< Mga Kawikaan 26 >

1 Tulad ng niyebe sa tag-araw o ulan sa panahon ng tag-ani, ang isang hangal na hindi karapat-dapat sa karangalan.
Kung paano ang niebe sa taginit, at kung paano ang ulan sa pagaani, gayon ang karangalan ay hindi nababagay sa mangmang.
2 Gaya ng isang maya na mabilis na nagpapalipat-lipat at ng layanglayang na humahagibis kapag sila ay lumilipad, gayundin hindi tatalab ang isang sumpa na hindi nararapat.
Kung paano ang maya sa kaniyang paggagala, kung paano ang langaylangayan sa kaniyang paglipad, gayon ang sumpa na walang kadahilanan ay hindi tumatalab.
3 Ang latigo ay para sa kabayo, ang kabisada ay para sa asno, at ang pamalo ay para sa likod ng mga hangal.
Ang paghagupit ay sa kabayo, ang paningkaw ay sa asno, at ang pamalo ay sa likod ng mga mangmang.
4 Huwag sagutin ang isang hangal at sumali sa kanyang kahangalan, o magiging tulad ka niya.
Huwag mong sagutin ang mangmang ng ayon sa kaniyang kamangmangan, baka ikaw man ay maging gaya rin niya.
5 Sumagot sa isang hangal at sumali sa kaniyang kahangalan upang hindi siya maging marunong sa kaniyang sariling paningin.
Sagutin mo ang mangmang ayon sa kaniyang kamangmangan, baka siya'y maging pantas sa ganang kaniya.
6 Sinumang magpadala ng isang mensahe sa pamamagitan ng kamay ng isang hangal ay pinuputol ang kaniyang sariling mga paa at umiinom nang karahasan.
Siyang nagsusugo ng pasugo sa pamamagitan ng kamay ng mangmang naghihiwalay ng kaniyang mga paa, at umiinom sa kasiraan.
7 Ang mga binti ng isang paralitiko na nakabitin ay tulad ng isang kawikaan sa bibig ng mga hangal.
Ang mga hita ng pilay ay nabibitin: gayon ang talinghaga sa bibig ng mga mangmang.
8 Ang pagtatali ng bato sa isang tirador ay gaya ng pagbibigay karangalan sa isang hangal.
Kung paano ang isa'y nagbabalot ng isang bato sa isang lambanog, gayon ang nagbibigay ng karangalan sa mangmang.
9 Ang halamang tinik na hawak ng isang lasing ay tulad ng isang kawikaan sa bibig ng mga hangal.
Kung paano ang tinik na tumutusok sa kamay ng lango, gayon ang talinghaga sa bibig ng mga mangmang.
10 Ang isang mamamana na sumusugat ng lahat ay tulad ng isang umuupa ng isang hangal o ng kahit sinumang dumadaan.
Kung paano ang mamamana sumusugat sa lahat, gayon ang umupa sa mangmang at umuupa sa pagayongayon.
11 Gaya ng isang asong bumabalik sa kanyang sariling suka, ganoon din ang isang hangal na inuulit ang kanyang kahangalan.
Kung paano ang aso na bumabalik sa kaniyang suka, gayon ang mangmang na umuulit ng kaniyang kamangmangan.
12 Nakikita mo ba ang taong marunong sa kanyang sariling paningin? Higit na may pag-asa ang isang hangal kaysa sa kanya.
Nakikita mo ba ang taong pantas sa ganang kaniyang sarili. May higit na pagasa sa mangmang kay sa kaniya.
13 Ang tamad na tao ay nagsasabing, “May isang leon sa kalsada! May isang leon sa pagitan ng mga lantad na lugar!
Sinabi ng tamad, may leon sa daan; isang leon ay nasa mga lansangan.
14 Kung paanong ang isang pinto ay bumabaling sa kaniyang bisagra, ang tamad na tao naman ay sa ibabaw ng kaniyang kama.
Kung paano ang pintuan ay pumipihit sa kaniyang bisagra, gayon ang tamad sa kaniyang higaan.
