< Mga Roma 1 >

1 Ako si Pablo, na isang lingkod ni Jesu-Cristo, tinawag upang maging apostol, at inilaan para sa ebanghelyo ng Diyos.
Si Pablo na alipin ni Jesucristo, na tinawag na maging apostol, ibinukod sa evangelio ng Dios,
2 Ito ang ebanghelyo na noon pa man ay ipinangako na niya sa pamamagitan ng mga propeta sa banal na kasulatan.
Na kaniyang ipinangako nang una sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta sa mga banal na kasulatan,
3 Ito ay tungkol sa kaniyang Anak, na ipinanganak mula sa kaapu-apuhan ni David ayon sa laman.
Tungkol sa kaniyang Anak, na ipinanganak sa binhi ni David ayon sa laman,
4 Ipinahayag siya bilang Anak ng Diyos ayon sa kapangyarihan ng Espiritu ng kabanalan, sa pamamagitan ng muling pagkabuhay mula sa kamatayan, si Jesu-Cristo na ating Panginoon.
Na ipinahayag na Anak ng Dios na may kapangyarihan ayon sa espiritu ng kabanalan, sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ng mga patay, sa makatuwid baga'y si Jesucristo na Panginoon natin,
5 Sa pamamagitan niya ay natanggap namin ang biyaya at ang pagiging apostol upang magdulot ng pagsunod ng pananampalataya sa lahat ng mga bansa, alang-alang sa pangalan niya.
Na sa pamamagitan niya'y tinanggap namin ang biyaya at pagkaapostol, sa pagtalima sa pananampalataya sa lahat ng mga bansa, dahil sa kaniyang pangalan;
6 Kasama ng mga bansang ito, kayo rin ay tinawag upang maging kay Jesu-Cristo.
Sa mga ito kayo naman, ay tinawag kay Jesucristo:
7 Ang liham na ito ay para sa lahat ng nasa Roma, ang mga minamahal ng Diyos, na tinawag upang maging mga taong banal. Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan na nagmumula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Sa lahat ninyong nangasa Roma, mga iniibig ng Dios, tinawag na mangagbanal: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at Panginoong Jesucristo.
8 Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, dahil naipahayag ang inyong pananampalataya sa buong mundo.
Kaunaunahan, ay nagpapasalamat ako sa aking Dios sa pamamagitan ni Jesucristo tungkol sa inyong lahat, na ang inyong pananampalataya ay bantog sa buong sanglibutan.
9 Sapagkat ang Diyos ang aking saksi, na pinaglilingkuran ko sa aking espiritu sa ebanghelyo ng kaniyang Anak, kung paano ko kayo laging binabanggit sa kaniya.
Sapagka't ang Dios ang aking saksi, na siyang pinaglilingkuran ko sa aking espiritu sa evangelio ng kaniyang Anak, na walang patid na aking kayong binabanggit, sa aking mga panalangin,
10 Palagi kong hinihiling sa aking mga panalangin na sa kahit anong kaparaanan, nawa sa huli ay magtagumpay ako na makarating sa inyo ayon sa kalooban ng Diyos.
At laging isinasamo ko, kung ngayon sa wakas sa anomang paraan ay magkapalad ako sa kalooban ng Dios na makarating sa inyo.
11 Sapagkat nais ko kayong makita, nang mabigyan ko kayo ng ilang espirituwal na kaloob upang kayo ay mapalakas.
Sapagka't ninanasa kong makita kayo, upang ako'y makapamahagi sa inyo ng kaloob na ukol sa espiritu, upang kayo'y mangagsitibay;
12 Iyon ay, nananabik akong tayo ay magpalakasan ng loob, sa pamamagitan ng pananampalataya ng bawat isa, ang sa inyo at sa akin.
Sa makatuwid baga, upang ako't kayo ay maaliw sa inyo, ang bawa't isa sa atin sa pananampalataya ng iba, ang sa inyo at sa akin.
