< Marcos 6 >
1 Umalis siya doon at pumunta siya sa kaniyang sariling bayan at sumunod ang kaniyang mga alagad.
At umalis siya doon; at napasa kaniyang sariling lupain; at nagsisunod sa kaniya ang kaniyang mga alagad.
2 Nang dumating ang Araw ng Pamamahinga, nagturo siya sa sinagoga. Maraming tao ang nakarinig sa kaniya at namangha sila. Sinabi nila, “Saan niya nakuha ang mga katuruang ito?” “Ano itong karunungan na naibigay sa kaniya?” “Ano itong mga himala na nagagawa niya sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay?”.
At nang dumating ang sabbath, ay nagpasimulang magturo siya sa sinagoga: at marami sa nangakakarinig sa kaniya ay nangagtataka, na nangagsasabi, Saan nagkaroon ang taong ito ng mga bagay na ito? at, Anong karunungan ito na sa kaniya'y ibinigay, at anong kahulugan ng gayong mga makapangyarihang gawa na ginagawa ng kaniyang mga kamay?
3 “Hindi ba ito ang karpintero, ang anak ni Maria, at kapatid ni Santiago, Jose, Judas at Simon? Hindi ba't kasama natin ang kaniyang mga kapatid na babae dito?” At sumama ang kanilang loob kay Jesus.
Hindi baga ito ang anluwagi, ang anak ni Maria, at kapatid ni Santiago, at ni Jose, at ni Judas, at ni Simon? at hindi baga nangaririto sa atin ang kaniyang mga kapatid na babae? At siya'y kinatitisuran nila.
4 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta ay hindi nawawalan ng parangal, maliban sa kaniyang sariling bayan at sa kaniyang mga kamag-anak at sa kaniyang sariling sambahayan.”
At sinabi sa kanila ni Jesus, Walang propetang di may kapurihan, liban sa kaniyang sariling lupain, at sa gitna ng kaniyang sariling mga kamaganak, at sa kaniyang sariling bahay.
5 Hindi siya makagawa ng kahit na anong makapangyarihang gawain, maliban lamang sa pagpatong ng kaniyang mga kamay sa ilang may sakit at pagalingin sila.
At hindi siya nakagawa doon ng anomang makapangyarihang gawa, liban sa ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa ilang mga maysakit, at pinagaling sila.
6 Ikinamangha niya ang kanilang kawalan ng pananampalataya. At naglibot siyang nagtuturo sa mga nayon.
At nanggigilalas siya sa kanilang di pananampalataya. At siya'y lumibot na nagtuturo sa mga nayong nasa paligidligid.
7 Tinawag niya ang Labindalawa at sinimulan silang isugo ng dalawahan at binigyan niya sila ng kapangyarihan laban sa maruruming espiritu,
At pinalapit niya sa kaniya ang labingdalawa, at nagpasimulang sinugo sila na daladalawa; at binigyan niya sila ng kapamahalaan laban sa mga karumaldumal na espiritu;
8 at ipinagbilin niya sa kanila na huwag magdala ng kahit ano sa kanilang paglalakbay maliban lamang sa tungkod, walang tinapay, walang sisidlan at wala ring pera nailalagay sa kanilang sinturon,
At ipinagbilin niya sa kanila na huwag silang magsipagbaon ng anoman sa paglakad, kundi tungkod lamang; kahit tinapay, kahit supot ng ulam, kahit salapi sa kanilang supot;
9 kundi magsuot ng sandalyas at huwag magsuot ng dalawang tunika.
Datapuwa't gumamit ng mga sandalyas: at, huwag magsuot ng dalawang tunika.
10 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Sa tuwing papasok kayo sa isang bahay, manatili kayo doon hanggang makaalis kayo sa lugar na iyon.
At sinabi niya sa kanila, Saan man kayo magsipasok sa isang bahay, mangatira kayo roon hanggang sa kayo'y magsialis doon.
11 At kung mayroong bayan na hindi tatanggap o makikinig sa inyo, umalis kayo sa lugar na iyon, pagpagin ninyo ang alikabok mula sa inyong mga paa bilang patotoo sa kanila.
