< Marcos 7 >

1 Nagtipon-tipon sa paligid niya ang mga Pariseo at ilang mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem.
At nakisama sa kanila ang mga Fariseo, at ilan sa mga eskriba, na nagsipanggaling sa Jerusalem,
2 At nakita nila ang ilan sa mga alagad niya na kumain ng tinapay na madungis ang kanilang mga kamay; na hindi nahugasan
At kanilang nangakita ang ilan sa kaniyang mga alagad na nagsisikain ng kanilang tinapay ng mga kamay na marurumi, sa makatuwid baga'y mga kamay na hindi hinugasan.
3 (Dahil ang mga Pariseo at lahat ng mga Judio ay hindi kumakain hanggang hindi sila naghuhugas ng maigi ng kanilang mga kamay; pinanghahawakan nila ang kaugalian ng mga nakatatanda.
(Sapagka't ang mga Fariseo, at ang lahat ng mga Judio, ay hindi nagsisikain, kundi muna mangaghugas na maingat ng mga kamay, na pinanghahawakan ang mga sali't-saling sabi ng matatanda;
4 Tuwing nanggagaling sa pamilihan ang mga Pariseo, hindi sila kumakain hanggang hindi sila nakapaligo. At marami pang ibang mga patakaran ang mahigpit nilang sinusunod, kasama na rito ang paghuhugas ng mga tasa, palayok, mga sisidlang gawa sa tanso, pati na ang mga upuan sa hapag-kainan.)
At kung nagsisipanggaling sila sa pamilihan, kung hindi muna mangaghugas, ay hindi sila nagsisikain; at may iba pang maraming bagay na kanilang minana, upang ganapin; gaya ng mga paghuhugas ng mga inuman, at ng mga saro, at ng mga inumang tanso.)
5 Tinanong ng mga Pariseo at ng mga eskriba si Jesus, “Bakit hindi namumuhay alinsunod sa kaugalian ng mga nakatatanda ang iyong mga alagad, sapagkat kumakain sila ng tinapay ng hindi naghuhugas ng kanilang mga kamay?”
At siya'y tinanong ng mga Fariseo at ng mga eskriba, Bakit ang iyong mga alagad ay hindi nagsisilakad ng ayon sa sali't-saling sabi ng matatanda, kundi nagsisikain sila ng kanilang tinapay ng mga kamay na karumaldumal?
6 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Malinaw na sinabi ng propetang Isaias ang tungkol sa inyong mga mapagpaimbabaw, isinulat niya, 'Pinaparangalan ako ng mga taong ito sa pamamagitan ng kanilang mga labi, ngunit malayo ang kanilang puso sa akin.
At sinabi niya sa kanila, Mabuti ang pagkahula ni Isaias tungkol sa inyong mga mapagpaimbabaw, ayon sa nasusulat, Ang bayang ito'y iginagalang ako ng kaniyang mga labi, Datapuwa't ang kanilang puso ay malayo sa akin.
7 Walang laman ang pagsasamba na inaalay nila sa akin, itinuturo nila ang mga patakaran ng mga tao bilang kanilang doktrina.'
Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ng mga utos ng mga tao.
8 Tinalikuran ninyo ang kautusan ng Diyos at mahigpit ninyong pinanghahawakan ang kaugalian ng mga tao.”
Nilisan ninyo ang utos ng Dios, at inyong pinanghahawakan ang sali't-saling sabi ng mga tao.
9 At sinabi niya sa kanila, “Madali ninyong tinanggihan ang kautusan ng Diyos para masunod ang inyong kaugalian!
At sinabi niya sa kanila, Totoong itinatakuwil ninyo ang utos ng Dios, upang mangaganap ninyo ang inyong mga sali't-saling sabi.
10 Sapagkat sinabi ni Moises, 'Igalang ninyo ang inyong ama at ina,' at 'Ang sinumang nagsasalita ng masama tungkol sa kaniyang ama at ina ay tiyak na mamamatay.'
Sapagka't sinabi ni Moises, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, Ang manungayaw sa ama o sa ina, ay mamatay siyang walang pagsala:
11 Ngunit sinasabi ninyo, 'Kapag sinabi ng isang tao sa kaniyang ama at ina, “Anumang tulong ang matatanggap ninyo mula sa akin ay Corban,”' (ibig sabihin, 'Ibinigay sa Diyos') -
Datapuwa't sinasabi ninyo, Kung sabihin ng isang tao sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, Yaong mangyayaring pakinabangan mo sa akin ay Corban, sa makatuwid baga'y, hain sa Dios;
12 kung gayon hindi na ninyo siya pinapayagang gumawa ng kahit na ano para sa kaniyang ama at ina.
