< Mga Kawikaan 16 >
1 Ang mga balak ng puso ay pag-aari ng isang tao, ngunit mula kay Yahweh ang sagot mula sa kaniyang dila.
Ang mga paghahanda ng puso ay ukol sa tao: nguni't ang sagot ng dila ay mula sa Panginoon.
2 Lahat ng pamamaraan ng isang tao ay dalisay sa kaniyang sariling paningin, pero tinitimbang ni Yahweh ang mga kalooban.
Ang lahat ng mga lakad ng tao ay malinis sa harap ng kaniyang sariling mga mata: nguni't tinitimbang ng Panginoon ang mga diwa.
3 Ipagkatiwala mo ang iyong mga gawain kay Yahweh at magtatagumpay ang mga balak mo.
Iukol mo sa Panginoon ang iyong mga gawa, at ang iyong mga panukala ay matatatag.
4 Ginawa ni Yahweh ang lahat ng bagay ukol sa kaniyang layunin, maging ang mga masama para sa araw ng kaguluhan.
Ginawa ng Panginoon ang bawa't bagay na ukol sa kaniyang sariling wakas: Oo, pati ng masama na ukol sa kaarawan ng kasamaan.
5 Kinamumuhian ni Yahweh ang bawat isa na may mapagmataas na puso, kahit na tumayo pa sila nang magkahawak, hindi sila maliligtas sa kaparusahan.
Bawa't palalo sa puso ay kasuklamsuklam sa Panginoon: bagaman maghawakan sa kamay ay walang pagsalang parurusahan.
6 Sa pamamagitan ng katapatan sa kasunduan at pagtitiwala ang pagkakasala ay nabayaran at sa pamamagitan ng takot kay Yahweh, tinatalikuran ng mga tao ang kasamaan.
Sa pamamagitan ng kaawaan at katotohanan ay nalilinis ang kasamaan: at sa pamamagitan ng pagkatakot sa Panginoon ay humihiwalay ang mga tao sa kasamaan.
7 Kapag ang pamamaraan ng isang tao ay kalugod-lugod kay Yahweh, ginagawa niya kahit na ang mga kaaway nito ay makipagbati sa kaniya.
Pagka ang mga lakad ng tao ay nakapagpapalugod sa Panginoon, kaniyang tinitiwasay sa kaniya pati ng kaniyang mga kaaway.
8 Mabuti pa ang may kakaunti nang nasa tama, kaysa sa malaking kita na may kaakibat na kawalan ng katarungan.
Maigi ang kaunti na may katuwiran kay sa malalaking pakinabang na walang kaganapan.
9 Sa kaniyang puso, ang isang tao ay nagpaplano ng kaniyang landas, pero si Yahweh ang nagtuturo ng kaniyang mga hakbang.
Ang puso ng tao ay kumakatha ng kaniyang lakad: nguni't ang Panginoon ang nagtutuwid ng kaniyang mga hakbang.
10 Ang isang pahayag na may karunungan ay nasa labi ng isang hari, sa paghahatol ang kaniyang bibig ay hindi nagsasalita nang may panlilinlang.
Banal na hatol ay nasa mga labi ng hari: at kaniyang bibig ay hindi sasalangsang sa kahatulan.
11 Ang tapat na mga timbangan ay nagmumula kay Yahweh; lahat ng mga pabigat sa sako ay kanyang gawain.
Ang ganap na timbangan at panimbang ay sa Panginoon: lahat ng timbang na supot ay kaniyang gawa.
12 Kapag gumagawa ng napakasamang mga bagay ang mga hari, ito ay isang bagay na dapat kasuklaman sapagkat ang trono ay itinatag sa pamamagitan ng paggawa ng kung ano ang tama.
Kasuklamsuklam sa mga hari na gumawa ng kasamaan: sapagka't ang luklukan ay natatatag sa pamamagitan ng katuwiran.
13 Nalulugod ang isang hari sa mga labi na nagsasabi ng kung ano ang tama at kinagigiliwan niya ang isang nagsasalita nang tuwiran.
Mga matuwid na labi ay kaluguran ng mga hari; at kanilang iniibig ang nagsasalita ng matuwid.
14 Ang matinding galit ng isang hari ay sugo ng kamatayan pero ang isang marunong na tao ay magsisikap na pahupain ang kanyang galit.
Ang poot ng hari ay gaya ng mga sugo ng kamatayan: nguni't papayapain ng pantas.
15 Sa liwanag ng mukha ng isang hari ay buhay, at ang kanyang pagkiling ay parang isang ulap na nagdadala ng ulan sa tagsibol.
Nasa liwanag ng mukha ng hari ang buhay; at ang kaniyang lingap ay parang alapaap ng huling ulan.
16 Higit na mainam ang pagtamo ng karunungan kaysa ginto. Ang pagtamo ng kaunawaan ay dapat higit na piliin kaysa pilak.
Pagkaigi nga na magtamo ng karunungan kay sa ginto! Oo, magtamo ng kaunawaan ay maigi kay sa pumili ng pilak.
