< Nehemias 13 >
1 Nang araw na iyon binasa nila ang Aklat ni Moises na naririnig ng mga tao. Natuklasan nila na nakasulat doon na walang Ammonita o Moabita ang dapat sumali sa kapulungan ng Diyos, magpakailanman.
Nang araw na yaon ay bumasa sila sa aklat ni Moises sa pakinig ng bayan; at doo'y nasumpungang nakasulat, na ang Ammonita at Moabita, ay huwag papasok sa kapulungan ng Dios magpakailan man.
2 Ito ay dahil hindi sila lumapit sa mga mamamayan ng Israel nang may tinapay at tubig, sa halip binayaran nila si Balaam para sumpain ang Israel. Gayumpaman, ginawa ng ating Diyos na isang pagpapala ang sumpa.
Sapagka't hindi nila sinalubong ang mga anak ni Israel ng tinapay at ng tubig, kundi inupahan si Balaam laban sa kanila, upang sumpain sila: gayon ma'y pinapaging pagpapala ng aming Dios ang sumpa.
3 Nang narinig nila ang Batas, pinaalis nila mula sa Israel ang bawat dayuhan.
At nangyari, nang kanilang marinig ang kautusan, na inihiwalay nila sa Israel ang buong karamihang halohalo.
4 Bago nito, si Eliasib na pari ay itinalaga sa mga imbakan ng tahanan ng ating Diyos. Siya ay kamag-anak ni Tobias.
Bago nga nangyari ito, si Eliasib na saserdote, na nahalal sa mga silid ng bahay ng aming Dios, palibhasa'y nakipisan kay Tobias.
5 Naghanda si Eliasib ng isang malaking imbakan para kay Tobias, kung saan pinaglalagyan dati ng mga handog na pagkaing butil, ng insenso, mga kagamitan, at ng mga ikapu ng butil, bagong alak, at ng langis, na itinalaga para sa mga Levita, mga mang-aawit, mga tagapagbantay ng tarangkahan, at ang mga ambag para sa mga pari.
Ay ipinaghanda siya ng isang malaking silid, na kinasisidlan noong una ng mga handog na harina, ng mga kamangyan, at ng mga sisidlan, at ng mga ikasangpung bahagi ng trigo, ng alak, at ng langis, na nabigay sa pamamagitan ng utos sa mga Levita, at sa mga mangaawit, at sa mga tagatanod-pinto; at ang mga handog na itataas na ukol sa mga saserdote.
6 Pero wala ako sa Jerusalem nang mga panahong ito. Dahil pumunta ako sa hari ng Babilonia na si Artaxerxes sa kaniyang ika-tatlumpu't dalawang taon. Pagkatapos ng ilang panahon ay humingi ako ng pahintulot sa hari para umalis,
Nguni't sa buong panahong ito ay wala ako sa Jerusalem: sapagka't sa ikatatlong pu't dalawang taon ni Artajerjes na hari sa Babilonia ay naparoon ako sa hari, at pagkatapos ng ilang araw ay nagpaalam ako sa hari:
7 at bumalik ako sa Jerusalem. Nabatid ko ang kasamaan na ginawa ni Eliasib sa pagbibigay kay Tobias ng isang imbakan sa patyo ng bahay ng Diyos.
At ako'y naparoon sa Jerusalem, at naalaman ko ang kasamaang ginawa ni Eliasib tungkol kay Tobias, sa paghahanda niya sa kaniya ng isang silid sa mga looban ng bahay ng Dios.
8 Nagalit ako nang lubos at itinapon ko ang lahat ng mga kagamitan sa bahay ni Tobias palabas ng imbakan.
At ikinamanglaw kong mainam: kaya't aking inihagis ang lahat na kasangkapan ni Tobias sa labas ng silid.
9 Iniutos ko na gawin nilang dalisay ang mga imbakan, at ibinalik ko sa loob ng mga ito ang mga kagamitan sa tahanan ng Diyos, ang mga handog na pagkaing butil, at ang insenso.
