< Mga Awit 17 >
1 Pakinggan mo ang pagsamo ko ng katarungan, O Yahweh; pansinin mo ang aking panawagan ng tulong! Paglaanan mo ng iyong tainga ang panalangin ko, mula sa mga labi na walang panlilinlang.
Dinggin mo ang matuwid, Oh Panginoon, pakinggan mo ang aking daing; ulinigin mo ang aking panalangin, na hindi lumalabas sa mga magdarayang labi.
2 Hayaan mong ang pagpapawalang-sala sa akin ay magmula sa iyon piling; makita nawa ng iyong mga mata kung ano ang tama!
Manggaling sa iyong harapan ang aking kahatulan; masdan ng iyong mga mata ang karampatan.
3 Kung susubukin mo ang puso ko, kung daratnan mo ako sa gabi, lilinisin mo ako at wala kang makikitang anumang masamang balakin; ang bibig ko ay hindi magkakasala.
Iyong sinubok ang aking puso; iyong dinalaw ako sa kinagabihan; iyong nilitis ako, at wala kang nasumpungan; ako'y nagpasiya na ang aking bibig ay hindi sasalangsang.
4 Patungkol sa gawi ng sangkatauhan, sa salita ng mga labi mo kaya lumayo ako sa kasamaan.
Tungkol sa mga gawa ng mga tao, sa pamamagitan ng salita ng iyong mga labi. Ako'y nagingat sa mga daan ng pangdadahas.
5 Ang mga yapak ko ay nanatiling nakatuon sa iyong gabay; ang paanan ko ay hindi lumihis.
Ang aking mga hakbang ay nagsipanatili sa iyong mga landas, ang aking mga paa ay hindi nangadulas.
6 Nananawagan ako sa iyo, dahil tinutugon mo ako, O Diyos; ibaling mo ang pandinig mo sa akin at pakinggan mo ako sa aking sasabihin.
Ako'y tumawag sa iyo, sapagka't ikaw ay sasagot sa akin, Oh Dios: Ikiling mo ang iyong pakinig sa akin, at dinggin mo ang aking pananalita.
7 Ipakita mo ang katapatan mo sa tipan sa kaaya-ayang paraan, ikaw na nagliligtas, sa pamamagitan ng iyong kanang kamay, ng mga kumukibli sa iyo mula sa kanilang mga kaaway.
Ipakita mo ang iyong mga kagilagilalas na kagandahang-loob, Oh ikaw na nagliligtas sa kanila na nagsisipagkanlong sa iyo. Sa nagsisibangon laban sa kanila, sa pamamagitan ng iyong kanan.
8 Ingatan mo ako tulad ng sinta mong irog; itago mo ako sa ilalim ng anino ng iyong mga pakpak
Ingatan mo ako na gaya ng itim ng mata, ikubli mo ako sa lilim ng iyong mga pakpak,
9 mula sa presensiya ng masasama na nananakit sa akin, mga kaaway kong pumapaligid sa akin.
Sa masama na sumasamsam sa akin, sa aking mga kaaway na nagsisipatay, na nagsisikubkub sa akin.
10 Wala silang awa kaninuman; ang mga bibig nila ay nagsasalita nang may kayabangan.
Sila'y nangabalot sa kanilang sariling taba: sila'y nangagsasalita ng kanilang bibig na may kapalaluan.
11 Pinaligiran nila ang aking mga yapak. Binabalak nila na pabagsakin ako.
Kanilang kinubkob nga kami sa aming mga hakbang: itinititig nila ang kanilang mga mata upang ibuwal kami sa lupa.
12 Tulad (sila) ng isang leon na sabik para sa isang biktima, tulad ng isang batang leon na nakaabang sa mga liblib na lugar.
Sila'y parang leon na masiba sa kaniyang huli, at parang batang leon na nanunubok sa mga lihim na dako.
13 Tumayo ka, O Yahweh! Lusubin mo (sila) Pabagsakin mo (sila) Iligtas mo ako mula sa masasama sa pamamagitan ng iyong tabak!
Bumangon ka, Oh Panginoon, harapin mo siya, ilugmok mo siya: iligtas mo ang aking kaluluwa sa masama sa pamamagitan ng iyong tabak;
14 Sagipin mo ako mula sa mga tao sa pamamagitan ng iyong kamay, O Yahweh, mula sa mga tao ng mundong ito na ang yaman ay sa buhay na ito lamang! Pupunuin mo ng yaman ang mga tiyan ng iyong mga pinahahalagahan; magkakaroon (sila) ng maraming anak at iiwan ang kanilang yaman sa kanilang mga anak.
Sa mga tao, sa pamamagitan ng iyong kamay, Oh Panginoon, sa mga tao ng sanglibutan, na ang bahagi nila ay nasa buhay na ito, at ang tiyan nila'y pinupuno mo ng iyong kayamanan: kanilang binubusog ang kanilang mga anak, at iniiwan nila ang natira sa kanilang pag-aari sa kanilang sanggol.
15 Ako, makikita ko ang iyong mukha sa katuwiran; masisiyahan ako sa paggising ko nang ikaw ang aking nakikita.
Tungkol sa akin, aking mamasdan ang iyong mukha sa katuwiran: ako'y masisiyahan pagka bumangon sa iyong wangis.