< Mga Bilang 22 >
1 Nagpatuloy sa paglalakbay ang mga tao ng Israel hanggang sa magkampo sila sa mga kapatagan ng Moab malapit sa Jerico, sa ibayo ng Ilog Jordan mula sa lungsod.
At ang mga anak ni Israel ay naglakbay at humantong sa mga kapatagan ng Moab sa dako roon ng Jordan na nasa tapat ng Jerico.
2 Nakita ni Balak na lalaking anak ni Zippor ang lahat ng ginawa ng Israel sa mga Amoreo.
At nakita ni Balac na anak ni Zippor ang lahat ng ginawa ng Israel sa mga Amorrheo.
3 Labis na natakot si Moab sa mga tao dahil sila ay marami, at matindi ang takot ni Moab sa mga tao ng Israel.
At ang Moab ay natakot na mainam sa bayan, sapagka't sila'y marami: at ang Moab ay nagulumihanan dahil sa mga anak ni Israel.
4 Sinabi ng hari ng Moab sa nakakatanda ng Midian, “Kakainin nitong napakaraming ang lahat ng nakapaligid sa atin gaya ng panginginain ng isang kapong baka sa mga damo sa isang bukirin.” Ngayon si Balak na lalaking anak ni Zippor ang hari ng Moab sa panahong iyon.
At sinabi ng Moab sa mga matanda sa Madian, Ngayon ay hihimuran ng karamihang ito yaong lahat na nasa palibot natin, gaya ng baka na humihimod sa damo sa parang. At si Balac na anak ni Zippor, ay hari sa Moab ng panahong yaon.
5 Nagpadala siya ng mga mensahero kay Balaam na lalaking anak ni Beor, sa Petor na nasa tabi ng Ilog Eufrates, sa lupain ng kaniyang bansa at kaniyang mga tao. Tinawag niya siya at sinabi, “Tingnan mo, isang bansa ang dumating dito mula sa Ehipto. Kanilang sinakop ang buong lupain at sila ay narito na malapit sa akin.
At siya'y nagutos ng mga sugo kay Balaam na anak ni Beor, hanggang sa Pethor na nasa tabi ng ilog, hanggang sa lupain ng mga anak ng kaniyang bayan, upang tawagin siya, na sabihin, Narito, may isang bayan na lumabas mula sa Egipto: narito, kanilang tinatakpan ang ibabaw ng lupa, at sila'y nangakatayo laban sa akin:
6 Kaya pakiusap pumunta ka na ngayon at isumpa ang bayang ito para sa akin, dahil sila ay napakalakas para sa akin. Marahil kung gayon, maaari ko na silang salakayin at palayasin palabas sa lupain. Alam ko na ang sinumang pinagpapala mo ay pagpapalain, at ang sinumang isusumpa mo ay susumpain.”
Parito ka ngayon, isinasamo ko sa iyo, na sumpain mo sa akin ang bayang ito; sapagka't sila'y totoong makapangyarihan kay sa akin; marahil ako'y mananaig, na aming masasaktan sila, at aking silang mapalalayas sa lupain; sapagka't talastas ko na ang iyong pinagpapala ay mapalad at ang iyong sinusumpa ay mapapasama.
7 Kaya umalis ang mga nakakatanda ng Moab at ng Midian, dala nila ang pambayad para sa panghuhula. Nagpunta sila kay Balaam at sinabi sa kaniya ang mga salita ni Balak.
At ang mga matanda sa Moab at ang mga matanda sa Madian, ay nagsiparoon na dala sa kanilang kamay ang mga ganting pala sa panghuhula; at sila'y dumating kay Balaam at sinalita nila sa kaniya ang mga salita ni Balac.
8 Sinabi ni Balaam sa kanila, “Mamalagi kayo rito ngayong gabi. Sasabihin ko sa inyo kung ano ang sasabihin sa akin ni Yahweh.” Kaya nanatili ang mga pinuno ng Moab kay Balaam sa gabing iyon.
At kaniyang sinabi sa kanila, Dito na kayo tumuloy ngayong gabi, at bibigyan ko kayo ng kasagutan, kung ano ang sasalitain ng Panginoon sa akin; at ang mga prinsipe sa Moab ay tumuloy na kasama ni Balaam.
9 Nagpunta ang Diyos kay Balaam, at sinabi, “Sino ang mga lalaking ito na nagpunta sa iyo?”
At ang Dios ay naparoon kay Balaam, at nagsabi, Sinong mga tao itong kasama mo?