15 Nilalagay ng isang tamad na tao ang kaniyang kamay sa pagkain, pero wala siyang lakas na isubo ito sa kaniyang bibig.
Idinadampot ng tamad ang kaniyang kamay sa pinggan; napapagod siyang dalhin uli sa kaniyang bibig.
16 Ang tamad na tao ay mas marunong sa kanyang paningin kaysa sa pitong lalaking may kakayahang kumilatis.
Ang tamad ay lalong pantas sa ganang kaniyang sarili kay sa pitong tao na makapagbibigay katuwiran.
17 Tulad ng isang humahawak ng mga tainga ng isang aso ay isang taong dumadaan na nagagalit sa alitan na hindi kanya.
Ang nagdaraan, at nakikialam sa pagaaway na hindi ukol sa kaniya, ay gaya ng humahawak ng aso sa mga tainga.
18 Tulad ng isang baliw na pumapana ng nagliliyab na mga palaso,
Kung paano ang taong ulol na naghahagis ng mga dupong na apoy, mga pana, at kamatayan;
19 ay ang isang nandaraya ng kanyang kapwa at nagsasabing, “Di ba't nagbibiro lang ako?”
Gayon ang tao na nagdadaya sa kaniyang kapuwa, at nagsasabi, hindi ko ba ginagawa sa paglilibang?
20 Dahil sa kakulangan ng gatong, namamatay ang apoy, at kung saan walang tsismoso, tumitigil ang pag-aaway.
Sapagka't sa kakulangan ng gatong ay namamatay ang apoy: at kung saan walang mapaghatid-dumapit ay tumitigil ang pagkakaalit.
21 Tulad ng isang uling na nagbabaga at panggatong ay sa apoy, ganoon din ang isang palaaway na tao na nagpapasiklab ng alitan.
Kung paano ang mga uling sa mga baga, at ang kahoy sa apoy; gayon ang taong madaldal na nagpapaningas ng pagkakaalit.
22 Ang mga salita ng isang tsismoso ay tulad ng masarap na mga pagkain; bumababa sila sa kaloob-loobang mga bahagi ng katawan.
Ang mga salita ng mapaghatid-dumapit ay parang mga masarap na subo, at nagsisibaba sa mga pinakaloob na bahagi ng tiyan.
23 Ang pampakintab na bumabalot sa isang banga ay tulad ng nagbabagang mga labi at isang napakasamang puso.
Mga mapusok na labi at masamang puso ay parang sisidlang-lupa na nababalot ng dumi ng pilak.
24 Ang isang namumuhi sa iba ay kinukubli ang kanyang damdamin sa pamamagitan ng kaniyang mga labi at nag-iimbak ng panlilinlang sa kaniyang sarili.
Ang nagtatanim ay nagpapakunwari ng kaniyang mga labi, nguni't siya'y naglalagay ng pagdaraya sa loob niya:
25 Magiliw siyang mangungusap, pero huwag siyang paniwalaan, dahil may pitong mga pagkasuklam sa kaniyang puso.
Pagka siya'y nagsasalitang mainam, huwag mo siyang paniwalaan; sapagka't may pitong karumaldumal sa kaniyang puso:
26 Kahit na natatakpan ng panlilinlang ang kaniyang pagkamuhi, ang kaniyang kabuktutan ay malalantad sa kapulungan.
Bagaman ang kaniyang pagtatanim ay magtakip ng karayaan, at ang kaniyang kasamaan ay lubos na makikilala sa harap ng kapisanan.
27 Sinumang gumagawa ng isang hukay ay mahuhulog dito at ang bato ay gugulong pabalik sa taong tumulak nito.
Ang humuhukay ng lungaw ay mabubuwal doon: at siyang nagpapagulong ng bato, ay babalikan nito siya.
28 Ang isang nagsisinungaling na dila ay namumuhi sa mga taong dinudurog nito at ang nambobolang bibig ay nagiging dahilan ng pagkawasak.
Ang sinungaling na dila ay nagtatanim sa mga sinaktan niya; at ang bibig ng kunwang mapagpuri ay gumagawa ng kapahamakan.

< Mga Kawikaan 26 >