< Job 6 >

1 Pagkatapos sumagot si Job at sinabing,
Nang magkagayo'y sumagot si Job at nagsabi,
2 “O, kung titimbangin lamang ang aking paghihirap, at susukatin ang lahat ng aking mga sakuna!
Oh timbangin nawa ang aking pagkainip, at ang aking mga kasakunaan ay malagay sa mga timbangan na magkakasama.
3 Sa ngayon mas magiging mabigat pa ito kaysa sa lahat ng buhangin sa dagat. Kaya nga naging padalos-dalos ako sa aking mga salita.
Sapagka't ngayo'y magiging lalong mabigat kay sa buhangin sa mga dagat: kaya't ang aking pananalita ay napabigla.
4 Dahil ang mga palaso ng Makapangyarihan ay nakaabang sa akin, ang aking espiritu ay iniinom ang lason; ang mga kaparusahan ng Diyos ay nagsunod-sunod laban sa akin.
Sapagka't ang mga palaso ng Makapangyarihan sa lahat ay nasasaksak sa akin, ang lason niyaon ay hinitit ng aking diwa; ang mga pangkilabot ng Dios ay nangahahanay laban sa akin.
5 Ang isa bang mabangis na asno ay uungal kung marami namang damo? O ang mga baka ba ay uungal kung may dayami naman silang makakain?
Umuungal ba ang mailap na asno pag may damo? O umuungal ba ang baka sa kaniyang pagkain?
6 Ang isang pagkain ba na walang lasa ay makakain kung walang asin? O may kung anong lasa ba sa puti ng itlog?
Makakain ba ng walang asin ang matabang? O mayroon bang lasa ang puti ng isang itlog?
7 Tumatanggi akong hawakan sila; tulad sila ng mga nakakapandiring pagkain sa akin.
Tinatanggihang hipuin ng aking kaluluwa; mga karumaldumal na pagkain sa akin.
8 O, sana matanggap ko na ang aking hinihiling, oh, ibigay na sana ng Diyos ang aking minimithi;
Oh mangyari nawa ang aking kahilingan; at ipagkaloob nawa sa akin ng Dios ang bagay na aking minimithi!
9 na malugod ang Diyos na durugin niya ako ng isang beses, na bitawan niya ako at putulin sa buhay na ito.
Sa makatuwid baga'y kalugdan nawa ng Dios na pisain ako; na bitawan ang kaniyang kamay, at ihiwalay ako!
10 Sana ito na lang ang aking maging pampalubag-loob—kahit na magsaya ako sa hindi napapawing hapdi: na hindi ko sinuway ang mga salita ng Tanging Banal.
Kung magkagayo'y magtataglay pa ako ng kaaliwan; Oo, ako'y makapagbabata sa mga walang awang sakit; sapagka't hindi ko itinakuwil ang mga salita ng Banal.
11 Ano ba ang aking lakas, na kailangan ko pang maghintay? Ano ba ang aking katapusan, na kailangan kong pahabain ang aking buhay?
Ano ang aking lakas, na ako'y maghihintay? At ano ang aking wakas na ako'y magtitiis?
12 Ang lakas ko ba ay kasing lakas ng mga bato? O ang aking mga kalamnan ay gawa sa tanso?
Ang akin bang tibay ay tibay ng mga bato? O ang akin bang laman ay tanso?
13 Hindi ba totoo na hindi ko kayang tulungan ang aking sarili, at ang karunungan ay tinanggal sa akin?
Di ba ako'y walang sukat na kaya, at ang karunungan ay lumayo sa akin?
14 Para sa isang taong malapit nang mawalan ng malay, dapat ipakita ng kaniyang kaibigan ang katapatan; kahit na pinabayaan niya pa ang kaniyang takot sa Makapangyarihan.
Siyang nanglulupaypay ay dapat pagpakitaang loob ng kaniyang kaibigan; kahit siya na walang takot sa Makapangyarihan sa lahat.
15 Pero naging matapat ang mga kapatid ko sa akin, na tulad ng mga batis sa disyerto, na tulad ng mga daluyan ng tubig na natutuyo,
Ang aking mga kapatid ay nagsipagdaya na parang batis, na parang daan ng mga batis na nababago;
16 na dumidilim dahil sa mga yelong tumatakip sa mga ito, at dahil sa mga niyebe na ikinukubli ang sarili sa kanila.
