< Mga Kawikaan 13 >
1 Ang matalinong anak ay nakikinig sa tagubilin ngunit ang manunuya ay hindi makikinig sa pagtutuwid.
Dinidinig ng pantas na anak ang turo ng kaniyang ama: nguni't hindi dinidinig ng mangduduwahagi ang saway.
2 Mula sa bunga ng kaniyang bibig, sa mga mabubuting bagay ang isang tao ay nasisiyahan, pero ang gana ng taksil ay para sa karahasan.
Ang tao ay kakain ng mabuti ayon sa bunga ng kaniyang bibig: nguni't ang magdaraya ay kakain ng karahasan,
3 Ang binabantayan ang kaniyang bibig ay pinapangalagaan ang kaniyang buhay, pero sisirain ang sarili nang nagbubukas ng labi ng maluwang.
Siyang nagiingat ng kaniyang bibig, nagiingat ng kaniyang buhay: nguni't siyang nagbubukang maluwang ng kaniyang mga labi ay magkakaroon ng kapahamakan.
4 Ang gana ng taong tamad ay nananabik nang labis pero walang makukuha, pero ang gana ng mga taong masisipag ay masisiyahan nang masagana.
Ang tamad ay nagnanasa, at walang anoman: nguni't ang kaluluwa ng masipag ay tataba.
5 Napopoot sa mga kasinungalingan ang siyang gumagawa ng tama, pero ang isang masamang tao ay ginagawang kamuhi-muhi ang sarili, at ginagawa niya kung ano ang kahiya-hiya.
Ang matuwid ay nagtatanim sa pagsisinungaling: nguni't ang masama ay kasuklamsuklam, at napapahiya.
6 Silang walang kapintasan sa kanilang landas ay ipinagtatanggol ng katuwiran, ngunit ang kasamaan ay inililigaw ang mga gumagawa ng kasalanan.
Bumabantay ang katuwiran sa matuwid na lakad; nguni't inilulugmok ng kasamaan ang makasalanan.
7 May isang tao na pinayayaman ang sarili, pero halos walang-wala, at may isang tao na pinamimigay ang lahat ng bagay, pero siyang tunay na masagana.
May nagpapakayaman, gayon ma'y walang anoman: may nagpapakadukha, gayon ma'y may malaking kayamanan.
8 Ang taong mayaman ay maaaring tubusin ang kaniyang buhay sa pamamagitan ng kaniyang mga ari-arian, pero ang taong mahirap ay hindi makatatanggap ng ganiyang uri ng pagbabanta kailanman.
Ang katubusan sa buhay ng tao ay siyang kaniyang mga kayamanan: nguni't ang dukha ay hindi nakikinig sa banta.
9 Ang ilaw nang gumagawa ng matuwid ay nagsasaya, pero papatayin ang lampara ng masama.
Ang ilaw ng matuwid ay nagagalak: nguni't ang ilawan ng masama ay papatayin.
10 Ang pagmamataas ay nagbubunga lamang ng pag-aaway-away, pero mayroong karunungan para sa mga nakikinig ng mabuting payo.
Sa kapalaluan, ang dumarating ay pagtatalo lamang: nguni't ang karunungan ay nangasa nangaturuang maigi.
11 Ang kayamanan ay nauubos kapag mayroong labis na kalayawan, pero ang siyang kumikita ng salapi sa pamamagitan ng pagtatrabaho gamit ang kaniyang kamay ay mapapalago ang kaniyang salapi.
Ang kayamanang tinangkilik sa walang kabuluhan ay huhupa: nguni't siyang nagpipisan sa paggawa ay mararagdagan.
12 Kapag ang pag-asa ay ipinagpaliban, dinudurog nito ang puso, pero ang isang natupad na pananabik ay isang puno ng buhay.
Ang pagasa na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso: nguni't pagka ang nasa ay dumarating ay punong kahoy ng buhay.
