< Mikas 1 >
1 Ito ang salita ni Yahweh na dumating kay Mikas na Morastita sa mga araw nina Jotam, Ahaz at Hezekias na mga hari ng Juda, ang salita na kaniyang nakita tungkol sa Samaria at Jerusalem.
2 Makinig, lahat kayong mga tao. Makinig ka lupa at ang lahat ng nasa iyo. Hayaan na ang Panginoong si Yahweh ang maging saksi laban sa iyo, ang Panginoon na mula sa kaniyang banal na templo.
3 Tingnan ninyo, lalabas si Yahweh sa kaniyang lugar; bababa siya at tatapakan ang mga dambana ng pagano sa lupa.
4 Matutunaw ang mga bundok sa ilalalim niya; mahahati ang mga lambak gaya ng pagkit sa harap ng apoy, gaya ng mga tubig na bumuhos sa isang matarik na lugar.
5 Ang lahat ng ito ay dahil sa paghihimagsik ni Jacob at dahil sa mga kasalanan ng sambahayan ng Israel. Ano ang dahilan ng paghihimagsik ni Jacob? Hindi ba ang Samaria? Ano ang dahilan ng mga dambana ni Juda? Hindi ba ang Jerusalem?
6 “Gagawin ko ang Samaria na isang bunton ng pagkawasak sa parang, gaya ng isang lugar para sa taniman ng mga ubas. Hihilahin ko ang mga bato ng kaniyang gusali sa lambak; Bubuksan ko ang kaniyang mga pundasyon.
7 Ang lahat ng kaniyang mga larawang inukit ay magkakadurog-durog at lahat ng kaloob sa kaniya ay masusunog. Ang lahat ng kaniyang mga diyus-diyosan ay aking wawasakin. Sapagkat sa mga kaloob sa kaniyang prostitusyon ay tinipon niya ang mga ito at babalik ang mga ito bilang kabayaran sa babaeng nagbebenta ng aliw.”
8 Sa kadahilanang ito, mananaghoy ako at tatangis; Pupunta akong nakapaa at nakahubad; Tatangis ako na gaya ng asong gubat at magdadalamhati na gaya ng mga kuwago.
9 Sapagkat walang lunas ang kaniyang mga sugat, sapagkat dumating sila sa Juda. Narating nila ang tarangkahan ng aking mga tao sa Jerusalem.
10 Huwag mong sabihin sa Gat ang tungkol dito; huwag na huwag kang iiyak. Sa Bet Leafra, pagugulungin ko ang aking sarili sa alikabok.
11 Dumaan kayo sa kahubaran at kahihiyan, mga taga-Safir. Huwag kayong lumabas mga taga-Zaanan. Nagdadalamhati ang Bethezel, sapagkat kinuha sa kanila ang proteksiyon.
12 Sapagkat balisang naghihintay sa magandang balita ang mga taga-Marot, dahil dumating ang sakuna mula kay Yahweh hanggang sa mga tarangkahan ng Jerusalem.
13 Isingkaw ang karwahe sa pangkat ng mga kabayo, mga taga-Laquis. Ikaw Laquis, ang pinagsimulan ng kasalanan para sa anak na babae ng Zion, sapagkat nasumpungan sa iyo ang mga pagsuway ng Israel.
14 Kaya magbibigay ka ng isang kaloob ng pamamaalam sa Moreset-Gat, bibiguin ng bayan ng Aczib ang mga hari ng Israel.
15 Mga taga-Maresa, dadalhin ko sa iyo ang kukuha ng mga pag-aari mo. Pupunta sa kuweba ng Adullam ang mga pinuno ng Israel.
16 Ahitan mo ang iyong ulo at gupitan ang iyong buhok para sa kinalulugdan mong mga anak. Kalbuhin mo ang iyong sarili gaya ng mga agila, sapagkat patuloy na dadalhin ng sapilitan ang iyong mga anak mula sa iyo.