< Mga Awit 18 >
1 Mahal kita, O Yahweh, ang aking lakas.
2 Si Yahweh ang aking bato, ang aking tanggulan, ang siyang nagdadala sa akin sa kaligtasan; siya ang aking Diyos, ang aking bato; sa kaniya ako kumukubli. Siya ang aking kalasag, ang tambuli ng aking kaligtasan, at ang aking muog.
3 Mananawagan ako kay Yahweh na siyang karapat-dapat na purihin, at maliligtas ako mula sa aking mga kaaway.
4 Nakapalibot sa akin ang mga lubid ng kamatayan, at inanod ako ng rumaragasang tubig ng kawalan ng halaga.
5 Nakapaligid sa akin ang mga lubid ng Sheol; ang patibong ng kamatayan ay binitag ako. (Sheol )
6 Sa aking pagkabalisa, tumawag ako kay Yahweh, tumawag ako para humingi ng tulong sa aking Diyos. Pinakinggan niya ang tinig ko mula sa kaniyang templo; ang aking panawagan ng tulong ay nakarating sa kaniyang presensiya; nakarating ito sa kaniyang tainga.
7 Kaya nayugyog at nayanig ang lupa; maging ang mga pundasyon ng mga bundok, nayanig at nayugyog dahil nagalit ang Diyos.
8 Umangat ang usok na lumabas mula sa kaniyang ilong, at naglalagablab na apoy ang lumabas mula sa kaniyang bibig. Nagbaga ang mga uling dahil dito.
9 Binuksan niya ang kalangitan at siya ay bumaba, at makapal na kadiliman ay nasa ilalim na kaniyang paanan.
10 Sumakay siya sa isang anghel at lumipad; pumagaspas siya sa mga pakpak ng hangin.
11 Ginawa niyang tolda sa kaniyang paligid ang kadiliman, mabigat na mga ulap-ulan sa kalangitan.
12 Mula sa kidlat sa kaniyang harapan, bumagsak ang mga yelo at nag-aapoy na uling.
13 Dumagundong si Yahweh sa mga kalangitan! Ang Kataas-taasan ay sumigaw at nagpadala ng mga yelo at kidlat.
14 Pinana at ikinalat niya ang kaniyang mga kaaway; pinaghiwa-hiwalay (sila) ng maraming kidlat.
15 Pagkatapos, ang daluyan ng mga tubig ay lumitaw; ang mga pundasyon ng mundo ay nahayag sa iyong sigaw na pandigma, O Yahweh—sa pagbuga ng hininga ng iyong ilong.
16 Bumaba siya mula sa itaas; hinawakan niya ako! Iniahon niya ako mula sa rumaragasang tubig.
17 Sinagip niya ako mula sa aking malakas na kalaban, mula sa mga namumuhi sa akin, dahil (sila) ay higit na malakas kaysa sa akin.
18 Sinugod nila ako sa araw ng aking pagdadalamhati pero si Yahweh ang aking tagapagtanggol!
19 Pinalaya niya ako tungo sa isang malawak na lugar; iniligtas niya ako dahil siya ay nalulugod sa akin.
20 Ginantimpalaan ako ni Yahweh dahil sa aking katuwiran; tinulungan niya akong bumangon dahil ang aking mga kamay ay malinis.
21 Dahil pinanatili ko ang mga pamamaraan ni Yahweh at hindi tumalikod sa aking Diyos patungo sa kasamaan.
22 Dahil ang lahat ng kaniyang makatuwirang mga kautusan ay nanguna sa akin; maging sa kaniyang mga alintuntunin, hindi ako tumalikod.
23 Nanatili akong walang-sala sa kaniyang harapan, at lumayo ako mula sa kasalanan.
24 Kaya tinulungan akong bumangon ni Yahweh dahil sa aking katuwiran, dahil ang aking mga kamay ay malinis sa kaniyang paningin.
