< Mga Awit 18 >

1 Mahal kita, O Yahweh, ang aking lakas.
Iniibig kita, Oh Panginoon, na aking kalakasan.
2 Si Yahweh ang aking bato, ang aking tanggulan, ang siyang nagdadala sa akin sa kaligtasan; siya ang aking Diyos, ang aking bato; sa kaniya ako kumukubli. Siya ang aking kalasag, ang tambuli ng aking kaligtasan, at ang aking muog.
Ang Panginoon ay aking malaking bato, at aking kuta, at aking tagapagligtas; aking Dios, aking malaking bato na sa kaniya'y manganganlong ako; aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, aking matayog na moog.
3 Mananawagan ako kay Yahweh na siyang karapat-dapat na purihin, at maliligtas ako mula sa aking mga kaaway.
Ako'y tatawag sa Panginoon, na marapat na purihin: sa gayo'y maliligtas ako sa aking mga kaaway.
4 Nakapalibot sa akin ang mga lubid ng kamatayan, at inanod ako ng rumaragasang tubig ng kawalan ng halaga.
Pinamuluputan ako ng mga tali ng kamatayan, at tinakot ako ng mga baha ng kasamaan.
5 Nakapaligid sa akin ang mga lubid ng Sheol; ang patibong ng kamatayan ay binitag ako. (Sheol h7585)
Ang mga tali ng Sheol ay nasa buong palibot ko: ang mga silo ng kamatayan ay dumating sa akin. (Sheol h7585)
6 Sa aking pagkabalisa, tumawag ako kay Yahweh, tumawag ako para humingi ng tulong sa aking Diyos. Pinakinggan niya ang tinig ko mula sa kaniyang templo; ang aking panawagan ng tulong ay nakarating sa kaniyang presensiya; nakarating ito sa kaniyang tainga.
Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa Panginoon, at dumaing ako sa aking Dios: dininig niya ang aking tinig mula sa kaniyang templo, at ang aking daing sa harap niya ay dumating sa loob ng kaniyang mga pakinig.
7 Kaya nayugyog at nayanig ang lupa; maging ang mga pundasyon ng mga bundok, nayanig at nayugyog dahil nagalit ang Diyos.
Nang magkagayo'y nauga at nayanig ang lupa, ang mga patibayan naman ng mga bundok ay nakilos, at nauga, sapagka't siya'y napoot.
8 Umangat ang usok na lumabas mula sa kaniyang ilong, at naglalagablab na apoy ang lumabas mula sa kaniyang bibig. Nagbaga ang mga uling dahil dito.
Napailanglang ang usok mula sa kaniyang mga butas ng ilong, at apoy na mula sa kaniyang bibig ay sumupok: mga baga ay nangagalab sa pamamagitan niyaon.
9 Binuksan niya ang kalangitan at siya ay bumaba, at makapal na kadiliman ay nasa ilalim na kaniyang paanan.
Kaniya namang iniyuko ang mga langit, at ibinaba; at salimuot na kadiliman ay nasa ilalim ng kaniyang mga paa.
10 Sumakay siya sa isang anghel at lumipad; pumagaspas siya sa mga pakpak ng hangin.
At siya'y sumakay sa isang querubin, at lumipad: Oo, siya'y lumipad na maliksi sa mga pakpak ng hangin.
11 Ginawa niyang tolda sa kaniyang paligid ang kadiliman, mabigat na mga ulap-ulan sa kalangitan.
Ginawa niya ang kadiliman na kaniyang kublihang dako, ang kaniyang kulandong sa buong palibot niya; mga kadiliman ng tubig, masinsing mga alapaap sa langit.
12 Mula sa kidlat sa kaniyang harapan, bumagsak ang mga yelo at nag-aapoy na uling.
Sa kakinangan sa harap niya ay dumaan ang kaniyang mga masinsing alapaap, mga granizo at mga bagang apoy.
13 Dumagundong si Yahweh sa mga kalangitan! Ang Kataas-taasan ay sumigaw at nagpadala ng mga yelo at kidlat.
Ang Panginoon naman ay kumulog sa mga langit, at pinatunog ng Kataastaasan ang kaniyang tinig; mga granizo, at mga bagang apoy.
14 Pinana at ikinalat niya ang kaniyang mga kaaway; pinaghiwa-hiwalay (sila) ng maraming kidlat.
At kaniyang inihilagpos ang kaniyang mga pana, at pinapangalat (sila) Oo, mga kidlat na di masayod at ginulo (sila)
15 Pagkatapos, ang daluyan ng mga tubig ay lumitaw; ang mga pundasyon ng mundo ay nahayag sa iyong sigaw na pandigma, O Yahweh—sa pagbuga ng hininga ng iyong ilong.
Nang magkagayo'y nagsilitaw ang mga lagusan ng tubig, at ang mga patibayan ng sanglibutan ay nangahubdan, sa iyong pagsaway, Oh Panginoon, sa hihip ng hinga ng iyong mga butas ng ilong.
16 Bumaba siya mula sa itaas; hinawakan niya ako! Iniahon niya ako mula sa rumaragasang tubig.
Siya'y nagsugo mula sa itaas, kinuha niya ako; sinagip niya ako sa maraming tubig.
