< Mga Kawikaan 29 >

1 Ang isang tao na nakatanggap ng maraming pagsasaway pero pinatitigas ang kaniyang leeg ay mababali sa isang sandali na hindi na mapapagaling.
Ang madalas na masaway na nagpapatigas ng kaniyang leeg, biglang mababali, at walang kagamutan.
2 Kapag silang mga gumagawa ng tama ay umaangat, ang mga tao ay nagdidiwang, pero kapag ang isang masamang tao ang namuno, ang mga tao ay maghihinagpis.
Pagka ang matuwid ay dumadami, ang bayan ay nagagalak: nguni't pagka ang masama ay nagpupuno, ang bayan ay nagbubuntong-hininga.
3 Sinuman ang nagmamamahal sa karunungan ay nagagawa ang kaniyang ama na magdiwang, ngunit ang isang nananatiling kasama ang mga masasamang tao ay sinisira ang kaniyang kayamanan.
Ang umiibig ng karunungan ay nagpapagalak sa kaniyang ama: nguni't ang nakikisama sa mga patutot ay sumisira ng kaniyang tinatangkilik.
4 Ang hari ay itinatatag ang lupa sa pamamagitan ng katarungan, ngunit wawasakin ito ng isang humuhingi ng suhol.
Ang hari ay nagtatatag ng lupain sa pamamagitan ng kahatulan: nguni't ang humihingi ng suhol ay gumigiba.
5 Ang isang tao na pumupuri sa kaniyang kapit-bahay ay inilalatag ang isang lambat para sa kaniyang mga paa.
Ang tao na kunwang pumupuri sa kaniyang kapuwa naglalagay ng bitag sa kaniyang mga hakbang.
6 Ang isang masamang tao ay nahuli sa isang patibong sa pamamagitan ng kaniyang sariling kasalanan, pero ang isang gumagawa ng tama ay umaawit at nagsasaya.
Sa pagsalangsang ng masamang tao ay may silo: nguni't ang matuwid ay umaawit at nagagalak.
7 Siyang gumagawa ng tama ay nakikiusap sa kapakanan ng mahirap; ang masamang tao ay hindi naiintindihan ang ganyang kaalaman.
Ang matuwid ay kumukuhang alam sa bagay ng dukha: ang masama ay walang unawang makaalam.
8 Inilalagay ng mga mangungutya ang isang lungsod sa apoy, pero silang mga matatalino ay nag-aalis ng poot.
Ang mga mangduduwahaging tao ay naglalagay ng bayan sa liyab: nguni't ang mga pantas na tao ay nagaalis ng poot.
9 Kapag nakikipagtalo ang isang taong matalino sa isang mangmang, siya ay galit na galit at natatawa at ito ay walang tigil.
Kung ang pantas ay magkaroon ng pakikipagtalo sa isang mangmang, magalit man o tumawa, ang mangmang ay hindi magkakaroon ng kapahingahan.
10 Ang uhaw sa dugo ay galit sa isang walang kasalanan at hinahanangad ang buhay nang matuwid.
Ang mangbububo ng dugo ay nagtatanim sa sakdal: at tungkol sa matuwid, hinahanap nila ang kaniyang buhay.
11 Ang isang mangmang ay ipinahahayag ang lahat ng kaniyang galit, pero ang isang taong matalino ay pinipigilan ito at kinakalma ang kaniyang sarili.
Inihihinga ng mangmang ang buong galit niya: nguni't ang pantas ay nagpipigil at tumitiwasay.
12 Kung ang isang pinuno ay nagbibigay pansin sa mga kasinungalingan, lahat ng kaniyang mga opisyal ay magiging masama.
Kung ang puno ay nakikinig sa kabulaanan, lahat niyang mga lingkod ay masasama.
13 Ang taong mahirap at mapang-api ay magkatulad, sapagkat si Yahweh ay parehong nagbibigay liwanag sa kanilang mga mata.
Ang dukha at ang mamimighati ay nagsasalubong; pinapagniningas ng Panginoon ang mga mata nila kapuwa.
14 Kung ang isang hari ay humahatol sa mga mahihirap sa pamamagitan ng katotohanan, ang kaniyang trono ay maitatatag nang walang hanggan.
