< Levitico 13 >
1 Nakipag-usap si Yahweh kay Moises at kay Aaron, na nagsasabing,
At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,
2 “Kung sinuman ang may pamamaga o galis o maputing batik sa balat ng kanyang katawan, at naging nakakahawa at may isang sakit sa balat ang kanyang katawan, sa ganun kailangan siyang dalhin kay Aaron ang punong pari, o sa isa sa kaniyang mga anak na lalaking mga pari.
Pagka ang sinomang tao ay nagkaroon sa balat ng kaniyang laman, ng pamamaga, o langib, o pantal na makintab at naging salot na ketong sa balat ng kaniyang laman, ay dadalhin nga siya kay Aaron na saserdote, o sa isa sa kaniyang mga anak na saserdote:
3 Pagkatapos ay susuriin ng pari ang sakit sa balat ng kanyang katawan. Kung ang buhok sa bahaging may sakit ay naging puti, at kung ang sakit ay makikitang malalim kaysa balat lang, sa ganun iyon ay isang nakakahawang sakit. Pagkatapos siyang suriin ng pari, kailangan niyang ipahayag na siya ay marumi.
At titingnan ng saserdote ang tila salot na nasa balat ng kaniyang laman: at kung ang balahibo sa tila salot ay pumuti, at makitang ang sugat ay malalim kay sa balat ng kaniyang laman, ay salot na ketong nga: at siya'y mamasdan ng saserdote at ipakikilala siyang karumaldumal.
4 Kung ang maliwanag na batik sa kanyang balat ay puti, at ang itsura nito ay hindi mas malalim kaysa balat, at kung ang buhok sa bahaging may sakit ay hindi maging puti, kung gayon kailangang ilayo ng pari ang may sakit sa loob ng pitong araw.
At kung ang pantal na makintab ay maputi sa balat ng kaniyang laman, at makitang hindi malalim kaysa balat, at ang balahibo niyaon ay hindi pumuti, ay kukulungin ng saserdote ang may tila salot na pitong araw.
5 Sa ikapitong araw, kailangan siyang suriin ng pari upang makita kung sa palagay niya ay hindi malala ang sakit, at kung ito ay hindi kumalat sa balat. Kapag wala siya nito, kung gayon kailangan siyang ilayo ng pari ng karagdagang pitong araw.
At titingnan siya ng saserdote sa ikapitong araw: at, narito, kung makitang ang tila salot ay tumigil, at hindi kumalat ang tila salot sa balat, ay kukulungin uli siya ng saserdote na pitong araw:
6 Susuriin ulit siya ng pari sa ikapitong araw upang makita kung ang karamdaman ay mas bumuti at hindi kumalat ng mas malawak sa balat. Kapag wala siya nito, kung gayon sasabihin ng pari na siya ay malinis. Ito ay isang pantal. Kailangan niyang labhan ang kanyang mga damit, at pagkatapos siya ay malinis na.
At titingnan siya uli ng saserdote sa ikapitong araw: at, narito, kung makitang ang tila salot ay namutla, at ang tila salot ay hindi kumalat sa balat, ay ipakikilalang malinis siya ng saserdote: langib yaon; at kaniyang lalabhan ang kaniyang suot, at magiging malinis.
7 Pero kung ang pantal ay kumalat sa balat pagkatapos niyang ipakita ang kanyang sarili sa pari para sa kanyang paglilinis, kailangan niya muling ipakita ang kanyang sarili sa pari.
Datapuwa't kung ang langib ay kumakalat sa balat, pagkatapos na siya'y makapakita sa saserdote upang siya'y linisin, ay pakikita siya uli sa saserdote:
8 Susuriin siya ng pari para makita kung ang pantal ay kumalat ng mas malawak sa balat. Kung kumalat ito, kung gayon ay dapat siyang ipahayag ng pari na marumi. Ito ay isang nakakahawang sakit.
At titingnan siya ng saserdote; at, narito, kung ang langib ay kumakalat sa balat, ay ipakikilala ng saserdote na karumaldumal: ketong nga yaon.
