< Mga Hukom 6 >
1 Ang bayan ng Israel ay gumawa ng kasamaan sa paningin ni Yahweh, at sila'y inilagay niya sa ilalim ng kapangyarihan ng Midianita ng pitong taon.
At ginawa ng mga anak ni Israel yaong masama sa paningin ng Panginoon: at ibinigay sila ng Panginoon sa kamay ng Madian na pitong taon.
2 Ang kapangyarihan ng Midianita ang nagpahirap sa Israel. Dahil sa Midianita, gumawa ang bayan ng Israel ng makukublihan para sa kanilang sarili mula sa mga yungib sa mga burol, sa mga kuweba, at mga matibay na tanggulan.
At ang kamay ng Madian ay nanaig laban sa Israel: at dahil sa Madian ay gumawa ang mga anak ni Israel ng mga kutang nangasa bundok, at ng mga yungib, at ng mga dakong matibay.
3 Nangyari na kapag ang mga Israelita ay nagtanim ng kanilang mga pananim, ang mga Midianita at ang mga Amalekita at ang mga taong mula sa silangan ay sasalakay sa mga Israelita.
At ganito ang nangyari, noong ang Israel ay nakapaghasik, na nagsiahon ang mga Madianita, at ang mga Amalecita, at ang mga anak sa silanganan; sila'y nagsiahon laban sa kanila;
4 Inilalagay nila ang kanilang mga sundalo sa lupain at winawasak ang mga pananim, hanggang sa Gaza. Wala silang itinitirang pagkain sa Israel, walang tupa, ni mga baka, o mga asno.
At sila'y humantong laban sa kanila, at kanilang sinira ang bunga ng lupa, hanggang sa sila'y dumating sa Gaza, at wala silang iniwang anoman sa Israel, maging tupa, o baka man, o asno man.
5 Sa tuwing sila at kanilang mga alagang hayop at mga tolda ay dadating, darating sila na gaya ng pulutong ng mga balang, at ito ay hindi kayang bilangin maging ang mga tao o ang kanilang mga kamelyo. Sinakop nila ang lupain para wasakin ito.
Sapagka't sila'y nagsiahong dala nila ang kanilang kawan at ang kanilang mga tolda; at sila'y nagsipasok na parang balang sa karamihan; sila at ang kanilang mga kamelyo ay walang bilang: at kanilang pinasok ang lupain upang gibain.
6 Pinahina ng Midianita ang mga Israelita ng napakatindi na ang bayan ng Israel ay tumawag kay Yahweh.
At ang Israel ay huminang totoo dahil sa Madian; at ang mga anak ni Israel ay dumaing sa Panginoon.
7 Nang tumawag ang mga tao ng Israel kay Yahweh dahil sa Midian,
At nangyari, nang dumaing sa Panginoon ang mga anak ni Israel, dahil sa Madian.
8 nagpadala ng isang propeta si Yahweh sa mga tao ng Israel. Sinabi ng propeta sa kanila, “Ito ang sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: 'Dinala ko kayo mula Ehipto, inalis ko kayo mula sa tahanan pagkaka-alipin.
Ay nagsugo ang Panginoon ng isang propeta sa mga anak ni Israel: at kaniyang sinabi sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon ng Dios ng Israel, Kayo'y aking iniahon mula sa Egipto, at inilabas ko kayo sa bahay ng pagkaalipin;
9 Sinagip ko kayo mula sa kapangyarihan ng mga taga Ehipto, at mula sa kapangyarihan ng lahat ng mga nagpapahirap sa inyo. Pinalayas ko sila sa inyong harapan, at ibinigay ko sa inyo ang kanilang lupain.
At pinapaging laya ko kayo sa kamay ng mga taga Egipto, at sa kamay ng mga pumipighati sa inyo, at aking pinalayas sila sa harap ninyo, at ibinigay ko sa inyo ang kanilang lupain;
10 Sinabi ko sa inyo, “Ako si Yahweh na inyong Diyos; inutusan ko kayo na huwag sambahin ang mga diyus-diyosan ng mga Amoreo, na ang lupain ay inyong tinirahan.” Pero hindi ninyo sinunod ang tinig ko.'”