17 Sinagip niya ako mula sa aking malakas na kalaban, mula sa mga namumuhi sa akin, dahil (sila) ay higit na malakas kaysa sa akin.
Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway, At sa mga nangagtatanim sa akin, sapagka't sila'y totoong makapangyarihan sa ganang akin.
18 Sinugod nila ako sa araw ng aking pagdadalamhati pero si Yahweh ang aking tagapagtanggol!
Sila'y nagsidating sa akin sa kaarawan ng aking kasakunaan, nguni't ang Panginoon ay siyang aking gabay.
19 Pinalaya niya ako tungo sa isang malawak na lugar; iniligtas niya ako dahil siya ay nalulugod sa akin.
Inilabas naman niya ako sa maluwag na dako; iniligtas niya ako, sapagka't siya'y nalulugod sa akin.
20 Ginantimpalaan ako ni Yahweh dahil sa aking katuwiran; tinulungan niya akong bumangon dahil ang aking mga kamay ay malinis.
Ginanting-pala ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran; ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ay ginanting-pala niya ako.
21 Dahil pinanatili ko ang mga pamamaraan ni Yahweh at hindi tumalikod sa aking Diyos patungo sa kasamaan.
Sapagka't aking iningatan ang mga daan ng Panginoon, at hindi ako humiwalay ng masama sa aking Dios.
22 Dahil ang lahat ng kaniyang makatuwirang mga kautusan ay nanguna sa akin; maging sa kaniyang mga alintuntunin, hindi ako tumalikod.
Sapagka't lahat niyang mga kahatulan ay nangasa harap ko, at hindi ko inihiwalay ang kaniyang mga palatuntunan sa akin.
23 Nanatili akong walang-sala sa kaniyang harapan, at lumayo ako mula sa kasalanan.
Ako rin nama'y sakdal sa kaniya, at ako'y nagingat ng aking sarili sa aking kasamaan.
24 Kaya tinulungan akong bumangon ni Yahweh dahil sa aking katuwiran, dahil ang aking mga kamay ay malinis sa kaniyang paningin.
Kaya't ginanting-pala ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran, ayon sa kalinisan ng aking mga kamay sa kaniyang paningin.
25 Sa sinumang tapat, ipakita mo na ikaw ay tapat; sa taong walang-sala, ipakita mo na ikaw ay walang-sala.
Sa mahabagin ay pakikilala kang mahabagin; sa sakdal na tao ay pakikilala kang sakdal;
26 Sa sinumang dalisay, ipakita mo na ikaw ay dalisay; pero ikaw ay tuso sa sinumang baluktot.
Sa dalisay ay pakikilala kang dalisay; at sa matigas na loob ay pakikilala kang mapagmatigas.
27 Dahil nililigtas mo ang mga hinahamak, pero ibinabagsak mo ang lahat ng nagyayabang, ang mapagmataas na mga mata!
Sapagka't iyong ililigtas ang napipighating bayan: nguni't ang mga mapagmataas na mata ay iyong ibababa.
28 Dahil nagbibigay ka ng liwanag sa aking ilawan; si Yahweh na aking Diyos ang nagbibigay liwanag sa aking kadiliman.
Sapagka't iyong papagniningasin ang aking ilawan; liliwanagan ng Panginoon kong Dios ang aking kadiliman.
29 Sa pamamagitan mo, kaya kong lampasan ang isang barikada; sa pamamagitan ng aking Diyos, kaya kong talunan ang isang pader.
Sapagka't sa pamamagitan mo ay dadaluhungin ko ang isang hukbo; at sa pamamagitan ng aking Dios ay lulukso ako sa kuta.
30 Patungkol sa Diyos: ang kaniyang pamamaraan ay ganap. Ang salita ni Yahweh ay dalisay! Siya ang panangga sa sinumang kumukubli sa kaniya.
Tungkol sa Dios ang kaniyang lakad ay sakdal: ang salita ng Panginoon ay subok; siya'y kalasag ng lahat na nanganganlong sa kaniya,
31 Dahil sino ang Diyos maliban kay Yahweh? Sino ang bato maliban sa ating Diyos?
Sapagka't sino ang Dios, liban sa Panginoon? At sino ang malaking bato maliban sa ating Dios?
32 Ang Diyos ang nagbibigay ng lakas sa akin tulad ng isang sinturon, na nagdadala sa isang matuwid na tao sa kaniyang landas.
Ang Dios na nagbibigkis sa akin ng kalakasan, at nagpapasakdal sa aking lakad.
33 Pinabibilis niya ang aking mga paa na parang isang usa at inilalagay niya ako sa kabundukan!
Kaniyang ginagawa ang aking mga paa na gaya ng mga paa ng mga usa: at inilalagay niya ako sa aking mga mataas na dako.
34 Sinasanay niya ang aking mga kamay para sa digmaan at ang aking mga braso para matutong gumamit ng tansong pana.
Kaniyang tinuturuan ang aking mga kamay na makipagdigma, na anopa't ang aking mga kamay ay bumabali ng busog na tanso.
