< Mga Roma 4 >
1 Ano ngayon ang sasabihin natin na natuklasan ni Abraham na ating ninuno ayon sa laman?
2 Sapagkat kung pinawalang-sala si Abraham sa pamamagitan ng mga gawa, magkakaroon sana siya ng dahilan upang magmalaki, ngunit hindi sa harapan ng Diyos.
3 Sapagkat ano ang sinasabi ng kasulatan? “Sumampalataya si Abraham sa Diyos at ito ay ibinilang sa kaniya bilang katuwiran.”
4 Ngayon sa kaniya na gumagawa, ang bayad ay hindi maibibilang na biyaya, ngunit isang kabayaran.
5 Ngunit sa kaniya na hindi gumagawa na sa halip ay sumasampalataya sa kaniya na nagpapawalang-sala sa mga masasama, maibibilang na katuwiran ang kaniyang pananampalataya.
6 Nagpahayag din si David ng pagpapala sa taong ibinilang ng Diyos na matuwid na walang gawa.
7 Sinabi niya, “Pinagpala ang mga pinatawad sa kanilang mga katampalasanan, at ang mga taong natakpan ang mga kasalanan.
8 Pinagpala ang tao na hindi bibilangin ng Panginoon ang kaniyang kasalanan.”
9 Kung gayon, ang pagpapalang ito ba ay inihayag sa mga taong tuli lamang, o pati na rin sa mga hindi tuli? Sapagkat sinasabi natin, “Ang pananampalataya ay naibilang kay Abraham na katuwiran.”
10 Kaya nga, paano ito naibilang? Nang si Abraham ba ay tinuli na o hindi pa? Hindi sa pagtutuli, kundi sa hindi pagtutuli.
11 Tinanggap ni Abraham ang tanda ng pagtutuli. Ito ay tatak ng pagkamatuwid ng pananampalataya na mayroon na siya nang siya hindi pa natutuli. Ang bunga ng tandang ito ay siya ang naging ama ng lahat ng nananampalataya, kahit na hindi sila ay nasa hindi pagtutuli. Ito ay nangangahulugan na ang katuwiran ay maibibilang sa kanila.
12 Ito ay nangangahulugan ding si Abraham ay naging ama ng pagtutuli, hindi lamang sa mga tuli, kundi pati na rin sa mga sumusunod sa mga yapak ng ating amang si Abraham. At ito ang pananampalataya na mayroon siya noong hindi pa siya natutuli.
13 Sapagkat ang pangako na naibigay kay Abraham at pati na rin sa kaniyang mga kaapu-apuhan ay hindi sa pamamagitan ng kautusan, ang pangakong ito na sila ang magiging mga tagapagmana ng mundo. Sa halip ay sa pamamagitan ng katuwiran ng pananampalataya.
14 Sapagkat kung ang mga kabilang sa kautusan ay tagapagmana, ang pananampalataya ay walang kabuluhan, at mawawalan ng bisa ang pangako.
15 Sapagkat matinding galit ang naibibigay ng kautusan, ngunit kung saan walang kautusan, wala ring pagsuway.
16 Sa kadahilanang ito, nangyayari ito sa pamamagitan ng pananampalataya, upang ito ay sa pamamagitan ng biyaya. Ang kalalabasan, ang pangako ay tiyak para sa lahat ng mga kaapu-apuhan. At hindi lamang ang mga nakakaalam sa kautusan ang makakabilang sa mga kaapu-apuhan na ito, kundi pati na rin ang mga nagmula sa pananampalataya ni Abraham. Sapagkat siya ang ama nating lahat,
17 tulad ng nasusulat, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.” Naroon si Abraham sa presensiya ng kaniyang pinagkakatiwalaan, iyon ay ang Diyos, na nagbibigay buhay sa mga patay at lumilikha sa mga bagay na wala pa.
18 Sa kabila ng lahat ng mga pangyayari, nagtiwala ng lubusan si Abraham sa Diyos para sa hinaharap. Kaya naging ama siya ng maraming bansa, tulad ng sinabi, “... Magiging ganoon ang iyong mga kaapu-apuhan.”
19 Hindi siya mahina sa pananampalataya. Kinilala ni Abraham na patay na ang kaniyang katawan sapagkat mag-iisandaang taon na siya. Kinilala rin niya ang pagiging patay ng bahay-bata ni Sara.
20 Ngunit dahil sa pangako ng Diyos, hindi nag-alinlangan si Abraham sa pananampalataya. Sa halip, napalakas siya sa pananampalataya at nagbigay papuri sa Diyos.
21 Lubos siyang naniwala na kung ano ang ipinangako ng Diyos, kaya din niyang tuparin.
22 Kung kaya ito ay itinuring sa kaniya bilang katuwiran.
23 Ngayon, hindi ito isinulat para lamang sa kaniyang kapakinabangan, na ibinilang sa kaniya.
24 Ito rin ay isinulat para rin sa atin, na ibibilang, tayong nanampalataya sa kaniya na bumuhay kay Jesus na ating Panginoon mula sa kamatayan.
25 Ito ang siyang ibinigay para sa ating mga kasalanan at muling binuhay para sa ating pagpapawalang-sala.