Nang magkagayo'y nagutos ako, at nilinis nila ang mga silid; at dinala ko uli roon ang mga sisidlan ng bahay ng Dios pati ng mga handog na harina at ng kamangyan.
10 At nalaman ko na ang mga bahaging nakatakda para sa mga Levita ay hindi naibigay sa kanila, kaya naman mabilis nilang nilisan ang templo, ang bawat isa sa kani-kaniyang bukid, tulad din ng ginawa ng mga mang-aawit.
At nahalata ko na ang mga bahagi ng mga Levita ay hindi nangabigay sa kanila; na anopa't ang mga Levita, at ang mga mangaawit na nagsisigawa ng gawain, ay nangagsitakas bawa't isa sa kanikaniyang bukid.
11 Kaya hinarap ko ang mga opisyales at sinabi, “Bakit napabayaan ang bahay ng Diyos?” Tinipon ko sila at inilagay sila sa kanilang mga puwesto.
Nang magkagayo'y nakipagtalo ako sa mga pinuno, at sinabi ko, Bakit pinabayaan ang bahay ng Dios? At pinisan ko sila, at inilagay sa kanilang kalagayan.
12 Pagkatapos, dinala ng buong Juda ang ikapu ng butil, ng bagong alak, at ng langis sa mga imbakan.
Nang magkagayo'y dinala ng buong Juda ang ikasangpung bahagi ng trigo at ng alak at ng langis sa mga ingatang-yaman.
13 Itinalaga ko bilang mga tagapag-ingat yaman sa mga kamalig na imbakan si Selemias, ang pari, at si Sadoc, ang eskriba, at mula sa mga Levita, si Pedaias. Sunod sa kanila ay si Hanan na anak ni Zacur na anak ni Matanias, dahil itinuring silang mapagkakatiwalaan. Ang kanilang mga tungkulin ay ang ibigay ang mga panustos sa kanilang mga kasamahan.
At ginawa kong mga tagaingat-yaman sa mga ingatang-yaman, si Selemias na saserdote, at si Sadoc na kalihim, at sa mga Levita, si Pedaias: at kasunod nila ay si Hanan na anak ni Zaccur, na anak ni Mathanias: sapagka't sila'y nangabilang na tapat, at ang kanilang mga katungkulan ay magbahagi sa kanilang mga kapatid.
14 Alalahanin mo ako, aking Diyos, tungkol dito, at huwag niyo ng burahin ang mga ginawa kong magaganda para sa tahanan ng aking Diyos at ang mga pakinabang nito.
Alalahanin mo ako, Oh aking Dios, tungkol dito, at huwag mong pawiin ang aking mga mabuting gawa na aking ginawa sa ikabubuti ng bahay ng aking Dios, at sa pagganap ng kaugaliang paglilingkod doon.
15 Sa mga araw na iyon nakita ko sa Juda ang mga taong umaapak sa mga pigaan ng ubas sa Araw ng Pamamahinga at nagpapasok ng mga tumpok ng butil at isinasakay ang mga ito sa mga asno, at pati alak, mga ubas, mga igos, at lahat ng uri ng mga mabibigat na pasanin, na dinala nila sa Jerusalem sa Araw ng Pamamahinga. Tinutulan ko sila sa pagtitinda ng pagkain sa araw na iyon.
Nang mga araw na yaon ay nakita ko sa Juda ang ilang nagpipisa sa mga ubasan sa sabbath, at nagdadala ng mga uhay, at nangasasakay sa mga asno; gaya naman ng alak, mga ubas, at mga higos, at lahat na sarisaring pasan, na kanilang ipinapasok sa Jerusalem sa araw ng sabbath: at ako'y nagpatotoo laban sa kanila sa kaarawan na kanilang ipinagbibili ang mga pagkain.
16 Ang mga lalaking mula sa Tiro na nakatira sa Jerusalem ay nagdala ng mga isda at lahat ng uri ng mga kalakal, at itininda nila ang mga iyon sa Araw ng Pamamahinga sa mga mamamayan ng Juda at sa lungsod!
