< Mga Awit 102 >
1 Dinggin mo ang aking panalangin, Yahweh; dinggin mo ang aking pag-iyak sa iyo.
2 Huwag mong itago ang iyong mukha mula akin sa oras ng aking kaguluhan. Makinig ka sa akin. Kapag ako ay nanawagan sa iyo, agad mo akong sagutin.
3 Dahil lumilipas na parang usok ang aking mga araw, at nasusunog ang aking mga buto tulad ng apoy.
4 Nadudurog ang aking puso, at tulad ako ng damo na natutuyo. Nalilimutan kong kumain ng anumang pagkain.
5 Sa patuloy kong pagdaing, labis akong pumayat.
6 Tulad ako ng isang pelikano sa kaparangan; ako ay naging tulad ng isang kwago sa wasak na lugar.
7 Gising akong nakahiga na parang isang malungkot na ibon, nag-iisa sa bubungan.
8 Buong araw akong tinutuya ng aking mga kaaway; ginagamit ang aking pangalan sa mga pagsumpa ng mga nanlilibak sa akin.
9 Kumakain ako ng abo tulad ng tinapay at hinahaluan ng mga luha ang aking inumin.
10 Dahil sa iyong matinding galit, binuhat mo ako para ibagsak.
11 Ang aking mga araw ay tulad ng isang anino na unti-unting nawawala, at natutuyo ako tulad ng damo.
12 Pero ikaw, Yahweh, ay nabubuhay magpakailanman, at ang katanyagan mo ay para sa lahat ng mga salinlahi.
13 Babangon ka at maaawa sa Sion. Panahon na ngayon para kaawaan siya; dumating na ang takdang oras.
14 Dahil minamahal ng iyong mga lingkod ang kanyang mga bato at nahahabag sa alikabok ng kanyang pagkawasak.
15 Igagalang ng mga bansa ang iyong pangalan, Yahweh, at pararangalan ng lahat ng mga hari sa daigdig ang iyong kaluwalhatian.
16 Muling itatayo ni Yahweh ang Sion at makikita sa kanyang kaluwalhatian.
17 Sa oras na iyon, tutugon siya sa panalangin ng dukha; hindi niya tatanggihan ang kanilang panalangin.
18 Ito ay masusulat para sa mga darating na salinlahi, at pupurihin si Yahweh ng isang bayan na hindi pa ipinapanganak.
19 Dahil tumingin siya pababa mula sa kanyang banal na kaitaasan; mula sa langit tiningnan ni Yahweh ang daigdig,
20 para dinggin ang pagdaing ng mga bilanggo, para palayain ang mga nahatulan ng kamatayan.
21 Pagkatapos ihahayag ng mga tao ang pangalan ni Yahweh sa Sion at ang kanyang papuri sa Jerusalem
22 sa panahon na ang mga tao at mga kaharian ay magtitipon para paglingkuran si Yahweh.
23 Inalis niya ang aking kalakasan sa kalagitnaan ng aking buhay. Pinaikli niya ang aking mga araw.
24 Sinabi ko, “Aking Diyos, huwag mo akong kunin sa kalagitnaan ng aking buhay; naririto ka sa lahat ng mga salinlahi.
25 Nang mga sinaunang panahon inilagay mo sa lugar ang daigdig; ang kalangitan ay gawa ng iyong mga kamay.
26 Mawawala (sila) pero mananatili ka; tatanda silang lahat tulad ng isang damit; tulad ng pananamit, huhubarin mo (sila) at maglalaho (sila)
27 Pero wala kang pagbabago, at ang mga taon mo ay hindi magwawakas.
28 Patuloy na mabubuhay ang mga anak ng iyong mga lingkod, at ang kanilang mga kaapu-apuhan ay mabubuhay sa iyong presensya.