< Pahayag 11 >
1 Isang tambo ang binigay sa akin para gamitin tulad ng isang panukat. Sinabihan ako, “Tumayo ka at sukatin ang templo ng Diyos at ang altar, at ang mga sumasamba sa loob nito.
At binigyan ako ng isang tambong katulad ng isang panukat: at may isang nagsabi, Magtindig ka, at sukatin mo ang templo ng Dios, at ang dambana, at ang mga sumasamba doon.
2 Pero huwag mong susukatin ang patyo sa labas ng templo, dahil naibigay na iyon sa mga Gentil. Pagtatapakan nila ang banal na lungsod sa loob ng apatnapu't dalawang buwan.
At ang loobang nasa labas ng templo ay pabayaan mo, at huwag mong sukatin; sapagka't ibinigay sa mga Gentil; at kanilang yuyurakang apat na pu't dalawang buwan ang banal na siudad.
3 Bibigyan ko ang aking dalawang saksi ng kapangyarihan para magpropesiya sa loob ng 1, 260 na araw, na nakadamit ng sako. “
At may ipagkakaloob ako sa aking dalawang saksi, at sila'y magsisipanghulang isang libo at dalawang daan at anim na pung araw, na nararamtan ng magagaspang na kayo.
4 Ang mga saksing ito ay ang dalawang puno ng olibo at dalawang ilawan na nakatayo sa harapan ng Panginoon sa lupa.
Ang mga ito'y ang dalawang punong olibo at ang dalawang kandelero, na nangakatayo sa harapan ng Panginoon ng lupa.
5 Kung sinuman ang magpapasyang manakit sa kanila, lalabas ang apoy mula sa kanilang bibig at tutupukin ang kanilang mga kaaway. Sinuman ang magnanais manakit ay papatayin sa ganitong paraan.
At kung nasain ng sinoman na sila'y ipahamak, ay apoy ang lumalabas sa kanilang bibig, at lumalamon sa kanilang mga kaaway; at kung nasain ng sinoman na sila'y ipahamak ay kailangan ang mamatay sa ganitong paraan.
6 Ang mga saksing ito ay may kapangyarihan para isara ang kalangitan kaya walang bubuhos na ulan sa oras nang sila ay magpropesiya. May kapangyarihang silang gawing dugo ang mga tubig at hampasin ang mundo kasama ang lahat ng uri ng salot anuman ang kanilang hilingin.
Ang mga ito'y may kapangyarihang magsara ng langit, upang huwag umulan sa loob ng mga araw ng kanilang hula: at may kapangyarihan sila sa mga tubig na mapaging dugo, at mapahirapan ang lupa ng bawa't salot sa tuwing kanilang nasain.
7 Kapag natapos na nila ang kanilang patotoo, lalabas ang halimaw mula sa pinakailalim ng hukay at makikipagdigma laban sa kanila. Lulupigin nila sila at papatayin. (Abyssos )
At pagka natapos nila ang kanilang patotoo, ang hayop na umahon mula sa kalaliman ay babaka sa kanila, at pagtatagumpayan sila, at sila'y papatayin. (Abyssos )
8 Ang kanilang mga katawan ay ilalatag sa kalsada sa dakilang lungsod (na tinatawag na Sodom at Egipto bilang simbolo) kung saan ipinako sa krus ang kanilang Panginoon.
At ang kanilang mga bangkay ay nasa lansangan ng malaking bayan, na ayon sa espiritu ay tinatawag na Sodoma at Egipto, na doon din naman ipinako sa krus ang Panginoon nila.
9 Sa loob ng tatlo at kalahating araw ilan mula sa bawat bayan, lipi, wika, at bansa ay tinitingnan ang kanilang mga katawan at hindi nila pahihintulutang ilagay sa isang libingan.
At ang mga tao mula sa gitna ng mga bayan at mga angkan at mga wika at mga bansa, ay nanonood sa kanilang mga bangkay na tatlong araw at kalahati, at hindi itutulot na ang kanilang mga bangkay ay malibing.
10 Silang mga naninirahan sa lupa ay magagalak sa kanila at magdiriwang, kahit nagpapadala sila ng mga kaloob sa isa't isa dahil itong dalawang propeta ay pinahirapan ang mga naninirahan sa lupa.
At ang mga nananahan sa ibabaw ng lupa ay mangagagalak tungkol sa kanila, at mangatutuwa; at sila'y mangagpapadalahan ng mga kaloob; sapagka't ang dalawang propetang ito ay nagpahirap sa nangananahan sa ibabaw ng lupa.
