< Nehemias 9 >
1 Ngayon sa ika-dalawampu't-apat na araw ng parehong na buwan, ang bayan ng Israel ay nagpulong at sila ay nag-ayuno, at nagsuot sila ng telang sako, at naglagay ng alikabok sa kanilang mga ulo.
2 Inihiwalay ng mga kaapu-apuhan ng Israel ang kanilang sarili mula sa lahat ng mga dayuhan. Tumayo sila at nagtapat ng kanilang sariling mga kasalanan at masasamang mga gawain ng kanilang mga ninuno.
3 Tumayo sila sa kanilang mga lugar, at sa ika-apat na araw nagbasa sila mula sa Aklat ng Batas ni Yahweh na kanilang Diyos. Sa isa pang ika-apat na araw sila ay nagtatapat at yumuyuko sa harap ni Yahweh na kanilang Diyos.
4 Ang mga Levita, sila Jeshua, Bani, Kadmiel, Sebanias, Buni, Serebias, Bani, at Kenani, ay tumayo sa mga hagdan at sila ay tumawag ng may malakas na tinig kay Yahweh na kanilang Diyos.
5 Tapos ang mga Levita, Jeshua, at Kadmiel, Bani, Hasabneias, Serebias, Hodias, Sebanias at Petahias, ay sinabing, “Tumayo kayo at magbigay ng papuri kay Yahweh na inyong Diyos magpakailanman.” “Nawa pagpalain nila ang iyong maluwalhating pangalan, at madakila ito nang higit sa anumang pagpapala at pagpupuri.
6 Ikaw si Yahweh. Ikaw lamang. Ginawa mo ang langit, ang pinakamataas na kalangitan, kasama ng lahat ng kanilang mga anghel na nakahanda para sa digmaan, at ang lupa at lahat nang naroon, at ang mga dagat at lahat ng nasa kanila. Nagbigay ka ng buhay sa kanilang lahat, at ang hukbo ng mga anghel ng langit ay sumasamba sa iyo.
7 Ikaw si Yahweh, ang Diyos na pumili kay Abram, at ang naglabas sa kaniya sa Ur ng Caldea, at ang nagbigay sa kaniya ng pangalang Abraham.
8 Natagpuan mong tapat ang kaniyang puso sa iyong harapan, at gumawa ka ng tipan sa kaniya na ibibigay mo sa kaniyang mga kaapu-apuhan ang lupain ng Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Jebuseo at ng Gergeseo. Pinanatili mo ang iyong pangako dahil ikaw ay matuwid.
9 Nakita mo ang paghihirap ng aming mga ninuno sa Ehipto at narinig mo ang kanilang mga hinagpis sa dagat ng mga Tambo.
10 Nagbigay ka ng mga tanda at kababalaghan laban sa Paraon, at sa lahat ng kaniyang mga alipin, at sa lahat ng mga tao sa kaniyang lupain, dahil alam mo na ang mga taga-Ehipto ay kumilos nang may pagmamataas laban sa kanila. Pero gumawa ka ng pangalan para sa iyong sarili na nananatili hanggang sa araw na ito.
11 At hinati mo ang dagat sa kanilang harapan, kaya dumaan sila sa tuyong lupa sa gitna ng dagat; at tinapon ang mga humabol sa kanila papunta sa mga kailaliman, gaya ng isang bato sa malalim na katubigan.
12 Ginabayan mo sila sa pamamagitan ng isang haliging ulap sa araw, at sa pamamagitan ng haliging apoy sa gabi, para ilawan ang kanilang daan nang sa gayon makalakad sila sa liwanag nito.
13 Sa bundok ng Sinai bumaba ka at kinausap sila mula sa langit at binigyan mo sila ng makatuwirang mga kautusan at totoong mga batas, mabuting mga alituntunin at mga kautusan.
14 Pinaalam mo ang iyong Banal na Pamamahinga sa kanila, at binigyan mo sila ng mga kautusan at alituntunin at batas sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod.
15 Binigyan mo sila ng tinapay mula sa langit para sa kanilang gutom, at tubig mula sa isang bato para sa kanilang uhaw, at sinabi mo sa kanila na pumunta para angkinin ang lupain na pinangako mo na ibibigay sa kanila.
16 Pero sila at ang aming mga ninuno ay kumilos ng may kalapastanganan, at matigas ang ulo nila, at hindi nakinig sa iyong mga kautusan.
17 Tumanggi silang makinig, at hindi nila inisip ang tungkol sa mga kababalaghan na iyong ginawa sa kanilang kalagitnaan, pero naging mapagmatigas sila, at sa kanilang paghihimagsik sila ay nagtalaga ng pinuno na magbabalik sa kanila sa pagkakaalipin. Pero ikaw ang Diyos na puno ng kapatawaran, mapagbigay-loob at mahabagin, hindi madaling magalit, at sagana sa pag-ibig na hindi nagbabago. Hindi mo sila iniwan.
18 Hindi mo sila iniwan kahit na sila ay gumawa ng guya mula sa tinunaw na bakal at sinabing, 'Ito ang inyong Diyos na nag-alis sa inyo sa Ehipto,' habang sila ay gumagawa ng labis na mga kalapastanganan.
19 Ikaw, at ang iyong kahabagan, ay hindi nagpabaya sa kanila sa ilang. Ang haliging ulap na gagabay sa kanila sa kanilang daan ay hindi sila iniwan sa araw, maging ang haliging apoy sa gabi para bigyan ng liwanag ang kanilang daan kung saan sila maglalakad.