9 Kapag ang nakakahawang sakit sa balat ay nasa sinuman, kung gayon ay kailangan siyang dalhin sa pari.
Pagka nagkaroon ng tila salot na ketong ang sinomang tao, ay dadalhin siya sa saserdote;
10 Susuriin siya ng pari upang makita kung may puting pamamaga sa balat, kung ang buhok ay naging puti, o kung may hilaw na laman sa pamamaga.
At titingnan siya ng saserdote; at, narito, kung makitang may pamamaga na maputi sa balat, na pumuti ang balahibo, at may matigas na lamang buhay sa pamamaga,
11 Kung naroon iyon, sa gayon ito ay isang malubhang sakit sa balat, at dapat ipahayag ng pari na siya ay marumi. Hindi na siya ihihiwalay, dahil siya ay marumi na.
Ay malaong ketong nga sa balat ng kaniyang laman, at ipakikilala ng saserdote na siya'y karumaldumal; hindi siya kukulungin; sapagka't siya'y karumaldumal.
12 Kung ang sakit ay malawak na ang pagkalat sa balat at natatakpan na ang buong balat ng taong may sakit mula sa kanyang ulo hanggang sa kanyang paa, hangga't nakikita iyon ng pari,
At kung kumalat ang ketong sa balat, at matakpan ng ketong ang buong balat ng may tila salot, mula sa ulo hanggang sa kaniyang mga paa, sa buong maaabot ng paningin ng saserdote;
13 kung gayon kailangang suriin siya ng pari upang makita kung ang sakit ay bumalot sa buo niyang katawan. Kapag mayroon nito, kung gayon ay dapat ipahayag ng pari na ang taong may sakit ay malinis. Kung lahat ng ito ay naging puti, kung gayon ay malinis siya.
At titingnan nga siya ng saserdote; at, narito, kung makitang ang ketong ay kumalat sa buong laman niya, ay ipakikilalang malinis ang may tila salot: pumuting lahat: siya'y malinis.
14 Ngunit kung hilaw na laman ang makita sa kanya, siya ay magiging marumi.
Datapuwa't sa alin mang araw na makitaan siya ng lamang buhay, ay magiging karumaldumal siya.
15 Dapat tingnan ng pari ang hilaw na laman at ipahayag siyang marumi dahil ang hilaw na laman ay marumi. Iyon ay isang nakakahawang sakit.
At titingnan ng saserdote ang lamang buhay, at ipakikilala siyang karumaldumal: ang lamang buhay ay karumaldumal: ketong nga.
16 Ngunit kung ang hilaw na laman ay maging puti muli, kung gayon ay dapat pumunta ang tao sa pari.
O kung magbago uli ang lamang buhay at pumuti, ay lalapit nga siya sa saserdote;
17 Susuriin siya ng pari para makita kung ang laman ay naging puti. Kung nagkagayon ipapahayag ng pari na ang taong iyon ay malinis.
At titingnan siya ng saserdote: at, narito, kung pumuti ang tila salot ay ipakikilalang malinis ng saserdote ang may tila salot: siya'y malinis.
18 Kung ang tao ay may pigsa sa balat at gumaling ito,
At kung magkaroon sa balat ng laman ng isang bukol at gumaling,
19 at sa bahagi ng pigsa ay mayroong puting pamamaga o isang malinaw na batik, namumulang-puti, kung gayon ay kailangan itong ipakita sa pari.
At humalili sa bukol ay isang pamamaga na maputi, o isang pantal na makintab, na namumulang puti, ay ipakikita sa saserdote;
20 Susuriin ito ng pari upang makita kung ito ay mas malalim sa balat, at kung ang buhok doon ay naging puti. Kung gayon, dapat ipahayag ng pari na siya ay marumi. Ito ay isang nakakahawang sakit, kapag ito ay namuo sa bahagi kung nasaan ang pigsa.
At titingnan ng saserdote; at, narito, kung makitang tila impis kaysa balat, at ang balahibo niyaon ay tila pumuti, ay ipakikilala ng saserdote na karumaldumal: salot na ketong yaon; lumitaw sa bukol.
21 Ngunit kung sinuri ng pari ito at makita na walang puting buhok dito, at iyon ay wala sa ilalim ng balat kundi kumupas na, sa ganun kailangang ihiwalay siya ng pari sa loob ng pitong araw.