At sa alin mang dakong hindi kayo tanggapin, at hindi kayo pakinggan, pagalis ninyo doo'y ipagpag ninyo ang alabok na nasa ilalim ng inyong talampakan bilang patotoo sa kanila.
12 Humayo sila at inihayag na dapat talikuran ng mga tao ang kanilang mga kasalanan.
At sila'y nangagsialis, at nagsipangaral na mangagsisi ang mga tao.
13 Pinalayas nila ang maraming demonyo at pinahiran nila ng langis ang mga taong may sakit at pinagaling sila.
At nangagpalabas ng maraming demonio, at nangagpahid ng langis sa maraming may-sakit, at pinagaling sila.
14 Nabalitaan ito ni Haring Herodes sapagkat kilalang-kilala na ang pangalan ni Jesus. Sinasabi ng iba, “Si Juan na Tagapagbautismo ay binuhay mula sa mga patay at dahil dito, ang mga kamangha-manghang kapangyarihang ito ang kumikilos sa kaniya.”
At narinig ng haring Herodes; sapagka't nabantog na ang pangalan niya; at sinabi niya, Si Juan na Mangbabautismo ay nagbangon sa mga patay, at kaya sumasa kaniya ang mga kapangyarihang ito.
15 Sinasabi ng iba, “Siya si Elias.” Sinabi pa ng iba, “Siya ay isang propeta, tulad ng isa sa mga propeta noong sinaunang panahon.”
At sinasabi ng mga iba, Siya'y si Elias. At sinasabi ng mga iba, Siya'y propeta, na gaya ng ibang mga propeta.
16 Ngunit nang marinig ito ni Herodes, sinabi niya, “Si Juan na pinugutan ko ng ulo ay binuhay.”
Datapuwa't nang marinig ni Herodes, ay sinabi, Si Juan na aking pinugutan ng ulo, siya'y nagbangon.
17 Sapagkat mismong si Herodes ang nagpadakip kay Juan at ipinagapos siya sa bilangguan dahil kay Herodias, (asawa ng kapatid niyang si Felipe) dahil naging asawa niya ito.
Sapagka't si Herodes din ang nagsugo sa mga kawal at nagpahuli kay Juan, at nagpatanikala sa kaniya sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ni Filipo na kaniyang kapatid; sapagka't nagasawa siya sa kaniya.
18 Sapagkat sinabi ni Juan kay Herodes, “Hindi naaayon sa batas na mapasaiyo ang asawa ng iyong kapatid.”
Sapagka't sinabi ni Juan kay Herodes, Hindi matuwid sa iyo na iyong ariin ang asawa ng iyong kapatid.
19 Ngunit nagkimkim ng galit si Herodias laban sa kaniya at gusto niya itong patayin, ngunit hindi niya magawa,
At ipinagtanim siya ni Herodias, at hinahangad siyang patayin; at hindi niya magawa;
20 sapagkat natatakot si Herodes kay Juan, alam niyang matuwid at banal na tao si Juan, at pinanatili niya itong ligtas. At sa pakikinig nito sa kaniya ay labis siyang nabagabag, subalit siya ay nakinig sa kaniya na may galak.
Sapagka't natatakot si Herodes kay Juan palibhasa'y nalalamang siya'y lalaking matuwid at banal, at siya'y ipinagsanggalang niya. At kung siya'y pinakikinggan niya, ay natitilihan siyang mainam; at pinakikinggan niya siya na may galak.
21 At dumating ang araw ng pagkakataon nang ipagdiwang ni Herodes ang kaniyang kaarawan at naghanda siya ng hapunan para sa kaniyang mga opisyal, mga pinuno ng mga kawal at mga pinuno ng Galilea.
