< Mga Kawikaan 14 >

1 Ang marunong na babae ay nagtatayo ng kaniyang bahay, ngunit ang hangal na babae ay sinisira ito ng kaniyang sariling mga kamay.
Bawa't pantas na babae ay nagtatayo ng kaniyang bahay: nguni't binubunot ng mangmang, ng kaniyang sariling mga kamay.
2 Ang lumalakad ng matuwid ay may takot kay Yahweh, ngunit ang hindi tapat sa kaniyang pamumuhay ay hinahamak siya.
Siyang lumalakad sa kaniyang katuwiran ay natatakot sa Panginoon: nguni't siyang suwail sa kaniyang mga lakad ay humahamak sa kaniya.
3 Mula sa bibig ng isang hangal ay lumalabas ang isang sanga ng kaniyang pagmamataas, ngunit ang mga labi ng marunong ay iingatan sila.
Sa bibig ng mangmang ay may tungkod ng kapalaluan: nguni't ang mga labi ng pantas ay mangagiingat ng mga yaon.
4 Kung saan walang baka ang sabsaban ay malinis, ngunit ang isang masaganang pananim ay maaaring dumating sa pamamagitan ng lakas ng isang baka.
Kung saan walang baka, ang bangan ay malinis: nguni't ang karamihan ng bunga ay nasa kalakasan ng baka.
5 Ang tapat na saksi ay hindi nagsisinungaling, ngunit ang huwad na saksi ay nabubuhay sa kasinungalingan.
Ang tapat na saksi ay hindi magbubulaan: nguni't ang sinungaling na saksi ay nagbabadya ng mga kasinungalingan.
6 Ang nangungutya ay naghahanap ng karunungan at walang makita, ngunit ang kaalaman ay madaling dumating sa taong may pang-unawa.
Ang manglilibak ay humahanap ng karunungan at walang nasusumpungan: nguni't ang kaalaman ay madali sa kaniya na naguunawa.
7 Umiwas mula sa isang taong hangal, dahil ikaw ay hindi makakakita ng kaalaman sa kaniyang mga labi.
Paroon ka sa harapan ng taong mangmang, at hindi mo mamamalas sa kaniya ang mga labi ng kaalaman:
8 Ang karunungan ng taong maingat ay para maunawaan ang kaniyang sariling paraan, ngunit ang kamangmangan ng mga hangal ay panlilinlang.
Ang karunungan ng mabait ay makaunawa ng kaniyang lakad: nguni't ang kamangmangan ng mga mangmang ay karayaan.
9 Ang mga hangal ay nangungutya kapag ang handog sa pagkakasala ay inialay, ngunit sa matuwid ang kagandahang-loob ay ibinabahagi.
Ang mangmang ay tumutuya sa sala: nguni't sa matuwid ay may mabuting kalooban.
10 Alam ng puso ang sarili niyang kapaitan, at walang sinuman ang nakikibahagi sa kagalakan nito.
Nalalaman ng puso ang kaniyang sariling kapaitan; at ang tagaibang lupa ay hindi nakikialam ng kaniyang kagalakan.
11 Ang bahay ng mga taong masama ay wawasakin, ngunit ang tolda ng taong matuwid ay sasagana.
Ang bahay ng masama ay mababagsak: nguni't ang tolda ng matuwid ay mamumukadkad.
12 Mayroong isang landas na tila tama sa isang tao, ngunit ang dulo nito ay naghahatid lamang sa kamatayan.
May daan na tila matuwid sa isang tao, nguni't ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan.
13 Ang puso ay maaaring tumawa ngunit nananatiling nasasaktan, at ang kagalakan ay maaaring magtapos sa kapighatian.
Maging sa pagtawa man ang puso ay nagiging mapanglaw; at ang wakas ng kasayahan ay kabigatan ng loob.
14 Ang hindi tapat ay makukuha kung ano ang karapat-dapat sa kaniyang pamumuhay, ngunit ang taong mabuti ay makukuha kung ano ang kaniya.
Ang tumatalikod ng kaniyang puso ay mabubusog ng kaniyang sariling mga lakad: at masisiyahang loob ang taong mabuti.
15 Ang hindi naturuan ay naniniwala sa lahat ng bagay, ngunit ang taong maingat, iniisip ang kaniyang mga hakbang.
Pinaniniwalaan ng musmos ang bawa't salita: nguni't ang mabait ay tumitinging mabuti sa kaniyang paglakad.
16 Ang marunong ay may takot at lumalayo mula sa kasamaan, ngunit ang hangal ay panatag na hindi pinapansin ang babala.
Ang pantas ay natatakot at humihiwalay sa kasamaan: nguni't ang mangmang ay nagpapakilalang palalo, at timawa.
17 Ang isang madaling magalit ay nakagagawa ng mga kahangalan, at ang tao na gumagawa ng masasamang pamamaraan ay kinamumuhian.
Siyang nagagalit na madali ay gagawang may kamangmangan: at ang taong may masamang katha ay ipagtatanim.
18 Ang mga taong hindi naturuan ay magmamana ng kahangalan, ngunit ang taong maingat ay napapaligiran ng kaalaman.
Ang musmos ay nagmamana ng kamangmangan: nguni't ang mabait ay puputungan ng kaalaman.
