< Panaghoy 3 >
1 Ako ay isang taong nakakita ng paghihirap sa ilalim ng pamalo ng matinding galit ni Yahweh.
2 Itinaboy niya ako at pinalakad sa kadiliman sa halip na liwanag.
3 Tunay siyang bumaling laban sa akin, buong araw niyang ibinabaling ang kamay niya laban sa akin.
4 Ang aking laman at balat ay ginutay niya, ang aking mga buto ay binali niya.
5 Gumawa siya ng mga gawaing paglusob na sa akin ay laban, at pinaligiran ako ng kapaitan at kahirapan.
6 Sa mga madilim na lugar niya ako pinatira, tulad nilang mga patay na noon pa.
7 Gumawa siya ng pader sa paligid ko at hindi ako makatakas. Pinabigat niya ang aking mga posas.
8 Kahit na tumawag at sumigaw ako ng tulong, aking mga panalangin ay kaniyang kinukulong.
9 Hinarangan niya ang aking landas ng mga pader na gawa sa sinibak na bato, hindi tuwid ang bawat daanang aking tinatahak.
10 Tulad siya ng osong naghihintay upang tambangan ako, isang leon na nasa pagtatago.
11 Inilihis niya ang mga landas ko. Ginugutay at pinapabayaan niya ako.
12 Iniunat niya ang kaniyang pana at minarkahan ako bilang tudlaan ng palaso.
13 Ipinadala niya ang mga palaso mula sa kaniyang sisidlan upang pumasok sa aking mga bato.
14 Ako ay naging katatawanan sa lahat ng aking mga kababayan, ang paksa sa mapanuyang awit nila sa araw-araw.
15 Pinuno niya ako ng kapaitan at pinilit painumin ng ajenjo.
16 Dinurog niya ang aking mga ngipin ng bato, sa alikabok ay isinubsob niya ako.
17 Sa aking buhay ay tinanggal mo ang kapayapaan, hindi ko na maalala pa ang alinmang kaligayahan.
18 Kaya sinabi ko, “Ang aking tatag ay nawala na at ang aking pag-asa kay Yahweh ay naubos na.”
19 Inaalala ko ang aking kahirapan at ang aking pagkaligaw sa ajenjo at kapaitan.
20 Tiyak na ito ay aking inaalala, at sa loob ko ay yumuyukod ako sa kawalan ng pag-asa.
21 Ngunit ito ang aking inaalala, at ito ang dahilang ako ay may pag-asa:
22 Ito ay sa pamamagitan ng katapatan sa kasunduan ni Yahweh kaya hindi tayo nalipol, sapagkat ang kaniyang mga kilos ng kahabagan ay hindi nagwakas.
23 Ang mga kilos ng kahabagan niya ay muling nagaganap sa bawat umaga, katapatan mo ay dakila!
24 “Si Yahweh ay aking mana,” sinabi ko sa aking sarili, kaya aasa ako sa kaniya.
25 Si Yahweh ay mabuti sa sinumang naghihintay sa kaniya, sa buhay na naghahanap sa kaniya.
26 Mabuti ang maghintay sa pagliligtas ni Yahweh nang tahimik.
27 Mabuti sa isang tao na ang pamatok sa kaniyang kabataan ay kaniyang natitiis.
28 Hayaan siyang manahimik at umupong mag-isa, dahil inilagay ito ni Yahweh sa kaniya.
29 Hayaang ilagay niya sa alikabok ang bibig niya, at marahil mayroong pag-asa.
30 Hayaang ang kaniyang pisngi ay ibigay niya sa sinumang humahampas sa kaniya. Hayaang mapuno siya ng kahihiyan,
31 sapagkat hindi siya tatanggihan ng Panginoon magpakailanman!
32 Sapagkat kahit na nagdadala siya ng kalungkutan, nagpapakita rin siya ng kahabagan na lumalabas mula sa kaniyang kadakilaan ng kaniyang katapatan sa kasunduan.