13 Ngayon hindi ko nais na hindi ninyo malaman, mga kapatid, na ilang ulit kong binalak na magpunta sa inyo, ngunit ako ay hinahadlangan hanggang ngayon. Ninais ko ito upang sa ganoon ay magkaroon ng ilang bunga sa inyo tulad din ng ibang mga Gentil.
At hindi ko ibig, mga kapatid, na hindi ninyo matalastas na madalas kong inaakalang makarating sa inyo (datapuwa't hanggang ngayon ako'y nahahadlangan), upang magkaroon naman ako sa inyo ng anomang bunga, na gaya sa mga ibang Gentil.
14 May utang ako sa mga Griyego at sa mga dayuhan, sa mga marurunong at sa mga mangmang.
Ako'y may utang sa mga Griego at gayon din naman sa mga barbaro, sa marurunong at gayon din sa mga mangmang.
15 Kaya, para sa akin, handa akong ipahayag ang ebanghelyo sa inyong nasa Roma.
Kaya nga, sa ganang akin, ay handa akong ipangaral din ang evangelio sa inyong nangasa Roma.
16 Sapagkat hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos upang iligtas ang sinumang sumasampalataya, una ay sa Judio at gayon din sa Griyego.
Sapagka't hindi ko ikinahihiya ang evangelio: sapagka't siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawa't sumasampalataya; una'y sa Judio, at gayon din sa Griego.
17 Sapagkat dito ang katuwiran ng Diyos ay naihahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya, gaya ng nasusulat, “Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”
Sapagka't dito ang katuwiran ng Dios ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya: gaya ng nasusulat, Nguni't ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.
18 Sapagkat naihayag ang poot ng Diyos mula sa langit laban sa lahat ng kasamaan at kawalan ng katuwiran ng mga tao na sa pamamagitan ng kawalan ng katuwiran ay hinahadlangan ang katotohanan.
Sapagka't ang poot ng Dios ay nahahayag mula sa langit laban sa lahat na kasamaan at kalikuan ng mga tao, na mga sinasawata ang katotohanan ng kalikuan;
19 Ito ay dahil ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay nakikita nila. Sapagkat niliwanagan sila ng Diyos.
Sapagka't ang nakikilala tungkol sa Dios ay hayag sa kanila; sapagka't ito'y ipinahayag ng Dios sa kanila.
20 Sapagkat ang kaniyang likas na hindi nakikita ay malinaw na nakikita simula pa noong likhain ang mundo. Nauunawaan ang mga ito sa pamamagitan ng mga nilikhang bagay. Ang mga likas na ito ay ang kaniyang walang hanggang kapangyarihan at ang kaniyang pagka-Diyos. Kung kaya, ang mga taong ito ay walang maidadahilan. (aïdios g126)
Sapagka't ang mga bagay niyang hindi nakikita buhat pa nang lalangin ang sanglibutan ay nakikitang maliwanag, sa pagkatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa niya, maging ang walang hanggan niyang kapangyarihan at pagka Dios; upang sila'y walang madahilan: (aïdios g126)
21 Sapagkat kahit kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati bilang Diyos, ni hindi nila siya pinasalamatan. Sa halip, naging hangal sila sa kanilang pag-iisip at nagdilim ang manhid nilang mga puso.
Sapagka't kahit kilala nila ang Dios, siya'y hindi niluwalhati nilang tulad sa Dios, ni pinasalamatan; kundi bagkus niwalang kabuluhan sa kanilang mga pagmamatuwid at ang mangmang nilang puso ay pinapagdilim.
22 Sila ay nagmamarunong ngunit sila ay naging mga hangal.
Ang mga nangagmamarunong ay naging mga mangmang,
23 Ipinagpalit nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan para sa katulad ng imahe ng taong namamatay, ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga nagsisigapang.
At pinalitan nila ang kaluwalhatian ng Dios na hindi nasisira, ng isang katulad ng larawan ng tao na nasisira, at ng mga ibon, at ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga nagsisigapang.
24 Kaya ibinigay sila ng Diyos sa pagnanasa ng kanilang puso sa karumihan, upang malapastangan ang kanilang mga katawan sa kani-kanilang sarili.
