< Mikas 5 >

1 Ngayon ay humanay kayong lahat para sa labanan, mga taga-Jerusalem. Napapalibutan ng pader ang inyong lungsod, ngunit hahampasin nila ang pinuno ng Israel sa pisngi gamit ang isang pamalo.
Ngayon ay mapipisan ka sa mga hukbo, Oh anak na babae ng mga hukbo: siya'y nangubkob laban sa atin; kanilang hahampasin sa pisngi ang hukom ng Israel ng isang tungkod.
2 Ngunit ikaw Bethlehem Efrata, kahit ikaw ay maliit sa mga angkan ni Juda, mula sa iyo ay may darating sa akin upang pamunuan ang Israel, na ang pinagmulan ay sa mga unang panahon, mula sa walang hanggan.
Nguni't ikaw, Beth-lehem Ephrata, na maliit upang lumagay sa libolibo ng Juda, mula sa iyo ay lalabas sa akin ang isa na magpupuno sa Israel; na ang pinagbuhatan niya ay mula nang una, mula nang walang hanggan.
3 Kaya nga hahayaan na lang sila ng Diyos hanggang sa panahon na isang babae ang mahihirapan sa panganganak ng isang sanggol at ang iba niyang mga kapatid na lalaki ay babalik sa mga tao ng Israel.
Kaya't kaniyang ibibigay sila hanggang sa panahon na siya na nagdaramdam ay manganak: kung magkagayon ang nalabi sa kaniyang mga kapatid ay babalik sa mga anak ni Israel.
4 Tatayo siya at ipapastol ang kaniyang kawan sa lakas ni Yahweh, sa kaluwalhatian ng pangalan ni Yahweh na kaniyang Diyos. Mananatili sila sapagkat magiging dakila siya sa bawat sulok ng mundo.
At siya'y titindig, at magpapakain ng kaniyang kawan sa kalakasan ng Panginoon, sa kamahalan ng pangalan ng Panginoon niyang Dios: at sila'y mananatili; sapagka't ngayon siya'y magiging dakila hanggang sa mga wakas ng lupa.
5 Siya ang magiging kapayapaan natin. Kung darating ang mga taga-Asiria sa ating lupain, kapag nagmartsa sila laban sa ating mga tanggulan, tatayo tayo laban sa kanila, pitong pastol at walong pinuno ng mga kalalakihan.
At ang lalaking ito ay magiging kapayapaan natin. Pagka ang taga Asiria ay papasok sa ating lupain, at pagka siya'y tutungtong sa ating mga palacio, tayo nga'y mangagtitindig laban sa kaniya ng pitong pastor, at walong pinakapangulong tao.
6 Pamumunuan ng mga kalalakihang ito ang lupain ng Asiria sa pamamagitan ng espada at ang lupain ng Nimrod dala ang mga espada sa kanilang mga kamay. Ililigtas niya tayo mula sa mga taga-Asiria kung darating sila sa ating lupain, kapag nagmamartsa sila sa loob ng ating mga hangganan.
At kanilang wawasakin ng tabak ang lupain ng Asiria, at ang lupain ng Nimrod sa mga pasukan niyaon: at kaniyang ililigtas tayo sa taga Asiria, pagka siya'y pumasok sa ating lupain, at pagka siya'y tumungtong sa loob ng ating hangganan.
7 Ang mga natitira mula kay Jacob ay mapapabilang sa maraming tao, tulad ng hamog mula kay Yahweh, tulad ng ambon sa mga damo na hindi naghihintay sa tao, hindi sa mga tao.
At ang nalabi sa Jacob ay magiging parang hamog na mula sa Panginoon sa gitna ng maraming bayan, parang ulan sa damo, na hindi naghihintay sa tao, ni naghihintay man sa mga anak ng tao.
8 Ang mga natitira kay Jacob ay mapapabilang sa mga bansa, kasama ng maraming tao. Tulad ng isang leon na kasama ng mga hayop sa kagubatan, tulad ng isang batang leon na kasama sa mga kawan ng tupa. Kapag daraan siya sa kanila, sila ay kaniyang tatapakan at pagpipira-pirasuhin sila at walang sinuman ang makapagligtas sa kanila.
At ang nalabi sa Jacob ay magiging sa gitna ng mga bansa, sa gitna ng maraming bayan, na parang leon sa mga hayop sa gubat, na parang batang leon sa mga kawan ng mga tupa; na kung siya'y dumaraan ay yumayapak at lumalapa, at walang magligtas.
9 Maitataas ang inyong kamay laban sa inyong mga kaaway at wawasakin sila nito.
Mataas ang iyong kamay sa iyong mga kaaway, at mangahiwalay ang lahat ng iyong mga kaaway.
10 “Mangyayari ito sa araw na iyon,” sinabi ni Yahweh “na aking wawasakin ang inyong mga kabayo kasama ninyo at gigibain ko ang inyong mga karwahe.
At mangyayari sa araw na yaon, sabi ng Panginoon, na aking ihihiwalay ang iyong mga kabayo sa gitna mo, at aking gigibain ang iyong mga karo:
11 Wawasakin ko ang mga lungsod sa inyong lupain at pababagsakin ko ang inyong mga tanggulan.
At aking ihihiwalay ang mga bayan ng iyong lupain, at aking ibabagsak ang lahat ng iyong katibayan:
12 Sisirain ko ang pangkukulam sa inyong kamay at hindi na kayo kailanman magkakaroon ng anumang manghuhula.
At aking ihihiwalay ang mga panghuhula sa iyong kamay; at hindi ka na magkakaroon ng mga manghuhula:
13 Sisirain ko ang mga imahen na inukit ng inyong mga kamay at ang mga batong haligi na kasama ninyo. Hindi na kayo kailanman sasamba sa mga ginawa ng inyong mga kamay.
At aking ihihiwalay ang iyong mga inanyuang larawan at ang iyong mga haligi mula sa gitna mo; at hindi ka na sasamba sa gawa ng iyong mga kamay;
14 Bubunutin ko ang haligi ni Ashera na kasama ninyo at wawasakin ko ang inyong mga lungsod.
At aking bubunutin ang iyong mga Asera mula sa gitna mo; at aking sisirain ang iyong mga bayan.
15 Paiiralin ko ang paghihiganti sa galit at poot sa mga bansa na hindi nakikinig.
At ako'y maguukol ng panghihiganti sa galit at kapusukan sa mga bansa na hindi nangakinig.

< Mikas 5 >