< Mga Kawikaan 17 >

1 Mas mabuti na magkaroon ng tahimik na may isang subong tuyong tinapay kaysa sa isang bahay na puno ng kapistahan na mayroong pagkaka-alitan.
Maigi ang isang tuyong subo at may katahimikan, kay sa bahay na may laging pistahan na may kaalitan.
2 Ang isang matalinong alipin ay mamamahala sa isang anak na gumagawa ng kahihiyan at makikibahagi ng mana gaya ng isa sa magkakapatid.
Ang lingkod na gumagawang may kapantasan ay nagpupuno sa anak na nakahihiya, at siya'y makakabahagi sa mana ng magkakapatid.
3 Ang tunawan ng metal ay para sa pilak at ang hurno ay para sa ginto, ngunit dinadalisay ni Yahweh ang mga puso.
Ang dalisayan ay sa pilak, at ang hurno ay sa ginto: nguni't sinusubok ng Panginoon ang mga puso.
4 Ang taong gumagawa ng masama ay nakikinig sa mga taong nagsasalita ng kasamaan; Ang sinungaling ay nagbibigay pansin sa mga taong nagsasalita ng mga masasamang bagay.
Ang manggagawa ng kasamaan ay nakikinig sa masasamang labi; at ang sinungaling ay nakikinig sa masamang dila.
5 Ang sinumang nanglalait sa mahirap ay hinahamak ang kanyang Tagapaglikha, at ang taong nagagalak sa kasawian ay hindi makakaligtas sa kaparusahan.
Sinomang tumutuya sa dukha ay dumudusta sa Maylalang sa kaniya: at ang natutuwa sa kasakunaan ay walang pagsalang parurusahan.
6 Ang mga apo ay korona ng mga matatanda, at ang mga magulang ay nagbibigay dangal sa kanilang mga anak.
Ang mga anak ng mga anak ay putong ng mga matatandang tao; at ang kaluwalhatian ng mga anak ay ang kanilang mga magulang.
7 Ang mahusay na pananalita ay hindi angkop para sa isang mangmang; lalong hindi angkop ang mga labing sinungaling para sa isang maharlika.
Ang marilag na pananalita ay hindi nagiging mabuti sa mangmang: lalo na ang magdarayang mga labi, sa isang pangulo.
8 Ang suhol ay parang isang mahikang-bato sa isang nagbibigay nito; saan man siya dumako, siya ay magtatagumpay.
Ang suhol ay parang mahalagang bato sa mga mata ng nagtatamo: saan man pumihit ay gumiginhawa.
9 Ang sinumang nagpapaumanhin sa paglabag ay naghahanap ng pagmamahal, pero ang sinumang umuulit sa isang bagay ay nagpapalayo sa mga malalapit na kaibigan.
Ang nagtatakip ng pagsalangsang ay humahanap ng pagibig: nguni't ang nagdadadaldal tungkol sa anoman ay naghihiwalay ng magkakaibigang matalik.
10 Ang pagsaway ay taimtim na tumutungo sa isang tao na may pang-unawa kaysa sa isang daang dagok sa isang hangal.
Ang saway ay nanasok na taimtim sa isang naguunawa, kay sa isang daang hampas sa mangmang.
11 Ang masamang tao ay naghahanap lamang ng himagsikan, kaya ang isang malupit na mensahero ay ipapadala laban sa kaniya.
Ang hinahanap lamang ng masamang tao ay panghihimagsik; kaya't isang mabagsik na sugo ay susuguin laban sa kaniya.
12 Mabuti pa na makasalubong ang isang inahing oso na ninakawan ng anak kaysa makatagpo ng isang mangmang sa kanyang kahangalan.
Masalubong ang tao ng oso na nanakawan ng kaniyang mga anak, maigi kay sa mangmang sa kaniyang kamangmangan.
13 Kung ang isang tao ay nagbabalik ng masama para sa mabuti, hindi kailanman iiwan ng kasamaan ang kaniyang tahanan.
Sinomang gumaganti ng kasamaan sa mabuti, kasamaan ay hindi hihiwalay sa kaniyang bahay.
14 Ang simula ng hindi pagkakasundo ay gaya ng isang taong nagpapakawala ng tubig sa lahat ng dako, kaya lumayo ka sa mga pagtatalo bago ito magsimula.