Datapuwa't kung pagtingin ng saserdote, ay makitang walang balahibong puti yaon, o hindi impis man kay sa balat, kungdi namutla, ay kukulungin ng saserdote siya na pitong araw.
22 Kapag kumalat iyon sa balat, kung gayon ay dapat siyang ipahayag ng pari na marumi. Ito ay isang nakakahawang sakit.
At kung kumalat sa balat, ay ipakikilala ng saserdote na karumaldumal: salot nga yaon.
23 Ngunit kapag nanatili ang malinaw na batik sa bahagi nito at hindi kumalat, kung gayon ito ay peklat ng pigsa, at dapat siyang ipahayag ng pari na malinis.
Nguni't kung ang pantal na makintab ay tumigil sa kaniyang kinaroroonan, at hindi kumalat, ay piklat nga ng bukol; at ipakikilala ng saserdote na malinis siya.
24 Kapag ang balat ay may paso at ang hilaw na laman ng paso ay maging isang namumulang-puti o puting batik,
O pagka nagkaroon sa balat ng laman, ng paso ng apoy, at ang lamang paso ay naging tila pantal na makintab, na namumulang puti, o maputi;
25 kung ganun susuriin ito ng pari para makita kung ang buhok sa batik na iyon ay naging puti, at kung ito ay nagpapakitang mas malalim kaysa sa balat. Kapag mayroon nito, sa ganun iyon ay nakakahawang sakit. Kumalat na ito palabas sa paso, at dapat ipahayag siya ng pari na marumi. Ito ay isang nakakahawang sakit.
At titingnan nga ng saserdote: at, narito, kung makitang ang buhok ay pumuti sa pantal na makintab, at tila mandin malalim kaysa balat; ay ketong nga na lumitaw sa paso: at ipakikilala ng saserdote na karumaldumal; salot na ketong nga yaon.
26 Ngunit kung susuriin iyon ng pari at makitang walang puting buhok sa batik, at iyon ay wala sa ilalim ng balat ngunit kumupas, kung gayon ay dapat siyang ihiwalay ng pari sa loob ng pitong araw.
Nguni't kung pagtingin ng saserdote, at, narito, kung makita ngang sa pantal na makintab ay walang balahibong maputi, at hindi impis kaysa balat, kungdi namutla; ay kukulungin nga siya ng saserdote na pitong araw.
27 Pagkatapos ay dapat siyang suriin ng pari sa ikapitong araw. Kung iyon ay kumalat ng malawak sa balat, kung gayon ay dapat ipahayag ng pari na siya na siya ay marumi. Ito ay isang nakakahawang sakit.
At titingnan siya ng saserdote sa ikapitong araw: kung kumalat sa balat, ay ipakikilala ng saserdote na karumaldumal: salot na ketong nga yaon.
28 Kung ang batik ay manatili sa bahaging iyon at hindi kumalat sa balat ngunit kumupas, kung gayon ito ay isang pamamaga mula sa paso, at dapat siyang ipahayag ng pari na malinis, dahil hindi ito mas higit sa peklat ng paso.
At kung ang pantal na makintab ay tumigil sa kaniyang kinaroroonan at hindi kumalat sa balat, kungdi pumutla, ay pamamaga ng paso yaon, at ipakikilala ng saserdote na malinis: sapagka't piklat ng paso yaon.
29 Kung ang isang lalaki o babae ay may nakakahawang sakit sa ulo o baba,
At kung ang sinomang lalake o babae ay mayroong tila salot sa ulo o sa baba,
30 kung gayon kailangang suriin ng pari ang tao para sa isang nakakahawang sakit upang makita kung ito ay nagmimistulang mas malalim kaysa balat, at kung mayroong dilaw, manipis na buhok dito. Kung mayroon, kung gayon kailangan siyang ipahayag ng pari na marumi. Ito ay isang pangangati, isang nakakahawang sakit sa ulo o sa baba.
Ay titingnan nga ng saserdote ang tila salot: at, narito, kung makitang tila malalim kaysa balat, at yao'y may buhok na naninilaw na manipis, ay ipakikilala ng saserdote na karumaldumal: tina nga, ketong nga yaon sa ulo o sa baba.
