aking especia; aking kinain ang aking pulotpukyutan pati ang aking pulot; aking ininom ang aking alak pati ang aking gatas. Magsikain kayo, Oh mga kaibigan; magsiinom kayo, oo, magsiinom kayo ng sagana, Oh sinisinta.
2 Ako ay natutulog, pero ang puso ko ay gising sa isang panaginip. Naroroon ang tunog ng aking minamahal na kumakatok at sinasabi, “Pagbuksan mo ako, aking kapatid na babae, aking mahal, aking kalapati, aking dalisay, dahil ang ulo ko ay basa sa hamog, ang buhok ko sa gabing mamasa-masa.”
Ako'y nakatulog, nguni't ang aking puso ay gising: ang tinig ng aking sinta ang siyang tumutuktok, na kaniyang sinasabi, pagbuksan mo ako, kapatid ko, sinta ko, kalapati ko, sakdal ko: sapagka't ang aking ulo ay basa ng hamog, ang aking mga kulot na buhok ay ng mga patak ng gabi.
3 Hinubad ko ang aking balabal; dapat ko ba itong isuot muli? Hinugasan ko ang aking mga paa; dapat ko ba silang dumihan muli?
Aking hinubad ang aking suot; paanong aking isusuot? Aking hinugasan ang aking mga paa paanong sila'y aking dudumhan?
4 Inilagay ng aking minamahal ang kaniyang kamay sa bungad ng trangkahan ng pintuan, at sumigla ang puso ko para sa kaniya.
Isinuot ng aking sinta ang kaniyang kamay sa butas ng pintuan, at nakilos ang aking puso sa kaniya.
5 Bumangon ako para pagbuksan ng pintuan ang aking minamahal; ang aking mga kamay ay may tumutulong mira, ang aking mga daliri ay mamasa-masang may mira, sa hawakan ng pintuan.
Ako'y bumangon upang pagbuksan ang aking sinta; at ang aking mga kamay ay tutulo ng mira, at ang aking mga daliri ng malabnaw na mira. Sa mga tatangnan ng trangka.
6 Pinagbuksan ko ng pintuan ang aking minamahal, pero ang aking minamahal ay umalis at wala na. Ang puso ko ay nalugmok; Nawalan ako ng pag-asa. Hinanap ko siya, pero hindi ko siya natagpuan; Tinawag ko siya, pero hindi niya ako sinagot.
Aking pinagbuksan ang aking sinta: nguni't ang aking sinta ay umurong at nakaalis, napanglupaypay na ako ng aking kaluluwa nang siya'y magsalita: aking hinanap siya, nguni't hindi ko nasumpungan siya; aking tinawag siya, nguni't hindi siya sumagot sa akin.
7 Natagpuan ako ng mga bantay na nagpunta malapit sa lungsod; hinagupit at sinugatan nila ako; kinuha mula sa akin ng mga nagbabatay ng pader ang aking balabal. Ang dalaga ay nakikipag-usap sa mga kababaihan ng lungsod
Nasumpungan ako ng mga bantay na nagsisilibot sa bayan, sinaktan nila ako, sinugatan nila ako, inalis sa akin ang aking balabal ng mga tanod ng mga kuta.
8 Nais ko kayong mangako, mga anak na babae ng Jerusalem, na kung makikita ninyo ang aking minamahal, sabihin ninyo sa kaniya ako ay may sakit dahil sa aking pag-ibig sa kaniya. Ang mga kababaihan ng lungsod ay nagsasalita sa dalaga.
Pinagbibilinan ko kayo, Oh mga anak na babae ng Jerusalem, kung inyong masumpungan ang aking sinta, na inyong saysayin sa kaniya, na ako'y may sakit, na pagsinta.
9 Paanong mas mabuti ang iyong minamahal kaysa sa ibang lalaking minamahal, ikaw na maganda sa lahat ng mga babae? Bakit mas higit ang iyong minamahal kaysa sa ibang minamahal, na hiniling mo sa amin para manumpa tulad nito? Ang dalaga ay nagsasalita sa mga kababaihan ng lungsod
Ano ang iyong sinta na higit kay sa ibang sinta, Oh ikaw na pinakamaganda sa mga babae? Ano ang iyong sinta na higit kay sa ibang sinta, na iyong ibinibilin sa amin ng ganyan?
10 Ang aking minamahal ay nagniningning at mamula-mula, namumukod tangi sa kalagitnaan ng sampung libo.
Ang aking sinisinta ay maputi at mapulapula na pinakamainam sa sangpung libo.
11 Ang kaniyang ulo ay ang pinakadalisay na ginto; kulot ang kaniyang buhok at kasing itim ng isang uwak.
Ang kaniyang ulo ay gaya ng pinakamainam na ginto: ang kaniyang kulot na buhok ay malago at maitim na gaya ng uwak.
12 Ang kaniyang mga mata ay katulad ng mga kalapati sa tabi ng mga dumadaloy na tubig, hinugasan sa gatas, ikinabit katulad ng mga hiyas.
Ang kaniyang mga mata ay gaya ng mga kalapati sa siping ng mga batis ng tubig; na hinugasan ng gatas at bagay ang pagkalagay.
13 Ang kaniyang mga pisngi ay katulad ng mga nakatainim na mga sangkap ng pabango, nagbibigay ng mabangong mga amoy. Ang kaniyang labi ay mga liryo, tumutulong mira.
Ang kaniyang mga pisngi ay gaya ng pitak ng mga especia, gaya ng mga bunton ng mga mainam na gulay: ang kaniyang mga labi ay gaya ng mga lila na tumutulo ng malabnaw na mira.
14 Ang kaniyang mga bisig ay mabilog na ginto na may nakalagay na mga hiyas; ang kaniyang tiyan ay nabalutan ng garing na may mga sapiro.
Ang kaniyang mga kamay ay gaya ng mga singsing na ginto na may lakip na berilo: ang kaniyang katawan ay gaya ng yaring garing na binalot ng mga zafiro.
15 Ang kaniyang mga binti ay mga poste na marmol, nakalagay sa mga patungan ng dalisay na ginto; ang kaniyang mukha ay katulad ng Lebanon, pinili gaya ng mga cedar
Ang kaniyang mga hita ay gaya ng haliging marmol, na nalalapag sa mga tungtungan na dalisay na ginto: ang kaniyang anyo ay gaya ng Libano na marilag na gaya ng mga sedro.
16 Ang kaniyang bibig ay napakatamis; siya ay ganap na kaibig-ibig. Ito ang aking minamahal, at ito ang aking kaibigan, mga anak na babae ng mga lalaki sa Jerusalem.
Ang kaniyang bibig ay pinakamatamis: Oo, siya'y totoong kaibigibig. Ito'y aking sinta at ito'y aking kaibigan, Oh mga anak na babae ng Jerusalem.