< Mga Awit 68 >

1 Hayaang tumayo ang Diyos; hayaang kumalat ang kaniyang mga kaaway; hayaan ding magtakbuhan palayo ang mga napopoot sa kaniya.
Bumangon nawa ang Dios, mangalat ang kaniyang mga kaaway; (sila) namang nangagtatanim sa kaniya ay magsitakas sa harap niya.
2 Kung paano itinaboy ang usok, gayundin ang pagtaboy mo sa kanila; kung paano natutunaw ang kandila sa harap ng apoy, hayaang maglaho ang mga masama sa presensiya ng Diyos.
Kung paanong napaparam ang usok ay gayon nangapaparam (sila) Kung paanong natutunaw ang pagkit sa harap ng apoy, gayon mamatay ang masama sa harapan ng Dios.
3 Pero hayaang matuwa ang mga matutuwid; hayaan silang magpakasaya sa harap ng Diyos; nawa ay magalak (sila) at maging masaya.
Nguni't mangatuwa ang matuwid; mangagalak (sila) sa harap ng Dios: Oo, mangagalak (sila) ng kasayahan.
4 Umawit sa Diyos, umawit ng mga papuri sa kaniyang pangalan; gumawa ng daan sa kapatagan para sa naglalakbay sa gitna ng lambak sa Ilog Jordan; Yahweh ang kaniyang pangalan; magalak kayo sa harap niya.
Kayo'y magsiawit sa Dios, kayo'y magsiawit ng kapurihan sa kaniyang pangalan: ipaghanda ninyo ng maluwang na lansangan siya na nangangabayo sa mga ilang; ang kaniyang pangalan ay JAH; at mangagalak kayo sa harap niya.
5 Ang ama ng mga walang ama, ang hukom ng mga balo, ay Diyos sa banal na lugar kung saan siya nananahan.
Ama ng mga ulila, at hukom ng mga babaing bao, ang Dios sa kaniyang banal na tahanan.
6 Inilalagay ng Diyos ang mga nalulungkot na magkaroon ng mga pamilya; pinalalaya niya ang mga bilanggo na nag-aawitan; pero maninirahan sa tigang na lupa ang mga suwail.
Pinapagmamaganak ng Dios ang mga nagiisa: kaniyang inilalabas sa kaginhawahan ang mga bilanggo: nguni't ang mga mapanghimagsik ay magsisitahan sa tuyong lupa.
7 O Diyos, nang lumabas ka sa harap ng iyong bayan, nang lumakad ka sa ilang,
Oh Dios, nang ikaw ay lumabas sa harap ng iyong bayan, nang ikaw ay lumakad sa ilang; (Selah)
8 nanginig ang lupa; nagbuhos din ng ulan ang kalangitan sa presensiya ng Diyos, sa presensiya ng Diyos nang pumunta siya sa Sinai, sa presensiya ng Diyos, ang Diyos ng Israel.
Ang lupa ay nayanig, ang mga langit naman ay tumulo sa harapan ng Dios: ang Sinai na yaon ay nayanig sa harapan ng Dios, ng Dios ng Israel.
9 Ikaw, O Diyos, ay nagpadala ng saganang ulan; pinalakas mo ang iyong pamana noong nanghina ito.
Ikaw, Oh Dios, naglagpak ng saganang ulan, iyong pinatibay ang iyong mana, noong ito'y mahina.
10 Dito nanirahan ang iyong bayan; Ikaw, O Diyos, ay nagbigay sa mga mahihirap mula sa iyong kabutihan.
Ang iyong kapisanan ay tumahan doon: ikaw, Oh Dios, ipinaghanda mo ng iyong kabutihan ang dukha.
11 Nag-utos ang Panginoon, at isang malaking hukbo ang nagpamalita sa mga ito.
Nagbibigay ng salita ang Panginoon: ang mga babaing nangaghahayag ng mga balita ay malaking hukbo.
12 Nagsitakas ang mga hari ng mga hukbo, tumakbo (sila) kaya pinaghati-hatian ng mga kababaihan na naghihintay sa tahanan ang mga nasamsam:
Mga hari ng mga hukbo ay nagsisitakas, sila'y nagsisitakas: at nangamamahagi ng samsam ang naiwan sa bahay.