31 Kung ang pari ay susuriin ang pangangating sakit at makitang wala ito sa ilalim ng balat, at kung walang itim na buhok doon, kung gayon ang pari ay ihihiwalay ang taong may pangangating sakit sa loob ng pitong araw.
At kung makita ng saserdote ang tila salot na tina, at, narito, tila hindi malalim kaysa balat, at walang buhok na maitim yaon, ay kukulungin ng saserdote na pitong araw ang may tila salot na tina;
32 Susuriin ng pari ang sakit sa ikapitong araw upang makita kung kumalat ito. Kung walang dilaw na buhok, at kung ang sakit ay lumilitaw na hanggang balat lang ang lalim,
At sa ikapitong araw ay titingnan ng saserdote ang tila salot; at, narito, kung makita ngang hindi kumalat ang tina, at walang buhok na naninilaw, at tila ang tina ay hindi malalim kaysa balat,
33 kung gayon kailangan siyang ahitan, ngunit ang may sakit na bahagi ay hindi dapat ahitan, at kailangang ihiwalay ng pari ang tao na may pangangating sakit sa loob ng karagdagang pitong araw.
Ay aahitan nga, datapuwa't hindi aahitan ang kinaroroonan ng tina; at ipakukulong ng saserdote ang may tina ng muling pitong araw:
34 Susuriin ng pari ang sakit sa ikapitong araw para makita kung ito ay huminto na sa pagkalat sa balat. Kung ito ay lumilitaw na hindi mas malalim kaysa balat, kung gayonn kailangan siyang ipahayag ng pari na malinis. Kailangang labhan ng tao ang kanyang mga damit, at sa gayon siya ay magiging malinis.
At titingnan ng saserdote ang tina sa ikapitong araw: at, narito, kung makitang hindi kumalat ang tina sa balat, at tila hindi malalim kaysa balat; ay ipakikilala nga ng saserdote na malinis at siya'y maglalaba ng kaniyang suot at magiging malinis.
35 Ngunit kung ang pangangating sakit ay kumalat ng malawak sa balat pagkatapos na ang pari ay sabihin na siya ay malinis,
Nguni't kung ang tina ay kumalat sa balat, pagkatapos ng kaniyang paglilinis;
36 kung ganun kailangan siyang suriin ulit ng pari. Kung ang sakit ay kumalat sa balat, ang pari ay hindi na kailangang humanap ng dilaw na buhok. Ang tao ay marumi.
Ay titingnan nga ng saserdote: at, narito, kung makitang kumalat sa balat ang tina ay hindi hahanapin ng saserdote ang buhok na maninilaw; siya'y karumaldumal.
37 Ngunit kung sa tingin ng pari ang pangangating sakit ay huminto sa pagkalat at maitim na buhok ay tumubo sa bahagi, kung gayon ang sakit ay gumaling. Siya ay malinis, at kailangan siyang ipahayag ng pari na malinis.
Datapuwa't kung sa kaniyang paningin ay tumigil ang tina at may tumubong buhok na itim; ay gumaling ang tina, siya'y malinis: at ipakikilalang malinis siya ng saserdote.
38 Kung isang lalaki o isang babae ay mayroong puting mga batik sa balat,
At pagka ang isang lalake o babae ay nagkaroon sa balat ng kaniyang laman ng nangingintab na pantal, ng makikintab na pantal na puti;
39 kung gayon ay dapat suriin ng pari ang tao para makita kung ang mga batik ay kulay abo, na kung saan isa lamang itong pantal na kumalat mula sa balat. Siya ay malinis.
Ay titingnan nga ng saserdote: at, narito, kung makitang ang nangingintab na pantal sa balat ng kaniyang laman ay namumutimuti; yao'y buni na sumibol sa balat; siya'y malinis.
40 Kung ang buhok ng isang lalaki ay nalagas mula sa kanyang ulo, siya ay kalbo, ngunit siya ay malinis.
At kung ang sinoman ay malugunan ng buhok, ay kalbo gayon ma'y malinis.