35 Ibinigay mo sa akin ang panangga ng iyong kaligtasan. Ang iyong kanang kamay ay sumusuporta sa akin, at ang pabor mo ay ginawa akong tanyag.
Iyo namang ibinigay sa akin ang kalasag na iyong pangligtas: at inalalayan ako ng iyong kanan, at pinadakila ako ng iyong kahinahunan.
36 Gumawa ka ng isang malawak na lugar para sa aking paanan sa ilalim kaya ang aking paanan ay hindi lumihis.
Iyong pinalaki ang aking mga hakbang sa ilalim ko, at ang aking mga paa ay hindi nangadulas.
37 Hinabol ko ang aking mga kaaway at hinuli ko (sila) hindi ako tumalikod hangga't hindi (sila) nawawasak.
Aking hahabulin ang aking mga kaaway, at aabutan ko (sila) hindi man ako babalik hanggang sa sila'y malipol.
38 Hinambalos ko (sila) hangga't hindi na nila kayang bumangon; bumagsak (sila) sa ilalim ng aking paanan.
Aking sasaktan (sila) na anopa't sila'y huwag makatayo: sila'y mangalulugmok sa ilalim ng aking mga paa.
39 Dahil binigyan mo ako ng lakas tulad ng sinturon para sa digmaan; inilagay mo ako sa ilalim ng mga nag-aalsa laban sa akin.
Sapagka't iyong binigkisan ako ng kalakasan sa pagbabaka: iyong pinasuko sa akin yaong nagsisibangon laban sa akin.
40 Ibinigay mo sa akin ang batok ng aking mga kaaway; nilipol ko lahat ng namumuhi sa akin.
Iyo rin namang pinatatalikod sa akin ang aking mga kaaway, upang aking maihiwalay silang nangagtatanim sa akin.
41 Humingi (sila) ng tulong pero walang sumagip sa kanila; tumawag (sila) kay Yahweh, pero hindi niya (sila) pinakinggan.
Sila'y nagsihiyaw, nguni't walang magligtas: pati sa Panginoon, nguni't hindi niya sinagot (sila)
42 Dinurog ko (sila) tulad ng alikabok sa hangin; itinapon ko (sila) tulad ng putik sa kalsada.
Nang magkagayo'y aking dinurog (sila) na gaya ng alabok sa harap ng hangin: aking inihagis (sila) na gaya ng putik sa mga lansangan.
43 Iniligtas mo ako mula sa pagtatalo ng mga tao. Ginawa mo akong pinuno sa lahat ng bansa. Mga taong hindi ko kilala ay naglingkod sa akin.
Iniligtas mo ako sa mga pakikipagtalo sa bayan; iyong ginawa ako na pangulo ng mga bansa: isang bayan na hindi ko nakilala ay maglilingkod sa akin.
44 Sa oras na narinig nila ako, sumunod (sila) sa akin; ang mga dayuhan ay napilitang yumuko sa akin.
Pagkarinig nila sa akin ay tatalimahin nila ako; ang mga taga ibang lupa ay magsisisuko sa akin.
45 Ang mga dayuhan ay dumating na nanginginig mula sa kanilang mga tanggulan.
Ang mga taga ibang lupa ay manganghihiluka, at sila'y magsisilabas na nanganginginig mula sa kanilang mga taguang dako.
46 Buhay si Yahweh; nawa ang aking bato ay purihin. Nawa ang Diyos ng aking kaligtasan ay maitaas.
Mabuhay nawa ang Panginoon at maging mapalad nawa ang aking malaking bato; at dakilain ang Dios ng aking kaligtasan:
47 Ito ang Diyos na naghihiganti para sa akin, ang nagdudulot sa mga bayan na sumailalim sa akin.
Sa makatuwid baga'y ang Dios na ipinanghihiganti ako, at nagpapasuko ng mga bayan sa akin.
48 Napalaya ako mula sa aking mga kaaway! Totoo, itinaas mo ako nang higit sa mga tumuligsa sa akin. Iniligtas mo ako mula sa mga marahas na kalalakihan.
Kaniyang inililigtas ako sa aking mga kaaway: Oo, itinataas mo ako sa nagsisibangon laban sa akin: iyong inililigtas ako sa mangdadahas na tao.
49 Kaya magpapasalamat ako sa iyo, O Yahweh, sa lahat ng bansa; aawit ako ng mga papuri sa iyong pangalan!
Kaya't ako'y magpapasalamat sa iyo, Oh Panginoon, sa gitna ng mga bansa, at aawit ako ng mga pagpupuri sa iyong pangalan.
50 Ang Diyos ay nagbibigay ng tagumpay sa kaniyang hari, at ipinakikita niya ang kaniyang katapatan sa tipan sa kaniyang hinirang, kay David at sa kaniyang kaapu-apuhan magpakailanman.
Dakilang kaligtasan ay ibinibigay niya sa kaniyang hari; at nagpapakita ng kagandahang-loob sa kaniyang pinahiran ng langis. Kay David at sa kaniyang binhi magpakailan man.

< Mga Awit 18 >