25 Sa sinumang tapat, ipakita mo na ikaw ay tapat; sa taong walang-sala, ipakita mo na ikaw ay walang-sala.
26 Sa sinumang dalisay, ipakita mo na ikaw ay dalisay; pero ikaw ay tuso sa sinumang baluktot.
27 Dahil nililigtas mo ang mga hinahamak, pero ibinabagsak mo ang lahat ng nagyayabang, ang mapagmataas na mga mata!
28 Dahil nagbibigay ka ng liwanag sa aking ilawan; si Yahweh na aking Diyos ang nagbibigay liwanag sa aking kadiliman.
29 Sa pamamagitan mo, kaya kong lampasan ang isang barikada; sa pamamagitan ng aking Diyos, kaya kong talunan ang isang pader.
30 Patungkol sa Diyos: ang kaniyang pamamaraan ay ganap. Ang salita ni Yahweh ay dalisay! Siya ang panangga sa sinumang kumukubli sa kaniya.
31 Dahil sino ang Diyos maliban kay Yahweh? Sino ang bato maliban sa ating Diyos?
32 Ang Diyos ang nagbibigay ng lakas sa akin tulad ng isang sinturon, na nagdadala sa isang matuwid na tao sa kaniyang landas.
33 Pinabibilis niya ang aking mga paa na parang isang usa at inilalagay niya ako sa kabundukan!
34 Sinasanay niya ang aking mga kamay para sa digmaan at ang aking mga braso para matutong gumamit ng tansong pana.
35 Ibinigay mo sa akin ang panangga ng iyong kaligtasan. Ang iyong kanang kamay ay sumusuporta sa akin, at ang pabor mo ay ginawa akong tanyag.
36 Gumawa ka ng isang malawak na lugar para sa aking paanan sa ilalim kaya ang aking paanan ay hindi lumihis.
37 Hinabol ko ang aking mga kaaway at hinuli ko (sila) hindi ako tumalikod hangga't hindi (sila) nawawasak.
38 Hinambalos ko (sila) hangga't hindi na nila kayang bumangon; bumagsak (sila) sa ilalim ng aking paanan.
39 Dahil binigyan mo ako ng lakas tulad ng sinturon para sa digmaan; inilagay mo ako sa ilalim ng mga nag-aalsa laban sa akin.
40 Ibinigay mo sa akin ang batok ng aking mga kaaway; nilipol ko lahat ng namumuhi sa akin.
41 Humingi (sila) ng tulong pero walang sumagip sa kanila; tumawag (sila) kay Yahweh, pero hindi niya (sila) pinakinggan.
42 Dinurog ko (sila) tulad ng alikabok sa hangin; itinapon ko (sila) tulad ng putik sa kalsada.
43 Iniligtas mo ako mula sa pagtatalo ng mga tao. Ginawa mo akong pinuno sa lahat ng bansa. Mga taong hindi ko kilala ay naglingkod sa akin.
44 Sa oras na narinig nila ako, sumunod (sila) sa akin; ang mga dayuhan ay napilitang yumuko sa akin.
45 Ang mga dayuhan ay dumating na nanginginig mula sa kanilang mga tanggulan.
46 Buhay si Yahweh; nawa ang aking bato ay purihin. Nawa ang Diyos ng aking kaligtasan ay maitaas.
47 Ito ang Diyos na naghihiganti para sa akin, ang nagdudulot sa mga bayan na sumailalim sa akin.
48 Napalaya ako mula sa aking mga kaaway! Totoo, itinaas mo ako nang higit sa mga tumuligsa sa akin. Iniligtas mo ako mula sa mga marahas na kalalakihan.
49 Kaya magpapasalamat ako sa iyo, O Yahweh, sa lahat ng bansa; aawit ako ng mga papuri sa iyong pangalan!
50 Ang Diyos ay nagbibigay ng tagumpay sa kaniyang hari, at ipinakikita niya ang kaniyang katapatan sa tipan sa kaniyang hinirang, kay David at sa kaniyang kaapu-apuhan magpakailanman.