< Mga Awit 95 >
1 O halika, tayo ay umawit kay Yahweh; tayo ay umawit ng may kagalakan para sa bato ng ating kaligtasan.
Oh magsiparito kayo, tayo'y magsiawit sa Panginoon: tayo'y magkaingay na may kagalakan sa malaking bato na ating kaligtasan.
2 Tayo ay pumasok sa kaniyang presensya ng may pasasalamat; tayo ay umawit sa kaniya ng may salmong papuri.
Tayo'y magsiharap sa kaniyang harapan na may pagpapasalamat, tayo'y magkaingay na may kagalakan sa kaniya na may mga pagaawitan.
3 Dahil si Yahweh ay dakilang Diyos at dakilang Hari na nananaig sa lahat ng diyos.
Sapagka't ang Panginoon ay dakilang Dios, at dakilang Hari sa lahat ng mga dios,
4 Sa kaniyang kamay ay ang kalaliman ng kalupaan; ang katayugan ng bundok ay sa kaniya.
Na sa kaniyang kamay ang mga malalim na dako ng lupa, ang mga kataasan ng mga bundok ay kaniya rin.
5 Ang dagat ay kaniya, dahil nilikha niya ito, at hinulma ng kaniyang mga kamay ang tuyong lupa.
Ang dagat ay kaniya, at kaniyang ginawa: at ang kaniyang mga kamay ay lumikha ng tuyong lupa.
6 O halika, tayo ay magpuri at yumukod; tayo ay lumuhod sa harapan ni Yahweh, ang ating tagapaglikha:
Oh magsiparito kayo, tayo'y magsisamba at magsiyukod; tayo'y magsiluhod sa harap ng Panginoon na May-lalang sa atin.
7 Dahil siya ang ating Diyos, at tayo ang mga tao sa kaniyang pastulan at ang mga tupa ng kaniyang kamay. Ngayon, marinig niyo nawa ang kaniyang tinig!
Sapagka't siya'y ating Dios, at tayo'y bayan ng kaniyang pastulan, at mga tupa ng kaniyang kamay. Ngayon, kung inyong didinggin ang kaniyang tinig!
8 “Huwag niyong patigasin ang inyong puso, tulad sa Meribah, o sa araw ng Masah sa ilang,
Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong puso, gaya sa Meriba, gaya sa kaarawan ng Masa sa ilang:
9 nang sinubukan ng inyong ninuno na hamunin ang aking kapangyarihan at sinubukan ang aking pasensya, kahit na nakita nila ang aking mga gawa.
Nang tuksuhin ako ng inyong mga magulang, tinikman ako, at nakita ang gawa ko.
10 Sa apatnapung taon ako ay galit sa salinlahi na iyon at sinabi, 'Ito ang mga tao na ang mga puso ay lumihis ng landas; hindi nila alam ang aking mga pamamaraan.'
Apat na pung taong namanglaw ako sa lahing yaon, at aking sinabi, Bayan na nagkakamali sa kanilang puso. At hindi naalaman ang aking mga daan:
11 Kaya nga nangako ako sa aking poot na hindi na (sila) kailanman makakapasok sa aking lugar ng kapahingahan.”
Kaya't ako'y sumumpa sa aking poot, na sila'y hindi magsisipasok sa aking kapahingahan.