< Mga Awit 53 >

1 Sinasabi ng mangmang sa kaniyang puso, ''Walang Diyos.'' Masama (sila) at gumawa ng kasuklam-suklam na pagkakasala; walang sinuman ang gumagawa ng mabuti.
Ang mangmang ay nagsabi sa puso niya, Walang Dios. Nangapahamak (sila) at nagsigawa ng kasuklamsuklam na kasamaan; walang gumawa ng mabuti.
2 Mula sa langit nakatanaw ang Diyos sa mga anak ng tao para tingnan kung may nakauunawa na naghahanap sa kaniya.
Tinunghan ng Dios ang mga anak ng mga tao mula sa langit, upang tignan kung may sinomang nakakaunawa, na humanap sa Dios.
3 Ang bawat isa sa kanila ay tumalikod; ang lahat ay naging marumi; wala ni isang gumagawa ng mabuti, wala, wala kahit isa.
Bawa't isa sa kanila ay tumalikod: sila'y magkakasamang naging mahahalay; walang gumawa ng mabuti, wala, wala kahit isa.
4 Wala ba silang nalalaman, silang gumagawa ng pagkakasala, silang mga kumakain ng aking bayan gaya ng pagkain ng tinapay pero hindi tumatawag sa Diyos?
Wala bang kaalaman ang mga manggagawa ng kasamaan? na siyang kumakain ng aking bayan na tila kumakain ng tinapay, at hindi nagsisitawag sa Dios.
5 (Sila) ay nasa kalagitnaan ng matinding pagkatakot, kahit na walang dahilan para matakot; dahil ikakalat ng Diyos ang mga buto ng sinumang nagsasama-sama laban sa inyo; ang ganiyang mga tao ay ilalagay sa kahihiyan dahil (sila) ay tinanggihan ng Diyos.
Doo'y nangapasa malaking katakutan (sila) na hindi kinaroroonan ng takot: sapagka't pinangalat ng Dios ang mga buto niya na humahantong laban sa iyo; iyong inilagay (sila) sa kahihiyan, sapagka't itinakuwil (sila) ng Dios.
6 O, ang kaligtasan ng Israel ay darating mula sa Sion! Kapag ibinalik na ng Diyos ang kaniyang bayan mula sa pagkakabihag, magdiriwang si Jacob at ang Israel ay magagalak!
Oh kung ang kaligtasan ng Israel ay lumabas sa Sion. Pagka ibabalik ng Dios ang nangabihag ng kaniyang bayan, magagalak nga ang Jacob at matutuwa ang Israel.

< Mga Awit 53 >