Doo'y nagsisitahan naman ang mga taga Tiro, na nangagpapasok ng isda, at ng sarisaring kalakal, at nangagbibili sa sabbath sa mga anak ni Juda, at sa Jerusalem.
17 Kaya hinarap ko ang mga pinuno ng Juda, “Ano itong masamang bagay na inyong ginagawa, nilalapastangan ninyo ang Araw ng Pamamahinga?
Nang magkagayo'y nakipagtalo ako sa mga mahal na tao sa Juda, at sinabi ko sa kanila, Anong masamang bagay itong inyong ginagawa, at inyong nilalapastangan ang araw ng sabbath?
18 Hindi ba ito ang ginawa ng inyong mga ama? At hindi ba nagdala ang ating Diyos ng lahat ng kasamaang ito sa atin at sa lungsod na ito? Ngayon nagdadala kayo ng mas higit pang poot sa Israel dahil sa paglalapastangan ng Araw ng Pamamahinga.”
Hindi ba nagsigawa ng ganito ang inyong mga magulang, at hindi ba dinala ng ating Dios ang buong kasamaang ito sa atin, at sa bayang ito? gayon ma'y nangagdala pa kayo ng higit na pag-iinit sa Israel, sa paglapastangan ng sabbath.
19 Nang dumilim na sa mga tarangkahan ng Jerusalem bago ang Araw ng Pamamahinga, iniutos ko na ang mga pinto ay isara at hindi dapat buksan ang mga ito hanggang sa matapos ang Araw ng Pamamahinga. Inilagay ko ang ilan sa aking mga lingkod sa mga tarangkahan para walang kargada ang maipasok sa Araw ng Pamamahinga.
At nangyari, na nang ang pintuang-bayan ng Jerusalem ay magpasimulang magdilim bago dumating ang sabbath, aking iniutos na ang mga pintuan ay sarhan, at iniutos ko na huwag nilang buksan hanggang sa makaraan ang sabbath: at ang ilan sa aking mga lingkod ay inilagay ko sa mga pintuang-bayan, upang walang maipasok na pasan sa araw ng sabbath.
20 Ang mga mangangalakal at tagapagtinda ng lahat ng uri ng paninda ay nanatili sa labas ng Jerusalem ng isa o dalawang beses.
Sa gayo'y ang mga mangangalakal at manininda ng sarisaring kalakal, ay nangatigil sa labas ng Jerusalem na minsan o makalawa.
21 Pero binalaan ko sila, “Bakit kayo nananatili sa labas ng pader? Kung uulitin niyo iyan, pagbubuhatan ko kayo ng kamay!” Mula nang panahong iyon hindi na sila pumunta sa Araw ng Pamamahinga.
Nang magkagayo'y nagpatotoo ako laban sa kanila, at nagsabi sa kanila, Bakit nagsisitigil kayo sa may kuta? kung kayo'y magsigawa uli ng ganiyan, aking pagbubuhatan ng kamay kayo. Mula nang panahong yaon ay hindi na sila naparoon pa ng sabbath.
22 At inutusan ko ang mga Levita na gawing dalisay ang kanilang mga sarili, at lumapit at bantayan ang mga tarangkahan, para gawing banal ang Araw ng Pamamahinga. Alalahanin mo rin ako dahil dito, aking Diyos, at kaawaan mo ako dahil sa katapatan ng pangako mo na mayroon ka para sa akin.
At ako'y nagutos sa mga Levita na sila'y mangagpakalinis, at sila'y magsiparoon, at ingatan ang mga pintuang-bayan, upang ipangilin ang araw ng sabbath. Alalahanin mo ako, Oh aking Dios, dito man, at kahabagan mo ako ayon sa kalakhan ng iyong kaawaan.
23 Sa mga araw na iyon nakita ko rin ang mga Judio na nag-asawa ng mga babae mula sa Asdod, Ammon, at Moab.
Nang mga araw namang yaon ay nakita ko ang mga Judio na nangagaasawa sa mga babae ng Asdod, ng Ammon, at ng Moab:
24 Kalahati sa kanilang mga anak ang nakakapagsalita ng wika ng Asdod, pero hindi sila makapagsalita ng wika ng Juda, liban sa isang wika ng ibang mga bansa.
