< Mga Roma 13 >

1 Ang bawat kaluluwa ay maging masunurin sa mga matataas na kapangyarihan, dahil walang kapangyarihan na hindi nanggagaling sa Diyos. At ang mga may kapangyarihang umiiral ay itinalaga ng Diyos.
Ang bawa't kaluluwa ay pasakop sa matataas na kapangyarihan: sapagka't walang kapangyarihan na hindi mula sa Dios; at ang mga kapangyarihang yao'y hinirang ng Dios.
2 Samakatuwid ang lumalaban sa kapangyarihang iyon ay sumasalungat sa mga utos ng Diyos, at ang mga sumasalungat dito ay makakatanggap ng kahatulan sa kanilang mga sarili.
Kaya nga't ang sumasalangsang sa kapangyarihan, ay sa utos ng Dios sumasalangsang: at ang mga nagsisalangsang ay magsisitanggap ng kahatulan sa kanilang sarili.
3 Sapagkat ang mga namumuno ay hindi kilabot sa mga mabubuting gawain, kundi sa mga masasama gawain. Nais mo bang hindi matakot sa may kapangyarihan? Gawin mo ang mabuti, at makatatanggap ka ng papuri dahil dito.
Sapagka't ang mga pinuno ay hindi kilabot sa gawang mabuti, kundi sa masama. At ibig mo bagang mawalaan ng takot sa may kapangyarihan? gawin mo ang mabuti, at magkakamit ka ng kapurihan sa kaniya:
4 Sapagkat siya ay isang lingkod ng Diyos para sa kabutihan. Ngunit kung gumagawa ka ng masama, matakot ka. Sapagkat hindi niya dala-dala ang espada ng walang dahilan. Sapagkat siya ay isang lingkod ng Diyos, isang tagapaghiganti ng poot sa mga gumagawa ng masama.
Sapagka't siya'y ministro ng Dios sa ikagagaling mo. Datapuwa't kung ginagawa mo ang masama, ay matakot ka; sapagka't hindi walang kabuluhan ang pagdadala niya ng tabak: sapagka't siya'y ministro ng Dios, tagapaghiganti sa ikagagalit sa gumagawa ng masama.
5 Samakatuwid dapat kayong sumunod, hindi lang dahil sa matinding poot, ngunit dahil din sa konsensya.
Kaya nga't dapat na kayo'y pasakop, hindi lamang dahil sa kagalitan, kundi naman dahil sa budhi.
6 Dahil dito nagbabayad din kayo ng mga buwis. Sapagkat ang mga may kapangyarihan ay mga lingkod ng Diyos na patuloy na nangangasiwa nito.
Sapagka't dahil dito ay nagsisipagbayad naman kayo ng buwis; sapagka't sila'y mga tagapangasiwa ng paglilingkod sa Dios, na nagsisipamahalang walang patid sa bagay na ito.
7 Bayaran ninyo ang lahat kung ano man ang inutang ninyo sa kanila: magbuwis sa dapat pagbayaran ng buwis, magbayad ng upa sa kung sinuman ang inuupahan; matakot sa nararapat katakutan; parangalan ang nararapat parangalan.
Ibigay ninyo sa lahat ang sa kanila'y nararapat: buwis sa dapat buwisan; ambag sa dapat ambagan; takot sa dapat katakutan; puri sa dapat papurihan.
8 Huwag kayong magkautang ng anuman sa kanino man, maliban sa pagmamahal sa isa't isa. Sapagkat ang sinumang nagmamahal sa kaniyang kapwa ay tumutupad sa kautusan.
Huwag kayong magkautang ng ano pa man sa kanino man, maliban na sa mangagibigan kayo: sapagka't ang umiibig sa kaniyang kapuwa'y nakaganap na ng kautusan.
9 Sapagkat, “Hindi ka mangangalunya, hindi ka papatay, hindi ka magnanakaw, hindi ka mag-iimbot,” at kung may iba ring kautusan, pinagsama-sama ito sa pangugusap na ito: “Mamahalin mo ang iyong kapwa tulad ng iyong sarili.”
Sapagka't ito, Huwag kang mangangalunya, Huwag kang papatay, Huwag kang magnanakaw, Huwag kang mananakim, at kung mayroon pang ibang utos, ay nauuwi sa salitang ito, sa makatuwid baga'y Ibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng sa iyong sarili.
10 Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapwa. Kaya, pag-ibig ang katuparan ng kautusan.
Ang pagibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapuwa: ang pagibig nga ay siyang katuparan ng kautusan.
11 Dahil dito, nalalaman niyo ang oras, na ito na ang oras upang kayo ay magising mula sa inyong pagkakatulog. Sapagkat ngayon, ang ating kaligtasan ay mas malapit na kaysa noong una tayong nanampalataya.
At ito, yamang nakikilala ang panahon, na ngayo'y kapanahunan nang magsigising kayo sa pagkakatulog: sapagka't ngayon ay lalong malapit na sa atin ang kaligtasan kay sa nang tayo'y magsisampalataya nang una.
12 Palipas na ang gabi at malapit ng mag-umaga. Kaya iisantabi natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isuot ang baluti ng liwanag.
Ang gabi ay totoong malalim, at ang araw ay malapit na: iwaksi nga natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isakbat ang mga sandata ng kaliwanagan.
13 Lumakad tayo nang nararapat, gaya ng sa liwanag, hindi sa magulong pagdiriwang o sa paglalasing. At huwag tayong mamuhay sa kahalayan o sa pagnanasang walang pagpipigil, at hindi sa alitan o pagkainggit.
Magsilakad tayong mahinhin, gaya ng sa araw; huwag sa katakawan at paglalasing, huwag sa kalibugan at sa kahalayan, huwag sa mga pagkakaalit at pagkakainggitan.
14 Ngunit paghariin ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo at huwag pagbigyan ang kagustuhan ng laman, para sa mga pagnanasa nito.
Kundi bagkus isakbat ninyo ang Panginoong Jesucristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga kahalayan noon.

< Mga Roma 13 >