< Josue 18 >

1 Pagkatapos sama-samang nagtipon ang buong kapulungan ng bayan ng Israel sa Silo. Itinayo nila ang tolda ng pagpupulong doon at sinakop nila ang lupain sa kanilang harapan.
At ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay nagpupulong sa Silo, at itinayo ang tabernakulo ng kapisanan doon: at ang lupain ay sumuko sa harap nila.
2 Mayroon pang pitong lipi sa kalagitnaan ng bayan ng Israel na ang pamana ay hindi pa naitatalaga.
At nalabi sa mga anak ni Israel ay pitong lipi na hindi pa nababahaginan ng kanilang mana.
3 Sinabi ni Josue sa bayan ng Israel, “Hanggang kailan ninyo ipagpapaliban ang pagpunta sa lupain na ibinigay sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno?
At sinabi ni Josue sa mga anak ni Israel, Hanggang kailan magpapakatamad kayo upang pasukin ninyong ariin ang lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon, ng Dios ng inyong mga magulang?
4 Maghirang kayo para sa inyong sarili ng ng tatlong lalaki mula sa bawat lipi, at ipapadala ko sila. Pupunta sila at susuriin ang itaas at ibaba ng lupain. Susulat sila ng isang paglalarawan nito kasama ng isang tanawin sa kanilang mga mamanahin, at pagkatapos babalik sila sa akin.
Maghalal kayo sa inyo ng tatlong lalake sa bawa't lipi: at aking susuguin, at sila'y babangon at lalakad sa lupain, at iguguhit ayon sa kanilang mana; at sila'y paririto sa akin.
5 Hahatiin nila ito sa pitong bahagi. Mananatili ang Juda sa kanilang lupain sa dakong timog, at ang sambahayan ni Jose ay magpapatuloy sa kanilang lupain sa dakong hilaga.
At kanilang babahagihin ng pitong bahagi: ang Juda ay mananahan sa hangganan niyaon na dakong timugan, at ang sangbahayan ni Jose ay mananahan sa kanilang hangganan sa dakong hilagaan.
6 Ilalarawan ninyo ang lupain sa pitong bahagi at dadalhin ang paglalarawan dito sa akin. Magpapalabunutan ako para sa inyo dito sa harapan ni Yahweh na aming Diyos.
At inyong iguguhit ang lupain ng pitong bahagi, at inyong dadalhin ang pagkaguhit dito sa akin: at aking ipagsasapalaran dito sa inyo sa harap ng Panginoon natin Dios;
7 Walang kabahagi ang mga Levita sa inyo, dahil ang pagkapari mula kay Yahweh ang kanilang minana. Tinanggap na ng Gad, Ruben at ang kalahating lipi ni Manases ang kanilang minana, lampas ng Jordan. Ito ang pamana na ibinigay sa kanila ni Moises na lingkod ni Yahweh.”
Sapagka't ang mga Levita ay walang bahagi sa gitna ninyo; sapagka't ang pagkasaserdote sa Panginoon ay siyang kanilang mana: at ang Gad, at ang Ruben at ang kalahating lipi ni Manases ay tumanggap na ng kanilang mana sa dako roon ng Jordan na dakong silanganan, na ibinigay sa kanila ni Moises na lingkod ng Panginoon.
8 Kaya tumayo ang mga lalaki at umalis. Inutusan ni Josue ang mga pumunta para isulat ang paglarawan ng lupain, sinabing, “Umakyat at bumaba sa lupain at sumulat ng isang paglalarawan nito at bumalik sa akin. Magpapalabunutan ako para inyo dito sa harapan ni Yahweh sa Silo.”
At ang mga lalake ay tumindig at yumaon: at ibinilin sa kanila ni Josue na yumaong iguhit ang lupain, na sinasabi, Yumaon kayo at lakarin ninyo ang lupain at iguhit ninyo at bumalik kayo sa akin, at aking ipagsasapalaran sa inyo dito sa harap ng Panginoon sa Silo.
