< Mga Kawikaan 25 >
1 Ito ay mga karagdagan pang mga kawaikaan ni Solomon, na kinopya ng mga tauhan ni Hezekias, hari ng Juda.
2 Kaluwalhatian ng Diyos na ikubli ang isang bagay, pero kaluwalhatian ng mga hari na saliksikin ito.
3 Tulad ng kalangitan ay para sa taas at ang lupa para sa lalim, gayun din ang puso ng mga hari ay hindi malirip.
4 Alisin ang kalawang mula sa pilak, at magagamit ng panday ang pilak para sa kaniyang kasanayan.
5 Gayun din, alisin ang masamang mga tao mula sa harapan ng hari, at ang kaniyang trono ay maitatatag sa pamamagitan ng paggawa kung ano ang tama.
6 Huwag mong parangalan ang iyong sarili sa harapan ng hari, at huwag kang tumayo sa lugar na nakalaan para sa mga dakilang mga tao.
7 Mas mabuti para sa kaniya na sabihin sa iyo, “Umakyat ka rito,” kaysa sa mapahiya ka sa harapan ng marangal na tao. Kung ano ang iyong nasaksihan,
8 huwag mo agad dalhin sa paglilitis. Dahil ano ang gagawin mo sa bandang huli, kapag pinahiya ka ng kapwa mo?
9 Ipangatwiran mo ang kaso mo sa kapwa mo mismo, at huwag ipaalam ang lihim ng isa pang tao;
10 kung hindi, ang isa na nakakarinig sa iyo ay magdadala ng kahihiyan sa iyo at ng masamang balita tungkol sa iyo na hindi mabibigyang katahimikan.
11 Ang pagsasabi ng salitang napili ng mabuti, ay katulad ng mga disenyo ng ginto na nakalagay sa pilak.
12 Katulad ng gintong singsing o alahas na gawa sa pinong ginto ay ang matalinong pagsaway sa nakikinig na tainga.
13 Tulad ng lamig ng niyebe sa oras ng pag-aani ay ang tapat na mensahero para sa mga nagpadala sa kaniya; ipinanunumbalik niya ang buhay ng kaniyang mga amo.
14 Tulad ng mga ulap at hangin na walang ulan ay ang taong nagmamalaki sa regalo na hindi niya binibigay.
15 Kapag may pagtitiis maaaring mahikayat ang isang pinuno, at ang malambot na dila ay kayang makabali ng buto.
16 Kapag nakahanap ka ng pulot, kumain ka lang ng sapat— kung hindi, ang kalabisan nito, ay isusuka mo.
17 Huwag mong ilagay ang iyong paa ng napakadalas sa bahay ng iyong kapwa, maaari siyang magsawa sa iyo at kamuhian ka.
18 Ang taong nagdadala ng huwad na patotoo laban sa kaniyang kapwa ay katulad ng pamalo na ginagamit sa digmaan, o isang espada, o isang matalim na palaso.
19 Ang taong hindi tapat na pinagkakatiwalaan mo sa oras ng gulo ay katulad ng sirang ngipin o isang nadudulas na paa.
20 Tulad ng tao na naghubad ng kaniyang damit sa malamig na panahon, o tulad ng suka na binuhos sa matapang na inumin, ang siyang umaawit ng mga kanta sa isang nabibigatang puso.
21 Kung nagugutom ang kaaway mo, bigyan mo siya ng makakain, at kung nauuhaw siya, bigyan mo siya ng tubig na maiinom,
22 dahil lalagyan mo siya sa kaniyang ulo ng isang pala ng umaapoy na uling, at gagantimpalaan ka ni Yahweh.
23 Gaya ng katiyakan na ang hanging mula sa hilaga ay may dalang ulan, ang taong naghahayag ng mga lihim ay nagpapagalit ng mga mukha.
24 Mas mabuti pa na mamuhay sa sulok ng bubungan kaysa sa makibahagi sa tahanan ng babaeng palaaway.
25 Tulad ng malamig na tubig sa taong uhaw, gayun din ang mabuting balita mula sa malayong bansa.
26 Tulad ng maruming batis o nasirang bukal ng tubig ang mabuting tao na naglalakad kasama ang masamang tao.
27 Hindi mabuting kumain ng napakaraming pulot; iyon ay parang naghahanap ng labis na karangalan.
28 Ang tao na walang pagpipigil sa sarili ay tulad ng lungsod na napasok at walang pader.