17 Ang daang-bayan ng mga matuwid na tao ay palayo sa kasamaan; ang taong nangangalaga ng kanyang buhay ay nag-iingat sa kanyang landas.
Ang maluwang na lansangan ng matuwid ay humiwalay sa kasamaan: siyang nagiingat ng kaniyang lakad ay nagiingat ng kaniyang kaluluwa.
18 Nauuna ang kayabangan bago sa kapahamakan at ang mapagmataas na kalooban ay nauuna bago sa isang pagbagsak.
Ang kapalaluan ay nagpapauna sa kapahamakan, at ang mapagmataas na diwa ay sa pagkabuwal.
19 Mas mabuti pang maging mapagpakumbaba kasama ng mga mahihirap na tao kaysa makipaghatian ng mga nasamsam na bagay sa mga mayayabang na tao.
Maigi ang magkaroon ng mapagpakumbabang loob na kasama ng dukha, kay sa bumahagi ng samsam na kasama ng palalo.
20 Sinumang pinagninilay-nilayan ang itinuturo sa kanila ay makakasumpong nang mabuti at iyong mga nagtitiwala kay Yahweh ay masisiyahan.
Siyang nagiingat sa salita ay makakasumpong ng mabuti: at ang nananalig sa Panginoon ay mapalad.
21 Ang isang marunong sa kanyang puso ay tatawaging marunong makita ang kaibhan, at pinahuhusay ng matamis na pananalita ang kakayahang magturo.
Ang pantas sa puso ay tatawaging mabait: at ang katamisan sa mga labi ay nagdaragdag ng katututuhan.
22 Ang kaunawaan ay isang bukal ng buhay sa isang mayroon nito, pero ang kaparusahan ng mga hangal ay ang kanilang kahangalan.
Ang kaunawaan ay bukal ng buhay sa nagtatamo: nguni't ang saway ng mga mangmang ay siyang kanilang kamangmangan.
23 Ang puso ng isang marunong na tao ay nagbibigay ng mahusay na panananaw sa kaniyang bibig at nagdadagdag ng panghihikayat sa kaniyang mga labi.
Ang puso ng pantas ay nagtuturo sa kaniyang bibig, at nagdaragdag ng katututuhan sa kaniyang mga labi.
24 Ang kaaya-ayang mga salita ay isang pulot-pukyutan - matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.
Mga maligayang salita ay parang pulot-pukyutan, matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.
25 May daan na tama sa tingin ng isang tao ngunit ang dulo nito ay ang daan sa kamatayan.
May daan na tila matuwid sa tao, nguni't ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan.
26 Ang gana ng isang manggagawa ay kapaki-pakinabang sa kaniya, ang kanyang gutom ang patuloy na nagtutulak sa kaniya.
Ang gana ng pagkain ng manggagawang tao ay nakagagaling sa kaniya; sapagka't kinasasabikan ng kaniyang bibig.
27 Ang isang walang kwentang tao ay naghuhukay ng kapilyuhan, at ang kaniyang pananalita ay tulad ng isang nakakapasong apoy.
Ang walang kabuluhang tao ay kumakatha ng kahirapan: at sa kaniyang mga labi ay may masilakbong apoy.
28 Ang isang napakasamang tao ay pumupukaw ng pagtatalo at ang isang tsismoso ay naghihiwalay ng malalapit na magkaibigan.
Ang magdarayang tao ay nagkakalat ng pagtatalo: at ang mapaghatid-dumapit ay naghihiwalay ng magkakaibigang matalik.
29 Ang isang taong marahas ay nagsisinungaling sa kaniyang kapwa at naghahatid sa kaniya pababa sa isang landas na hindi mabuti.
Ang taong marahas ay dumadaya sa kaniyang kapuwa, at pinapatnubayan niya siya sa daang hindi mabuti.
30 Ang isang kumikindat ay nagbabalak ng napakasamang mga bagay; iyong mga nagtitikom ng mga labi ay gagawa ng kasamaan.
Ikinikindat ang kaniyang mga mata, upang kumatha ng mga magdarayang bagay: siyang nangangagat labi ay nagpapangyari sa kasamaan.
31 Ang uban ay isang korona ng karangalan; nakukuha ito sa pamamagitan ng pamumuhay sa tamang paraan.
Ang ulong may uban ay putong ng kaluwalhatian, masusumpungan sa daan ng katuwiran.
32 Mas mabuting maghinay-hinay sa galit kaysa maging isang mandirigma; ang isang nagpipigil sa kanyang sarili ay mas malakas kaysa sa isang sumasakop sa isang lungsod.
Siyang makupad sa pagkagalit ay maigi kay sa makapangyarihan; at siyang nagpupuno sa kaniyang diwa ay maigi kay sa sumasakop ng isang bayan.
33 Ang mga palabunutan ay hinahagis sa kandungan, pero ang kapasyahan ay nagmumula kay Yahweh.
Ginagawa ang pagsasapalaran sa kandungan; nguni't ang buong pasiya niyaon ay sa Panginoon.