9 Umalis ang mga lalaki at umakyat at bumabang lumakad sa lupain at isinulat ang isang paglalarawan nito sa isang balumbon ng kasulatan sa pamamagitan ng pitong bahagi ng lungsod, nagtatala ng mga lungsod sa bawat bahagi sa bawat bahagi. Pagkatapos bumalik sila kay Josue sa kampo sa Silo.
At ang mga lalake ay yumaon at nilakad ang lupain, at iginuhit sa isang aklat ayon sa mga bayan na pitong bahagi, at sila'y naparoon kay Josue sa kampamento sa Silo.
10 Pagkatapos nagpalabunutan si Josue para sa kanila sa harapan ni Yahweh sa Silo. At doon itinalaga ni Josue ang lupain sa bayan ng Israel—ibinigay sa bawat isa ang kaniyang kabahagi ng lupa.
At ipinagsapalaran ni Josue sa kanila sa Silo sa harap ng Panginoon; at binahagi roon ni Josue ang lupain sa mga anak ni Israel ayon sa kanilang mga bahagi.
11 Ang pagtatalaga ng lupa para sa lipi ni Benjamin ay ibinigay sa bawat mga angkan nila. Matatagpuan sa pagitan ng mga kaapu-apuhan ni Juda at sa mga kaapu-apuhan ni Jose ang nasasakupan ng kanilang nakatalagang lupa.
At ang kapalaran ng lipi ng mga anak ni Benjamin ay lumabas ayon sa kanilang mga angkan: at ang hangganan ng kanilang kapalaran ay palabas sa pagitan ng mga anak ni Juda at ng mga anak ni Jose.
12 Sa dakong hilaga, nagsimula ang kanilang hangganan sa Jordan. Umabot ang hangganan sa hilagang gulod ng Jerico, at pagkatapos hanggang sa pakanlurang maburol na lupain. Umabot ito doon sa ilang ng Beth Aven.
At ang kanilang hangganan sa hilagaang sulok ay mula sa Jordan; at ang hangganan ay pasampa sa dako ng Jerico sa hilagaan, at pasampa sa lupaing maburol na dakong kalunuran; at ang labasan niyaon ay sa ilang ng Beth-aven.
13 Mula roon dumaan ang hangganan sa timog sa dako ng Luz (parehong lugar tulad ng Betel). Pagkatapos bumaba ang hangganan sa Atarot Adar, sa tabi ng bundok na naroon sa timog ng Bet Horon.
At ang hangganan ay patuloy mula roon hanggang sa Luz, sa dako ng Luz (na siyang Beth-el), na dakong timugan; at ang hangganan ay pababa sa Ataroth-addar, sa tabi ng bundok na dumudoon sa timugan ng Beth-horon sa ibaba.
14 Pagkatapos nagpatuloy ang hangganan sa ibang direksyon: sa dakong kanluran, lumiko ito patungong timog, patungo sa bundok sa ibayo mula sa Bet Horon. Nagtapos ang hangganang ito sa Kiriat Baal (iyon ay, Kiriat Jearim), isang lungsod na pag-aari sa lipi ni Juda. Bumuo ito ng hangganan sa dakong kanluran.
At ang hangganan ay patuloy at paliko sa kalunurang sulok na dakong timugan mula sa bundok na nakalatag sa harap ng Beth-horon na dakong timugan, at ang mga labasan niyaon ay sa Chiriath-baal (na siyang Chiriath-jearim), na bayan ng mga anak ni Juda: ito ang kalunurang sulok.
15 Nagsimula sa labas ng Kiriat Jearim ang timog na dako. Nagmula roon ang hangganan patungong Epron, hanggang sa bukal na mga tubig ng Neptoa.
