< Mga Awit 44 >
1 Narinig ng aming mga tainga, O Diyos, ang sinabi ng aming mga ninuno sa amin tungkol sa ginawa mo sa kanilang mga araw, noong unang panahon.
2 Pinalayas mo ang mga bansa gamit ang iyong kamay, pero itinanim mo ang aming bayan; pinahirapan mo ang mga tao, pero ikinalat mo ang aming bayan sa buong lupain.
3 Dahil hindi nila nakuha ang lupain para maging ari-arian nila sa pamamagitan ng sarili nilang espada; ni ang kanilang sandata ang nagligtas sa kanila; kundi ang iyong kanang kamay, ang iyong bisig at ang ningning ng iyong mukha, dahil sinang-ayunan mo (sila)
4 O Diyos, ikaw ang aking hari; pamahalaan mo ang tagumpay para kay Jacob.
5 Sa pamamagitan mo, ibabagsak namin ang aming mga kalaban; sa pamamagitan ng iyong pangalan, tatapakan namin silang mga tumitindig laban sa amin.
6 Dahil hindi ako nagtitiwala sa aking pana, ni sa aking espada na ililigtas ako.
7 Pero iniligtas mo kami mula sa aming mga kalaban at inilagay sa kahihiyan ang mga napopoot sa amin.
8 Ang Diyos ang aming ipinagmamalaki buong araw, at magpapasalamat kami sa iyong pangalan magpakailanman. (Selah)
9 Pero ngayon, kami ay iyong itinapon, at dinala kami sa kahihiyan, at hindi mo na sinasamahan ang aming mga hukbo.
10 Pinaatras mo kami mula sa aming kalaban; at ang mga napopoot sa amin ay kinamkam ang yaman para sa kanilang mga sarili.
11 Ginawa mo kaming tulad ng tupa na nakalaan para kainin at ikinalat kami sa mga bansa.
12 Ipinagbili mo ang iyong bayan para sa wala; hindi mo napalago ang iyong kayamanan sa paggawa nito.
13 Ginagawa mo kaming katawa-tawa sa aming mga kapwa, hinamak at kinutya kami ng mga taong nakapaligid sa amin.
14 Ginagawa mo kaming isang panlalait sa kalagitnaan ng mga bansa, isang pag-iiling sa kalagitnaan ng mga tao.
15 Buong araw nasa harapan ko ang aking kasiraan, at nabalot ng kahihiyan ang aking mukha
16 dahil sa tinig niyang nanlalait at nanghahamak, dahil sa kaaway at naghihiganti.
17 Lahat ng ito ay dumating sa amin, pero hindi ka namin kinalimutan o pinakitunguhan ng mali ang iyong tipan.
18 Hindi tumalikod ang aming mga puso; hindi lumayo ang aming mga hakbang mula sa iyong daan.
19 Pero lubha mo pa rin kaming pinahirapan sa lugar ng mga aso at binalot kami ng anino ng kamatayan.
20 Kung nakalimot kami sa pangalan ng aming Diyos o nag-unat ng aming mga kamay sa hindi kilalang diyos,
21 hindi kaya ito sisiyasatin ng Diyos? Dahil nalalaman niya ang mga lihim ng puso.
22 Sa katunayan, para sa iyong kapakanan, kami ay pinapatay buong araw; itinuring kaming mga tupa para katayin.
23 Gumising ka, bakit ka natutulog, Panginoon?
24 Tumindig ka, huwag mo kaming ilayo ng tuluyan. Bakit mo tinatago ang iyong mukha at kinakalimutan ang aming paghihirap at kaapihan?
25 Dahil natunaw kami sa alabok; ang aming mga katawan ay kumakapit sa lupa.
26 Bumangon ka para sa aming tulong at tubusin kami alang-alang sa iyong katapatan sa tipan.