At ang kanilang mga anak ay nagsasalita ng kalahati sa wikang Asdod, at hindi makapagsalita ng wikang Judio, kundi ayon sa wika ng bawa't bayan.
25 Kaya hinarap ko sila, at isinumpa, at sinaktan ko ang iba sa kanila at sinabunutan ko sila. Pinasumpa ko sila sa Diyos, na nagsasabing, “Hindi niyo dapat ibigay ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalaki, o kunin ang kanilang mga anak na babae para sa inyong mga anak na lalaki, o para sa inyong mga sarili.
At ako'y nakipagtalo sa kanila, at sinumpa ko sila, at sinaktan ko ang iba sa kanila, at sinabunutan ko sila, at pinasumpa ko sila sa pamamagitan ng Dios, na sinasabi ko, Kayo'y huwag mangagbibigay ng inyong mga anak na babae na maging asawa sa kanilang mga anak na lalake, ni magsisikuha man ng kanilang mga anak na babae sa ganang inyong mga anak na lalake, o sa inyong sarili.
26 Hindi ba si Solomon na hari ng Israel ay nagkasala nang dahil sa mga babaeng ito? Sa maraming mga bansa walang haring tulad niya, at siya ay minahal ng kaniyang Diyos. At ginawa siya ng Diyos na hari ng buong Israel. Gayunpaman, ang kaniyang mga dayuhang asawa ang nagtulak sa kaniyang magkasala.
Hindi ba nagkasala si Salomon na hari sa Israel sa pamamagitan ng mga bagay na ito? gayon man sa gitna ng maraming bansa ay walang haring gaya niya; at siya'y minahal ng kaniyang Dios, at ginawa siyang hari ng Dios sa buong Israel: gayon ma'y pinapagkasala rin siya ng mga babaing taga ibang lupa.
27 Dapat nga ba kaming makinig sa inyo at gawin ang lahat ng malaking kasamaang ito, at kumilos ng may pagtataksil laban sa ating Diyos sa pamamagitan ng pag-aasawa ng mga dayuhang babae?”
Didinggin nga ba namin kayo na inyong gawin ang lahat na malaking kasamaang ito, na sumalangsang laban sa ating Dios sa pagaasawa sa mga babaing taga ibang lupa?
28 Isa sa mga anak ni Joiada anak ni Eliasib na punong pari ay manugang na lalaki ni Sanbalat ang Horonita. Kaya, inalis ko siya sa aking presensya.
At isa sa mga anak ni Joiada, na anak ni Eliasib na dakilang saserdote, ay manugang ni Sanballat na Horonita: kaya't aking pinalayas siya sa akin.
29 Alalahanin mo ang mga ito, aking Diyos, dahil sa nilapastangan nila ang kaparian, at ang tipan ng kaparian at ang mga Levita.
Alalahanin mo sila, Oh Dios ko, sapagka't kanilang dinumhan ang pagkasaserdote, at ang tipan ng pagkasaserdote at ng sa mga Levita.
30 Kaya nilinis ko sila mula sa lahat ng dayuhan, at itinatag ang mga tungkulin ng mga pari at ng mga Levita, bawat isa sa kani-kanyang mga tungkulin.
Ganito ko nilinis sila sa lahat ng taga ibang lupa, at tinakdaan ko ng mga katungkulan ang mga saserdote at ang mga Levita, na bawa't isa'y sa kaniyang gawain;
31 Naglaan ako para sa handog ng mga kahoy sa itinakdang mga oras at para sa mga unang bunga. Alalahanin niyo ako, aking Diyos, magpakailanman.
At tungkol sa kaloob na panggatong, sa mga takdang panahon, at tungkol sa mga unang bunga. Alalahanin mo ako, Oh Dios ko, sa ikabubuti.