Hindi na ninyo siya pinabayaang gumawa ng anoman na ukol sa kaniyang ama o sa kaniyang ina;
13 Pinapawalang-bisa ninyo ang kautusan ng Diyos dahil sa mga ipinasa ninyong mga kaugalian. At marami pang mga bagay na katulad nito ang ginagawa ninyo.”
Na niwawalang kabuluhan ang salita ng Dios ng inyong sali't-saling sabi, na inyong itinuro: at nagsisigawa kayo ng iba pang maraming bagay na kawangis nito.
14 Tinawag niyang muli ang maraming tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin, at unawain ninyo ito.
At muling pinalapit niya sa kaniya ang karamihan, at sinabi sa kanila, Pakinggan ninyong lahat ako, at inyong unawain:
15 Walang kahit anumang pumapasok sa tao ang makakapagpadungis sa kaniya. Ang mga bagay na lumalabas sa tao ang nakapagpadungis sa kaniya.”
Walang anomang nasa labas ng katawan ng tao, na pagpasok sa kaniya ay makakahawa sa kaniya; datapuwa't ang mga bagay na nagsisilabas sa tao yaon ang nangakakahawa sa tao.
16 (Kung sinuman ang taong may taingang nakakarinig, hayaang marinig niya.)
Kung ang sinoman ay may pakinig na ipakikinig ay makinig.
17 Ngayon nang iniwan ni Jesus ang maraming tao at pumasok sa bahay, tinanong siya ng kaniyang mga alagad tungkol sa talinghaga.
At nang pumasok siya sa bahay na mula sa karamihan, ay itinanong sa kaniya ng kaniyang mga alagad ang talinghaga.
18 Sinabi ni Jesus, “Hindi pa rin ba ninyo naiintindihan? Hindi ba ninyo alam na kahit anong pumasok sa isang tao mula sa labas, ito ay hindi makapagpapadungis sa kaniya,
At sinabi niya sa kanila, Kayo baga naman ay wala ring pagiisip? Hindi pa baga ninyo nalalaman, na anomang nasa labas na pumapasok sa tao, ay hindi nakakahawa sa kaniya;
19 dahil hindi ito maaaring mapunta sa kaniyang puso kung hindi sa kaniyang sikmura at lalabas ito patungo sa palikuran.” Dahil sa pahayag na ito, ginawang malinis ni Jesus ang lahat ng mga pagkain.
Sapagka't hindi pumapasok sa kaniyang puso, kundi sa kaniyang tiyan, at lumalabas sa dakong daanan ng dumi? Sa salitang ito'y nililinis niya ang lahat ng pagkain.
20 Sinabi niya, “Ang lumalabas sa tao ang siyang nakapagpapadungis sa kaniya.
At sinabi niya, Ang lumalabas sa tao, yaon ang nakakahawa sa tao.
21 Dahil kung ano ang sinasaloob ng tao, na nanggaling sa kaniyang puso, lalabas ang masasamang pag-iisip, sekswal na imoralidad, pagnanakaw, pagpatay,
Sapagka't mula sa loob, mula sa puso ng mga tao, lumalabas ang masasamang pagiisip, ang mga pakikiapid, ang mga pagnanakaw, ang mga pagpatay sa kapuwa-tao, ang mga pangangalunya,
22 pangangalunya, pag-iimbot, kasamaan, pandaraya, kahalayan, inggit, paninira, kayabangan, kahangalan.
Ang mga kasakiman, ang mga kasamaan, ang pagdaraya, ang kalibugan, ang matang masama, ang kapusungan, ang kapalaluan, ang kamangmangan:
23 Ang lahat ng mga ito na masasama ay nanggagaling sa loob, at ito ang mga nakakapagpapadungis sa isang tao.”
Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay sa loob nagsisipanggaling, at nangakakahawa sa tao.
24 Tumayo siya mula doon at umalis papunta sa lupain ng Tiro at Sidon. Pumasok siya sa isang bahay at hindi niya nais na malaman ng kahit na sino na naroroon siya, ngunit hindi niya nagawang makapagtago.
At nagtindig siya doon, at napasa mga hangganan ng Tiro at ng Sidon. At pumasok siya sa isang bahay, at ibig niya na sinomang tao'y huwag sanang makaalam; at hindi siya nakapagtago.
25 Subalit may isang babae na may anak na babae na sinapian ng maruming espiritu, nang nakarinig ng tungkol sa kaniya ay agad-agad lumapit at nagpatirapa sa kaniyang paanan.