20 Binigay mo ang mabuti mong Espiritu para turuan sila, at ang iyong manna ay hindi mo ipinagkait sa kanilang mga bibig, at binigyan mo sila ng tubig para sa kanilang pagkauhaw.
21 Sa apatnapung taon ibinigay mo ang kanilang pangangailangan sa ilang, at hindi sila nagkulang. Ang kanilang mga kasuotan ay hindi nasira at ang kanilang mga paa ay hindi namaga.
22 Binigyan mo sila ng mga kaharian at mamamayan, at nagtakda ka sa kanila ng lupain sa bawat malalayong sulok. Kaya kinuha nila bilang pag-aari ang lupain ni Haring Sihon ng Hesbon, at ang lupain ng Og na hari ng Bashan.
23 Ginawa mo ang kanilang mga anak na kasing dami ng bituin sa langit, at dinala mo sila sa lupain. Sinabi mo sa kanilang mga ninuno na pumunta at angkinin iyon.
24 Kaya ang mga tao ay pumunta doon at inangkin ang lupain, at sinakop mo bago pa man sila manirahan sa lupain, ang mga Cananeo. Binigay mo sila sa kanilang mga kamay, kasama ng kanilang mga hari at mga mamamayan ng lupain, para magawa ng Israel ang anumang naisin nila sa kanila.
25 Nasakop nila ang mga matatatag na lungsod at masaganang lupain, at nasakop nila ang mga bahay na puno ng lahat ng mabubuting bagay, ang mga balon ay nahukay na, ang mga ubasan at halamanan ng olibo, at punong prutas ay nananagana. Kaya sila ay kumain, nabusog, nasiyahan, at labis na natuwa sa kanilang mga sarili dahil sa iyong dakilang kabutihan.
26 Pagkatapos, sila ay naging suwail at naghimagsik laban sa iyo. Tinapon nila ang iyong batas sa kanilang likuran. Pinatay nila ang iyong mga propeta na nagbabala sa kanila na bumalik sa iyo, at gumawa sila ng matinding mga kalapastanganan.
27 Kaya binigay mo sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, na nagdulot ng kanilang paghihirap. At sa oras ng kanilang paghihirap, sila ay umiyak sa iyo at dininig mo sila mula sa langit at maraming beses mo silang iniligtas sa kamay ng kanilang mga kaaway dahil sa inyong dakilang awa.
28 Pero pagkatapos nilang makapagpahinga, gumawa ulit sila ng kasamaan sa harapan mo, at ipinaubaya mo sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, kaya pinamahalaan sila ng kanilang mga kaaway. Pero nang bumalik sila at umiyak sa iyo, dininig mo sila mula sa langit, at maraming beses, dahil sa iyong habag, na iniligtas mo sila.
29 Binalaan mo sila para manumbalik sila sa iyong batas. Pero kumilos sila nang may pagmamataas at hindi nakinig sa iyong mga kautusan. Sila ay nagkasala laban sa iyong mga kautusan na nagbibigay ng buhay sa sinumang sumusunod dito. Hindi nila sinunod ang mga iyon, at hindi nila ito binigyan ng pansin, at tinanggihan nilang makinig sa mga iyon.
30 Sa maraming taon, sila ay pinagtiisan mo at binalaan ayon sa iyong Espiritu sa pamamagitan ng iyong mga propeta. Gayumpaman hindi pa rin sila nakinig. Kaya ibinigay mo sila sa mga kalapit-bansa.
31 Pero sa iyong dakilang habag hindi mo sila lubusang nilipol, o pinabayaan, dahil ikaw ay mahabagin at maawain na Diyos.
32 Kaya ngayon, aming Diyos, ang dakila, ang makapangyarihan, at ang kamangha-manghang Diyos, na siyang tumutupad sa kaniyang tipan at tapat na pagmamahal, huwag mong maliitin ang lahat ng paghihirap na dumating sa amin, sa aming mga hari, sa aming mga prinsipe, sa aming mga pari, sa aming mga propeta, at sa aming mga ninuno, at sa lahat na iyong mga tao mula sa araw ng mga hari ng Asiria hanggang sa araw na ito.
33 Ikaw ay makatuwiran sa lahat ng bagay na dumating sa amin, dahil matapat mo kaming pinakitunguhan, at kami ay kumilos nang may kasamaan.
34 Ang aming mga hari, mga prinsepe, mga pari, at mga ninuno ay hindi pinanatili ang iyong batas, ni binigyang pansin ang iyong mga kautusan o ang mga utos mo sa tipan na babala sa kanila.
35 Kahit na sa kanilang sariling kaharian, habang sila ay nagsasaya sa iyong dakilang kabutihan sa kanila, sa malaki at masaganang lupain na hinanda mo sa kanila, hindi sila naglingkod sa iyo o lumayo mula sa kanilang masasamang gawi.
36 Ngayon sa lupain na binigay mo sa aming mga ninuno para masiyahan sa mga prutas at mabubuting kaloob, kami ay mga alipin, tingnan mo, kami ay mga alipin!
37 Ang masaganang ani mula sa aming mga lupain ay napupunta sa mga hari na iyong itinakda para sa amin dahil sa aming mga kasalanan. Sila ang namamahala sa aming mga katawan at sa aming mga alagang hayop ayon sa kanilang kagustuhan. Kami ay nasa labis na pagdurusa.
38 Dahil sa lahat ng ito, kami ay gumawa ng isang matatag na tipan sa kasulatan. Sa selyadong dokumento ay ang mga pangalan ng aming mga prinsipe, mga Levita at mga pari.”