13 Ang nagsasawalang-bahala ng tagubilin ay magiging sakop pa rin nito, pero ang nagpaparangal sa utos ay gagantimpalaan.
Sinomang humamak sa salita ay nagdadala ng kapahamakan sa sarili: nguni't siyang natatakot sa utos ay gagantihin.
14 Ang katuruan ng isang matalinong tao ay bukal ng buhay, ilalayo ka mula sa patibong ng kamatayan.
Ang kautusan ng pantas ay bukal ng buhay, upang lumayo sa mga silo ng kamatayan.
15 Kagandahang-loob ang tinatamo ng mabuting pananaw, pero ang daan ng taksil ay walang katapusan.
Ang mabuting kaunawaan ay nagbibigay lingap: nguni't ang lakad ng mananalangsang ay mahirap.
16 Ang taong marunong ay kumikilos sa bawat pagpapasya mula sa kaalaman, pero pinapangalandakan ng isang mangmang ang kaniyang kamangmangan.
Bawa't mabait na tao ay gumagawang may kaalaman: nguni't ang mangmang ay nagkakalat ng kamangmangan.
17 Ang isang masamang tagapagbalita ay nahuhulog sa gulo, pero ang isang tapat na sugo ay nagdadala ng pagkakasundo.
Ang masamang sugo ay nahuhulog sa kasamaan: nguni't ang tapat na sugo ay kagalingan.
18 Magkakaroon ng kahirapan at kahihiyan ang hindi pumapansin sa disiplina, pero karangalan ang darating sa kaniya na natututo mula sa pagtutuwid.
Karalitaan at kahihiyan ang tatamuhin ng nagtatakuwil ng saway: nguni't siyang nakikinig ng saway ay magkakapuri.
19 Ang pananabik na nakamit ay matamis sa gana ng panlasa, pero ang mangmang ay nasusuklam na tumalikod mula sa masama.
Ang nasa na natupad ay matamis sa kaluluwa: nguni't kasuklamsuklam sa mga mangmang na humiwalay sa kasamaan.
20 Lumakad kasama ang mga matatalinong tao at ikaw ay magiging matalino, pero ang kasamahan ng mga mangmang ay magdurusa ng kapamahakan.
Lumalakad ka na kasama ng mga pantas na tao, at ikaw ay magiging pantas; nguni't ang kasama ng mga mangmang ay mapapariwara.
21 Sakuna ang humahabol sa mga makasalanan, pero silang mga gumagawa ng tama ay gagantimpalaan ng kabutihan.
Ang kasamaan ay humahabol sa mga makasalanan; nguni't ang matuwid ay gagantihan ng mabuti.
22 Nag-iiwan ng mana para sa kaniyang mga apo ang taong mabuti, pero ang kayamanan ng makasalanan ay inipon para sa gumagawa ng matuwid.
Ang mabuti ay nagiiwan ng mana sa mga anak ng kaniyang mga anak; at ang kayamanan ng makasalanan ay nalalagay na ukol sa matuwid.
23 Ang hindi pa nabubungkal na bukirin na pag-aari ng mahirap ay maaaring magbunga ng maraming pagkain, pero ito ay natangay dahil sa kawalan ng katarungan.
Maraming pagkain ang nasa pagsasaka ng dukha: nguni't may napapahamak dahil sa kawalan ng kaganapan.
24 Ang hindi dinidisiplina ang kaniyang anak ay napopoot dito, pero ang nagmamahal sa kaniyang anak ay maingat na disiplinahin ito.
Siyang naguurong ng kaniyang pamalo ay napopoot sa kaniyang anak: nguni't siyang umiibig ay nagpaparusang maminsan-minsan.
25 Ang gumagawa ng tama ay kumakain hanggang masiyahan ang kaniyang gana, pero laging nagugutom ang tiyan ng masama.
Ang matuwid ay kumakain hanggang sa kabusugan ng kaniyang kaluluwa; nguni't ang tiyan ng masama ay mangangailangan.