10 Sumagot si Balaam, “Ipinadala sila sa akin ni Balak na lalaking anak ni Zippor, hari ng Moab. Sinabi niya,
At sinabi ni Balaam sa Dios, Si Balac, na anak ni Zippor, hari sa Moab, ay nagpasugo sa akin, na sinasabi,
11 'Tingnan mo, ang mga taong nanggaling mula sa Ehipto ay sinakop ang aking lupain. Ngayon, pumarito ka at sumpain sila para sa akin. Marahil, maaari ko na silang kalabanin at palayasin.”'
Narito, ang bayan na lumabas sa Egipto, ay tumatakip sa ibabaw ng lupa: ngayo'y parito ka, sumpain mo sila sa akin; marahil ako'y makababaka sa kanila, at sila'y aking mapalalayas.
12 Tumugon ang Diyos kay Balaam, “Hindi ka dapat sumama sa mga lalaking iyon. Hindi mo dapat isumpa ang mga tao ng Israel dahil pinagpala sila.”
At sinabi ng Dios kay Balaam, Huwag kang paroroong kasama nila; huwag mong susumpain ang bayan; sapagka't sila'y pinagpala.
13 Kinaumagahan tumayo si Balaam at sinabi sa mga pinuno ni Balak, “Bumalik na kayo sa inyong lupain dahil hindi ako pinayagan ni Yahweh na sumama sa inyo.”
At si Balaam ay bumangon nang kinaumagahan, at sinabi sa mga prinsipe ni Balac, Yumaon kayo sa inyong lupain: sapagka't ipinagkait ng Panginoon ang pahintulot na ako'y pumaroong kasama ninyo.
14 Kaya umalis ang mga pinuno ng Moab at bumalik kay Balak. Sinabi nila, “Tumanggi si Balaam na sumama sa amin.”
At ang mga prinsipe sa Moab ay bumangon, at sila'y naparoon kay Balac, at nagsabi, Si Balaam ay tumangging pumarito na kasama namin.
15 Muling nagpadala si Balak ng mas maraming pinuno na mas iginagalang kaysa sa mga naunang grupo.
At si Balac ay nagsugong muli ng marami pang prinsipe, at lalong mga mahal kay sa kanila.
16 Nagpunta sila kay Balaam at sinabi sa kaniya, “Ito ang sinasabi ni Balak na anak ni Zippor, 'Pakiusap, wala nawang anumang bagay na hahadlang sa iyo sa pagparito sa akin,
At sila'y naparoon kay Balaam at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ni Balac na anak ni Zippor, Isinasamo ko sa iyo, na ang anomang bagay huwag mong tulutan na makaabala sa iyo sa pagparito mo sa akin:
17 dahil babayaran pa kita nang labis at bibigyan kita ng dakilang karangalan, at gagawin ko anuman ang sasabihin mong gawin ko. Kaya pakiusap pumunta ka at isumpa mo ang mga taong ito para sa akin.”'
Sapagka't ikaw ay aking papupurihan ng mga dakilang karangalan, at anomang sabihin mo sa akin ay gagawin ko: parito ka nga, isinasamo ko sa iyo, na sumpain mo sa akin ang bayang ito.
18 Sumagot si Balaam at sinabi sa mga tauhan ni Balak, “Kahit na ibibigay sa akin ni Balak ang kaniyang palasyong puno ng pilak at ginto, hindi ako pwedeng sumuway sa mga salita ni Yahweh, ang aking Diyos, at gawin nang walang labis o walang kulang kung ano ang sinabi niya sa akin.
At si Balaam ay sumagot at nagsabi sa mga lingkod ni Balac, Kahit ibigay sa akin ni Balac ang kaniyang bahay na puno ng pilak at ginto, ay hindi ko masasalangsang ang salita ng Panginoon kong Dios, na ako'y gumawa ng kulang o higit.
19 Kung gayon, pakiusap manatili rin kayo rito ngayong gabi, upang pag-isipan kong mabuti ang anumang sinasabi ni Yahweh sa akin.”
Ngayon nga, isinasamo ko sa inyo, na tumuloy rin kayo rito ngayong gabi, upang aking maalaman kung ano ang sasalitain pa ng Panginoon sa akin.
20 Pinuntahan ng Diyos si Balaam sa gabi at sinabi sa kaniya, “Yamang nagpunta ang mga lalaking ito para ipatawag ka, tumayo ka at sumama sa kanila. Ngunit gagawin mo lamang kung ano ang aking sinabing gagawin mo.”
At ang Dios ay naparoon kay Balaam nang kinagabihan, at nagsabi sa kaniya, Kung ang mga taong iyan ay nagsiparito, upang tawagin ka ay bumangon ka, sumama ka sa kanila: nguni't ang salita lamang na aking sasalitain sa iyo, ay siya mong gagawin.