Nguni't ang isang babae na ang kaniyang munting anak na babae ay may isang karumaldumal na espiritu, pagdaka'y nang mabalitaan siya, ay lumapit at nagpatirapa sa kaniyang paanan.
26 Ngayon ang babaing ito ay isang Griego na taga-Sirofenisa, ayon sa lahi. Nagmakaawa siya sa kaniya na palayasin ang demonyo sa kaniyang anak na babae.
Ang babae nga ay isang Griega, isang Sirofenisa, ayon sa lahi. At ipinamamanhik niya sa kaniya na palabasin sa kaniyang anak ang demonio.
27 Sinabi niya sa kaniya, “Hayaang pakainin muna ang mga bata. Sapagkat hindi tamang kunin ang tinapay ng mga bata at itapon ito sa mga aso.”
At sinabi niya sa kaniya, Pabayaan mo munang mangabusog ang mga anak: sapagka't hindi marapat na kunin ang tinapay ng mga anak at itapon sa mga aso.
28 Ngunit sumagot ang babae at sinabi sa kaniya, “Opo, Panginoon, kahit ang mga aso na nasa ilalim ng lamesa ay kumakain ng mumo ng mga bata.”
Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi sa kaniya, Oo, Panginoon; kahit ang mga aso sa ilalim ng dulang ay nagsisikain ng mga mumo ng mga anak.
29 Sinabi niya sa kaniya, “Dahil sa sinabi mo ito, malaya ka nang makakaalis. Lumayas na ang demonyo sa anak mong babae.”
At sinabi niya sa kaniya, Dahil sa sabing ito humayo ka; nakaalis na ang demonio sa iyong anak.
30 Bumalik ang babae sa kaniyang bahay at nakita ang bata na nakahiga sa higaan, at wala na ang demonyo.
At umuwi siya sa kaniyang bahay, at naratnan ang anak na nakahiga sa higaan, at nakaalis na ang demonio.
31 Pagkatapos ay muli siyang umalis mula sa lupain ng Tiro, at dumaan sa Sidon patungo sa Dagat ng Galilea, paakyat sa lupain ng Decapolis.
At siya'y muling umalis sa mga hangganan ng Tiro, at napasa Sidon hanggang sa dagat ng Galilea, na kaniyang tinahak ang mga hangganan ng Decapolis.
32 At dinala sa kaniya ang isang taong bingi at nahihirapang magsalita, at nagmakaawa sila sa kaniya na ipatong niya ang kaniyang kamay sa lalaki.
At dinala nila sa kaniya ang isang bingi at utal; at ipinamanhik nila sa kaniya na kaniyang ipatong ang kaniyang kamay sa kaniya.
33 Inihiwalay niya siya mula sa maraming tao nang sarilinan at hinawakan niya ang kaniyang mga tainga at pagkatapos dumura, hinawakan niya ang kaniyang dila.
At siya'y inihiwalay niya ng bukod sa karamihan, at isinuot ang kaniyang mga daliri sa mga tainga niya, at siya'y lumura, at hinipo ang kaniyang dila;
34 Tumingala siya sa langit, at nagbuntong-hininga at sinabi sa kaniya, “Effata”, na ang ibig sabihin ay, “Bumukas ka!”
At pagkatingala sa langit, ay siya'y nagbuntong-hininga, at sinabi sa kaniya, Ephatha, sa makatuwid baga'y, Mabuksan.
35 Agad bumukas ang kaniyang pandinig at napuksa ang pumipigil sa kaniyang dila at malinaw na siyang nakapagsasalita.
At nangabuksan ang kaniyang mga pakinig, at nakalag ang tali ng kaniyang dila, at siya'y nakapagsalitang malinaw.
36 At ipinag-utos niya sa kanilang huwag itong ipagsabi sa kahit na sino. Ngunit habang lalo pa niya itong pinagbabawal, mas lalo nila itong inihahayag.
At ipinagbilin niya sa kanila na kanino mang tao ay huwag nilang sabihin: nguni't kung kailan lalong ipinagbabawal niya sa kanila, ay lalo namang kanilang ibinabantog.
37 Lubos silang namangha at sinasabi nilang, “Mahusay ang lahat ng kaniyang ginawa. Nagagawa niyang makarinig ang bingi at makapagsalita ang pipi.”
At sila'y nangagtataka ng di kawasa, na nangagsasabi, Mabuti ang pagkagawa niya sa lahat ng mga bagay; kaniyang binibigyang pakinig pati ng mga bingi, at pinapagsasalita ang mga pipi.

< Marcos 7 >