Dahil dito'y sa karumihan ng mga pita ng kanilang mga puso ay ibinigay sila ng Dios sa kahalayan, upang alisan nila ng puri ang kanilang mga katawan sa kanikanilang sarili:
25 Sila iyong mga ipinagpalit ang katotohanan ng Diyos sa kasinungalingan, at mga sumamba at naglingkod sa nilikha sa halip na ang Lumikha, na pinupuri magpakailanman. Amen. (aiōn g165)
Sapagka't pinalitan nila ang katotohanan ng Dios ng kasinungalingan, at sila'y nagsisamba at nangaglingkod sa nilalang kay sa Lumalang, na siyang pinupuri magpakailan man. Siya nawa. (aiōn g165)
26 Dahil dito, ibinigay sila ng Diyos sa mga mahahalay na pagnanasa, sapagkat ipinagpalit ng kanilang mga kababaihan ang kanilang likas na kaugnayan sa kung ano ang laban sa likas,
Dahil dito'y ibinigay sila ng Dios sa mga mahahalay na pita: sapagka't pinalitan ng kanilang mga babae ang katutubong kagamitan niyaong nalalaban sa katutubo:
27 Gayon din, iniwan ng mga kalalakihan ang kanilang likas na kaugnayan sa mga babae at nag-aalab sila sa kanilang pagnanasa sa kapwa lalaki. Sila ang mga lalaking gumawa ng kahalayan sa mga kapwa lalaki, at tumanggap sa kanilang sarili ng parusa na nararapat sa kanilang kabuktutan.
At gayon din naman ang mga lalake, na nang iwan na ang katutubong kagamitan sa mga babae, ay nangagningas sa kanilang karumihan ng pita ang isa't isa, na gumagawa ng kahalayan ang mga lalake sa mga kapuwa lalake, at tumatanggap sa kanilang sarili ng kagantihan ng kanilang pagkakamali.
28 Dahil ayaw nilang magkaroon ng Diyos sa kanilang kamalayan, hinayaan niya sila sa mahahalay na pag-iisip, upang gawin nila ang mga bagay na hindi nararapat.
At palibhasa'y hindi nila minagaling na kilalanin ang Dios, ibinigay sila ng Dios sa isang mahalay na pagiisip, upang gawin yaong mga bagay na hindi nangararapat;
29 Napuno sila ng pawang kawalan ng katuwiran, kasamaan, kasakiman at kahalayan. Puno sila ng inggit, pagpatay, pag-aawayan, pandaraya at mga masasamang hangarin.
Nangapuspus sila ng buong kalikuan, ng kasamaan, ng kasakiman, ng kahalayan; puspos ng kapanaghilian, ng pagpatay sa kapuwa tao, ng pagtatalo, ng pagdaraya, ng mga kasamaan; mga mapagupasala,
30 Sila ay mga tsismoso, mga mapanirang puri at nasusuklam sa Diyos. Sila ay mararahas, mayayabang, at mapagmataas. Mga manlilikha sila ng kasamaan at suwail sa mga magulang.
Mga mapanirang puri, mga napopoot sa Dios, mga manglalait, mga palalo, mga mapagmapuri, mga mangangatha ng mga kasamaan, mga masuwayin sa mga magulang,
31 Wala silang pang-unawa, hindi mapagkakatiwalaan, walang pagmamahal at walang awa.
Mga haling, mga hindi tapat sa tipanan, mga walang katutubong paggiliw, mga walang habag:
32 Nauunawaan nila ang mga tuntunin ng Diyos, na ang mga gumagawa ng ganoong mga bagay ay karapat-dapat sa kamatayan. Ngunit hindi lamang nila ginagawa ang mga ganitong bagay, sumasang-ayon din sila sa iba na gumagawa nito.
Na, bagama't nalalaman nila ang kautusan ng Dios, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay mga karapatdapat sa kamatayan, ay hindi lamang gayon ang ginagawa, kundi naman pinapayagan ang mga nagsisigawa ng mga yaon.

< Mga Roma 1 >