< Mga Kawikaan 2 >
1 Anak, kung tatanggapin mo ang aking mga salita at paka-ingatan ang aking mga kautusan,
Anak ko, kung iyong tatanggapin ang aking mga salita, at tataglayin mo ang aking mga utos;
2 makinig sa karunungan at itutuon mo ang iyong puso sa pang-unawa.
Na anopa't iyong ikikiling ang iyong pakinig sa karunungan, at ihihilig mo ang iyong puso sa pagunawa;
3 Kung ikaw ay magmakaawa para sa kaunawaan at sumigaw para dito,
Oo, kung ikaw ay dadaing ng pagbubulay, at itataas mo ang iyong tinig sa pagunawa;
4 kung hahanapin mo ito kagaya ng paghahanap ng pilak at hahanapin mo ang pang-unawa kagaya ng paghahanap mo ng mga nakatagong kayamanan,
Kung iyong hahanapin siya na parang pilak, at sasaliksikin mo siyang parang kayamanang natatago.
5 saka mo mauunawaan ang pagkatakot kay Yahweh at matatagpuan mo ang kaalaman ng Diyos.
Kung magkagayo'y iyong mauunawa ang pagkatakot sa Panginoon, at masusumpungan mo ang kaalaman ng Dios.
6 Sapagkat si Yahweh ang nagbibigay ng karunungan, mula sa kanyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan.
Sapagka't ang Panginoon ay nagbibigay ng karunungan, sa kaniyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan:
7 Nag-iimbak siya ng tamang karunungan para sa mga taong nagbibigay kaluguran sa kanya, siya ay kalasag para sa mga lumalakad na may katapatan
Kaniyang pinapagtataglay ang matuwid ng magaling na karunungan, siya'y kalasag sa nagsisilakad sa pagtatapat;
8 binabantayan niya ang mga daan ng katarungan at pananatilihin niya ang landas ng mga tapat sa kanya.
Upang kaniyang mabantayan ang mga landas ng kahatulan, at maingatan ang daan ng kaniyang mga banal.
9 Pagkatapos ay mauuunawaan mo ang katuwiran, katarungan, pagkamakatao at bawat mabuting landas.
Kung magkagayo'y mauunawa mo ang katuwiran at ang kahatulan, at ang karampatan, oo, bawa't mabuting landas.
10 Sapagkat ang karunungan ay darating sa iyong puso, at ang kaalaman ay magiging kalugod-lugod sa iyong kaluluwa.
Sapagka't karunungan ay papasok sa iyong puso, at kaalaman ay magiging ligaya sa iyong kaluluwa;
11 Ang mabuting pagpapasya ang magmamasid sa iyo, at pang-unawa ang magbabantay sa iyo.
Kabaitan ay magbabantay sa iyo, pagkaunawa ay magiingat sa iyo:
12 Sila ang sasagip sa iyo sa daan ng masama, mula sa mga taong nagsasalita ng masasamang bagay,
Upang iligtas ka sa daan ng kasamaan, sa mga taong nagsisipagsalita ng mga masamang bagay;
13 silang mga tumalikod sa mga tamang landas at lumakad sa mga pamamaraan nang kadiliman.
Na nagpapabaya ng mga landas ng katuwiran, upang magsilakad sa mga daan ng kadiliman;
14 Sila ay nagagalak kapag gumagawa ng kasamaan at nagagalak sa katiwalian ng kasamaan.
Na nangagagalak na magsigawa ng kasamaan, at nangaaaliw sa mga karayaan ng kasamaan,
15 Sila ay sumusunod sa mga maling landas, at gumagamit nang pandaraya para itago ang kanilang pinagdaanan.
Na mga liko sa kanilang mga lakad, at mga suwail sa kanilang mga landas:
16 Ang karunungan at mabuting pagpapasya ang magliligtas sa iyo mula sa imoral na babae, mula sa babaeng naghahanap ng pakikipagsapalaran at sa kanyang mga matatamis na pananalita.
Upang iligtas ka sa masamang babae, sa makatuwid baga'y sa di kilala na nanghahalina ng kaniyang mga salita;
17 Siya ay tumalikod sa kasamahan ng kaniyang kabataan at nakalimutan ang tipan ng kaniyang Diyos.
Na nagpapabaya sa kaibigan ng kaniyang kabataan, at lumilimot ng tipan ng kaniyang Dios:
18 Dahil ang kaniyang tahanan ay sumasamba sa kamatayan at ang kaniyang mga landas ang maghahatid sa iyo doon sa mga nasa libingan.
Sapagka't ang kaniyang bahay ay kumikiling sa kamatayan, at ang kaniyang mga landas na sa patay:
19 Lahat nang pumupunta sa kaniya ay hindi makakabalik muli at hindi na matatagpuan ang landas ng buhay.
Walang naparoroon sa kaniya na bumabalik uli, ni kanila mang tinatamo ang mga landas ng buhay:
20 Kaya ikaw ay lalakad sa daan ng mga mabubuting tao at sundin ang mga landas ng mga matutuwid.
Upang ikaw ay makalakad ng lakad ng mabubuting tao, at maingatan ang mga landas ng matuwid.
21 Magtatayo ng tahanan sa lupain ang mga gumagawa ng mabuti, at mananatili doon ang namumuhay nang may katapatan.
Sapagka't ang matuwid ay tatahan sa lupain, at ang sakdal ay mamamalagi roon.
22 Ngunit puputulin sa lupain ang mga masasama, at ang hindi tapat ay aalisin mula rito.
Nguni't ang masama ay mahihiwalay sa lupain, at silang nagsisigawang may karayaan ay mangabubunot.