< Mga Kawikaan 20 >

1 Ang alak ay mangungutya at ang matapang na inumin ay basag-ulero; ang sinumang naliligaw sa pamamagitan ng pag-inom ay hindi matalino.
Ang alak ay manunuya, ang matapang na alak ay manggugulo; at sinomang napaliligaw sa kaniya ay hindi pantas.
2 Ang takot sa hari ay katulad ng takot sa batang leon na umaatungal; ang sinumang maging dahilan ng kaniyang galit ay itinatapon ang kaniyang buhay.
Ang kakilabutan ng hari ay parang ungal ng leon: ang namumungkahi sa kaniya sa galit ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling buhay.
3 Isang karangalan para sa sinuman ang umiwas sa hindi pagkakasundo, ngunit ang bawat hangal ay sumasali sa isang pagtatalo.
Karangalan sa tao ang magingat sa pakikipagkaalit: nguni't bawa't mangmang ay magiging palaaway.
4 Ang taong tamad ay hindi nag-aararo sa taglagas; siya ay naghahanap ng isang bunga sa panahon ng tag-ani ngunit hindi magkakaroon nang anuman.
Ang tamad ay hindi magaararo dahil sa tagginaw; kaya't siya'y magpapalimos sa pagaani, at wala anoman.
5 Ang mga layunin ng puso ng isang tao ay katulad ng malalim na tubig, ngunit ang isang taong may pang-unawa ay aalamin ito.
Payo sa puso ng tao ay parang malalim na tubig; nguni't iibigin ng taong naguunawa.
6 Maraming tao ang nagpapahayag na sila ay tapat, ngunit sino ang makakahanap ng isang taong matapat?
Maraming tao ay magtatanyag bawa't isa ng kaniyang sariling kagandahang-loob: nguni't sinong makakasumpong sa taong tapat?
7 Ang taong gumagawa ng tama ay naglalakad sa kaniyang dangal, at ang kaniyang mga anak na lalaki na sumusunod sa kaniya ay masaya.
Ang ganap na tao na lumalakad sa kaniyang pagtatapat, mapapalad ang kaniyang mga anak na susunod sa kaniya.
8 Ang isang hari na nakaupo sa trono na ginagampanan ang mga tungkulin ng isang hukom ay pinipili sa kaniyang mga mata ang lahat ng masasama na nasa harapan niya.
Ang hari na nauupo sa luklukan ng kahatulan pinananabog ng kaniyang mga mata ang lahat na kasamaan.
9 Sino ang maaaring magsabi, “Pinapanatili kong malinis ang aking puso; Ako ay malaya mula sa aking kasalanan”?
Sinong makapagsasabi, nilinis ko ang aking puso, ako'y dalisay sa aking kasalanan?
10 Ang magkakaibang timbang at hindi pantay na mga sukat— parehong kinapopootan ang mga ito ni Yahweh.
Mga iba't ibang panimbang, at mga iba't ibang takalan, kapuwa mga karumaldumal sa Panginoon.
11 Maging ang isang kabataan ay nakikilala sa kaniyang mga kilos, kung ang kaniyang pag-uugali ay dalisay at matuwid.
Ang bata man ay nagpapakilala sa kaniyang mga gawa, kung ang kaniyang gawa ay magiging malinis, at kung magiging matuwid.
12 Ang mga tainga na nakakarinig at ang mga mata na nakakakita— parehong ginawa ito ni Yahweh.
Ang nakikinig na tainga, at ang nakakakitang mata, kapuwa ginawa ng Panginoon.
13 Huwag mahalin ang pagtulog o ikaw ay darating sa paghihirap; buksan mo ang iyong mga mata at ikaw ay magkakaroon ng maraming kakainin.
Huwag mong ibigin ang pagtulog, baka ka madukha; idilat mo ang iyong mga mata, at mabubusog ka ng tinapay.
14 '“Masama! Masama!” sabi ng mga bumibili, pero kapag umalis siya, siya ay nagmamayabang.
Walang halaga, walang halaga, sabi ng mamimili: nguni't pagka nakalayo siya, naghahambog nga.
15 Mayroong ginto at kasaganaan sa mamahaling mga bato, ngunit ang mga labi ng kaalaman ay isang mamahaling hiyas.
May ginto, at saganang mga rubi: nguni't ang mga labi ng kaalaman ay mahalagang hiyas.