At nang sumapit ang isang kaukulang araw, na kapanganakan niya, ay ipinaghanda ni Herodes ng isang hapunan ang kaniyang mga maginoo, at mga mataas na kapitan, at mga pangulong lalake sa Galilea;
22 Dumating ang mismong anak na babae ni Herodias at sumayaw para sa kanila at naaliw niya si Herodes at kaniyang mga panauhin. At sinabi ng hari sa babae, “Humingi ka ng kahit na anong gusto mo at ibibigay ko ito sa iyo.”
At nang pumasok ang anak na babae ni Herodias ay sumayaw, at siya'y kinalugdan ni Herodes at ng mga kasalo niyang nakaupo sa dulang; at sinabi ng hari sa dalaga, Hingin mo sa akin ang maibigan mo, at ibibigay ko sa iyo.
23 Sumumpa siya sa kaniya at sinabi, “Kahit na anong hingin mo sa akin, ibibigay ko sa iyo, hanggang sa kalahati ng aking kaharian.”
At ipinanumpa niya sa kaniya, Ang anomang hingin mo sa akin ay ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.
24 Lumabas siya at sinabi sa kaniyang ina, “Ano ang dapat kong hingin sa kaniya?” Sinabi niya, “Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.”
At lumabas siya, at sinabi sa kaniyang ina, Ano ang aking hihingin? At sinabi niya, Ang ulo ni Juan ang Mangbabautismo.
25 At kaagad siyang pumasok nang nagmamadali papunta sa hari at humingi, sinabi, “Gusto kong ibigay mo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo na nakalagay sa bandehado.”
At pagdaka'y pumasok siyang dalidali sa kinaroroonan ng hari, at humingi, na sinasabi, Ibig ko na ngayon din ang ibigay mo sa akin na nasa isang pinggan ang ulo ni Juan Bautista.
26 Lubhang nalungkot ang hari, ngunit dahil sa pangako at sa mga panauhin, hindi niya matanggihan ang kaniyang hinihingi.
At namanglaw na lubha ang hari; datapuwa't dahil sa kaniyang sumpa, at sa nangakaupo sa dulang, ay hindi niya itinanggi.
27 Kaya pinapunta ng hari ang isang kawal mula sa kaniyang mga bantay at inutusan niyang dalhin sa kaniya ang ulo ni Juan. Pumunta ang kawal at pinugutan siya sa bilangguan.
At pagdaka'y nagsugo ang hari sa isang kawal na kaniyang bantay, at ipinagutos na dalhin sa kaniya ang ulo niya: at yumaon siya at pinugutan siya ng ulo sa bilangguan,
28 Dinala niya ang ulo na nasa bandehado at ibinigay ito sa dalaga at ibinigay ito ng dalaga sa kaniyang ina.
At dinala ang kaniyang ulo na nasa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga; at ibinigay ng dalaga sa kaniyang ina.
29 At nang marinig ito ng kaniyang mga alagad, pumunta sila at kinuha ang kaniyang katawan at inilagay sa isang libingan.
At nang mabalitaan ng kaniyang mga alagad, ay nagsiparoon sila at binuhat ang kaniyang bangkay, at inilagay sa isang libingan.
30 Nagtipun-tipon ang mga apostol sa palibot ni Jesus at sinabi sa kaniya ang lahat ng kanilang nagawa at naituro.
At ang mga apostol ay nangagpisan kay Jesus; at isinaysay nila sa kaniya ang lahat ng mga bagay na kanilang ginawa, at ang lahat ng kanilang itinuro.
31 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Halikayo punta tayo sa ilang na lugar at sandaling magpahinga.” Sapagkat maraming dumarating at umaalis, at wala man lamang silang oras para kumain.
At sinabi niya sa kanila, Magsiparito kayo ng bukod sa isang dakong ilang, at mangagpahinga kayo ng kaunti. Sapagka't marami ang nangagpaparoo't parito, at sila'y hindi man lamang mangagkapanahon na magsikain.
32 Kaya sumakay sila sa bangka papunta sa ilang na lugar.
At nagsiyaon silang nangasa daong at nangapasa isang dakong ilang at bukod.
33 Ngunit nakita silang umaalis at maraming nakakilala sa kanila, at nagsitakbo ang mga tao mula sa mga bayan at naunahan nila sina Jesus na dumating doon.