13 mga kalapati na balot ng pilak na may mga pakpak na ginto. Nang nagpaiwan kayo sa mga kuwadra, bakit ninyo nagawa ito?
Mahihiga ba kayo sa gitna ng mga kulungan ng mga kawan, na parang mga pakpak ng kalapati na natatakpan ng pilak, at ng kaniyang balahibo ng gintong madilaw?
14 Itinaboy ng Maykapal ang mga hari roon; kagaya nang pag-ulan ng niyebe sa Bundok ng Salmon!
Nang ang Makapangyarihan sa lahat ay magkalat ng mga hari roon, ay tila nagka nieve sa Salmon.
15 Ang bulubunduking bayan ng Bashan ay isang matatag na bundok; isang matayog na bundok ang bulubunduking bayan ng Bashan.
Bundok ng Dios ay ang bundok ng Basan; mataas na bundok ang bundok ng Basan.
16 Bakit mo pa kinaiinggitan, ikaw na mataas na bulubunduking bayan ang lugar na nais ng Diyos na panahanan? Tunay nga na maninirahan si Yahweh doon magpakailanman.
Bakit kayo'y nagsisiirap, kayong matataas na mga bundok, sa bundok na ninasa ng Dios na maging kaniyang tahanan? Oo, tatahan doon ang Panginoon magpakailan man.
17 Dalawampung-libo ang karwahe ng Diyos, libo-libo; kasama nila ang Panginoon sa banal na lugar, gaya ng sa Sinai.
Ang mga karo ng Dios ay dalawang pung libo sa makatuwid baga'y libolibo: ang Panginoon ay nasa gitna nila, kung paano sa Sinai, gayon sa santuario.
18 Naitanghal ka; pinalaya mo ang mga bihag; at tumanggap ka ng mga kaloob mula sa mga tao, maging sa mga lumaban sa iyo, nang sa gayon ikaw, Panginoong Diyos, ay manahan doon.
Sumampa ka sa mataas, pinatnubayan mo ang iyong bihag sa pagkabihag; tumanggap ka ng mga kaloob sa gitna ng mga tao, Oo, pati sa mga mapanghimagsik, upang makatahang kasama nila ang Panginoong Dios.
19 Purihin ang Panginoon, siya na bumubuhat ng ating mga pasanin araw-araw, ang Diyos ng ating kaligtasan. (Selah)
Purihin ang Panginoon na nagpapasan araw-araw ng aming pasan, sa makatuwid baga'y ang Dios na siyang aming kaligtasan. (Selah)
20 Ang ating Diyos ay ang Diyos na nagliligtas; Si Yahweh ang Panginoon ang siyang may kakayahang magligtas sa atin mula sa kamatayan.
Ang Dios sa amin ay Dios ng mga kaligtasan; at kay Jehova na Panginoon ukol ang pagpapalaya sa kamatayan.
21 Pero papaluin ng Diyos ang mga ulo ng kaniyang mga kaaway, sa anit ng mga nagkasala laban sa kaniya.
Nguni't sasaktan ng Dios ang ulo ng kaniyang mga kaaway. Ang bunbunang mabuhok ng nagpapatuloy sa kaniyang sala.
22 Sinabi ng Panginoon, “Ibabalik ko ang aking mga kaaway mula sa Bashan; ibabalik ko (sila) mula sa kailaliman ng dagat
Sinabi ng Panginoon, ibabalik ko uli mula sa Basan, ibabalik ko uli (sila) mula sa mga kalaliman ng dagat:
23 para madurog mo ang iyong mga kaaway, na parang sinasawsaw ang iyong paa sa dugo, at para magkaroon ng bahagi ang mga dila ng iyong mga aso mula sa iyong mga kaaway.
Upang madurog mo (sila) na nalulubog ang iyong paa sa dugo, upang ang dila ng iyong mga aso ay magkaroon ng kaniyang pagkain sa iyong mga kaaway.
24 Nakita nila ang iyong mga prusisyon, O Diyos, ang mga prusisyon ng aking Diyos, aking Hari, tungo sa banal na lugar.
Kanilang nakita ang iyong mga lakad, Oh Dios, sa makatuwid baga'y ang lakad ng aking Dios, ng aking Hari, sa loob ng santuario.