16 Ang sinumang nagbibigay ng kasiguruhan para sa utang ng iba, kuhanan mo ng damit bilang sangla.
Kunin mo ang kaniyang suot na nananagot sa di kilala; at tanggapan mo ng sanla ang nananagot sa mga di kilala.
17 Ang tinapay na nakamit sa pamamagitan ng panlilinlang ay matamis sa panlasa, ngunit pagkatapos ang kaniyang bibig ay mapupuno ng graba.
Tinapay ng kasinungalingan ay matamis sa tao: nguni't pagkatapos ay mabubusog ang kaniyang bibig ng batong lapok.
18 Ang mga plano ay pinagtitibay sa pamamagitan ng payo, at sa marunong na patnubay lamang ay dapat kang makipaglaban.
Bawa't panukala ay natatatag sa pamamagitan ng payo: at sa pamamagitan ng pantas na pamamatnubay ay makikipagdigma ka.
19 Ang tsismis ay nagbubunyag ng mga lihim, at kaya hindi ka dapat makisama sa mga taong nagsasalita ng sobra.
Ang yumayaong mapaghatid-dumapit ay naghahayag ng mga lihim: kaya't huwag kang makisalamuha sa kaniya na nagbubukang maluwang ng kaniyang mga labi.
20 Kapag isinusumpa ng isang tao ang kaniyang ama o kaniyang ina, ang kaniyang ilawan ay papatayin sa kalagitnaan ng kadiliman.
Siyang sumusumpa sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, ang kaniyang ilawan ay papatayin sa salimuot na kadiliman.
21 Ang isang mana na madaling nakamit sa simula ay gagawa ng mas kaunting kabutihan sa bandang huli.
Ang mana ay matatamong madali sa pasimula; nguni't ang wakas niyao'y hindi pagpapalain.
22 Huwag sabihing, “Gagantihan kita para sa pagkakamaling ito!” Hintayin si Yahweh at siya ang sasagip sa iyo.
Huwag mong sabihin, ako'y gaganti ng kasamaan: maghintay ka sa Panginoon, at kaniyang ililigtas ka.
23 Kinamumuhian ni Yahweh ang mga hindi parehas na timbang, at ang hindi tapat na mga timbangan ay hindi mabuti.
Mga iba't ibang panimbang ay karumaldumal sa Panginoon; at ang sinungaling na timbangan ay hindi mabuti.
24 Ang mga hakbang ng isang tao ay pinapatnubayan ni Yahweh; paano niya mauunawaan ang kaniyang paraan kung gayon?
Ang mga lakad ng tao ay sa Panginoon; paano ngang mauunawa ng tao ang kaniyang lakad?
25 Isang patibong para sa isang tao ang pagsasabi nang padalus-dalos, “Ang bagay na ito ay banal,” at iniisip lamang ang kahulugan pagkatapos niyang masabi ang kaniyang panata.
Silo nga sa tao ang magsabi ng walang pakundangan, banal nga, at magsiyasat pagkatapos ng mga panata.
26 Ang marunong na hari ay inihihiwalay ang masama, at pagkatapos sinasagasaan ng panggiik na kariton sa ibabaw nila.
Ang pantas na hari ay nagpapapanabog ng masama. At dinadala sa kanila ang gulong na panggiik.
27 Ang espiritu ng isang tao ay ang ilawan ni Yahweh, hinahanap ang lahat ng kaniyang kaloob-loobang mga bahagi.
Ang diwa ng tao ay ilawan ng Panginoon, na sumisiyasat ng mga pinakaloob na bahagi ng tiyan.
28 Ang tipan ng katapatan at pagtitiwala ay nangangalaga sa hari; ang kaniyang trono ay iniingatan sa pamamagitan ng pag-ibig.
Kagandahang-loob at katotohanan ay nagpapalagi sa hari: at ang kaniyang luklukan ay inaalalayan ng kagandahang-loob.
29 Ang dangal ng mga kabataang lalaki ay ang kanilang kalakasan, at ang karangyaan ng matatanda ay ang kanilang mga uban.
Ang kaluwalhatian ng mga binata ay ang kanilang kalakasan: at ang kagandahan ng matanda ay ang ulong may uban.
30 Ang mga hampas na sumusugat, nililinis ang kasamaan, at ang mga palo ay nililinis ang mga kaloob-loobang mga bahagi.
Ang mga latay na sumasakit ay lumilinis ng kasamaan: at ang mga hampas ay dinaramdam sa mga pinakaloob na bahagi ng tiyan.

< Mga Kawikaan 20 >