19 Ang mga masasama ay yuyuko sa harap ng mabubuti, at ang mga masama ay luluhod sa tarangkahan ng mga matuwid.
Ang masama ay yumuyukod sa harap ng mabuti; at ang masama ay sa mga pintuang-daan ng matuwid.
20 Ang mahihirap ay kinamumuhian kahit ng kaniyang sariling mga kasamahan, ngunit ang mga mayayaman ay maraming kaibigan.
Ipinagtatanim ang dukha maging ng kaniyang kapuwa: nguni't ang mayaman ay maraming kaibigan.
21 Ang isang nagpapakita ng paghamak sa kaniyang kapwa ay nagkakasala, ngunit ang isang nagpapakita ng kagandahang-loob para sa mahirap ay masaya.
Siyang humahamak sa kaniyang kapuwa ay nagkakasala: nguni't siyang naaawa sa dukha ay mapalad siya.
22 Hindi ba ang mga nagbabalak ng masama ay naliligaw? Ngunit ang mga nagbabalak na gumawa ng mabuti ay makatatanggap nang katapatan sa tipan at pagtitiwala.
Hindi ba sila nagkakamali na kumakatha ng kasamaan? Nguni't kaawaan at katotohanan ay sasa kanila na nagsisikatha ng mabuti.
23 Sa lahat ng mahirap na gawain ay may darating na kapakinabangan, ngunit kung puro salita lamang, ito ay hahantong sa kahirapan.
Sa lahat ng gawain ay may pakinabang: nguni't ang tabil ng mga labi ay naghahatid sa karalitaan.
24 Ang korona ng mga taong marunong ay ang kanilang kayamanan, ngunit ang kamangmangan ng mga hangal ay nagdadala ng lalong maraming kahangalan.
Ang putong ng mga pantas ay ang kanilang mga kayamanan: nguni't ang kamangmangan ng mga mangmang ay kamangmangan lamang.
25 Ang matapat na saksi ay naglilitas ng mga buhay, ngunit ang isang huwad na saksi ay nabubuhay sa kasinungalingan.
Ang tapat na saksi ay nagliligtas ng mga tao: nguni't siyang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay nagdaraya.
26 Kapag ang isang tao ay takot kay Yahweh, siya rin ay may higit na tiwala sa kaniya; ang mga bagay na ito ay magiging katulad ng isang matatag na lugar na proteksyon para sa mga anak ng taong ito.
Sa pagkatakot sa Panginoon ay may matibay na pagkakatiwala: at ang kaniyang mga anak ay magkakaroon ng dakong kanlungan.
27 Ang pagkatakot kay Yahweh ay isang bukal ng buhay, para ang tao ay makalayo mula sa patibong ng kamatayan.
Ang pagkatakot sa Panginoon ay bukal ng kabuhayan, upang humiwalay sa mga silo ng kamatayan.
28 Ang kaluwalhatian ng hari ay matatagpuan sa malaking bilang ng kaniyang mga tao, ngunit kung walang mga tao ang prinsipe ay napapahamak.
Nasa karamihan ng bayan ang kaluwalhatian ng hari: nguni't na sa pangangailangan ng bayan ang kapahamakan ng pangulo.
29 Ang matiyaga ay may malawak na pang-unawa, ngunit ang taong mabilis magalit ay itinataas ang kamangmangan.
Siyang makupad sa pagkagalit ay may dakilang paguunawa: nguni't siyang madaling magalit ay nagbubunyi ng kamangmangan.
30 Ang pusong panatag ay buhay para sa katawan, ngunit ang inggit ay binubulok ang mga buto.
Ang tiwasay na puso ay buhay ng katawan: nguni't ang kapanaghilian ay kabulukan ng mga buto.
31 Ang isang nagmamalupit sa mahihirap ay isinusumpa ang kaniyang Maykapal, ngunit ang isang nagpapakita ng kagandahang-loob para sa nangangailangan ay pinaparangalan siya.
Siyang pumipighati sa dukha ay humahamak sa Maylalang sa kaniya. Nguni't siyang naaawa sa mapagkailangan ay nagpaparangal sa kaniya.
32 Ang masama ay ibinagsak sa pamamagitan ng kaniyang masamang mga gawa, ngunit ang matuwid ay may isang kanlungan kahit sa kamatayan.
Ang masama ay manahagis sa kaniyang masamang gawa: nguni't ang matuwid ay may kanlungan sa kaniyang kamatayan.
33 Ang karunungan ay nasa puso ng nakakakilala ng mabuti, ngunit sa kasamahan ng mga hangal ay ibinunyag niya ng kaniyang sarili.
Karunungan ay nagpapahinga sa puso niya na may paguunawa: nguni't ang nasa loob ng mga mangmang ay nalalaman.
34 Ang paggawa ng tama ay nagtataas ng isang bansa, ngunit ang kasalanan ay isang kahihiyan para sa sinuman.
Ang katuwiran ay nagbubunyi ng bansa: nguni't ang kasalanan ay kakutyaan sa alinmang bayan.
35 Ang kagandahang-loob ng hari ay para sa maingat na lingkod, ngunit ang kaniyang galit ay para sa isang kumikilos nang kahiya-hiya.
Ang lingap ng hari ay sa lingkod na gumagawa na may kapantasan: nguni't ang kaniyang poot ay magiging laban sa nakahihiya.

< Mga Kawikaan 14 >