25 Naunang lumakad ang mga mang-aawit, sumunod ang mga manunugtog, at sa gitna ang mga dalagang tumutugtog ng mga tamburin.
Ang mga mangaawit ay nangagpauna, ang mga manunugtog ay nagsisunod, sa gitna ng mga dalaga na nagtutugtugan ng mga pandereta.
26 Purihin ang Diyos sa kapulungan; purihin si Yahweh, kayong totoong kaapu-apuhan ng Israel.
Purihin ninyo ang Dios sa mga kapisanan, sa makatuwid baga'y ang Panginoon, ninyong mga sa bukal ng lahi ng Israel.
27 Nauna roon ang Benjamin, ang pinakamaliit na tribo, pagkatapos ang mga pinuno ng Juda at kanilang kapulungan, ang mga pinuno ng Zebulun at ang mga pinuno ng Naptali.
Doo'y ang munting Benjamin ay siyang kanilang puno, ang mga pangulo ng Juda at ang kanilang pulong, ang mga pangulo ng Zabulon, ang mga pangulo ng Nephtali.
28 Ang iyong Diyos, Israel, ang nagsaad ng iyong kalakasan; ipakita mo sa amin ang iyong kapangyarihan, O Diyos, gaya ng ipinakita mo noon.
Ang Dios mo'y nagutos ng iyong kalakasan: patibayin mo, Oh Dios, ang ginawa mo sa amin.
29 Ipakita mo ang iyong kapangyarihan mula sa iyong templo sa Jerusalem kung saan nagdadala ng mga kaloob ang mga hari sa iyo.
Dahil sa iyong templo sa Jerusalem mga hari ay mangagdadala ng mga kaloob sa iyo.
30 Sumigaw sa paglaban sa mga mababangis na hayop sa mga kasukalan, laban sa mga tao, na gaya ng mga toro at guya. Ipahiya mo (sila) at padalahin mo (sila) ng mga kaloob sa iyo; ikalat mo ang mga tao na gustong-gusto ang digmaan.
Sawayin mo ang mga mailap na hayop sa mga puno ng tambo, ang karamihan ng mga toro na kasama ng mga guya ng mga bayan, na niyayapakan sa ilalim ng paa ang mga putol ng pilak; iyong pinangalat ang mga bayan na nangagagalak sa pagdidigma.
31 Magsisilabas ang mga prinsipe sa Ehipto; magmamadali ang Etiopia na i-abot ang kaniyang mga kamay sa Diyos.
Mga pangulo ay magsisilabas sa Egipto; magmamadali ang Etiopia na igawad ang kaniyang mga kamay sa Dios.
32 Umawit sa Diyos, kayong mga kaharian sa mundo; Umawit ng mga papuri kay Yahweh.
Magsiawit kayo sa Dios, kayong mga kaharian sa lupa; Oh magsiawit kayo ng mga pagpuri sa Panginoon.
33 Sa kaniya na nakasakay sa langit ng mga kalangitan, na namuhay mula pa noong unang panahon; tingnan ninyo, itinataas niya ang kaniyang tinig ng may kapangyarihan.
Sa kaniya na sumasakay sa langit ng mga langit, na noon pang una: narito, binibigkas niya ang kaniyang tinig, na makapangyarihang tinig,
34 I-ukol ang kalakasan sa Diyos; ang kaniyang kadakilaan ay nasa Israel; ang kaniyang kalakasan ay nasa kalangitan.
Inyong isa Dios ang kalakasan: ang kaniyang karilagan ay nasa Israel, at ang kaniyang kalakasan ay nasa mga langit.
35 O Diyos, ikaw ay kinatatakutan sa iyong banal na lugar; ang Diyos ng Israel—nagbibigay siya ng kalakasan at kapangyarihan sa kaniyang bayan. Purihin ang Diyos.
Oh Dios, ikaw ay kakilakilabot mula sa iyong mga dakong banal: ang Dios ng Israel, ay nagbibigay ng kalakasan at kapangyarihan sa kaniyang bayan. Purihin ang Panginoon.

< Mga Awit 68 >