11 Pero makalipas ang tatlo at kalahating araw isang hininga ng buhay mula sa Diyos ay papasok sa kanila at sila ay tatayo sa kanilang mga paa. Matinding takot ang lulukob sa lahat ng makakakita sa kanila.
At pagkatapos ng tatlong araw at kalahati, ang hininga ng buhay na mula sa Dios ay pumasok sa kanila, at sila'y nangagsitindig; at dinatnan ng malaking takot ang mga nakakita sa kanila.
12 Pagkatapos maririnig nila ang malakas na tinig mula sa langit na sinasabi sa kanila, “Umakyat kayo rito!” At sila ay aakyat sa langit sa isang ulap, habang nakatingin ang kanilang mga kaaway.
At narinig nila ang isang malakas na tinig na nagsasabi sa kanila, Umakyat kayo rito. At sila'y umakyat sa langit sa isang alapaap; at pinagmasdan sila ng kanilang mga kaaway.
13 Sa oras na iyon nagkaroon doon ng isang matinding lindol at ang ika-sampung bahagi ng lungsod nagiba. Pitong libong tao ang namatay sa lindol at ang mga nakaligtas ay natakot at nagbibigay kaluwalhatian sa Diyos ng langit.
At nang oras na yaon ay nagkaroon ng isang malakas na lindol, at nagiba ang ikasangpung bahagi ng bayan; at may nangamatay sa lindol na pitong libo katao: at ang mga iba ay nangatatakot, at nangagbigay ng kaluwalhatian sa Dios ng langit.
14 Ang ikalawang kapighatian ay lumipas na. Pagmasdan ito! Ang ikatlong kapighatian ay mabilis dadating.
Nakaraan na ang ikalawang Pagkaaba: narito, nagmamadaling dumarating ang ikatlong Pagkaaba.
15 Pagkatapos pinatunog ng ika-pitong anghel ang kaniyang trumpeta, at malalakas na tinig ang nagsalita sa langit at sinabing, “Ang kaharian ng mundo ay magiging kaharian na ng ating Panginoon at ng kaniyang Cristo. Siya ay maghahari magpakailan pa man.” (aiōn )
At humihip ang ikapitong anghel; at nagkaroon ng malalakas na tinig sa langit, at nagsasabi, Ang kaharian ng sanglibutan ay naging sa ating Panginoon, at sa kaniyang Cristo: at siya'y maghahari magpakailan kailan man. (aiōn )
16 Pagkatapos ang dalawampu't apat na nakatatanda na nakaupo sa mga trono sa presensiya ng Diyos ay ibinaba ang kanilang mga sarili sa lupa, na nakatungo at sinamba ang Diyos.
At ang dalawangpu't apat na matatanda na nakaupo sa kanikaniyang luklukan sa harapan ng Dios ay nangagpatirapa, at nangagsisamba sa Dios,
17 Sinabi nila, “Nagpapasalamat kami sa iyo, Panginoong Diyos, ang naghahari sa lahat, ang isa na at ang siyang noon, dahil nakamit mo ang iyong dakilang kapangyarihan at nagsimulang maghari.
Na nangagsasabi, Pinasasalamatan ka namin, Oh Panginoong Dios, na Makapangyarihan sa lahat, na ikaw ngayon, at naging ikaw nang nakaraan; sapagka't hinawakan mo ang iyong dakilang kapangyarihan, at ikaw ay naghari.
18 Sumiklab ang galit ng mga bansa, pero ang iyong poot ay dumating na. Ang panahon ay narito na para ang mga patay para hatulan at dahil sa iyo para gantimpalaan ang iyong mga lingkod, ang mga propeta, ang mga mananampalataya, at silang mga may takot sa iyong pangalan, silang mga hindi mahalaga at ang dakila. At ang oras ay dumating dahil sa iyo para wasakin silang mga sumisira sa mundo.
At nangagalit ang mga bansa, at dumating ang iyong poot, at ang panahon ng mga patay upang mangahatulan, at ang panahon ng pagbibigay mo ng ganting-pala sa iyong mga alipin na mga propeta, at sa mga banal, at sa mga natatakot sa iyong pangalan, maliliit at malalaki; at upang ipahamak mo ang mga nagpapahamak ng lupa.
19 Pagkatapos bumukas ang templo ng Diyos sa langit at ang kaban ng kaniyang tipan ay nakita sa loob ng kaniyang templo. May mga kislap ng kidlat, mga dagundong at salpukan ng mga kulog, may lindol, at isang matinding pag-ulan ng yelo.
At nabuksan ang templo ng Dios na nasa langit: at nakita sa kaniyang templo ang kaban ng kaniyang tipan; at nagkaroon ng mga kidlat, at mga tinig, at mga kulog, at isang lindol, at malaking granizo.