< Mga Awit 88 >

1 Yahweh, Diyos ng aking kaligtasan, araw at gabi akong umiiyak sa iyo.
Oh Panginoon, na Dios ng aking kaligtasan, ako'y dumaing araw at gabi sa harap mo:
2 Pakinggan mo ang aking panalangin; pansinin mo ang aking pag-iyak.
Masok ang aking dalangin sa iyong harapan: ikiling mo ang iyong pakinig sa aking daing:
3 Dahil puno ako ng mga kaguluhan, at umabot na ang buhay ko sa Sheol. (Sheol h7585)
Sapagka't ang aking kaluluwa ay lipos ng mga kabagabagan, at ang aking buhay ay nalalapit sa Sheol, (Sheol h7585)
4 Tinuturing ako ng mga tao na gaya ng mga bumababa sa hukay; ako ay isang taong walang lakas.
Ako'y nabilang sa kanila na nagsisibaba sa hukay; ako'y parang taong walang lakas:
5 Iniwan ako sa gitna ng mga patay; katulad ako ng mga patay na nakahimlay sa libingan, na wala ka nang pakialam dahil naalis na (sila) mula sa iyong kapangyarihan.
Nakahagis sa gitna ng mga patay, gaya ng napatay na nakahiga sa libingan, na hindi mo na inaalaala; at sila'y mangahiwalay sa iyong kamay.
6 Inilagak mo ako sa pinakamalalim na bahagi ng hukay, sa madilim at malalim na mga lugar.
Iyong inilapag ako sa pinakamalalim na hukay, sa mga madilim na dako, sa mga kalaliman.
7 Nakadagan sa akin ang bigat ng iyong poot, at lahat ng iyong mga alon ay humahampas sa akin. (Selah)
Lubhang idinidiin ako ng iyong poot, at iyong pinighati ako ng lahat mong mga alon. (Selah)
8 Dahil sa iyo, iniiwasan ako ng mga kasama ko. Ginawa mo akong katakot-takot na tanawin sa kanila. Nakagapos ako at hindi ako makatakas.
Iyong inilayo sa akin ang kakilala ko; iyong ginawa akong kasuklamsuklam sa kanila: ako'y nakulong at hindi ako makalabas,
9 Namamaga ang mga mata ko dahil sa pighati; Buong araw akong tumatawag sa iyo, Yahweh; inuunat ko ang aking mga kamay sa iyo.
Ang mata ko'y nangangalumata dahil sa kadalamhatian: ako'y tumawag araw-araw sa iyo, Oh Panginoon, aking iginawad ang mga kamay ko sa iyo.
10 Gagawa ka ba ng mga himala para sa patay? Babangon ba ulit silang mga namatay para papurihan ka? (Selah)
Magpapakita ka ba ng mga kababalaghan sa mga patay? (Sila) bang mga patay ay magsisibangon, at magsisipuri sa iyo? (Selah)
11 Maihahayag ba sa libingan ang iyong katapatan sa tipan, ang iyong pagiging tapat sa lugar ng mga patay?
Ang iyo bang kagandahang-loob ay ipahahayag sa libingan? O ang iyong pagtatapat sa kagibaan?
12 Malalaman ba ang kamangha-mangha mong mga ginawa sa kadiliman, o ang iyong katuwiran sa lugar ng pagkamakalimutin?
Malalaman ba ang mga kababalaghan mo sa dilim? At ang katuwiran mo sa lupain ng pagkalimot?
13 Pero dumadaing ako sa iyo, Yahweh; sa umaga ay idinudulog ko sa iyong harapan ang aking mga panalangin.
Nguni't sa iyo, Oh Panginoon, dumaing ako, at sa kinaumagahan ay darating ang dalangin ko sa harap mo.
14 Yahweh, bakit mo ako tinatanggihan? Bakit mo tinatago ang iyong mukha mula sa akin?
Panginoon, bakit mo itinatakuwil ang kaluluwa ko? Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha sa akin?
15 Matagal na akong naghihirap at nasa bingit na ng kamatayan simula pa nang aking kabataan. Nagdusa na ako sa labis mong galit; wala na akong magagawa.
Ako'y nadadalamhati, at handang mamatay mula sa aking kabataan: habang aking tinitiis ang iyong mga kakilakilabot na bagay ay nakakalingat ako.
16 Dinaanan na ako ng iyong galit, at pinuksa ako ng katakot-takot mong mga gawain.
Ang iyong mabangis na poot ay dumaan sa akin; inihiwalay ako ng iyong mga kakilakilabot na bagay.
17 Buong araw nila akong pinaligiran katulad ng tubig; pinalibutan nila ako.
Kanilang kinulong ako na parang tubig buong araw; kinubkob ako nilang magkakasama.
18 Tinanggal mo ang bawat kaibigan at kasama mula sa akin. Ang tanging kasama ko lang ay ang kadiliman.
Mangliligaw at kaibigan ay inilayo mo sa akin, at ang aking kakilala ay sa dilim.

< Mga Awit 88 >