At aking sinabi sa inyo, Ako ang Panginoon ninyong Dios; kayo'y huwag matatakot sa mga dios ng mga Amorrheo, na siyang lupaing inyong tinatahanan: nguni't hindi ninyo dininig ang aking tinig.
11 Ngayon ang anghel ni Yahweh ay dumating at umupo sa ilalim ng igos sa Ofra, na pag-aari ni Joas (ang Abiezrita), habang si Gideon, anak na lalaki ni Joas, ay hinihiwalay ang trigo sa pamamagitan ng paghampas nito sa sahig, sa pigaan ng ubas—para itago ito mula sa mga Midianita.
At ang anghel ng Panginoon ay naparoon at umupo sa ilalim ng encina na nasa Ophra, na kay Joas na Abiezerita: at ang kaniyang anak na si Gedeon ay pumapalo ng trigo sa ubasan, upang itago sa mga Madianita.
12 Ang anghel ni Yahweh ay nagpakita sa kaniya at sinabi sa kaniya, “Si Yahweh ay kasama mo, ikaw na malakas na mandirigma!”
At napakita ang anghel ng Panginoon sa kaniya, at sinabi sa kaniya, Ang Panginoo'y sumasaiyo, ikaw lalaking makapangyarihang may tapang.
13 Sinabi ni Gideon sa kaniya, “O, aking panginoon, kung si Yahweh ay kasama namin, bakit nagyayari ang lahat ng ito sa amin? Nasaan na ang lahat ng kaniyang mga dakilang gawa na sinabi sa amin ng aming mga ama, nang sinabi nilang, 'Hindi ba si Yahweh ang nag-alis sa atin mula sa Ehipto?' Pero ngayon pinabayaan kami at ibinigay kami ni Yahweh sa kapangyarihan ng Midian.”
At sinabi ni Gedeon sa kaniya, Oh Panginoon ko, kung ang Panginoon ay sumasaamin, bakit nga ang lahat ng ito ay sumapit sa amin? at saan naroon ang lahat niyang kababalaghang gawa na isinaysay sa amin ng aming mga magulang, na sinasabi, Hindi ba tayo iniahon ng Panginoon mula sa Egipto? nguni't ngayo'y hiniwalayan kami ng Panginoon at ibinigay kami sa kamay ng Madian.
14 Tumingin si Yahweh sa kaniya at sinabing, “Pumunta ka sa lakas na mayroon ka. Iligtas ang Israel mula sa kapangyarihan ng mga Midianita. Hindi kita ipinadala?”
At tiningnan siya ng Panginoon, at sinabi, Yumaon ka sa kalakasan mong ito, at iligtas mo ang Israel sa kamay ng Madian: hindi ba kita sinugo?
15 Sinabi ni Gideon sa kaniya, “Pakiusap, Panginoon, paano ko maliligtas ang Israel? Tingnan mo, ang aking pamilya ang pinakamahina sa Manases, at ako ang pinaka hindi mahalaga sa sambahayan ng aking ama.”
At sinabi niya sa kaniya, Oh Panginoon, paanong ililigtas ko ang Israel? narito, ang aking angkan ay siyang pinakadukha sa Manases, at ako ang pinakamaliit sa bahay sangbahayan ng aking ama.
16 Sinabi ni Yahweh sa kaniya, “Ako ay sasama sa iyo, at iyong matatalo ang buong hukbo ng Midianita.”
At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Walang pagsalang ako'y sasaiyo; at iyong sasaktan ang mga Madianita na parang isang lalake.
17 Sinabi ni Gideon sa kaniya, “Kung ikaw ay nasisiyahan sa akin, kung gayon bigyan mo ako ng isang palatandaan na ikaw ang siyang nakikipag-usap sa akin.
At sinabi niya sa kaniya, Kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, ay bigyan mo nga ako ng isang tanda, na ikaw ang nakikipagusap sa akin.
18 Pakiusap, huwag kang umalis dito, hanggang ako ay pumunta sa iyo at mag-dala ng aking handog at inilagay ito sa harapan mo.” Sinabi ni Yahweh, “Ako ay maghihintay hanggang ikaw ay makabalik.”