41 At kung ang kanyang buhok ay nalagas mula sa harapang bahagi ng kanyang ulo, at kung ang kanyang noo ay kalbo, siya ay malinis.
At kung sa dakong harapan ng ulo nalugunan ng buhok, ay kalbo yaon sa noo gayon ma'y malinis.
42 Ngunit kung mayroon isang namumulang-puting sugat sa kanyang kalbong ulo o noo, ito ay isang nakakahawang sakit na lumitaw.
Datapuwa't kung sa kakalbuhan, sa ulo o sa noo ay magkaroon ng tila salot ng namumulang maputi; ay ketong na sumibol sa kaniyang kakalbuhan ng ulo o sa kaniyang kakalbuhan ng noo.
43 Kung gayon ay dapat siyang suriin ng pari para makita kung ang pamamaga ng maysakit na bahagi sa kanyang kalbong ulo o noo ay namumulang-puti, kagaya ng itsura ng isang nakakahawang sakit sa balat.
Kung magkagayo'y titingnan siya ng saserdote: at, narito, kung ang pamamaga ng tila salot ay namumulamula ng maputi sa kaniyang kakalbuhan ng ulo o sa kaniyang kakalbuhan ng noo, gaya ng anyo ng ketong sa balat ng kaniyang laman;
44 Kapag mayroon nito, kung gayon ay mayroon siyang nakakahawang sakit at siya ay marumi. Dapat siguraduhin ng pari na ipahayag na marumi siya dahil sa kanyang sakit sa kanyang ulo.
Ay ketongin siya, siya'y karumaldumal ipakikilala siya ng saserdote na tunay na karumaldumal; nasa kaniyang ulo ang salot niya.
45 Ang tao na mayroong nakakahawang sakit ay kailangang magsuot ng mga punit na damit, ang kanyang buhok ay kailangang nakalugay, at dapat niyang takpan ang kanyang mukha hanggang sa kanyang ilong at sumigaw, 'Marumi, marumi.'
At pupunitin ng may ketong na kinaroroonan ng salot, ang kaniyang mga suot at ang buhok ng kaniyang ulo ay ilulugay, at siya'y magtatakip ng kaniyang nguso, at maghihihiyaw. Karumaldumal, karumaldumal.
46 Sa lahat ng araw na siya ay mayroong nakakahawang sakit siya ay magiging marumi. Dahil siya ay marumi na may isang sakit na maaaring makahawa, siya ay dapat mamuhay ng mag-isa. Dapat siyang mamuhay sa labas ng kampo.
Sa buong panahong siya'y karoonan ng salot, ay magiging karumaldumal; siya'y karumaldumal: siya'y tatahang bukod; sa labas ng kampamento malalagay ang kaniyang tahanan.
47 Ang isang kasuotang narumihan ng amag, maging ito ay lana o linong kasuotan,
Ang suot na kinaroroonan ng ketong, maging kasuutang balahibo ng tupa o kasuutang lino;
48 o anumang bagay na lana o sinulsing mula sa lana o lino, o balat o alinmang bagay na gawa sa balat—
Maging nasa paayon o maging nasa pahalang; ng lino o ng balahibo ng tupa; maging sa balat o sa alin mang yaring balat;
49 kung may isang maberde o namumulang dumi sa kasuotan, ang balat, ang hinabi o sinulsing bagay, o anumang bagay na gawa sa balat, kung ganun ito ay isang amag na kumalat; dapat itong ipakita sa pari.
Kung ang tila salot ay namemerde o namumula sa kasuutan, o sa balat, maging sa paayon, o maging sa pahalang, o sa alin mang kasangkapang balat; ay salot na ketong nga at ipakikita sa saserdote,
50 Dapat suriin ng pari ang bagay para sa amag; dapat niyang ihiwalay ang anuman na mayroong amag sa loob ng pitong araw.
At titingnan ng saserdote ang tila salot, at ipatatago ng pitong araw ang bagay na may tila salot:
51 Dapat niya muling suriin ang amag sa ikapitong araw. Kapag ito ay kumalat sa kasuotan o anumang hinabi o sinulsing gawa sa lana o linong bagay, o balat o alinmang bagay na kung saan balat ang ginagamit, kung gayon ito ay mapanganib na amag, at ang bagay ay marumi.
