< Malakias 4 >
1 Sapagkat tingnan ninyo, ang araw ay dumarating, na nagliliyab na parang isang pugon, kapag ang lahat ng mayabang at lahat ng gumagawa ng masama ay magiging parang dayami. Susunugin sila sa araw na paparating,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo, “upang walang maiwan kahit ugat at maging sanga man.
Sapagka't, narito, ang araw ay dumarating, na nagniningas na parang hurno; at ang lahat na palalo, at ang lahat na nagsisigawa ng kasamaan ay magiging parang dayami, at ang araw na dumarating ay susunog sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, na anopa't hindi magiiwan sa kanila ng kahit ugat ni sanga man.
2 Ngunit sa inyong may takot sa aking pangalan, sisikat ang araw nang katuwiran na may kagalingan sa mga pakpak nito. Lalabas kayo na lumulukso katulad ng guya mula sa kulungan.
Nguni't sa inyo na nangatatakot sa aking pangalan ay sisikat ang araw ng katuwiran na may kagalingan sa kaniyang mga pakpak; at kayo'y magsisilabas, at magsisiluksong parang guya mula sa silungan.
3 Tatapakan ninyo ang masasama, sapagkat sila ay magiging mga abo sa ilalim ng mga talampakan ng inyong mga paa sa araw na gawin ko,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo.
At inyong yayapakan ang masasama; sapagka't sila'y magiging abo sa ilalim ng mga talampakan ng inyong mga paa sa kaarawan na aking gawin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
4 “Alalahanin ninyong sundin ang utos ng aking lingkod na si Moises, ang mga kasunduan at alituntunin na iniutos ko sa kaniya sa Horeb para sa buong Israel.
Alalahanin ninyo ang kautusan ni Moises na aking lingkod na aking iniutos sa kaniya sa Horeb para sa buong Israel, sa makatuwid baga'y ang mga palatuntunan at mga kahatulan.
5 Tingnan ninyo, isusugo ko sa inyo si Elias, na propeta bago dumating ang dakila at katakut-takot na araw ni Yahweh.
Narito, aking susuguin sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakilakilabot na kaarawan ng Panginoon.
6 At ipapanumbalik niya ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga ama; upang hindi ako darating at lusubin ang lupain nang may ganap na pagkawasak.”
At kaniyang papagbabaliking-loob ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang; baka ako'y dumating at saktan ko ang lupa ng sumpa.