21 Kinaumagahan tumayo si Balaam, nilagyan niya ng upuan ang kaniyang asno at sumama sa mga pinuno ng Moab.
At si Balaam ay bumangon nang kinaumagahan, at siniyahan ang kaniyang asno, at sumama sa mga prinsipe sa Moab.
22 Ngunit dahil sumama siya, ang galit ni Yahweh ay sumiklab. Inilagay ng anghel ni Yahweh ang kaniyang sarili sa daanan bilang isang taong hadlang kay Balaam, na nakasakay sa kaniyang asno. Ang dalawang alipin ni Balaam ay kasama din niya.
At ang galit ng Dios ay nagningas sapagka't siya'y naparoon: at ang anghel ng Panginoon ay lumagay sa daan na pinaka kalaban niya. Siya nga'y nakasakay sa kaniyang asno at ang kaniyang dalawang alipin ay kasama niya.
23 Nakita ng asno ang anghel ni Yahweh na nakatayo sa daraanan na hawak niya ang kaniyang nakalabas na tabak. Lumihis ang asno sa kalsada at pumunta sa loob ng isang bukirin. Hinampas ni Balaam ang asno upang ipaharap sa kalsada.
At nakita ng asno ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa daan, na hawak ang kaniyang bunot na tabak: at ang asno ay lumiko sa daan, at napasa parang: at pinalo ni Balaam ang asno, upang ibalik siya sa daan.
24 At tumayo ang anghel ni Yahweh sa isang makipot na bahagi ng kalsada sa pagitan ng ilang ubasan, na mayroong isang pader sa kaniyang kanang bahagi at isa pang pader sa kaniyang kaliwang bahagi.
Nang magkagayo'y tumayo ang anghel ng Panginoon sa isang makipot na daan sa pagitan ng mga ubasan, na ang isang bakod ay sumasadako rito, at ang isang bakod ay sumasadakong yaon.
25 Nakita muli ng asno ang anghel ni Yahweh. Sumiksik siya sa pader at naipit ang paa ni Balaam laban dito. Muli siyang hinampas ni Balaam.
At nakita ng asno ang anghel ng Panginoon, at siya'y inipit sa bakod, at naipit ang paa ni Balaam sa bakod: at kaniyang pinalo uli ang asno.
26 Pumunta sa mas malayo ang anghel ni Yahweh at tumayo sa isa pang makipot na lugar kung saan ay walang paraan para makaiwas sa kahit sa anumang bahagi.
At ang anghel ng Panginoon ay nagpauna uli at tumayo sa isang makipot na dako na walang daan lilikuan kahit sa kanan ni sa kaliwa.
27 Nakita ng asno ang anghel ni Yahweh, at humiga siya sa ilalim ni Balaam. Sumiklab ang galit ni Balaam at kaniyang hinampas ng baston ang kaniyang asno.
At nakita ng asno ang anghel ng Panginoon, at siya'y nalugmok sa ilalim ni Balaam: at ang galit ni Balaam ay nagningas, at kaniyang pinalo ang asno ng kaniyang tungkod.
28 Pagkatapos, binuksan ni Yahweh ang bibig ng asno para magsalita siya. Sinabi niya kay Balaam, “Ano ang aking ginawa sa iyo na nag-udyok sa iyo na hampasin ako nitong makaikatlo beses?”
At ibinuka ng Panginoon ang bibig ng asno, at nagsabi kay Balaam, Ano ang ginawa ko sa iyo, na ako'y pinalo mo nitong makaitlo?
29 Sumagot si Balaam, “Dahil ikaw ay kumilos nang may kahangalan sa akin. Sana ay mayroong isang espada sa aking kamay. Kung mayroon, sa ngayon pinatay na kita.”
At sinabi ni Balaam sa asno, Sapagka't tinuya mo ako: mayroon sana ako sa aking kamay na isang tabak, pinatay disin kita ngayon.
30 Sinabi ng asno kay Balaam, “Hindi ba ako ang iyong asno na sinasakyan mo sa buong buhay mo hanggang sa mga araw na ito? Ugali ko bang gawin ang mga ganitong bagay sa iyo dati?” Sinabi ni Balaam, “Hindi.”
At sinabi ng asno kay Balaam, Di ba ako'y iyong asno na iyong sinakyan sa buong buhay mo hanggang sa araw na ito? gumawa ba kaya ako kailan man ng ganito sa iyo? At kaniyang sinabi, Hindi.
31 Pagkatapos, binuksan ni Yahweh ang mga mata ni Balaam, at nakita niya ang anghel ni Yahweh na nakatayo sa daraanan na nakalabas ang kaniyang espadang nasa kaniyang kamay. Iniyuko ni Balaam ang kaniyang ulo at nagpatirapa.
