< Joel 3 >
1 Tingnan ninyo, sa mga araw na iyon at sa oras na iyon, kapag ibinalik ko ang pagkakabihag ng mga Juda at Jerusalem,
2 titipunin ko ang lahat ng mga bansa at dadalhin sila pababa sa bayan ni Jehoshafat. Hahatulan ko sila doon, dahil sa aking mga tao at ang aking tagapagmanang Israel na kanilang ikinalat sa mga bansa at dahil hinati-hati nila ang aking lupain.
3 Nagpalabunutan sila para sa aking mga tao, ipinagpalit ang batang lalaki para sa nagbebenta ng aliw at ipinagbili ang batang babae para sa alak upang sila ay makainom.
4 Ngayon, bakit kayo nagagalit sa akin mga taga-Tiro, Sidon at sa lahat ng nasa rehiyon ng Filistea? Gagantihan ba ninyo ako? Kahit pa gumanti kayo sa akin, kaagad kong ibabalik ang paghihiganti sa inyong mga sariling ulo.
5 Sapagkat kinuha ninyo ang aking pilak at ang aking ginto, at idinala ninyo ang aking mga mahahalagang kayamanan sa inyong mga templo.
6 Ipinagbili ninyo ang mga tao ng Juda at Jerusalem sa mga Griego, upang mailayo ninyo sila sa kanilang lupain.
7 Tingnan ninyo, paaalisin ko na sila mula sa mga lugar kung saan ninyo sila ipinagbili at ibabalik ko sa inyong mga ulo ang inyong ganti.
8 Ipagbibili ko ang inyong mga anak sa pamamagitan ng mga kamay ng mga tao ng Juda. Ipagbibili sila sa mga Sabeo, isang malayong bansa sapagkat ito ang sinabi ni Yahweh.
9 Ipahayag ninyo ito sa mga bansa: 'Ilaan ninyo ang inyong sarili para sa isang digmaan, gisingin ninyo ang mga malalakas na kalalakihan, hayaan silang lumapit at hayaang sumalakay ang lahat ng mandirigma.
10 Gawin ninyong mga espada ang inyong mga araro at ang inyong mga pangtabas na mga sibat. Hayaang sabihin ng mga mahihina, “Ako ay malakas.”
11 Magmadali kayo at pumarito, kayong mga karatig bansa at magtipun-tipon kayo.' Ipadala mo doon ang iyong mga malalakas na mandirigma, Yahweh.
12 Hayaan mong gisingin ng mga bansa ang kanilang mga sarili at pumunta sa lambak ni Jehoshafat. Sapagkat doon ako uupo upang hatulan ang lahat ng nakapalibot na mga bansa.
13 Gamitin ninyo ang karit dahil hinog na ang ani. Halikayo, durugin ninyo ang mga ubas dahil puno na ang mga pigaan ng ubas, umaapaw na ang mga kawa dahil katakut-takot ang kanilang kasamaan.
14 Mayroong kaguluhan, isang kaguluhan sa lambak ng Paghuhukom. Dahil ang araw ni Yahweh ay malapit sa lambak ng Paghuhukom.
15 Didilim ang araw at buwan, mawawalan ng liwanag ang mga bituin.
16 Sisigaw si Yahweh mula sa Zion, at lalakas ang kaniyang tinig mula sa Jerusalem. Mayayanig ang kalangitan at lupa, ngunit si Yahweh ang magiging kanlungan ng kaniyang mga tao at sandigan para sa mga tao ng Israel.
17 “Upang malaman ninyo na ako si Yahweh ang inyong Diyos na nananahan sa Zion, sa aking banal na bundok. At magiging banal ang Jerusalem, at wala nang hukbo ang muling sasalakay pa sa kaniya.
18 At mangyayari nga sa araw na iyon na papatak ang matamis na alak sa mga bundok, aapaw ang gatas sa mga burol, dadaloy ang tubig sa lahat ng mga batis ng Juda, at isang bukal ang manggagaling sa tahanan ni Yahweh at didiligan ang lambak ng Acacia.
19 Magiging wasak na lugar ang Egipto at magiging napabayaang ilang ang Edom dahil sa ginawa nilang karahasan sa mga tao ng Juda, dahil nagpadanak sila ng dugo ng mga walang kasalanan sa kanilang lupain.
20 Ngunit mananahan ang Juda magpakailanman, at mananahan ang mga salinlahi ng Jerusalem.
21 Ipaghihiganti ko ang kanilang dugo na hindi ko pa naipaghiganti,” sapagkat nananahan si Yahweh sa Zion.