33 Sapagkat hindi siya nagmamalupit mula sa kaniyang puso, o nagpapahirap sa mga anak ng mga tao.
34 Sa pagdurog sa lahat ng mga bihag sa lupa sa ilalim ng kaniyang paa,
35 sa paglihis sa katarungan ng mga tao sa harapan ng mukha ng Kataas-taasan,
36 sa paghadlang sa isang tao sa kaniyang katwiran—hindi ba nakikita ng Panginoon?
37 Sino ang nagsasalita at nangyayari kapag hindi ito iniutos ng Panginoon?
38 Hindi ba parehong kapahamakan at katagumpayan ay nagmumula sa bibig ng Kataas-taasan?
39 Paano makakadaing ang sinumang taong nabubuhay? Paaano makakadaing ang sinumang tao tungkol sa kaparusahan ng kaniyang mga kasalanan?
40 Siyasatin at suriin natin ang ating mga pamamaraan, at muling manumbalik kay Yahweh.
41 Itaas natin ang ating mga puso at mga kamay sa Diyos sa kalangitan at manalangin:
42 “Laban sa iyo kami ay nagkasala at naghimagsik, kaya kami ay hindi mo pinatawad.
43 Tinakpan mo ang iyong sarili ng galit at hinabol kami. Pinagpapatay mo kami, at hindi mo kami kinahabagan.
44 Tinakpan mo ang iyong sarili ng ulap, upang walang panalangin ang makakalampas.
45 Ginawa mo kaming mga taong itinakwil at dumi sa iba't ibang mga lahi.
46 Ibinuka ng lahat ng aming mga kaaway ang kanilang bibig nang may pangungutya laban sa amin.
47 Dumating sa amin ang takot sa hukay, pagkasira at pagkaluray.”
48 Umaagos ng daloy ng tubig ang mata ko dahil sa pagkaluray ng anak na babae ng mga kababayan ko.
49 Umaagos ang mga mata ko, at hindi tumitigil ang mga ito, sapagkat wala itong katapusan
50 hanggang sa tumunghay at tumingin si Yahweh mula sa kalangitan.
51 Nagbibigay ng matinding sakit sa aking buhay ang mata ko dahil sa lahat ng mga anak na babae sa lungsod ko.
52 Walang tigil akong tinutugis tulad ng isang ibon ng aking mga kaaway nang walang dahilan.
53 Sinira nila sa balon ang buhay ko at sa ibabaw ko ay naglagay ng isang bato.
54 Dumaloy ang tubig sa aking ulo, sinabi ko, “Nilagot ako!”
55 Tinawag ko ang iyong pangalan, Yahweh, mula sa pinakamababang hukay.
56 Narinig mo ang aking tinig nang sinabi ko, “Huwag mong itago ang iyong tainga sa aking pagtawag ng tulong, sa aking pagsigaw ng saklolo!
57 Lumapit ka sa araw na tinawag kita, sinabi mo sa akin, “Huwag kang mangamba!”
58 Panginoon, ipinagtanggol mo ako nang ako ay nasa paglilitis para sa buhay ko, iniligtas mo ang buhay ko!
59 Yahweh, nakita mo ang kanilang pang-aapi sa akin. Hatulan mo nang makatarungan ang aking usapin.
60 Nakita mo ang lahat kanilang mga kilos ng paghihiganti, lahat ng kanilang binabalak laban sa akin.
61 Narinig mo ang panghahamak nila, Yahweh, at lahat ng kanilang mga balak tungkol sa akin.
62 Narinig mo ang mga labi ng mga tumindig laban sa akin, narinig mo ang kanilang malalim na kaisipang laban sa akin sa buong araw.
63 Maging sa kanilang pag-upo o sa kanilang pagtayo, tingnan mo Yahweh! Ako ang paksa sa kanilang awit ng pangungutya.
64 Gumanti ka sa kanila, Yahweh, gaya ng pinsalang ginawa ng kanilang mga kamay.
65 Lagyan mo ng takot ang kanilang mga puso, lagyan mo sila ng sumpa.
66 Habulin mo sila sa iyong galit at lipulin mo sila saanman sa ilalim ng kalangitan, Yahweh!