< Mga Awit 62 >
1 Sa Diyos lamang ako naghihintay nang tahimik; magmumula sa kaniya ang aking kaligtasan.
2 Siya lamang ang aking muog at aking kaligtasan; siya ang aking mataas na tore; ako ay hindi matitinag.
3 Hanggang kailan kayong lahat sasalakay sa isang tao, para pabagsakin siya tulad ng isang pader o isang maugang bakuran?
4 Sumasangguni (sila) sa kaniya para ibagsak siya mula sa kaniyang marangal na posisyon; mahilig silang magsabi ng mga kasinungalingan; siya ay pinagpapala nila sa kanilang mga bibig, pero sa kanilang mga puso siya ay kanilang isinusumpa. (Selah)
5 Naghihintay ako nang tahimik para lamang sa Diyos; dahil nakatuon ang aking pag-asa sa kaniya.
6 Siya lamang ang aking muog at kaligtasan; siya ang aking mataas na tore; ako ay hindi matitinag.
7 Sa Diyos ang aking kaligtasan at kaluwalhatian; nasa Diyos ang saligan ng aking kalakasan at kanlungan.
8 Magtiwala kayo sa kaniya sa lahat ng oras, kayong mga tao; ibuhos ninyo ang inyong puso sa kaniyang harapan; kanlungan natin ang Diyos. (Selah)
9 Tunay na walang kabuluhan ang mga lalaking mahina ang katayuan, at kasinungalingan ang mga lalaking mataas ang katayuan; magaan silang tinimbang sa sukatan; pareho silang tinimbang, (sila) ay magaan kaysa sa wala.
10 Huwag kang magtitiwala sa pang-aapi o pagnanakaw; at huwag umasa sa walang kabuluhan na mga kayamanan, dahil wala itong maibubunga; huwag mong itutuon ang iyong puso sa mga ito.
11 Minsang nagsalita ang Diyos, dalawang beses kong narinig ang mga ito: sa Diyos nauukol ang kapangyarihan.
12 Gayundin sa inyo, Panginoon, nauukol ang katapatan sa tipan, dahil binabayaran mo ang bawat tao kung ano ang kaniyang ginawa.