< Mga Bilang 6 >
1 Nagsalita si Yahweh kay Moises. Sinabi niya,
At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Magsalita ka sa mga tao ng Israel. Sabihin mo sa kanila, “Kapag ang isang lalaki o isang babae ay ibinukod niya ang kaniyang sarili kay Yahweh kasama ang isang natatanging panata ng isang Nazareo,
Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagka ang sinomang lalake o babae ay gagawa ng isang tanging panata, ng panata ng isang Nazareo, upang tumalaga sa Panginoon:
3 dapat niyang ilayo ang kaniyang sarili mula sa alak at matapang na inumin. Dapat hindi siya iinom ng suka na gawa mula sa alak o mula sa matapang na inumin. Dapat hindi siya iinom ng anumang katas ng ubas o kakain ng sariwang mga ubas o mga pasas.
Ay hihiwalay siya sa alak at sa matapang na inumin; siya'y hindi iinom ng suka ng alak, o tubang nakalalasing, ni iinom man ng anomang katas na galing sa ubas o kakain man ng sariwang ubas o pasas.
4 Sa lahat ng araw na siya ay ibinukod sa akin, dapat wala siyang kakaining anumang bagay na gawa mula sa mga ubas, kabilang ang lahat ng bagay na gawa mula sa mga buto hanggang sa kanilang mga balat.
Sa lahat ng araw ng kaniyang pagkatalaga ay hindi siya kakain ng anomang bagay na ibinubunga ng puno ng ubas, magmula sa mga butil hanggang sa balat.
5 Sa buong panahon ng kaniyang panata ng pagbubukod, walang labaha ang gagamitin sa kaniyang ulo hanggang sa mga araw ng kaniyang pagbubukod kay Yahweh ay matupad. Dapat siyang ihandog kay Yahweh. Dapat niyang hayaang humaba ang buhok sa kaniyang ulo.
Sa lahat ng araw ng kaniyang pagkatalaga ay walang pang-ahit na daraan sa ibabaw ng kaniyang ulo: hanggang sa matupad ang mga araw na kaniyang itinalaga sa Panginoon, ay magpapakabanal siya; kaniyang pababayaang humaba ang buhok ng kaniyang ulo.
6 Sa buong panahon na ibubukod niya ang kaniyang sarili kay Yahweh, dapat hindi siya lalapit sa isang patay na katawan.
Sa lahat ng araw ng kaniyang pagtalaga sa Panginoon, ay huwag siyang lalapit sa patay na katawan.
7 Dapat hindi niya dudumihan ang kaniyang sarili kahit na para sa kaniyang ama, ina, kapatid na lalaki, o sa kapatid na babae, kung sila ay namatay. Ito ay dahil ibinukod siya para sa Diyos, gaya ng maaaring makita ng lahat sa pamamagitan ng kaniyang mahabang buhok.
Siya'y huwag magpapakarumi sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, o sa kaniyang kapatid na lalake, o babae, pagka sila'y namatay: sapagka't ang pagtalaga niya sa Dios, ay sumasa kaniyang ulo.
8 Sa buong panahon ng kaniyang pagbubukod siya ay banal, nakalaan para kay Yahweh.
Sa lahat ng araw ng kaniyang pagtalaga, ay banal siya sa Panginoon.
9 Kung biglang namatay ang isang tao sa tabi niya at dudungisan ang kaniyang naibukod na pagkatao, sa gayon, dapat niyang ahitan ang kaniyang ulo sa araw ng kaniyang paglilinis na kung saan dapat pagkatapos ng pitong araw. Sa araw na iyon, dapat niyang ahitan ang kaniyang ulo.
At kung ang sinoman ay biglang mamatay sa kaniyang siping, at mahawa ang ulo ng kaniyang pagkatalaga: ay aahitan nga niya ang kaniyang ulo sa araw ng paglilinis, sa ikapitong araw ay aahitan niya ito.
10 Sa ikawalong araw, dapat niyang dalhin ang dalawang kalapati o dalawang batang kalapati sa pari sa pasukan patungo sa tolda ng pagpupulong.
