< Job 39 >

1 Alam mo ba kung anong panahon ipinapanganak ng ligaw na kambing sa mga bato ang kaniyang anak? Kaya mo bang pagmasdan ang mga usa habang ipinapanganak nila ang mga batang usa?
Nalalaman mo ba ang panahong ipinanganganak ng mga kambing bundok? O matatandaan mo ba ang mga pagdaramdam ng mga usa?
2 Kaya mo bang bilangin ang mga buwan na sila ay nagbubuntis? Alam mo ba ang panahon na kanilang dinadala ang kanilang mga anak?
Mabibilang mo ba ang mga buwan ng kanilang kagampanan? O nalalaman mo ba ang panahong kanilang ipinanganak?
3 Yumuyukod sila at pinapanganak ang kanilang anak, at pagkatapos winawakasan nila ang kanilang mga sakit sa panganganak.
Sila'y nagsisiyuko, kanilang inilalabas ang kanilang mga anak, kaniyang iniwawaksi ang kanilang kapanglawan.
4 Ang kanilang mga anak ay lumalakas at lumalaki sa mga damuhan; lumalabas sila at hindi na bumabalik muli.
Ang kanilang mga anak ay nagiging malakas, sila'y nagsisilaki sa kaparangan; sila'y nagsisiyao at hindi na nagsisibalik.
5 Sino ang nagpalaya sa ligaw na asno? Sino ang nagkalag sa mga gapos ng mabilis na asno,
Sinong nagpakawala sa mabangis na asno? O sinong nagkalag ng mga tali ng mailap na asno?
6 na ang tahanan ay ginawa ko sa Araba, ang kaniyang bahay sa asin na lupain?
Na ginawa kong bahay niya ang ilang, at ang lupaing maasin na kaniyang tahanan.
7 Tumatawa siya nang may panghahamak sa mga ingay sa lungsod; hindi niya naririnig ang mga sigaw ng kutsero.
Kaniyang nililibak ang kaguluhan ng bayan. Ni hindi niya dinidinig ang sigaw ng nagpapatakbo ng hayop.
8 Gumagala siya sa mga bundok bilang kaniyang pastulan; doon siya humahanap ng mga luntiang halaman para kainin.
Ang libot ng mga bundok ay kaniyang pastulan, at kaniyang sinasaliksik ang bawa't sariwang bagay.
9 Masaya bang maglilingkod sa iyo ang mabangis na toro? Pahihintulutan niya bang manatili sa iyong sabsaban?
Matutuwa ba ang bakang gubat na maglingkod sa iyo? O matitira ba sa siping ng iyong pasabsaban?
10 Gamit ang lubid, kaya mo bang pasunurin ang mabangis na toro para mag-araro ng mga tudling? Susuyurin niya ba ang mga lambak para sa iyo?
Matatalian mo ba ang bakang gubat ng iyong panali sa pangbukid? O magbubusagsag ba ng mga libis sa likuran mo?
11 Magtitiwala ka ba sa kaniya dahil kahanga-hanga ang kaniyang lakas? Iiwan mo ba sa kaniya para gawin ang iyong tungkulin?
Aasa ka ba sa kaniya, dahil sa siya'y totoong malakas? O iiwan mo ba ang iyong gawain sa kaniya?
12 Aasahan mo ba siyang dadalhin sa bahay ang iyong butil na titipunin para sa iyong giikan?
Ipagkakatiwala mo ba sa kaniya na iuuwi sa bahay ang iyong binhi, at pipisanin ang mga butil sa iyong giikan?
13 Ang mga pakpak ng ostrich ay nagmamalaking pumapagaspas, pero sila ba ang mga pakpak at balahibo ng pag-ibig?
Ang pakpak ng avestruz ay nagagalak; nguni't may kagandahang loob ba ang kanilang mga pakpak at mga balahibo?
14 Dahil iniiwan niya ang kaniyang mga itlog sa lupa, at hinahayaan niyang malimliman sila sa alikabok;
Sapagka't nagiiwan ng kaniyang mga itlog sa lupa, at pinaiinit ang mga yaon sa alabok,
15 nalilimutan niyang maaari silang madurog ng paa o maapakan ng isang mabangis na hayop.
At kinalilimutang mangapipisa ng paa, o mangayuyurakan ng mabangis na hayop.
