< Juan 21 >
1 Pagkatapos ng mga ito, nagpakita muli si Jesus sa mga alagad sa Dagat ng Tiberias; sa ganito niya pinakita ang kaniyang sarili:
2 Si Simon Pedro kasama sila Tomas na tinatawag na Didimus, Nataniel na mula sa Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedee, at iba pang dalawang alagad ni Jesus.
3 Sinabi ni Simon Pedro sa kanila, “Ako ay mangingisda.” Sinabi nila sa kaniya, “Kami rin ay sasama sa iyo.” Umalis sila at sumakay sa isang bangka, ngunit sa buong gabing iyon ay wala silang nahuli.
4 Nang magbubukang liwayway na, tumayo si Jesus sa dalampasigan, ngunit hindi nakikilala ng mga alagad na iyon ay si Jesus.
5 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Mga kabataan, mayroon ba kayong kahit anumang makakain? Sumagot sila sa kaniya, “Wala.”
6 Sinabi niya sa kanila, “Ihagis ninyo ang lambat sa kanang bahagi ng bangka at mayroon kayong mahuhuli.” Kaya inihagis nga nila ang kanilang lambat, ngunit hindi na nila ito mahatak dahil sa dami ng mga isda.
7 Pagkatapos sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus, “Ang Panginoon iyon.” Nang marinig ni Simon Pedro na siya ang Panginoon, sinuot niya ang kaniya damit panlabas ( dahil siya ay bahagyang nakahubad), at tumalon sa dagat.
8 Ang ibang mga alagad ay sumakay sa bangka (dahil sila ay hindi naman malayo mula sa lupa, humigit kumulang, mga dalawang daang kubit), at kanilang hinihila ang lambat na puno ng isda.
9 Nang makaahon sila sa lupa, may nakita sila nagbabagang uling at may isdang nakalagay sa ibabaw nito, at may tinapay.
10 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Magdala kayo ng ilang mga isda na kahuhuli ninyo pa lamang.”
11 Umakyat si Simon Pedro at hinatak ang lambat sa lupa, puno ng malalaking isda, 153 ang mga ito, kahit napakarami ng mga ito, ang lambat ay hindi napunit.
12 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Halikayo at mag-almusal.” Wala sa mga alagad ang nagtangkang magtanong sa kaniya na, “Sino ka?” Alam nila na siya ang Panginoon.
13 Lumapit si Jesus, kinuha ang tinapay, at ibinigay ito sa kanila, ganoon din ang isda.
14 Ito ang ikatlong beses na pinakita ni Jesus ang kaniyang sarili sa mga alagad pagkatapos niyang bumangon mula sa patay.
15 Pagkatapos nilang mag-agahan, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, “Simon anak ni Juan, mas mahal mo ba ako kaysa sa mga ito?” Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Oo, Panginoon; alam mo na mahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Pakainin mo ang aking mga tupang bata.”
16 Sa pangalawang pagkakataon, sinabi niya muli sa kaniya, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako? Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Oo, Panginoon, alam mo na mahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Alagaan mo ang aking mga tupa”.
17 Sinabi ni Jesus sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro dahil sinabi sa kanya ni Jesus ng ikatlong beses, “Mahal mo ba ako?” Sinabi niya sa kaniya, “Panginoon, alam mo ang lahat ng mga bagay; alam mo na mahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Pakainin mo ang aking tupa”.
18 Tunay nga sinabi ko sa iyo, noong bata ka pa, dinadamitan mo ang iyong sarili at lumalakad ka kahit saan mo gusto; subalit pagtumanda ka na, iuunat mo ang iyong mga kamay, at ibang tao ang magdadamit sa iyo at dadalhin ka sa lugar na ayaw mong puntahan.”
19 Ngayon sinabi ito ni Jesus upang ipakita kung anong uri ng kamatayan na maluluwalhati ni Pedro ang Diyos. Pagkatapos niyang sabihin ito, sinabi niya kay Pedro, “Sumunod ka sa akin.”
20 Lumingon si Pedro at nakita ang alagad na minamahal ni Jesus na sumusunod sa kanila - na siya ring sumandal sa dibdib ni Jesus sa hapunan at nagsabi, “Panginoon, sino ang magkakanulo sa iyo?
21 Nakita siya ni Pedro at sinabi kay Jesus, “Panginoon, ano ang gagawin ng lalaking ito?”
22 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Kung nais kong maghintay siya hangang sa aking pagbalik, ano iyon sa iyo? Sumunod ka sa akin.”
23 Kaya itong pahayag na ito ay kumalat sa mga kapatiran, na yung alagad na iyon ay hindi mamamatay. Ngunit hindi sinabi ni Jesus kay Pedro na ang alagad na ito ay hindi mamamatay, ngunit, “Kung nais ko na dapat siyang maghintay hanggang sa aking pagbalik, ano iyon sa iyo?”
24 Ito ang alagad na nagpapatotoo tungkol sa mga bagay na ito, at siya ang sumulat ng mga bagay na ito, at alam namin na ang kaniyang patotoo ay totoo.
25 Marami pa ring ibang mga bagay ang ginawa ni Jesus. Kung ang bawat isa ay naisulat, sa palagay ko kahit ang mundo mismo ay hindi mapagkakasya ang mga aklat na maisusulat.