< Juan 19 >
1 Pagkatapos kinuha ni Pilato si Jesus at nilatigo siya.
2 Ang mga sundalo ay pumilipit ng mga tinik upang gumawa ng korona. Inilagay nila ito sa ulo ni Jesus at dinamitan siya ng kulay lilang na kasuotan.
3 Lumapit sila sa kaniya at sinabi, “Bigyang parangal, ang Hari ng mga Judio!” At hinampas nila siya ng kanilang mga kamay.
4 Pagkatapos ay lumabas muli si Pilato at sinabi sa mga tao. “Tingnan ninyo, inilalabas ko ang lalaki sa inyo upang malaman ninyo na wala akong nakitang kasalanan sa kaniya.”
5 Kaya lumabas si Jesus; suot- suot niya ang koronang mga tinik at kulay lilang na kasuotan. Pagkatapos sinabi ni Pilato sa kanila, “Tingnan ninyo, narito ang lalaki.”
6 Kaya nga nang makita ng mga pinunong pari at ng mga opisiyal si Jesus, sumigaw sila at sinabin, “Ipako siya! Ipako siya!” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Kayo na mismo ang kumuha sa kaniya at ipako siya sapagkat wala akong nakitang krimen sa kaniya.”
7 Sumagot ang mga Judio kay Pilato, “Mayroon kaming isang batas, at sa pamamagitan ng batas na iyon dapat siyang mamatay dahil ginawa niya ang kaniyang sarili na Anak ng Diyos.”
8 Nang marinig ni Pilato ang pahayag na ito, mas lalo pa siyang natakot,
9 at pumasok siyang muli sa Pretorio at sinabi kay Jesus, “Saan ka nanggaling?” Subalit hindi siya binigyan ng sagot ni Jesus.
10 Pagkatapos, sinabi ni Pilato sa kaniya, “Hindi ka ba magsasalita sa akin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan ako na palayain ka at kapangyarihan na ipapako ka?”
11 Sumagot si Jesus sa kaniya, “Wala kang kapangyarihan laban sa akin maliban kung ito ay ibinigay sa iyo mula sa itaas. Kaya ang taong nagdala sa akin sa iyo ay may mas malaking kasalanan.”
12 Sa sagot na ito, sinubukan ni Pilato na palayain siya, ngunit ang mga Judio ay sumigaw at sinabi, “Kung papalayain mo ang lalaking ito, ikaw ay hindi kaibigan ni Cesar: Lahat ng tao na ginagawa ang kaniyang sarili na isang hari ay nagsasalita laban kay Cesar.”
13 Nang marinig ni Pilato ang mga salitang ito, inilabas niya si Jesus at umupo sa upuan ng paghuhukom sa lugar na tinatawag na Ang Entablado, ngunit sa Hebreo ay Gabbatha.
14 Ngayon, ito ay ang araw ng paghahanda para sa Paskwa, nang mag-iika-anim na oras. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Tingnan ninyo, narito ang inyong hari!”
15 Sumigaw sila, “ilayo ninyo siya sa amin, ilayo ninyo siya amin, ipako siya.” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Dapat ko bang ipako ang inyong Hari?” Sumagot ang mga pinunong pari, “Wala kaming ibang hari kundi si Cesar.”
16 Pagkatapos, ibinigay ni Pilato si Jesus sa kanila upang maipako.
17 Kaya dinala nila si Hesus, at siya ay lumabas, pasan-pasan niya ang krus, tungo sa lugar na kung tawagin ay Ang Lugar ng Bungo, na sa Hebreo ay tinatawag na Golgota.
18 Doon nila ipinako si Jesus, kasama niya ang dalawa pang lalaki, isa sa magkabilang tabi, at nasa gitna si Jesus.
19 Sumulat rin si Pilato ng karatula at inilagay ito sa krus. Ito ang nakasulat doon: SI JESUS Na TAGA NAZARET, ANG HARI NG MGA JUDIO.
20 Maraming mga Judio ang nakabasa ng karatulang ito dahil ang lugar kung saan ipinako si Jesus ay malapit sa lungsod. Ang karatula ay naisulat sa Hebreo, sa Latin at sa Griyego.
21 At sinabi ng mga pinunong pari ng mga Judio kay Pilato, “Huwag mong isulat, 'Ang hari ng mga Judio', sa halip ay ang sinabi niyang, 'Ako ang Hari ng mga Judio.'”