At sa ikawalong araw ay magdadala siya ng dalawang batobato o dalawang inakay ng kalapati sa saserdote, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
11 Ang pari ay dapat maghandog ng isang ibon bilang handog sa kasalanan at ang isang ibon bilang handog na susunugin. Ito ay pambayad para sa kaniya dahil nagkasala siya sa pamamagitan ng pagiging malapit sa patay na katawan. Dapat muli niyang ihandog ang kaniyang sarili kay Yahweh sa araw ding iyon.
At ihahandog ng saserdote ang isa na pinakahandog dahil sa kasalanan, at ang isa'y pinakahandog na susunugin at itutubos sa kaniya, sapagka't siya'y nagkasala dahil sa patay, at babanalin ang kaniyang ulo sa araw ding yaon.
12 Dapat muli niyang ihandog ang kaniyang sarili kay Yahweh sa panahon ng kaniyang pagbubukod. Dapat niyang dalhin ang isang lalaking tupa na isang taong gulang bilang isang pag-aalay sa pagkakasala. Hindi dapat ibilang ang mga araw bago niya nadungisan ang kanyiang sarili, dahil nadungisan siya habang siya ay ibinukod para sa Diyos.
At itatalaga niya sa Panginoon ang mga araw ng kaniyang pagkatalaga, at siya'y magdadala ng isang korderong lalake ng unang taon na pinakahandog dahil sa pagkakasala: datapuwa't ang mga unang araw ay mawawalan ng kabuluhan, sapagka't ang kaniyang pagkatalaga ay nadumhan.
13 Ito ang batas tungkol sa Nazareo para kapag natapos na ang panahon ng kaniyang pagbubukod. Dapat siyang dalhin sa pasukan sa tolda ng pagpupulong.
At ito ang kautusan tungkol sa Nazareo, pagka natupad na ang mga araw ng kaniyang pagkatalaga: siya'y dadalhin sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan;
14 Dapat niyang idulog ang kaniyang handog kay Yahweh. Dapat niyang ialay bilang isang handog na susunugin ang isang lalaking tupa na isang taong gulang at walang kapintasan. Dapat magdala siya ng isang babaeng tupa bilang handog para sa kasalanan na isang taong gulang at walang kapintasan. Dapat magdala siya ng isang lalaking tupa na walang dungis bilang handog para sa pagtitipon-tipon.
At kaniyang ihahandog ang kaniyang alay sa Panginoon, na isang korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan, na pinakahandog na susunugin, at isang korderong babae ng unang taon na walang kapintasan na pinakahandog dahil sa kasalanan at isang tupang lalake na walang kapintasan na pinakahandog tungkol sa kapayapaan,
15 Dapat magdala rin siya ng isang buslo ng tinapay na ginawa na walang pampaalsa, mga tinapay ng pinong harina na hinaluan ng langis, mga wafer na tinapay na walang pampaalsa na pinahiran ng langis, kasama ang kanilang handog na butil at mga handog na inumin.
At isang bakol na tinapay na walang lebadura, mga munting tinapay ng mainam na harina na hinaluan ng langis at mga manipis na tinapay na walang lebadura na pinahiran ng langis, at ang handog na harina niyaon at ang mga handog na inumin niyaon.
16 Dapat idulog ng pari ang mga ito sa harap ni Yahweh. Dapat niyang ialay ang kaniyang handog para sa kasalanan at handog na susunugin.
At ihaharap ng saserdote yaon sa harapan ng Panginoon, at ihahandog ang kaniyang handog dahil sa kasalanan at ang kaniyang handog na susunugin:
17 Kasama ang buslo ng tinapay na walang lebadura, dapat niyang idulog ang isang lalaking tupa bilang isang alay, ang handog sa pagtitipon-tipon kay Yahweh. Dapat idulog din ng pari ang handog na butil at ang handog na inumin.
At kaniyang ihahandog sa Panginoon ang tupang lalake na pinaka-hain na handog tungkol sa kapayapaan na kalakip ng bakol ng mga tinapay na walang lebadura: ihahandog din ng saserdote ang handog na harina niyaon at ang handog na inumin niyaon.