At ang timugang sulok ay mula sa kahulihulihang bahagi ng Chiriath-jearim at ang hangganan ay palabas sa dakong kalunuran, at palabas sa bukal ng tubig ng Nephtoa:
16 Pagkatapos bumaba ang hangganan sa bundok na kasalungat ng lambak ng Ben Hinnom, na nasa hilagang dulo ng lambak ng Rephaim. Bumaba ito sa lambak ng Hinnom, timog ng libis ng mga Jebuseo, at nagpatuloy pababa sa En Rogel.
At ang hangganan ay pababa sa kahulihulihang bahagi ng bundok na nakalatag sa harap ng libis ng anak ni Hinnom, na nasa libis ng Rephaim na dakong hilagaan; at pababa sa libis ni Hinnom, sa dako ng Jebuseo na dakong timugan at pababa sa En-rogel;
17 Lumiko ito pahilaga, papunta sa direksyon ng En Semes, at mula roon lumabas ito sa Gelilot, na kasalungat sa paakyat ng Adummim. Pagkatapos bumaba ito sa Bato ni Bohan (anak na lalaki ni Ruben si Bohan).
At paabot sa hilagaan at palabas sa En-semes, at palabas sa Geliloth na nasa tapat ng pagsampa sa Adummim; at pababa sa bato ng Bohan na anak ni Ruben,
18 Dumaan ito sa hilaga sa gilid ng daan ng Bet Araba at pababa sa Araba.
At patuloy sa tagiliran na tapat ng Araba sa dakong hilagaan, at pababa sa Araba;
19 Dumaan ang hangganan sa hilaga sa gilid ng daan ng Bet Hogla. Nagtapos ang hangganan sa hilagang look ng Dagat ng Asin, sa timugang dulo ng Jordan. Ito ang hangganan sa timog.
At ang hangganan ay patuloy sa tabi ng Beth-hogla na dakong hilagaan, at ang labasan ng hangganan ay sa hilagaang dagat-dagatan ng Dagat na Alat, sa timugang dulo ng Jordan; ito ang timugang hangganan.
20 Nabuo nito ang hangganan ng Jordan sa silangang bahagi. Ito ang pamana sa lipi ni Benjamin, at ibinigay ito sa bawa't isa sa kanilang mga angkan, hangganan pagkatapos ng hangganan, sa buong palibot.
At ang Jordan ay hangganan niyaon sa sulok na silanganan. Ito ang mana ng mga anak ni Benjamin ayon sa mga hangganan niyaon sa palibot, ayon sa kanilang mga angkan.
21 Ngayon ang mga lungsod ng lipi ni Benjamin ayon sa kanilang mga angkan ay Jerico, Bet Hogla, Emek Keziz,
Ang mga bayan nga ng lipi ng mga anak ni Benjamin ayon sa kanilang mga angkan ay Jerico, at Beth-hogla, at Emec-casis:
22 Bet Araba, Zemaraim, Betel,
At Beth-araba, at Samaraim, at Beth-el,
23 Avvim, Para, Opra,
At Avim, at Para, at Ophra,
24 Kepar Ammoni, Opni, at Geba. May labindalawang lungsod, hindi kabilang ang kanilang mga nayon.
At Cephar-hammonai, at Ophni, at Gaba, labing dalawang bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.
25 Naroon din ang mga lungsod ng Gibeon, Rama, Beerot,
Gabaon, at Rama, at Beeroth,
26 Mizpe, Kepira, Moza,
At Mizpe, at Chephira, at Moza;
27 Rekem, Irpeel, Tarala,
At Recoem, at Irpeel, at Tarala;
28 Zela, Haelep, Jebus (pareho sa Jerusalem), Gibea, at Kiriat. Mayroong labing-apat na mga lungsod, hindi kabilang ang kanilang mga nayon. Ito ang pamana ni Benjamin para sa kanilang mga angkan.
At Sela, Eleph, at Jebus (na siyang Jerusalem), Gibeath, at Chiriath; labing apat na bayan pati ng mga nayon ng mga yaon. Ito ang mana ng mga anak ni Benjamin ayon sa kanilang mga angkan.

< Josue 18 >