16 Magaspang ang kaniyang pakikitungo sa kanila na parang sila ay hindi kaniya; hindi siya natatakot na ang kaniyang hirap ay mawalan ng kabuluhan,
Siya'y nagmamatigas laban sa kaniyang mga sisiw na tila hindi kaniya: bagaman ang kaniyang gawa ay mawalang kabuluhan, hindi niya ikinatatakot;
17 dahil pinagkaitan siya ng Diyos ng karunungan at hindi siya binigyan ng anumang pang-unawa.
Sapagka't binawian siya ng Dios ng karunungan, ni hindi siya binahaginan ng unawa.
18 Kapag mabilis siyang tumatakbo, tumatawa siya sa panlilibak sa kabayo at sa sakay nito.
Anomang panahon na siya'y napaiitaas, hinahamak niya ang kabayo at ang sakay nito.
19 Binigyan mo ba ng lakas ang kabayo? Dinamitan mo ba ang leeg niya ng kaniyang malambot na buhok?
Nagbigay ka ba sa kabayo ng kalakasan? Binihisan mo ba ang kaniyang leeg ng buhok na gumagalaw?
20 Napatalon mo na ba siya na parang balang? Ang katanyagan ng kaniyang pagsinghal ay nakakatakot.
Pinalulukso mo ba siya na parang balang? Ang kaluwalhatian ng kaniyang bahin ay kakilakilabot.
21 Yumayabag siya sa kapangyarihan at nagagalak sa kaniyang kalakasan; tumatakbo siya nang mabilis para salubungin ang mga sandata.
Siya'y kumukutkot sa libis, at nagagalak sa kaniyang kalakasan, siya'y sumasagupa sa mga taong may sandata.
22 Kinukutya niya ang takot at hindi nasisiraan ng loob; hindi siya umaatras sa espada.
Tinutuya niya ang takot at hindi nanglulupaypay: ni hindi tinatalikuran ang tabak.
23 Ang suksukan ng mga palaso ay kumakalampag sa kaniyang tagiliran, kasama ang kumikintab na sibat at dyabelin.
Ang suksukan ng pana ay tumutunog laban sa kaniya, ang makintab na sibat at ang kalasag.
24 Nilulunok niya ang lupa nang may bagsik at matinding galit; sa tunog ng trumpeta, hindi siya makatayo sa isang lugar.
Kaniyang sinasakmal ang lupa na may kabangisan at poot; ni hindi siya naniniwala na yao'y tunog ng pakakak.
25 Tuwing tutunog ang trumpeta, sinasabi niyang, 'Aha!' Naaamoy niya ang labanan sa malayo— ang dumadagundong na mga sigaw ng mga kumander at mga hiyawan.
Kaniyang sinasabi sa tuwing tutunog ang mga pakakak: Aha! At kaniyang naaamoy ang pagbabaka sa malayo, ang sigaw ng mga kapitan at ang hiyaw.
26 Sa pamamagitan ba ng karunungan mo nakakalipad ang lawin, na inuunat niya ang kaniyang mga pakpak papuntang timog?
Lumilipad ba ang uwak sa pamamagitan ng inyong karunungan, at iniuunat ba ang kaniyang mga pakpak sa dakong timugan?
27 Sa mga utos mo ba umaakyat ang agila at gumagawa ng kaniyang pugad sa matataas na lugar?
Napaiilanglang ba ang agila sa iyong utos, at gumagawa ba ng kaniyang pugad sa itaas?
28 Naninirahan siya sa mga bangin at ginagawa ang kaniyang tahanan sa mga tuktok ng mga bangin, isang matibay na tanggulan.
Sila'y nananahan sa malaking bato, at doon tumitira, sa taluktok ng burol at sa katibayan,
29 Mula roon naghahanap siya ng mga biktima; nakikita sila ng kaniyang mga mata mula sa malayo.
Mula roo'y tumitingin siya ng madadagit; ang kaniyang mga mata ay tumatanaw sa malayo.
30 Ang kaniyang anak ay umiinom din ng dugo; kung nasaan ang mga taong pinatay, naroon siya.”
Ang mga anak naman niya ay nagsisihitit ng dugo: at kung saan naroon ang pinatay ay naroon siya.

< Job 39 >