< Mga Awit 10 >

1 Yahweh, bakit ka nakatayo sa malayo? Bakit tinatago mo ang iyong sarili sa oras ng kaguluhan?
Bakit ka tumatayong malayo, Oh Panginoon? Bakit ka nagtatago sa mga panahon ng kabagabagan?
2 Dahil sa kanilang kayabangan, hinahabol ng masasamang tao ang mga api; pero pakiusap hayaan mong mahuli ang mga masasama sa ginawa nilang sariling mga balakin.
Sa kapalaluan ng masama ang dukha ay hinahabol na mainam; mahuli nawa (sila) sa mga lalang na kanilang inakala.
3 Dahil ipinagyayabang ng masasamang tao ang kaniyang pinakamalalim na mga hangarin; pinagpapala niya ang sakim at iniinsulto si Yahweh.
Sapagka't ang masama ay nagmamalaki sa nais ng kaniyang puso, at ang mapagimbot ay nagtatakuwil, oo, nagwawalang kabuluhan sa Panginoon.
4 Ang masasamang tao ay nakataas-noo; hindi niya hinahanap ang Diyos. Hindi niya kailanman iniisip ang tungkol sa Diyos dahil siya ay wala talagang pakialam sa kaniya.
Ang masama, sa kapalaluan ng kaniyang mukha, ay nagsasabi, hindi niya sisiyasatin. Lahat niyang pagiisip ay, walang Dios.
5 Siya ay matatag sa lahat ng oras, pero ang iyong mga makatuwirang mga kautusan ay labis na mataas para sa kaniya; sinisinghalan niya ang lahat ng kaniyang mga kaaway.
Ang kaniyang mga lakad ay panatag sa lahat ng panahon; ang iyong mga kahatulan ay malayong totoo sa kaniyang paningin: tungkol sa lahat niyang mga kaaway, tinutuya niya (sila)
6 Sinasabi niya sa kaniyang puso, “Hindi ako mabibigo; hindi ako makahaharap ng pagkatalo sa lahat ng salinlahi.”
Sinasabi niya sa kaniyang puso, Hindi ako makikilos: sa lahat ng sali't saling lahi ay hindi ako malalagay sa karalitaan.
7 Ang kaniyang bibig ay puno ng pagsusumpa at mapanlinlang, mapaminsalang mga salita; ang kaniyang dila ay nakasasakit at nakasisira.
Ang kaniyang bibig ay puno ng panunungayaw, at pagdaraya, at pang-aapi: sa ilalim ng kaniyang dila ay kalikuan at kasamaan.
8 Siya ay naghihintay sa pagtambang malapit sa mga nayon; sa lihim na mga lugar niya pinapatay ang inosente; ang kaniyang mga mata ay naghahanap ng ilang biktimang walang laban.
Siya'y nauupo sa mga pinakasulok na dako ng mga nayon: sa mga kubling dako ay pinapatay niya ang walang sala; ang kaniyang mga mata ay natititig laban sa walang nagkakandili.
9 Siya ay nagtatago ng palihim katulad ng leon sa masukal na lugar; siya ay nag-aabang para humuli ng api. Nahuhuli niya ang api kapag hinihila niya ang kaniyang lambat.
Siya'y bumabakay sa kubli, na parang leon sa kaniyang lungga: siya'y nagaabang upang hulihin ang dukha: hinuhuli niya ang dukha, pagka kaniyang dinadala siya sa silo niya.
10 Ang kaniyang mga biktima ay dinudurog at binubugbog; (sila) ay nahulog sa kaniyang matibay na mga lambat.
Siya'y naninibasib, siya'y nagpapakaliit, at ang mga walang nagkakandili ay nangahuhulog sa kaniyang mga malakas.
11 Sinasabi niya sa kaniyang puso, “Nakalimot ang Diyos; tinakpan niya ang kaniyang mukha; hindi siya mag-aabalang tumingin.”
Sinasabi niya sa kaniyang puso: ang Dios ay nakalimot: kaniyang ikinukubli ang kaniyang mukha, hindi na niya makikita kailan man.
12 Bumangon ka, Yahweh; itaas mo ang iyong kamay sa paghatol, O Diyos. Huwag mong kalimutan ang mga api.
Bumangon ka, Oh Panginoon, Oh Dios, itaas mo ang iyong kamay: huwag mong kalimutan ang dukha.
13 Bakit itinatanggi ng masamang tao ang Diyos at sinasabi sa kaniyang puso, “Hindi mo ako pananagutin”?
Bakit sinusumpa ng masama ang Dios, at nagsasabi sa kaniyang puso: hindi mo sisiyasatin?
14 Binigyang pansin mo, dahil lagi mong nakikita ang gumagawa ng paghihirap at kalungkutan. Pinagkakatiwala ng ulila ang kaniyang sarili sa iyo; inililigtas mo ang mga walang ama.
Iyong nakita; sapagka't iyong minamasdan ang pahirap at pangduduwahagi upang mapasa iyong kamay: ang walang nagkakandili ay napakukupkop sa iyo; ikaw ay naging tagakandili sa ulila.
15 Baliin mo ang bisig ng masama at buktot na tao; panagutin siya sa kaniyang mga masasamang gawain, na akala niya hindi mo matutuklasan.
Baliin mo ang bisig ng masama: at tungkol sa masamang tao, pag-usigin mo ang kaniyang kasamaan hanggang sa wala ka nang masumpungan.
16 Si Yahweh ay Hari magpakailanpaman; ang mga bansa ay pinalalayas mo sa kanilang mga lupain.
Ang Panginoon ay Hari magpakailan-kailan man. Ang mga bansa ay nalilipol sa kaniyang lupain.
17 Yahweh, narinig mo ang mga pangangailangan ng mga api; pinalalakas mo ang kanilang puso, pinakikinggan mo ang kanilang panalangin;
Panginoon, iyong narinig ang nasa ng mga maamo: iyong ihahanda ang kanilang puso, iyong pakikinggan ng iyong pakinig:
18 Ipinagtatanggol mo ang walang mga ama at ang mga api para walang tao sa mundo ang magdudulot muli ng malaking takot.
Upang hatulan ang ulila at ang napipighati, upang huwag nang makapangilabot ang tao na taga lupa.

< Mga Awit 10 >