Isinasamo ko sa iyo na huwag kang umalis dito, hanggang sa ako'y parito sa iyo, at ilabas ko ang aking handog, at ilapag ko sa harap mo. At kaniyang sinabi, Ako'y maghihintay hanggang sa ikaw ay bumalik.
19 Pumunta si Gideon at nag-handa ng isang batang kambing at mula sa isang epha ng harina gumawa siya ng tinapay na walang lebadura. Nilagay niya ang karne sa isang basket, at nilagay niya ang sabaw sa isang palayok at dinala ang mga ito sa kaniya sa ilalim ng punong igos, at inihandog ang mga ito.
At si Gedeon ay pumasok, at naglutong madali ng isang anak ng kambing, at ng isang efa ng harina, ng mga munting tinapay na walang lebadura: inilagay ang karne sa isang buslo, at kaniyang inilagay ang sabaw sa isang palyok, at inilabas sa kaniya sa ilalim ng encina, at inihain.
20 Sinabi ng anghel ng Diyos sa kaniya, “Dalhin ang karne at ang tinapay na walang lebadura at ilagay ang mga ito sa batong ito, at ibuhos ang sabaw sa ibabaw ng mga ito.” At ginawa iyon ni Gideon.
At sinabi ng anghel ng Dios sa kaniya, Kunin mo ang karne at ang mga munting tinapay na walang lebadura at ipatong mo sa batong ito at ibuhos mo ang sabaw. At kaniyang ginawang gayon.
21 Pagkatapos ang anghel ni Yahweh ay iniabot ang dulo ng tungkod na nasa kaniyang kamay. Sa pamamagitan nito dinampian ang laman at ang tinapay na walang lebadura; lumabas ang isang apoy mula sa bato at tinupok ang karne at ang tinapay na walang lebadura. Pagkatapos ang anghel ni Yahweh ay umalis palayo at hindi na siya makita ni Gideon.
Nang magkagayo'y iniunat ng anghel ng Panginoon ang dulo ng tungkod, na nasa kaniyang kamay, at sinalang ang karne at ang mga munting tinapay na walang lebadura; at napailanglang ang apoy sa bato, at pinugnaw ang karne at ang mga munting tinapay na walang lebadura; at ang anghel ng Panginoon ay nawala sa kaniyang paningin.
22 Naintindihan ni Gideon na ito ang anghel ni Yahweh. Sinabi ni Gideon, “O, Panginoong Yahweh, Dahil nakita ko ang anghel ni Yahweh na mukha sa mukha!”
At nakita ni Gedeon na siya ang anghel ng Panginoon; at sinabi ni Gedeon, Aba, Oh Panginoon Dios! sapagka't aking nakita ang anghel ng Panginoon na mukhaan.
23 Sinabi ni Yahweh sa kaniya, “Sa iyo ang kapayapaan! Huwag kang matakot, hindi ka mamamatay.”
At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Kapayapaan ang sumaiyo; huwag kang matakot: hindi ka mamamatay.
24 Kaya gumawa doon si Gideon ng isang altar para kay Yahweh. Tinawag niya itong, “Si Yahweh ay Kapayapaan.” Hanggang sa araw na ito nakatayo parin ito sa Ofra ng lahing Abiezrita.
Nang magkagayo'y nagtayo roon si Gedeon ng isang dambana sa Panginoon, at tinawag na Jehova-salom: hanggang sa araw na ito ay nasa sa Ophra pa ng mga Abiezerita.
25 Nang gabing iyon sinabi ni Yahweh sa kaniya, “Kunin ang toro ng iyong ama, at ang pangalawang toro na labimpitung taong gulang, at tanggalin ang altar ni Baal na pag-aari ng iyong ama, at putulin ang Asera na nasa tabi nito.
At nangyari nang gabi ring yaon, na sinabi ng Panginoon sa kaniya, Kunin mo ang toro ng iyong ama, ang ikalawang toro na may pitong taong katandaan, at iwasak mo ang dambana ni Baal na tinatangkilik ng iyong ama, at putulin mo ang Asera na nasa siping niyaon.