Nang magkagayo'y idinilat ng Panginoon ang mga mata ni Balaam, at kaniyang nakita ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa daan, na hawak ang kaniyang bunot na tabak: at kaniyang iniyukod ang kaniyang ulo, at nagpatirapa.
32 Sinabi ng anghel ni Yahweh sa kaniya, “Bakit mo hinampas nitong tatlong beses ang iyong asno? Tingnan mo, naparito ako bilang isang taong galit sa iyo dahil masama ang mga ikinikilos mo sa harapan ko.
At sinabi sa kaniya ng anghel ng Panginoon, Bakit mo pinalo ang iyong asno nitong makaitlo? Narito, ako'y naparito na pinaka kalaban, sapagka't ang iyong lakad ay masama sa harap ko:
33 Nakita ako ng iyong asno at iniwasan niya ako ng tatlong beses. Kung hindi siya umiwas sa akin, siguradong napatay kita at nailigtas ko ang buhay niya.”
At nakita ako ng asno, at lumiko sa harap ko nitong makaitlo: kundi siya lumihis sa harap ko, ay tunay na ngayon ay napatay kita, at nailigtas ang kaniyang buhay.
34 Sinabi ni Balaam sa anghel ni Yahweh, “Nagkasala ako. Hindi ko alam na nakatayo ka sa kalsada laban sa akin. Ngayon kung ganoon, kung hindi katanggap-tanggap sa iyo ang paglalakbay na ito, babalik ako sa aking pinanggalingan.”
At sinabi ni Balaam sa anghel ng Panginoon, Ako'y nagkasala; sapagka't hindi ko nalamang ikaw ay nakatayo sa daan laban sa akin: ngayon nga, kung inaakala mong masama, ay babalik ako uli.
35 Ngunit sinabi ng anghel ni Yahweh kay Balaam, “Magpatuloy ka kasama ng mga lalaki. Ngunit dapat sabihin mo lamang ang mga salita na sinabi ko sa iyo.” Kaya sumama si Balaam sa mga pinuno ni Balak.
At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Balaam, Sumama ka sa mga tao: nguni't ang salita lamang na aking sasalitain sa iyo, ang siyang sasalitain mo. Sa gayon ay sumama si Balaam sa mga prinsipe ni Balac.
36 Nang marinig ni Balak na dumating na si Balaam, lumabas siya upang salubungin siya sa isang lungsod ng Moab sa Arnon, na nasa hangganan.
At nang mabalitaan ni Balac na si Balaam ay dumarating, ay lumabas upang kaniyang salubungin siya sa bayan ng Moab, na nasa hangganan ng Arnon, na siyang katapusang bahagi ng hangganan.
37 Sinabi ni Balak kay Balaam, “Hindi ba ako nagpadala ng mga tauhan upang ipatawag ka? Bakit hindi ka pumunta sa akin? Wala ba akong kakayahan na bigyan ka ng karangalan?”
At sinabi ni Balac kay Balaam, Di ba ikaw ay aking pinaparoonang dalidali upang tawagin ka? bakit nga hindi ka naparito sa akin? hindi ba tunay na mapapupurihan kita?
38 At sumagot si Balaam, “Tingnan mo, naparito na ako para sa iyo. Mayroon na ba akong karapatang magsabi ng anumang bagay? Sasabihin ko lamang ang mga salita ni Yahweh na ilagay niya sa aking bibig.”
At sinabi ni Balaam kay Balac, Narito, ako'y naparito sa iyo: mayroon ba ako ngayong anomang kapangyarihan na makapagsalita ng anomang bagay? ang salitang ilagay ng Dios sa aking bibig, yaon ang aking sasalitain.
39 Sumama si Balaam kay Balak, at nakarating sila sa Kiriat Husot.
At si Balaam ay sumama kay Balac, at sila'y naparoon sa Chiriath-huzoth.
40 At inialay ni Balak ang mga kapong baka at tupa at binigyan niya ng kaunting karne si Balaam at ang mga pinunong kasama niya.
At naghain si Balac, ng mga baka at mga tupa, at ipinadala kay Balaam, at sa mga prinsipe na kasama niya.
41 Kinaumagahan, dinala ni Balak si Balaam sa itaas sa mga dambana ni Baal. Mula roon makikita lamang ni Balaam ang maliit na bahagi ng mga Israelita sa kanilang kampo.
At nangyari nang kinaumagahan, na isinama ni Balac si Balaam at isinampa siya sa matataas na dako ni Baal, at kaniyang nakita mula roon ang katapustapusang bahagi ng bayan.