22 Sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko na ay naisulat ko na.”
23 Pagkatapos ipako ng mga sundalo si Jesus, kinuha nila ang kaniyang kasuotan at pinaghatihati ng apat, isang bahagi sa bawat sundalo, at gayon din ang tunika. Ngayon ang tunika ay walang tahi, ito ay hinabi mula sa itaas at sa lahat ng bahagi.
24 Pagkatapos sinabi nila sa isa't isa, “Huwag nating punitin ito, sa halip tayo ay magsapalaran para dito upang malaman natin kung kanino ito mapupunta.” Nangyari ito upang maganap ang kasulatan na nagsasabi, “Pinaghati-hatian nila ang mga kasuotan ko sa kanilang mga sarili, at para sa aking damit sila ay nagsapalaran.”
25 Ginawa ng mga sundalo ang mga bagay na ito. Ang ina ni Jesus, ang kapatid ng ina ni Jesus, si Maria na asawa ni Cleopas, at Maria Magdalena— ang mga babaeng ito ay nakatayo malapit sa krus ni Jesus.
26 Nang makita ni Jesus ang kaniyang ina at ang alagad na kaniyang minamahal na nakatayo sa malapit, sinabi ni Jesus sa kaniyang ina, “Babae, tingnan mo, narito ang iyong anak.”
27 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa alagad, “Tingnan mo, narito ang iyong ina!” Mula sa mga oras na iyon tinanggap na siya ng alagad na kabahagi ng sariling niyang tahanan.
28 Pagkatapos nito si Jesus, dahil alam niya na ang lahat ng mga bagay ay tapos na, upang ang kasulatan ay magkatotoo sinabi niya, “Ako ay nauuhaw.”
29 Isang lalagyan na puno ng maasim na alak ang nailagay doon, kaya naglagay sila ng isang espongha puno ng maasim na alak sa isang tukod ng isopo at iniangat ito sa kaniyang bibig.
30 Nang matanggap ni Jesus ang maasim na alak, sinabi niya, “Naganap na.” Iniyuko niya ang kaniyang ulo at isinuko ang kaniyang espiritu.
31 Noon ay Paghahanda, at upang hindi manatili ang katawan sa krus habang Araw ng Pamamahinga, (sapagkat ang Araw ng Pamamahinga ay isang mahalagang araw), hiniling ng mga Judio kay Pilato na ang mga binti ng mga lalaking ipinako ay baliin, at ibaba na ang kanilang mga katawan.
32 At pumunta ang mga sundalo at binali ang mga binti ng unang lalaki at ng ikalawang lalaki na napako kasama ni Jesus.
33 Nang pumunta sila kay Jesus, nakita nila na siya ay patay na kaya hindi na nila binali ang kaniyang mga binti.
34 Gayunpaman, tinusok ng isa sa mga sundalo ang kaniyang tagiliran gamit ang sibat, at agad-agad lumabas ang dugo at tubig.
35 Ang nakakita nito ay naging saksi at at ang kaniyang patotoo ay totoo. Alam niya na anuman ang kaniyang sinabi ay totoo upang kayo din ay maniwala.
36 Ang mga bagay na ito ay nangyari upang ang kasulatan ay matupad, “Walang mababali ni isa sa kaniyang mga buto.”
37 Isa pang kasulatan ay nagsabi, “Pagmamasdan nila siya na kanilang ipinako.”
38 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jose na taga Arimatea, dahil siya ay isa sa mga alagad ni Jesus, ngunit sa takot sa mga Judio ay palihim na hiniling kay Pilato kung maaari niyang kunin ang katawan ni Jesus. Binigyan siya ni Pilato ng pahintulot. Kaya pumunta si Jose at kinuha ang kaniyang katawan.
39 Pumunta rin si Nicodemo, na siyang unang pumunta kay Jesus ng gabi. Nagdala siya ng pinaghalong mira at sabila, mga isang daang litras ang bigat.
40 Kaya kinuha nila ang katawan ni Jesus at binalot ito ng telang lino na may kasamang mga pabango, ayun sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing ng mga katawan.
41 Ngayon, sa lugar kung saan siya napako ay may isang hardin; at sa hardin na iyon ay may isang bagong libingan na kung saan ay wala pang tao na naililibing.
42 Dahil ito ay araw ng paghahanda para sa mga Judio at dahil sa malapit lang ang libingan, inilagay nila si Jesus doon.