26 Gumawa ng isang altar kay Yahweh na iyong Diyos sa tuktok ng lugar ng kanlungan na ito, at gawin ito sa tamang paraan. Ialay ang pangalawang toro bilang isang handog na susunugin, gamit ang kahoy mula sa Asera na iyong pinutol.”
At ipagtayo mo, sa isang paraang maayos ng isang dambana ang Panginoon mong Dios sa taluktok nitong matibay na dako; at kunin mo ang ikalawang toro, at maghandog ka ng isang handog na susunugin sangpu ng kahoy ng Asera na iyong puputulin.
27 Kaya si Gideon ay kumuha ng sampu sa kaniyang mga lingkod at ginawa kung ano ang sinabi ni Yahweh sa kaniya. Dahil masyado siyang natakot sa sambahayan ng kaniyang ama at ang kalalakihan ng bayan para gawin ito sa umaga, ginawa niya ito sa gabi.
Nang magkagayo'y kumuha si Gedeon ng sangpung lalake sa kaniyang mga bataan, at ginawa ang ayon sa sinalita ng Panginoon sa kaniya: at nangyari, na sapagka't siya'y natakot sa sangbahayan ng kaniyang ama at sa mga lalake sa bayan, kaya't hindi niya nagawa sa araw ay kaniyang ginawa sa gabi.
28 Kinabukasan nang bumangon ang kalalakihan ng bayan, ang altar ni Baal ay nawasak, at ang Asera na nasa tabi nito ay nabuwal, at ang pangalawang toro na inalay sa altar na naisagawa.
At nang bumangong maaga ang mga lalake sa bayan ng kinaumagahan narito, ang dambana ni Baal ay wasak, at ang Asera na nasa siping niyaon ay putol, at ang ikalawang toro ay inihandog sa dambana na itinayo.
29 Sinabi ng kalalakihan ng lungsod sa isa't-isa, “Sino ang gumawa nito?” Nang kinausap nila ang iba at naghanap ng kasagutan, sinabi nila, “Si Gideon na anak ni Joas ang gumawa ng bagay na ito.”
At sila'y nangagsalitaan, Sino ang gumawa ng bagay na ito? At nang kanilang usisain at itanong ay kanilang sinabi, Ginawa ni Gedeon na anak ni Joas ang bagay na ito.
30 Pagkatapos sinabi ng mga kalalakihan ng bayan kay Joas, “Dalhin palabas ang iyong anak na lalaki para siya ay mailagay sa kamatayan, dahil winasak niya ang altar ni Baal, at binuwal niya ang Asera sa tabi nito.”
Nang magkagayo'y sinabi kay Joas ng mga lalake sa bayan, Ilabas mo ang iyong anak upang siya'y mamatay: sapagka't kaniyang iniwasak ang dambana ni Baal, at sapagka't kaniyang pinutol ang Asera na nasa siping niyaon.
31 Sinabi ni Joas sa lahat ng tumututol sa kaniya, “Pakikiusapan ba ninyo ang kaso para kay Baal? Kayo ba ang magliligtas sa kaniya? Sinuman ang magmaka-awa sa kaso para sa kaniya, hayaan siyang malagay sa kamatayan habang umaga pa. Kung si Baal ay isang diyos, hayaan siyang ipagtanggol ang kaniyang sarili kapag winasak ng sinuman ang kaniyang altar.”
At sinabi ni Joas sa lahat na nakatayong laban sa kaniya, Ipagsasanggalang ba ninyo si Baal? o ililigtas ba ninyo siya? yaong magsasanggalang sa kaniya ay papatayin samantalang umaga pa; kung siya'y dios ay magsanggalang siya sa kaniyang sarili, sapagka't may nagwasak ng kaniyang dambana.
32 Kaya sa araw na iyon si Gideon ay binigyan ng pangalang, “Jeru Baal”, dahil sinabi niya, “Hayaang ipagtanggol ni Baal ang kaniyang sarili laban sa kaniya,” dahil winasak ni Gideon ang kaniyang altar.