18 Dapat ahitan ng Nazareo ang kaniyang ulo na nagpapahiwatig ng kaniyang pagkabukod sa Diyos sa pasukan patungo sa tolda ng pagpupulong. Dapat niyang kunin ang buhok mula sa kaniyang ulo at ilagay ito sa apoy sa ilalim ng paghahandog ng mga handog sa pagtitipon-tipon.
At ang Nazareo ay magaahit ng ulo sa kaniyang pagkatalaga sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan at kaniyang dadamputin ang buhok ng ulo ng kaniyang pagkatalaga at ilalagay sa ibabaw ng apoy na nasa ilalim ng hain na handog tungkol sa kapayapaan.
19 Dapat kunin ng pari ang pinakuluang balikat ng lalaking tupa, isang tinapay na walang pampaalsa mula sa buslo, at isang wafer na tinapay na walang pampaalsa. Dapat niyang ilagay ang mga ito sa kamay ng Nazareo pagkatapos niyang ahitan ang kaniyang ulo na nagpapahiwatig ng pagkabukod.
At kukunin ng saserdote ang lutong balikat ng tupa, at isang munting tinapay na walang lebadura sa bakol, at isang manipis na tinapay na walang lebadura, at ilalagay sa mga kamay ng Nazareo, pagkatapos na makapagahit ng ulo ng kaniyang pagkatalaga:
20 Dapat itaas ng pari ang mga ito bilang isang handog sa harap ni Yahweh at idulog ang mga ito sa kaniya. Ito ay banal na pagkain na nakalaan para sa pari, kasama ang dibdib na itinaas at ang hita na inihandog. Pagkatapos nito, maaari nang uminom ng alak ang Nazareo.
At aalugin ng saserdote na pinakahandog na inalog sa harapan ng Panginoon; ito'y banal sa saserdote, pati ng dibdib na inalog at ng hitang itinaas; at pagkatapos nito'y ang Nazareo ay makaiinom ng alak.
21 Ito ang batas para sa Nazareo na nagpapanata ng kaniyang alay kay Yahweh para sa kaniyang pagkabukod. Kahit ano pa ang maaari niyang ibigay, dapat niyang panatilihin ang kaniyang tungkulin ng panata na kaniyang kinuha, upang panatilihin ang pangakong nakalakip sa pamamagitan ng batas para sa Nazareo.'”
Ito ang kautusan tungkol sa Nazareo na nagpanata, at tungkol sa kaniyang alay sa Panginoon dahil sa kaniyang pagtalaga, bukod pa sa aabutin ng kaniyang mga kaya: ayon sa kaniyang panata na kaniyang ipinanata, ay gayon niya dapat gagawin, ayon sa kautusan tungkol sa kaniyang pagkatalaga.
22 Muling nagsalita si Yahweh kay Moises. Sinabi niya,
At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
23 “Kausapin mo si Aaron at ang kaniyang mga anak na lalaki. Sabihin mo, 'Dapat ninyong pagpalain ang mga tao ng Israel sa ganitong paraan. Dapat ninyong sabihin sa kaniya,
Salitain mo kay Aaron at sa kaniyang mga anak, na sasabihin, Sa ganitong paraan babasbasan ninyo ang mga anak ni Israel; inyong sasabihin sa kanila:
24 “Pagpalain ka nawa ni Yahweh at ingatan.
Pagpalain ka nawa ng Panginoon at ingatan ka:
25 Pasisikatin nawa ni Yahweh ang kaniyang liwanag sa iyo, titingin sa iyo, at mahabag sa iyo.
Paliwanagin nawa ng Panginoon ang kaniyang mukha sa iyo, at mahabag sa iyo:
26 Tingnan ka nawa si Yahweh nang may kabutihang loob at bigyan ka ng kapayapaan.'”
Ilingap nawa ng Panginoon ang kaniyang mukha sa iyo, at bigyan ka ng kapayapaan.
27 Sa ganitong paraan dapat nilang ibigay ang aking pangalan sa mga tao ng Israel. At pagpapalain ko sila.”
Gayon nila ilalagay ang aking pangalan sa mga anak ni Israel; at aking pagpapalain sila.