< Mga Kawikaan 18 >

1 Sinumang ihinihiwalay ang kaniyang sarili ay naghahangad ng sariling kagustuhan at siya ay nakikipagtalo sa lahat ng kaisipang may katuturan.
Ang humihiwalay ay humahanap ng sarili niyang nasa, at nakikipagtalo laban sa lahat na magaling na karunungan.
2 Hindi nakasusumpong ng kasiyahan sa pag-unawa ang isang hangal maliban sa paghahayag ng laman ng kaniyang puso.
Ang mangmang ay walang kaluguran sa paguunawa, kundi maihayag lamang ang kaniyang puso.
3 Sa pagdating ng masama, kasama niya ay paghamak, kahihiyan at kasiraan.
Pagka ang masama ay dumarating, dumarating din naman ang paghamak, at kasama ng kutya ang pagkaduwahagi.
4 Ang mga salitang mula sa bibig ng tao ay malalim na katubigan, ang bukal na pinagdadaluyan ng karunungan.
Ang mga salita ng bibig ng tao ay parang malalim na tubig; ang bukal ng karunungan ay parang umaagos na batis.
5 Hindi mabuti na pumanig sa masama o ang ipagkait ang katarungan sa mga matuwid.
Igalang ang pagkatao ng masama ay hindi mabuti, ni iligaw man ang matuwid sa kahatulan.
6 Ang labi ng mangmang ay nagdadala ng alitan at ang kaniyang bibig ay nag-aanyaya ng kaguluhan.
Ang mga labi ng mangmang ay nanasok sa pagkakaalit, at tinatawag ng kaniyang bibig ang mga hampas.
7 Ang bibig ng mangmang ay ang kaniyang pagkasira, at ang kaniyang sarili ay nalilinlang ng kaniyang mga labi.
Ang bibig ng mangmang ay kaniyang kapahamakan, at ang kaniyang mga labi ay silo ng kaniyang kaluluwa.
8 Ang mga salitang tsismis ay tulad ng masarap na pagkain, bumababa ito sa kaloob-looban ng katawan.
Ang mga salita ng mga mapaghatid-dumapit ay parang mga masarap na subo, at nagsisibaba sa pinakaloob ng tiyan.
9 Sinumang tamad sa gawain ay kapatid sa taong mapanira.
Siya mang walang bahala sa kaniyang gawain ay kapatid siya ng maninira.
10 Ang pangalan ni Yahweh ay matibay na tore; ang matuwid na tumatakbo patungo rito ay ligtas.
Ang pangalan ng Panginoon ay matibay na moog: tinatakbuhan ng matuwid at naliligtas.
11 Ang kayamanan ng mayaman ay ang kaniyang tanggulang-lungsod, at sa kaniyang imahinasyon ito ay tulad ng isang mataas na pader.
Ang yaman ng mayamang tao ay ang kaniyang matibay na bayan, at gaya ng matayog na kuta sa kaniyang sariling isip,
12 Bago ang kaniyang pagbagsak, ang puso ng tao ay mapagmataas, pero ang kababaang-loob ay nauuna bago ang karangalan.
Bago ang pagkapahamak ay pagmamalaki ng puso ng tao, at bago ang karangalan ang pagpapakumbaba.
13 Sinumang sumasagot bago pa man makinig ay mangmang at kahiya-hiya.
Ang sumasagot bago makinig, ay kamangmangan at kahihiyan sa kaniya.
14 Ang espiritu ng tao ay mananaig sa karamdaman, ngunit ang espiritung mahina, sino ang makatitiis?
Aalalayan ng diwa ng tao ang kaniyang sakit; nguni't ang bagbag na diwa sinong nakapagdadala?
15 Ang puso ng matalino ay nagkakamit ng kaalaman at ang pandinig ng marunong ay naghahangad nito.
Ang puso ng mabait ay nagtatamo ng kaalaman; at ang pakinig ng pantas ay humahanap ng kaalaman.
16 Ang kaloob ng tao ay maaaring magbukas ng daan para dalhin siya patungo sa isang mahalagang tao.
Ang kaloob ng tao ay nagbubukas ng daan sa kaniya, at dinadala siya sa harap ng mga dakilang tao.
17 Ang unang magsumamo ng kaniyang kaso ay mukhang tama hangga't ang kaniyang kalaban ay dumating at tanungin siya.
Ang nakikipaglaban ng kaniyang usap na una ay tila ganap; nguni't dumarating ang kaniyang kapuwa at sinisiyasat siya.
18 Ang palabunutan ay nag-aayos ng gulo at naghihiwalay ng malalakas na katunggali.
Ang pagsasapalaran ay nagpapatigil ng mga pagtatalo, at naghihiwalay sa gitna ng mga makapangyarihan.
19 Ang kapatid na nasaktan ang damdamin ay mas mahirap na amuin kaysa isang matatag na lungsod, at ang pakikipagtalo ay tulad ng mga harang ng isang kastilyo.
Ang kapatid na nasaktan sa kalooban ay mahirap mabawi kay sa matibay na bayan: at ang gayong mga pagtatalo ay parang mga halang ng isang kastilyo.
20 Mula sa bunga ng kaniyang bibig, ang kaniyang tiyan ay napupuno; sa ani ng kaniyang mga labi, siya ay nasisiyahan.
Ang tiyan ng tao ay mabubusog ng bunga ng kaniyang bibig; sa bunga ng kaniyang mga labi ay masisiyahan siya.
21 Ang kamatayan at ang buhay ay nasa kapangyarihan ng dila, at ang mga nagmamahal dito ay kakain ng bunga nito.
Kamatayan at buhay ay nasa kapangyarihan ng dila; at ang nagsisiibig sa kaniya ay magsisikain ng kaniyang bunga.
22 Ang sinumang nakatatagpo ng asawang babae ay nakahahanap ng mabuting bagay at tatanggap ng pagpapala mula kay Yahweh.
Sinomang lalaking nakakasumpong ng asawa ay nakasumpong ng mabuting bagay, at nagtatamo ng lingap ng Panginoon.
23 Ang mahirap ay nanlilimos ng awa, pero ang sagot ng mayaman ay magaspang.
Ang dukha ay gumagamit ng mga pamanhik: nguni't ang mayaman ay sumasagot na may kagilasan.
24 Sinumang umaangkin ng maraming kaibigan ay nadadala sa pagkasira ng mga kaibigang iyon, pero mayroong isang kaibigan na mas malapit pa sa isang kapatid.
Ang nagpaparami ng mga kaibigan ay sa kaniyang sariling kapahamakan: nguni't may kaibigan na mahigit kay sa isang kapatid.

< Mga Kawikaan 18 >