At nangakita sila ng mga tao sa pagalis, at sila'y nangakilala ng marami at paraparang nagsisitakbo na nagsiparoon doon mula sa lahat ng mga bayan, at nangaunang nagsirating pa kay sa kanila.
34 Nang makarating na sila sa dalampasigan, nakita niya ang napakaraming tao at nahabag siya sa kanila dahil para silang mga tupa na walang pastol. At sinimulan niyang magturo sa kanila ng maraming bagay.
At lumabas siya at nakita ang lubhang maraming tao, at nahabag siya sa kanila, sapagka't sila'y gaya ng mga tupa na walang pastor: at siya'y nagpasimulang tinuruan sila ng maraming bagay.
35 Nang dapit-hapon na, nagpunta sa kaniya ang kaniyang mga alagad at sinabi, “Ilang ang lugar na ito at gumagabi na.
At nang gumabi na, ay nagsilapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad, at nangagsabi, Ilang ang dakong ito, at gumagabi na;
36 Paalisin mo nalang sila upang makapunta sila sa karatig-pook at sa mga nayon upang bumili ng makakain para sa kanilang sarili.”
Payaunin mo sila, upang sila'y magsiparoon sa mga bayan at mga nayon sa palibotlibot nito, at mangagsibili ng anomang makakain.
37 Ngunit sumagot siya at sinabi sa kanila, “Bigyan ninyo sila ng anumang makakain.” Sinabi nila sa kaniya, “Maaari ba kaming pumunta at bumili ng tinapay na nagkakahalaga ng dalawang daang denario at ibigay sa kanila upang kainin?”
Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi sa kanila, Bigyan ninyo sila ng makakain. At sinabi nila sa kaniya, Magsisiyaon ba kami at magsisibili ng dalawang daang denariong tinapay, at ipakakain namin sa kanila?
38 Sinabi niya sa kanila, “Ilang pirasong tinapay ang mayroon kayo? Pumunta kayo at tingnan ninyo.” Nang napag-alaman nila, sinabi nila, “Limang pirasong tinapay at dalawang isda.”
At sinabi niya sa kanila, Ilang tinapay mayroon kayo? magsiparoon kayo at inyong tingnan. At nang mangaalaman nila, ay kanilang sinabi, Lima, at dalawang isda.
39 Inutusan niya ang lahat ng tao na umupo ng pangkat-pangkat sa may damuhan.
At iniutos niya sa kanila na paupuin silang lahat na pulupulutong sa ibabaw ng damuhang sariwa.
40 Umupo silang pangkat-pangkat, mga pangkat ng tig-iisang daan at tig-lilimampu.
At sila'y nagsiupong hanayhanay, na tigsasangdaan, at tiglilimangpu.
41 Nang kinuha niya ng limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit, pinagpasalamatan at pinagpira-piraso niya ang mga tinapay at ibinigay sa kaniyang mga alagad upang ibigay sa mga tao. At pinaghinati-hati niya ang dalawang isda para sa kanilang lahat.
At kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, at pagtingala sa langit, ay kaniyang pinagpala, at pinagputolputol ang mga tinapay; at ibinigay niya sa mga alagad upang ihain nila sa kanila; at ipinamahagi niya sa kanilang lahat ang dalawang isda.
42 Kumain silang lahat hanggang sila ay nabusog.
At nagsikain silang lahat, at nangabusog.
43 Tinipun nila ang pinagpira-pirasong tinapay, labindalawang basket ang napuno, kasama na rin ang pinaghati-hating isda.
At kanilang pinulot ang mga pinagputolputol, labingdalawang bakol na puno ng tinapay at mga isda naman.
44 At may limanlibong mga kalalakihan ang kumain ng mga tinapay.
At ang nagsikain ng mga tinapay ay limang libong lalake.
45 Agad niyang pinasakay ang kaniyang mga alagad sa bangka at pinauna sila sa kabilang dako, sa Betsaida, habang pinaaalis niya ang mga tao.
