< Marcos 11 >
1 Ngayon nang makarating sila sa Jerusalem, nang malapit na sila sa Betfage at Bethania, sa Bundok ng Olibo, inutusan ni Jesus ang dalawa niyang alagad
2 at sinabi sa kanila, “Pumunta kayo sa nayon sa tapat natin. Sa oras na makapasok kayo, makakakita kayo ng isang batang asno hindi pa nasasakyan. Kalagan ninyo ito at dalhin ninyo sa akin.
3 At kung sinuman ang magtatanong sa inyo, 'Bakit ninyo ginagawa iyan?', sabihin ninyo lang, 'Kailangan ito ng Panginoon at ibabalik din ito agad dito.'”
4 Umalis sila at nakita ang isang batang asno na nakatali sa labas ng isang pintuan sa lansangan at kinalagan nila ito.
5 May ilang mga tao ang nakatayo doon at nagtanong sa kanila, “Anong ginagawa ninyo at kinakalagan ninyo ang bisiro?”
6 Sinagot nila sila gaya ng sinabi sa kanila ni Jesus at pinabayaan na silang makaalis ng mga tao.
7 Dinala ng dalawang alagad ang bisiro kay Jesus at nilatagan nila ito ng kanilang kasuotan upang masakyan niya.
8 Maraming mga tao ang naglatag ng kanilang mga kasuotan sa daan at mayroon din namang naglatag ng mga sanga na pinutol nila mula sa bukirin.
9 Ang mga nauuna at sumusunod sa kaniya ay sumisigaw ng, “Hosanna! Pinagpala ang sinumang pumaparito sa pangalan ng Panginoon.
10 Pagpalain ang pagdating ng kaharian ng ating amang si David! Hosanna sa kataas-taasan!”
11 Pagkatapos ay pumasok si Jesus sa loob ng Jerusalem at tumuloy sa templo at tumingin sa paligid at sa lahat ng mga bagay. Ngayon, dahil hapon na, pumunta siya sa Bethania kasama ang Labindalawa.
12 Kinabukasan, sa kanilang pagbabalik mula sa Bethania, nagutom siya.
13 At nang nakakita siya sa malayo ng puno ng igos na may mga dahon, pumunta siya upang tingnan kung mayroon ba siyang makukuha rito. At pagkarating niya doon, wala siyang nakita kung hindi puro dahon, dahil hindi pa panahon ng mga igos.
14 Kinausap niya ito, “Wala ng makakakain muli ng bunga mula sa iyo.” At narinig ito ng kaniyang mga alagad. (aiōn )
15 Nakarating sila sa Jerusalem, pumasok siya sa templo at sinimulan niyang palayasin ang mga nagtitinda at namimili sa templo. Tinaob niya ang mga lamesa ng mga nagpapalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagbebenta ng kalapati.
16 Hindi niya pinayagang makapasok ang kahit na sino na may dalang kahit na anong bagay na maaaring ibenta sa templo.
17 Tinuruan niya sila at sinabi, “Hindi ba nasusulat na, 'Ang aking tahanan ay tatawaging Bahay ng Panalangin para sa lahat ng mga bansa'? Ngunit ginawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.”
18 Narinig ng mga punong pari at ng mga eskriba ang sinabi niya, at naghanap sila ng paraan upang ipapatay siya. Kinatatakutan nila siya dahil ang lahat ng mga tao ay namangha sa kaniyang mga tinuturo.
19 At tuwing sumasapit ang gabi ay umaalis sila sa lungsod.
20 Nang dumaan sila kinaumagahan, nakita nilang nalanta na ang puno ng igos hanggang sa mga ugat nito.
21 Naalala ito ni Pedro at sinabi, “Rabi, tignan mo! Nalanta ang puno ng igos na sinumpa mo.”
22 Sinagot sila ni Jesus, “Manampalataya kayo sa Diyos.
23 Totoo itong sinasabi ko sa inyo na kung sinuman ang magsasabi sa bundok na ito na, ''Mapataas ka at ihagais mo ang iyong sarili sa dagat,' at kung hindi siya magdududa sa kaniyang puso ngunit naniniwala siyang mangyayari ang sinabi niya, iyon ang gagawin ng Diyos.
24 Kaya sinasabi ko ito sa inyo: Ang lahat ng inyong ipapanalangin at hinihiling, maniwala kayong natanggap na ninyo, at ito ay mapapasa-inyo.
25 Kapag tumayo ka at mananalangin, kailangan mong patawarin ang kahit na anong mayroon ka laban sa kahit na sino, nang sa gayon ay mapatawad din ng inyong Amang nasa langit ang iyong mga pagsuway.”
26 (Ngunit kung hindi ka magpapatawad, hindi rin patatawarin ng Amang nasa langit ang inyong mga kasalanan.)
27 Nakarating silang muli ng Jerusalem, habang si Jesus ay naglalakad sa templo, nilapitan siya ng mga punong pari, mga eskriba, at ng mga nakatatanda.
28 Sinabi nila sa kaniya, “Sa anong kapangyarihan mo ginagawa ang mga bagay na ito? At sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihang gawin ang mga ito?”
29 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tatanungin ko kayo ng isang katanungan. Sabihin ninyo sa akin at sasabihin ko rin sa inyo kung sa anong kapangyarihan ko ginagawa ang mga bagay na ito.
30 Ang pagbabautismo ni Juan, nanggaling ba iyon sa langit o sa tao? Sagutin ninyo ako.”
31 At sila ay nag-usap-usap at nagtalu-talo at sinabi, “Kung sasabihin nating, 'Sa langit,' sasabihin niyang, 'Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?'
32 Ngunit kung sasabihin nating, 'Mula sa tao,'...” Natakot sila sa mga tao, dahil pinanghahawakan nilang lahat na si Juan ay isang propeta.
33 Pagkatapos ay sinagot nila si Jesus at sinabi, “Hindi namin alam.” At sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong kapangyarihan ko ginagawa ang mga bagay na ito.”