Ang hari na humahatol na tapat sa dukha, ang kaniyang luklukan ay matatatag magpakailan man.
15 Ang pamalo at pagsaway ay nagbibigay ng karunungan, pero ang isang batang malaya mula sa pagdidisiplina ay inilalagay ang kaniyang ina sa kahihiyan.
Ang pamalo at saway ay nagbibigay karunungan: nguni't ang batang binabayaan ay humihiya sa kaniyang ina.
16 Kapag ang mga masasamang tao ay nasa kapangyarihan, ang pagsuway ay dumadami, ngunit sila na gumagawa nang matuwid ay makikita ang pagbagsak ng taong masama.
Pagka ang masama ay dumadami, pagsalangsang ay dumadami: nguni't mamamasdan ng matuwid ang kanilang pagkabuwal.
17 Disiplinahin ang inyong anak at bibigyan ka niya nang kapahingahan; bibigyan ka niya ng mga kagalakan sa inyong buhay.
Sawayin mo ang iyong anak, at bibigyan ka niya ng kapahingahan; Oo, bibigyan niya ng kaluguran ang iyong kaluluwa.
18 Kapag walang pahayag na pangitain, ang mga tao ay mamumuhay nang marahas, ngunit pinagpala ang isang pinapanatili ang batas.
Kung saan walang pangitain, ang bayan ay sumasama: nguni't siyang nagiingat ng kautusan ay maligaya siya.
19 Ang isang alipin ay hindi maitatama ng mga salita, dahil kahit na naintindihan niya, walang magiging tugon.
Ang alipin ay hindi masasaway ng mga salita: sapagka't bagaman nalalaman niya ay hindi siya makikinig.
20 Tingnan ang isang tao na padalus-dalos sa kaniyang mga salita? Mayroong higit pang pag-asa para sa isang taong mangmang kaysa sa kaniya.
Nakikita mo ba ang tao, na nagmamadali sa kaniyang mga salita? May pagasa pa sa mangmang kay sa kaniya.
21 Ang siyang nagbibigay ng layaw sa kaniyang alipin mula sa kaniyang pagkabata, sa huli nito ay magkakaroon ng kaguluhan.
Siyang maingat na nagpalaki ng kaniyang lingkod mula sa pagkabata, magiging anak niya siya sa kawakasan.
22 Ang isang taong galit ay pumupukaw ng away at ang isang pinuno ng pagkapoot ay gumagawa ng maraming kasalanan.
Ang taong magagalitin ay humihila ng kaalitan, at ang mainiting tao ay nananagana sa pagsalangsang.
23 Ang pagmamataas ng isang tao ay ang magdadala sa kaniya pababa, pero ang siyang may mapagpakumbabang kalooban ay bibigyan nang karangalan.
Ang kapalaluan ng tao ay magbababa sa kaniya: nguni't ang may mapagpakumbabang diwa ay magtatamo ng karangalan.
24 Ang siyang nakikibahagi sa isang magnanakaw ay nasusuklam sa kaniyang sariling buhay; naririnig niya ang sumpa at walang anumang sinasabi.
Ang nakikisama sa isang magnanakaw ay nagtatanim sa kaniyang sariling kaluluwa: siya'y nakakarinig ng sumpa at hindi umiimik.
25 Ang takot ng tao ay gumagawa ng isang bitag, ngunit ang taong nagtitiwala kay Yahweh ay mapapangalagaan.
Ang pagkatakot sa tao ay nagdadala ng silo: nguni't ang naglalagak ng kaniyang tiwala sa Panginoon ay maliligtas.
26 Marami ang humahanap sa mukha ng mga namumuno, ngunit kay Yahweh nanggagaling ang katarungan para sa kaniya.
Marami ang nagsisihanap ng lingap ng pinuno: nguni't ang kahatulan ng tao ay nagmumula sa Panginoon.
27 Ang isang taong hindi makatarungan ay kasuklam-suklam sa kanilang mga gumagawa ng matuwid, ngunit ang isang may daang matuwid ay kasuklam-suklam sa mga taong masasama.
Ang di ganap na tao ay karumaldumal sa matuwid: at ang matuwid sa lakad ay karumaldumal sa masama.

< Mga Kawikaan 29 >