Ang pasimula ng pagkakaalit ay gaya ng pagbuga ng tubig: kaya't iwan ninyo ang pagtatalo, bago maginit sa pagkakaalit.
15 Ang sinumang nagpapawalang-sala sa mga masasamang tao o humahatol sa mga taong gumagawa ng tama—kapwa ang mga taong ito ay karumal-dumal kay Yahweh.
Siya na umaaring ganap sa masama, at siya na nagpaparusa sa matuwid, kapuwa sila kasuklamsuklam sa Panginoon.
16 Bakit kailangang magbayad ng salapi ang isang mangmang para matuto tungkol sa karunungan, kung wala naman siyang kakayahang matutunan ito?
Bakit may halaga sa kamay ng mangmang upang ibili ng karunungan, gayong wala siyang pagkaunawa?
17 Ang kaibigan ay mapagmahal sa lahat ng oras, at ang kapatid ay isinilang para sa mga oras ng kaguluhan.
Ang kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at ang kapatid ay ipinanganak na ukol sa kasakunaan.
18 Ang taong walang isip ay gumagawa ng mga pangakong kailangang tuparin at mananagot sa mga utang ng kaniyang kapwa.
Ang taong walang unawa ay nakikikamay, at nagiging mananagot sa harapan ng kaniyang kapuwa.
19 Ang sinuman na nagmamahal sa mga hidwaan ay nagmamahal sa kasalanan; Ang taong gumagawa ng mataas na pintuan ay sanhi para ang buto ay mapilayan.
Ang umiibig sa pagsalangsang ay umiibig sa pagkakaalit: ang nagtataas ng kaniyang pintuan ay humahanap ng kapahamakan.
20 Ang taong may mandarayang puso ay walang mabuting bagay na matatagpuan. Ang taong may napakasamang dila ay nahuhulog sa kapahamakan.
Siyang may magdarayang puso ay hindi nakakasumpong ng mabuti: at siyang may suwail na dila ay nahuhulog sa karalitaan.
21 Kung sinumang umanak ng isang hangal ay magdudulot ng kapighatian sa kanyang sarili; Kung sinumang umaruga ng isang hangal ay hindi makakapagdiwang.
Ang nanganganak ng mangmang ay sa kaniyang kapanglawan: at ang ama ng mangmang ay walang kagalakan.
22 Ang isang masayahing puso ay mainam na gamot, pero ang mabigat na kalooban ay nakakatuyo ng mga buto.
Ang masayang puso ay mabuting kagamutan: nguni't ang bagbag na diwa ay tumutuyo ng mga buto.
23 Ang masamang tao ay tumatanggap ng suhol na palihim para iligaw ang mga daan ng katarungan.
Ang masama ay tumatanggap ng suhol mula sa sinapupunan, upang ipahamak ang daan ng kahatulan.
24 Ang taong mayroong pang-unawa ay itinutuon ang kanyang mukha sa karunungan, pero ang mga mata ng isang hangal ay nakatuon sa dulo ng daigdig.
Karunungan ay nasa harap ng mukha ng naguunawa: nguni't ang mga mata ng mangmang ay nasa mga wakas ng lupa.
25 Ang isang mangmang na anak ay pighati sa kanyang ama at kapaitan sa babaeng nagsilang sa kanya,
Ang mangmang na anak ay hirap sa kaniyang ama, at kapaitan sa nanganak sa kaniya.
26 At saka, hindi kailanman mabuting parusahan ang sinumang gumagawa ng tama; ni hindi mabuting paluin ang mga taong marangal na taglay ang katapatan.
Parusahan naman ang matuwid ay hindi mabuti, ni saktan man ang mahal na tao dahil sa kanilang katuwiran.
27 Ang isang may kaalaman ay gumagamit ng kaunting mga salita at ang mahinahon ay may pang-unawa.
Siyang nagtitipid ng kaniyang mga salita ay may kaalaman: at siyang may diwang malamig ay taong naguunawa.
28 Kahit ang isang mangmang ay iisiping marunong kapag siya ay nananahimik; kung pinapanatili niyang tikom ang kaniyang bibig, siya ay itinuturing na matalino.
Ang mangmang man, pagka siya'y tumatahimik, ay nabibilang na pantas: pagka kaniyang tinitikom ang kaniyang mga labi, ay inaari siyang mabait.

< Mga Kawikaan 17 >