< Nahum 2 >
1 Ang siyang dudurog sa iyo ng pira-piraso ay parating na laban sa iyo. Maglagay ng bantay sa mga pader ng siyudad, bantayan ang mga kalye, palakasin ang iyong mga sarili, tipunin ang iyong mga hukbo.
Siyang bumabasag ay sumampa sa harapan mo: ingatan mo ang katibayan, bantayan mo ang daan, palakasin mo ang iyong mga balakang, patibayin mo ang iyong kapangyarihan na mainam,
2 Sapagkat pinanunumbalik ni Yahweh ang pagkamaharlika ni Jacob, tulad ng kamaharlikaan ng Israel, kahit na sinira ang mga ito ng mga mandarambong at winasak ang mga sanga ng puno ng kanilang ubas.
Sapagka't ibinabalik ng Panginoon ang karilagan ng Jacob na gaya ng karilagan ng Israel: sapagka't ang mga tagatuyo ay nagsituyo sa kanila, at sinira ang mga sanga ng kanilang mga puno ng ubas.
3 Pula ang mga kalasag ng kaniyang mga magigiting na lalaki at nakadamit ng matingkad na pula ang mga matatapang na lalaki; kumikislap ang metal ng kanilang mga karwahe sa araw na iyon na sila ay nakahanda, at ang mga sibat na saypres ay iwinagayway sa hangin.
Ang kalasag ng kaniyang mga makapangyarihang lalake ay pumula, ang matapang na lalake ay nakapanamit ng matingkad na pula: ang mga karo ay nagsisikislap ng patalim sa kaarawan ng kaniyang paghahanda, at ang mga sibat na abeto ay nagsisigalaw ng kakilakilabot.
4 Rumaragasa ang mga karwahe sa mga lansangan; mabilis silang pumaroo't pumarito sa mga maluluwang na mga lansangan. Para silang mga sulo, at tumatakbo sila na parang mga kidlat.
Ang mga karo ay nagsisihagibis sa mga lansangan; nangagkakabanggang isa't isa sa mga daan: ang anyo ng mga yaon ay gaya ng mga sulo; nagsisitakbong parang mga kidlat.
5 Tinatawag ng siyang dudurog sa iyo ng pira-piraso ang kaniyang mga pinuno; natitisod sila sa isa't isa sa kanilang paglakad; nagmamadali sila upang lusubin ang pader ng lungsod. Inihanda na ang malaking kalasag upang pangalagaan itong mga manlulusob.
Naaalaala niya ang kaniyang mga bayani: sila'y nangatitisod sa kanilang paglakad; sila'y nangagmamadali sa kuta niyaon, at ang panakip ay handa.
6 Pilit na binuksan ang mga tarangkahan sa mga ilog, at ang palasyo ay babagsak sa pagkawasak.
Ang mga pintuan ng mga ilog ay bukas, at ang palacio ay nalansag.
7 Hinubaran ng damit ang reyna at dinala siya palayo, nanaghoy ang kaniyang mga lingkod na babae na parang mga kalapati, dinadagukan ang kanilang mga dibdib.
At si Huzab ay nahubdan; siya'y dinala; at ang kaniyang mga alilang babae ay nananaghoy na parang huni ng mga kalapati, na nagsisidagok sa kanilang mga dibdib.
8 Ang Ninive ay parang isang lawa ng tubig na tumatagas, kasama nitong tumatakas ang kaniyang mga tao na parang rumaragasang tubig. Sumisigaw ang iba, “Tumigil kayo, tumigil kayo,” ngunit walang lumilingon.
Datapuwa't ang Ninive mula nang una ay naging parang lawa ng tubig: gayon ma'y nagsisitakas. Tigil kayo, tigil kayo, isinisigaw nila; nguni't walang lumilingon.
9 Kunin ninyo ang sinamsam na pilak, kunin ninyo ang sinamsam na ginto, sapagkat wala itong katapusan, ang karangyaan ng lahat ng bagay na magaganda sa Ninive.
Kunin ninyo ang samsam na pilak, kunin ninyo ang samsam na ginto; sapagka't walang katapusang kayamanan, na kaluwalhatian sa lahat ng maligayang kasangkapan.
10 Walang nakatira sa Ninive at nawasak. Natutunaw ang puso ng lahat, nag-uumpugan ang mga tuhod ng bawat isa, at ang nagdadalamhati ang bawat isa, maputlang lahat ang kanilang mga mukha.
Siya'y tuyo, at walang laman, at wasak; at ang puso ay natutunaw, at ang mga tuhod ay nagkakaumpugan, at ang pagdaramdam ay nasa lahat ng mga balakang, at ang mga mukha nilang lahat ay nangamumutla.
11 Nasaan na ngayon ang lungga ng mga leon, ang lugar kung saan pinapakain ang mga batang leon, ang lugar kung saan dumadaan ang leon at ang babaeng leon, kasama ang mga batang leon, kung saan wala silang kinatatakutan?
Saan nandoon ang yungib ng mga leon, at ang dakong sabsaban ng mga batang leon, na nililibutan ng leon at ng babaeng leon, ng batang leon, at walang tumatakot sa kanila?
12 Niluray ng leon ng pirara-piraso ang kaniyang biktima para sa kaniyang mga anak, sinakmal niya ang mga biktima para sa kaniyang mga asawang leon, at pinupuno ang kaniyang kuweba ng mga biktima, puno ang kaniyang mga lungga ng mga nilapang patay na hayop.
Ang leon ay kumakatay ng sagana para sa kaniyang mga anak, at lumalapa para sa kaniyang mga babaeng leon, at pinupuno ng huli ang kaniyang mga cueba, at ng tangay ang kaniyang mga yungib.
13 “Masdan mo, ako ay laban sa iyo”, ito ang pahayag ni Yahweh ng mga hukbo. “Susunugin ko ang iyong mga karwahe sa usok at lalamunin ng espada ang iyong mga batang leon. Ihihiwalay ko ang iyong mga sinamsam mula sa iyong lupain at hindi na maririnig ang mga tinig ng iyong mga mensahero.”
Narito, ako'y laban sa iyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at aking susunugin ang kaniyang mga karo sa usok, at lalamunin ng tabak ang iyong mga batang leon; at aking ihihiwalay ang iyong huli sa lupa, at ang tinig ng iyong mga sugo ay hindi na maririnig.