< Mga Awit 66 >
1 Mag-ingay sa galak para sa Diyos, lahat ng nilalang;
Magkaingay kayong may kagalakan sa Dios, buong lupa.
2 Awitin ang kaluwalhatian ng kaniyang pangalan; gawing maluwalhati ang kaniyang kapurihan.
Awitin ninyo ang kaluwalhatian ng kaniyang pangalan: paluwalhatiin ninyo ang pagpuri sa kaniya.
3 Sabihin mo sa Diyos, “Nakakikilabot ang iyong mga gawa! Sa pamamagitan ng kadakilaan ng iyong kapangyarihan, magpapasakop sa iyo ang iyong mga kaaway.
Inyong sabihin sa Dios, napaka kakilakilabot ng iyong mga gawa! Sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan ay magsisuko ang iyong mga kaaway sa iyo.
4 Sasamba at aawit sa iyo ang lahat ng nasa lupa; aawit (sila) sa iyong pangalan.” (Selah)
Buong lupa ay sasamba sa iyo, at aawit sa iyo; sila'y magsisiawit sa iyong pangalan. (Selah)
5 Halika at tingnan ang mga gawa ng Diyos; kinatatakutan siya sa kaniyang mga ginagawa sa mga anak ng mga tao.
Kayo ay magsiparito, at tingnan ninyo ang mga gawa ng Dios; siya'y kakilakilabot sa kaniyang gawain sa mga anak ng mga tao.
6 Ginawa niyang tuyong lupa ang dagat; tumawid (sila) sa ilog nang naglalakad; nagalak kami sa kaniya roon.
Kaniyang pinagiging tuyong lupa ang dagat: sila'y nagsidaan ng paa sa ilog: doo'y nangagalak kami sa kaniya.
7 Namumuno siya magpakailanman sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan; pinagmamasdan ng kaniyang mga mata ang mga bansa; huwag hayaang itaas ng mga suwail ang kanilang mga sarili. (Selah)
Siya'y nagpupuno ng kaniyang kapangyarihan magpakailan man: papansinin ng kaniyang mga mata ang mga bansa: huwag mangagpakabunyi ang mga manghihimagsik. (Selah)
8 Purihin ang Diyos, kayong mga tao, hayaang marinig ang tinig ng kaniyang kapurihan.
Oh purihin ninyo ang ating Dios, ninyong mga bayan, at iparinig ninyo ang tinig ng kaniyang kapurihan:
9 Iniingatan niya tayo sa mga nabubuhay, at hindi pinapahintulutang madulas ang ating mga paa.
Na umaalalay sa ating kaluluwa sa buhay, at hindi tumitiis na makilos ang ating mga paa.
10 Dahil ikaw, O Diyos, ang sumubok sa amin; sinubok mo kami gaya ng pilak.
Sapagka't ikaw, Oh Dios, tinikman mo kami: Iyong sinubok kami na para ng pagsubok sa pilak.
11 Dinala mo kami sa isang lambat; nilagyan mo kami ng matinding pabigat sa aming mga balakang.
Iyong isinuot kami sa silo; ikaw ay naglagay ng mainam na pasan sa aming mga balakang.
12 Pinasakay mo ang mga tao sa aming mga ulo; dumaan kami sa apoy at tubig; pero inilabas mo kami sa malawak na lugar.
Iyong pinasakay ang mga tao sa aming mga ulo; kami ay nangagdaan sa apoy at sa tubig; nguni't dinala mo kami sa saganang dako.
13 Pupunta ako sa iyong tahanan na may mga sinunog na handog; tutuparin ko ang aking mga panata
Ako'y papasok sa iyong bahay na may mga handog na susunugin, aking babayaran sa iyo ang mga panata ko,
14 na ipinangako ng aking labi at sinabi ng aking bibig nang ako ay nasa kahirapan.
Na sinambit ng aking mga labi, at sinalita ng aking bibig, nang ako'y nasa kadalamhatian.
15 Magsusunog ako ng taba ng mga hayop bilang handog na may mabangong samyo ng mga tupa; mag-aalay ako ng mga toro at kambing. (Selah)
Ako'y maghahandog sa iyo ng mga matabang handog na susunugin, na may haing mga tupa; ako'y maghahandog ng mga toro na kasama ng mga kambing. (Selah)
16 Halika at makinig, lahat kayo na may takot sa Diyos, at ipahahayag ko kung ano ang ginawa niya para sa aking kaluluwa.
Kayo'y magsiparito at dinggin ninyo, ninyong lahat na nangatatakot sa Dios, at ipahahayag ko kung ano ang kaniyang ginawa sa aking kaluluwa.
17 Nananawagan ako sa kaniya gamit ang aking bibig, at pinuri siya ng aking dila.
Ako'y dumaing sa kaniya ng aking bibig, at siya'y ibinunyi ng aking dila.
18 Kung alam kong may kasalanan sa aking puso, hindi makikinig ang Diyos sa akin.
Kung pinakundanganan ko ang kasamaan sa aking puso, hindi ako didinggin ng Panginoon:
19 Pero tunay ngang nakinig ang Diyos; binigyan niya ng pansin ang tinig ng aking panalangin.
Nguni't katotohanang dininig ako ng Dios; kaniyang pinakinggan ang tinig ng aking dalangin.
20 Purihin ang Diyos, na hindi itinakwil ang aking panalangin o kaniyang katapatan sa tipan mula sa akin.
Purihin ang Dios, na hindi iniwaksi ang aking dalangin, ni ang kaniyang kagandahang-loob sa akin.