Na malabo dahil sa hielo, at siyang kinatunawan ng nieve:
17 Kapag sila ay natunaw, sila ay mawawala; kapag ang panahon ay mainit, nalulusaw sila sa kanilang kinalalagyan.
Paginit ay nawawala: pagka mainit, ay nangatutunaw sa kanilang dako.
18 Ang mga karawan ay gumigilid para maghanap ng tubig, nagpapaikot-ikot sila sa tuyong lupain at saka mamamatay.
Ang mga pulutong na naglalakbay sa pagsunod sa mga yaon ay nangaliligaw; nagsisilihis sa ilang at nawawala.
19 Ang mga karawan mula sa Tema ay pinagmamasdan sila, gayun din sa pangkat ng mga taga-Sheba na umaasa sa kanila.
Minasdan ng mga pulutong na mula sa Tema, hinintay ang mga yaon ng mga pulutong na mula sa Seba.
20 Sila ay nabigo dahil umaasa sila na makakahanap ng tubig; pumunta sila roon pero sila ay nilinlang.
Sila'y nangapahiya, sapagka't sila'y nagsiasa; sila'y nagsiparoon at nangatulig.
21 Kaya ngayon, kayong mga kaibigan ko ay wala nang halaga sa akin; nakita ninyo ang aking kaawa-awang kalagayan pero kayo ay natatakot.
Sapagka't ngayon, kayo'y nauwi sa wala; kayo'y nangakakakita ng kakilabutan, at nangatatakot.
22 'Sinabi ko ba sa inyo na bigyan ninyo ako ng kahit ano?' 'O, regaluhan ninyo ako mula sa inyong kayamanan?'
Sinabi ko baga: Bigyan mo ako? O, Maghandog ka ng isang kaloob sa akin ng iyong pag-aari?
23 O, 'Iligtas ako mula sa kamay ng aking kalaban?' O, 'Tubusin ako sa kamay ng mga nang-aapi sa akin?'
O, Iligtas mo ako sa kamay ng kaaway? O, tubusin mo ako sa kamay ng mga namimighati?
24 Ituro ninyo sa akin, at ako ay mananahimik, ipaintindi ninyo sa akin kung saan ako nagkamali.
Turuan mo ako, at ako'y mamamayapa; at ipaunawa mo sa akin kung ano ang aking pinagkasalahan.
25 Sadya ngang napakasakit ng katotohanan! Pero ang inyong mga sinasabi, paano ba nito ako maitutuwid?
Pagkatindi nga ng mga salita ng katuwiran! Nguni't anong sinasaway ng iyong pakikipagtalo?
26 Balak ba ninyong hindi pansinin ang aking mga sinasabi, ituring ito ang salita ng isang tao na parang ito ay hangin?
Iniisip ba ninyong sumaway ng mga salita? Dangang ang mga salita ng walang inaasahan ay parang hangin.
27 Totoo nga, pinagpupustahan ninyo ang naulila sa ama, at pinagtatalunan ang inyong kaibigan na tulad ng isang kalakal.
Oo, kayo'y magsasapalaran sa ulila, at ginawa ninyong kalakal ang inyong kaibigan.
28 Subalit ngayon, tingnan ninyo ako at papatunayan ko sa inyo na hindi ako nagsisinungaling.
Ngayon nga'y kalugdan mong lingapin ako; sapagka't tunay na hindi ako magbubulaan sa iyong harap.
29 Pigilan ninyo ang inyong sarili, parang awa ninyo na; maging makatarungan kayo, maghunos-dili kayo dahil nasa tamang panig ako.
Kayo'y magsibalik isinasamo ko sa inyo, huwag magkaroon ng kalikuan; Oo, kayo'y magsibalik uli, ang aking usap ay matuwid.
30 May kasamaan ba sa aking dila? Hindi ba malalaman ng aking bibig ang malisyosong mga bagay?
May di ganap ba sa aking dila? Hindi ba makapapansin ang aking pagwawari ng mga suwail na bagay?

< Job 6 >