Kaya't nang araw na yaon ay tinawag siyang Jerobaal, na sinasabi, Magsanggalang si Baal laban sa kaniya, sapagka't iniwasak niya ang kaniyang dambana.
33 Ngayon ang lahat ng mga Midianita, ang mga Amalekita, at ang mga tao sa silangan ay nagtipon ng magkakasama. Tumawid sila ng Jordan at nag-kampo sa lambak ng Jezreel.
Nang magkagayo'y lahat ng mga Madianita, at mga Amalecita at mga anak sa silanganan ay nagpulong; at sila'y nagtuloy at humantong sa libis ng Jezreel.
34 Pero binalot si Gideon ng Espiritu ni Yahweh. Hinipan ni Gideon ang isang trumpeta, tinawag ang angkan ng Abiezrita, para sila ay maaaring sumunod sa kaniya.
Nguni't ang Espiritu ng Panginoon ay suma kay Gedeon; at humihip siya ng isang pakakak; at ang mga Abiezerita ay nangagkapisan sa kaniya.
35 Nagpadala siya ng mga sugo sa buong Manases, at sila rin, ay tinawag para sumunod sa kanya. Siya rin ay nagpadala ng mga sugo sa Asher, Zebulun, at Neftali, at pumunta sila para makipagkita sa kaniya.
At nagsugo ng mga sugo sa buong Manases; at sila man ay nangakipisan sa kaniya: at siya'y nagsugo ng mga sugo sa Aser, at sa Zabulon, at sa Nephtali, at sila'y umahong sumalubong sa kanila.
36 Sinabi ni Gideon sa Diyos, “Kung binabalak mo akong gamitin para iligtas ang Israel, gaya ng sinabi mo—
At sinabi ni Gedeon sa Dios, Kung iyong ililigtas ang Israel sa pamamagitan ng aking kamay, gaya ng iyong sinalita.
37 Tingnan mo, inilalagay ko ang isang tela na gawa sa balahibo ng tupa sa giikang palapag. Kapag merong hamog sa balahibo ng tupa lamang, at tuyo sa lahat ng lupa, kung gayon malalaman ko na gagamitin mo ako para iligtas ang Israel, gaya ng sinabi mo.”
Narito, aking ilalagay ang isang balat na lana sa giikan; kung dumoon lamang sa balat ang hamog, at maging tuyo ang buong lupa, ay malalaman ko nga na iyong ililigtas ang Israel sa pamamagitan ng aking kamay, gaya ng iyong sinalita.
38 Ito ang nangyari—Bumangon si Gideon ng maaga nang sumunod na araw, piniga niyang sabay ang balahibo ng tupa, at piniga ang hamog mula sa balahibo ng tupa, tama lamang para punuin ang isang mangkok ng tubig.
At nagkagayon: sapagka't siya'y bumangong maaga ng kinaumagahan, at hinigpit ang buong balat, at piniga ang hamog sa balat, na isang tasang malaki ng tubig.
39 Pagkatapos sinabi ni Gideon sa Diyos, “Huwag kang magalit sa akin, magsasalita ako ng isa pang beses. Pakiusap pahintulutan mo ako ng isa pang pagsubok gamit ang balahibo ng tupa. Sa pagkakataong ito gawing tuyo ang balahibo ng tupa, at hayaang mayroong hamog sa lahat ng lupa sa palibot nito.”
At sinabi ni Gedeon sa Dios, Huwag magalab ang iyong galit laban sa akin, at magsasalita na lamang ako ng minsan pa: isinasamo ko sa iyo na ipasubok mo pa sa aking minsan sa pamamagitan ng balat: tuyuin mo ngayon ang balat lamang, at sa buong lupa ay magkaroon ng hamog.
40 Ginawa ng Diyos ang anumang kaniyang hiningi para sa gabing iyon. Ang balahibo ng tupa ay tuyo, at mayroong hamog sa lahat ng lupa sa palibot nito.
At ginawang gayon ng Dios nang gabing yaon: sapagka't natuyo ang balat lamang, at nagkaroon ng hamog sa buong lupa.