At pagdaka'y pinalulan niya sa daong ang kaniyang mga alagad, at pinauna sa kaniya sa kabilang ibayo, sa Betsaida, samantalang pinayayaon niya ang karamihan.
46 Nang wala na sila, umakyat siya sa bundok upang manalangin.
At pagkatapos na mapagpaalam niya sila, ay naparoon siya sa bundok upang manalangin.
47 Sumapit ang gabi, nasa kalagitnaan na ng dagat ang bangka, at siya ay nag-iisa sa lupa.
At nang dumating ang gabi, ang daong ay nasa gitna ng dagat, at siya'y nagiisa sa lupa.
48 At nakita niyang nahihirapan ang mga alagad habang nagsasagwan dahil ang hangin ay salungat sa kanila. Nang madaling-araw na pumunta siya sa kanila na naglalakad sa dagat at gusto niyang lagpasan sila.
At pagkakita sa kanila na totoong nangalulumbay sa paggaod, sapagka't sinasalunga sila ng hangin, at malapit na ang ikaapat na pagpupuyat sa gabi ay naparoon siya sa kanila, na lumalakad sa ibabaw ng dagat; at ibig silang lagpasan:
49 Ngunit nang makita nilang naglalakad siya sa dagat, naisip nila na isa siyang multo at nagsigawan sila,
Datapuwa't sila, nang makita nilang siya'y lumalakad sa ibabaw ng dagat, ay inakala nilang siya'y isang multo, at nangagsisigaw;
50 dahil nakita at natakot sila sa kaniya. Agad niya silang kinausap at sinabi sa kanila, “Lakasan ninyo ang inyong loob! Ako ito! Huwag kayong matakot!”
Sapagka't nakita siya nilang lahat, at nangagulumihanan. Datapuwa't pagdaka'y nagsalita siya sa kanila, at sa kanila'y sinabi, Laksan ninyo ang inyong loob: ako nga; huwag kayong mangatakot.
51 Sumakay siya sa bangka at tumigil ang pag-ihip ng hangin at lubos silang namangha sa kaniya.
At pinanhik niya sila sa daong; at humimpil ang hangin: at sila'y nanganggilalas ng di kawasa sa kanilang sarili;
52 Sapagkat hindi nila naintindihan kung ano ang kahulugan ng tinapay, ngunit mabagal umintindi ang kanilang mga kaisipan.
Palibhasa'y hindi pa nila natatalastas yaong tungkol sa mga tinapay, dahil sa ang kanilang puso'y pinatigas.
53 Nang makatawid na sila, nakarating sila sa lupain ng Genesaret at idinaong nila ang bangka.
At nang mangakatawid na sila, ay narating nila ang lupa ng Genezaret, at nagsisadsad sa daungan.
54 Nang makababa sila sa bangka, agad nilang nakilala siya.
At paglunsad nila sa daong, pagdaka'y nakilala siya ng mga tao,
55 At nagtakbuhan sila sa buong rehiyon at nagsimulang dalhin sa kaniya ang mga may sakit na nasa higaan, saan man nila mabalitaan na siya ay pupunta.
At nang malibot nilang nagtutumulin ang buong lupaing yaon, at nagpasimulang dalhin sa kaniya ang mga may-sakit na nasa kanilang higaan, saan man nila marinig na naroon siya.
56 Sa tuwing pumapasok siya sa mga nayon, o sa mga lungsod, o sa mga bayan, inilalagay nila ang mga may sakit sa mga pamilihan at nagmamakaawa sila sa kaniya na payagan man lamang silang hawakan ang laylayan ng kaniyang damit. At lahat ng humawak sa kaniya ay gumaling.
At saan man siya pumasok, sa mga nayon, o sa mga bayan o sa mga bukid, ay inilalagay nila sa mga liwasan ang mga may-sakit, at ipinamamanhik sa kaniya na ipahipo man lamang sa kanila ang laylayan ng kaniyang damit: at ang lahat ng nagsihipo sa kaniya ay pawang nagsigaling.