At titingnan ang bagay na may tila salot, sa ikapitong araw: kung kumalat ang tila salot sa kasuutan, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa balat, o alin mang ginagawa sa balat, ay ketong na ngumangatngat ang gayon tila salot; yao'y karumaldumal.
52 Dapat niyang sunugin ang kasuotan, o anumang bagay na hinabi o sinulsi mula sa lana o linong bagay, o balat o alinmang bagay na gawa sa balat, anuman na kung saan ang mapanganib na amag ay makita, dahil ito ay magdadala ng sakit. Ang bagay ay dapat lubusang sunugin.
At kaniyang susunugin ang kasuutan, maging paayon, at maging pahalang ng balahibo ng tupa o lino o sa alin mang kasangkapang balat na kinaroroonan ng salot; sapagka't yao'y ketong na ngumangatngat, yao'y susunugin sa apoy.
53 Kung sinuri ng pari ang bagay at makita na ang amag ay hindi kumalat sa kasuotan o bagay na hinabi o sinulsi mula sa lana o lino, o balat na mga bagay,
At kung pagtingin ng saserdote, at, narito, kung makita ngang hindi kumalat ang salot sa kasuutan, maging sa paayon man, o sa pahalang man, o sa alin mang kasangkapang balat;
54 kung gayon iuutos niya sa kanila na labahan ang bagay kung saan nakita ang amag, at dapat niya itong ihiwalay sa loob ng karagdagang pitong araw.
Ay palalabhan nga ng saserdote yaong kinaroroonan ng salot, at ipatatago pa ng pitong araw:
55 Pagkatapos ay susuriin ng pari ang bagay na inamag pagkatapos itong malabhan. Kung ang amag ay hindi nagbago ng kulay, kahit na hindi ito kumalat, ito ay marumi. Dapat mong sunugin ang bagay, maging saan ito nahawaan ng amag.
At titingnan ng saserdote ang bagay na may salot, pagkatapos na malabhan: at, narito, kung makitang ang salot ay hindi nagbago ang kulay, at hindi kumalat ang salot, yao'y karumaldumal; susunugin mo sa apoy: isang ngatngat nga, maging ang nanisnis ay nasa karayagan o nasa kabaligtaran.
56 Kung sinuri ng pari ang bagay, at kung ang amag ay kumupas pagkatapos itong malabhan, kung gayon dapat niyang punitin ang nahawahang bahagi mula sa kasuotan o mula sa balat, o mula sa hinabi o sinulsing bagay.
At kung pagtingin ng saserdote, at, narito, kung makita ngang namutla ang dakong may salot pagkatapos na malabhan, ay hahapakin sa kasuutan, o sa balat, o sa paayon, o sa pahalang:
57 Kapag ang amag ay makita parin sa kasuotan, sa hinabi man o sa sinulsing bagay, o sa kahit anong bagay na balat, kumakalat ito. Dapat mong sunugin ang anumang bagay na mayroong amag.
At kung muling lumitaw sa kasuutang yaon, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alin mang yari sa balat, ay muling sumisibol: susunugin mo sa apoy yaong kinaroroonan ng salot.
58 Ang kasuotan o anumang bagay na hinabi o sinulsing mula sa lana o linong bagay, o balat o anumang bagay na gawa sa balat—kung lalabhan mo ang bagay at ang amag ay mawala, kung gayon ang bagay ay kailangang malabhan sa ikalawang pagkakataon, at ito ay magiging malinis.
At ang kasuutan, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alin mang yari sa balat, na iyong labhan, at maalis ang salot, ay lalabhan ngang ikalawa, at magiging malinis.
59 Ito ang batas tungkol sa amag sa isang kasuotan ng lana o lino, o anumang hinabi o sinulsing mula sa lana o linong bagay, o balat o anumang gawa sa balat, para maaari ninyong ipahayag na ito ay malinis o marumi.”
Ito ang kautusan tungkol sa salot na ketong sa kasuutang balahibo ng tupa o lino, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alin mang yari sa balat, upang ipakilalang malinis, o upang ipakilalang karumaldumal.